Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga talumpati. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga talumpati. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Hulyo 8, 2017

Wikang Pambansa

Wikang Pambansa
mula kay Manuel L. Quezon

Hindi ko nais na Kastila o Ingles ang maging wika ng Pamahalaan. Kailangan magkaroon ng sariling wika ang Pilipinas, isang wikang nakabatay sa isa sa mga katutubong wika.

Nagmula ang karamihan ng mga suliranin o pagkukulang na kasalukuyang nararanasan dito sa kawalan ng ating sariling wikang pambansa. Ang pagnanais gayahin ang lahat ng kilos banyaga kahit hindi alam kung ito’y mabuti o masama ay dahil sa isang kahinaan—ang kakulangan ng isang tunay na pambansang kamalayan. Hindi maaring magkaroon ng pambansang kamalayan kung saan walang wikang ginagamit ng lahat.

Naunawaan ko lamang kung gaano kahirap ang kakulangan ng wikang pambansa noong naging Pangulo ako. Ako ang Pangulo ng Pilipinas; ako ang kumakatawan sa bayang Pilipinas at sa mga Pilipino. Ngunit kapag ako’y naglalakbay sa mga lalawigan at kinakausap ang aking mga kapwa mamamayan, kailangan ko ng tagapagsalin. Nakakahiya, hindi ba?

Sang-ayon ako sa patuloy na pagtuturo sa Ingles sa mga paaralan at itataguyod ko rin ang pagpapatuloy ng Kastila. Subalit dumating na ang panahon upang magkaroon tayo ng isang wikang pambansa. Ang suliranin ay gusto ng mga Ilokano na Ilokano ang wikang pambansa; ang mga Tagalog, Tagalog; ang mga Bisaya, Bisaya.

Ako ay Tagalog. Kung sasabihin ng mga dalubhasa sa iba’t-ibang wikang Pilipino na Mangyan ang katutubong wikang pinakamainam gamitin, Mangyan ang tatangkilikin ko higit sa ibang wika. Tagalog ang ginagamit namin sa pamilya. Pero handa akong mag-aral ng Ilokano, Bisaya o anupamang ibang katutubong wika para lamang magkaroon tayo ng wikang ginagamit ng lahat.

Huwebes, Hunyo 30, 2016

Talumpati Para Sa Kahirapan

Talumpati Para Sa Kahirapan
Jhiann Lopez


Sa aking magandang mahal na guro, magandang umaga. At sa aking  mga masasayahin at kooperatibong mga kaklase, naway sa maikling sandali ay hayaan ninyong hiramin ko ang inyong mga taynga.

Ako ay sadyang may isang katanungan sa aking isip, sa tingin niyo, ano ang pinakamalalang problema ng ating lipunan sa ngayon? Pagnanakaw? Korupsyon? Pagbebenta ng droga? O kahirapan? Sa aking matagal at masinsinang pagninilay-nilay, aking napagtanto na lahat ng mga problemang aking nabanggit kanina ay resulta ng kahirapan? Tama. Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan.

Dahil sa kahirapan, maraming tao ang nakakagawa ng kasalanan, dala ng kanilang kakulangan sa pera, ay napipilitan silang gawin ang mga bagay na hindi kanais-nais. Dahil doon, patuloy na dumarami ang bilang ng krimen sa ating bansa. Tayong mga Pilipino ay nahaharap ngayon sa isang matinding krisis. Namumuhay tayo ng salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay mas lumalala pa ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan.

Isa sa pangunahing dahilan nito ay ang mga korap na opisyal ng gobyerno. Ninanakaw nila ang ang kaban o pondo ng ating bansa na para sana sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino, ngunit napupunta sa sariling bulsa ng mga opisyales, kung kaya naman mas ramdam natin ang krisis. Isa pang dahilan ang kawalan ng mapapasukang trabaho ng mga tao kasabay ng sunod sunod na pagtaas ng bilihin. Paano tayo makararanas ng isang matiwasay na pamumuhay kung ang mga pangunahing pangangailangan pa nga lang ay hindi na natin kayang tustusan?

Isa pang dahilang ng kahirapan ay ang katamaran at maling pag uugali nating mga Pilipino. Ang katamaran ang nagunguna sa mga dahilan ng paghihirap ng mga tao. Wala silang tiyaga na maghanap ng mga posibleng paraan kung paano nila iaangat ang buhay nila sa kahirapan na kanilang tinatamasa. Ang mga oportunidad ay nababalewala dahil ang mga tao ay nakukuntento na sa salat nilang pamumuhay.

Ang mga nasabing halimbawa ay ilan lamang sa mga kaisipan na maaari kong ibahagi sa inyo. Ilan lang ang mga ito sa mga pangunahing dahilan ng paglaganap ng kahirapan sa ating bansa. 

Mamarapatin pa ba natin ang mamuhay ng salat? Bakit nga ba hindi tayo makaahon sa kahirapan? Kailan pa tayo kikilos upang magbago ang takbo ng ating buhay?

Ako bilang isang kabataan, ay may layunin akong gawin ang aking makakaya para hindi maging isang mahirap at hindi maituring na isang  basura lamang sa aking  lipunan. Sa simpleng pamamaraan, ako’y magsisikap makapagtapos ng pag-aaral  nang sa gayon ay magkaroon ng magandang kinabukasan. Hindi lamang ako kundi pati ikaw, tayong lahat ay kinakailangan ng pagkakaisa tungo sa kaunlaran. Lahat tayo ay may magagawa para sa kinabukasan ng ating bayan, isang bansa na magagamit,maipagmamalaki at higit sa lahat ay maipapamana sa susunod pang henerasyon.

Ano pa nga bang hinihintay natin? Ang patuloy pang lumala ang kahirapan na ating natatamasa? Bakit hindi tayo kumilos? Magsikap tayo habang maaga pa upang umunlad ang ating buhay!



Mga Sanggunian:

Jhiann Lopez.  December 13, 2013. Talumpati Para sa Kahirapan. Retrieved from
http://aubreyjhiann.blogspot.com/2013/12/talumpati-para-sa-kahirapan.html

Talumpati Para Sa Edukasyon

Talumpati Para Sa Edukasyon
Farah Grace Jimena


Edukasyon ay di mananakaw ninuman,  kultura ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t kaugalian, palakasan ang daan sa pakikipagkaibigan, sandatang kailangang maangkin ng mga kabataan.

Mahal kong mga tagapakinig naririto na naman po tayo sa isang pagtitipon kung saan an gating pag- uusapan ang mga aspekto na makapagpapalakas sa mga kabataang tulad ko. Mga kabataang magiging susi upang umunlad ang ating Lupang Sinilangan. Mga kabataang makapagbibigay liwanag sa mga mamamayan mula sa madilim na nakaraan. Na magiging daan sa pagbabagong ating inaasam.

Hindi na lingid sa ating kaalaman na laganap na ang pag- unlad ng agham sa ating lipunan. Kaliwa’t kanan na ang mga makabagong bagay. Katulad ng cellphone at computer. Mga makabagong bagay na makagpapadali n gating pamumuhay…lalung lalo na ng mga kabataan.

Kahit saang dako ka man ngayon tumingin,marami ng mga internet café ang nagkalat. Iba’t ibang model na rin ng cellphone ang lumalabas. At hindi maikakaila na halos lahat tayong mga nag- aaral sa pribadong paaralan ay umaangkin ng mga bagay na ito. Ngunit, ito  ba ay ginagamit natin sa tamang paraan?

Mga kaibigan, ang computer ay malaking tulong sa ating mga mag- aaral. Katulad sa mga pananaliksik…hindi mo na kailangang maghalukay pa ng sandamukal na mga aklat para kumuha ng mga kakarampot na datos sa bawat aklat. Punta ka lang ng yahoo..encode mo lang ang topikong hinahanap mo…mag-antay ka lang ng ilang segundo..binggo na .. makikita mo na ang hinahanap mo.  

Nariyan din ang cellphone na makapagpapadali ng ugnayan natin. Magagamit sa mga panahon ng kagipitan. Hindi mo na kailangan pang mag- antay ng ilang buwan maipadala at tumanggap ng sulat. Sapagkat sa isang text lang, minuto lang aantayin mo..tanggap kaagad.

Ngunit sadyang namamali ang ilang mga kabataan sa paggamit ng mga teknolohiyang makabago. Sa halip na sa pagpapaunlad ng karunungan ito gagamitin, ginagamit nila ito sa walang kuwentang bagay. Sa halip na magresearch para sa assignment…DOTA, counterstrike, YM at facebook ang inaatupag. Mayroon din diyan na pakikipagtextmate ang pinagkakaabalahan. Nagpupuyat tuwing gabi. Nanlalalim ang mga mata sa kinaumagahan…ang siste nakikipagtextmate sa kung kanino na lamang. Pagdating sa klase..bagsak si nene, inaantok, walang assignment. Pagkatapos magpapadala sa mga magagandang quotes, mag- a-eyeball, magkakarelasyon, mabubuntis, mawawala sa huwisyo ang kinabukasan, malulugmok sa  putikan. Ito ang paraan ng paggamit ng mga kabataan sa mga makabagong teknolohiya.tsk tsk tsk…hindi ba’t edukasyon ang natatanging kayamanan na hindi mananakaw ninuman? Ito ang natatanging sandata na maipagsasanggalang sa lahat ng pagsubok ng buhay. Kapag edukado ang isang tao nagagawa nitong maitama ang mga maling paniniwala na bunga ng kahunghangan. Naisasalba ang isang tao sa lupit ng kahirapan.

Bumaling naman tayo sa ating banal na kultura. Ito ay ang kinapapalooban ng mga paniniwala’t kaugalian. Ito ang makinang na kasaysayan ng ating mga ninuno. Alam ba ninyo na sa buong mundo, Pilipino ang tinitingala ng mga dayuhan pagdating sa kulturang kinamulatan? Kung kaya’t maraming mga dayuhang ang piniling mag- asawa ng isnag Pilipino nang dahil sa ating kultura. Sapagkat tayong mga Pilipino ay kilala bilang matulungin, mapagkumbaba, masunurin, at magalang na lipi. At ito dapat ang magiging katangian ng ating mga  kabataan. Sa kadahilanang kung taglay ng mga kabataan ang mga ganitong uri ng mga katangian ay mapapadali ang ating pag- unlad. Magkakaroon ng matiwasay na pagsasama. Makakamtan ang paggalang sa bawat kapwa.

Ang Kultura natin ay maipapakita rin sa mga palakasan. Dahil ito ang isang makinang na daan sa pakikipagkaibigan. Ditto nalilinang ang mga kakayahan na sangkatauhan.  Nahahasa rin ditto ang tiyaga ng mga kabataan s apagkamit ng tagumpay. Kung ang bawat kabataan ay mapapabilang sa isang legal na palakasan, mapapalayo sila sa bisyo. Bagkus, mararagdagan pa ang mga kaalaman at kakayahan nito sa pagsunod sa agos ng buhay. Hindi lamang pisikal na kakayahan ang mahahasa kundi pati na rin ang emosyonal at intelektwal. Sa mga palakasan nagsisimula ang isang magandang pagsasamahan.

Kayat mahal kong mga tagapakinig…lalung lalo na sa mga kabataang tulad ko, huwag nating antaying mawala ang lahat ng mga pagkakataon para sa ikauunlad natin. Sama sama nating yakapin at tanggapin ang mga aspektong makapagbibigay sa atin ng lakas na makakatulong sa ating ikauunlad. Nasa ating kamay ang pag-unlad na inaantay ating bayan. Sapagkat tayo ang tinaguriang pag- asa ng bayan.



Mga Sanggunian:

Farah Grace Jimena. February  1, 2011. Edukasyon. Retrieved from
http://farahgracejimena.blogspot.com/2011/02/edukasyon-talumpati.html

Talumpati Para Sa Wika

Talumpati Para Sa Wika
Farah Grace Jimena


“Makahihigit ay wala, kahit anumang sandata,makapagtitibay sa bansa, paggamit ng sariling wika, ang ating tanging tanikala.”

Malaya na tayong mga Pilipino sa pang- aalipin ng ibang bansa. Masasabi na nating ganap na ang ating pagkabansang Pilipino. May sarili na tayong watawat, mayroon na ring pambansang awit at mayroon pang pambansang wika…ang Wikang Filipino.

Wikang Filipino? Ginagamit ba ito?

Hindi na lingid sa ating kaalaman na halos wikang Ingles na ang nagmamanipula nitong ating bansa. Hindi ba’t natatawag na malaya ang isang bansa kapag ginagamit ang sariling wika? Nawawalan ng kabuluhan ang wikang pambansa kapag hindi naman ginagamit sa lipunan, sa paaralan at maging sa pamahalaan. Sa kalagayan ngayon ng mga bagay- bagay sa ating bansa at sa sistema ng ating edukasyon, lumilitaw na tila wala pa tayong wikang sarili sapagkat nagpapamanipula tayo sa mga wikang banyaga.

Sinasabing wika ang sagisag ng pagkalahi… tatak ng isang bansang malaya. Ang mga bansang malaya ay yaong mga gumagamit sa sariliing wika. Sa wikang Filipino naipakikilala ang lahing pagka- Pilipino. Larawan ito ng pagiging matapang, matatag at makatarungan ng mga Pilipino. Ating ibalik sa panahon ng ating mga bayani, kanilang ipinaglaban ang ating bansa sa mga pananakop ng mga mapang- aping mga dayuhan. Ibinuwis nila ang kanilang mga buhay , para lamang makahulagpos tayo sa mga manlolokong dayuhan. At ang Filipino ay ginamit bilang simbolo na isa na tayong malayang bansa.

Sinasabing, kapag walang wika, walang kultura. At kapag walang kultura, walang wika.

Kultura ang kabuuan ng mga paniniwala at lahat ng kaugalian ng mga tao. Kung kaya’t kultura ang pinanggagalingan ng wika. Wika ang nagiging midyum para maipahayag ang kultura ng isang pangkat ng mga tao. Ito ang paraan para mapayabong o mapaunlad ang kultura.  

Sinasabing wika ang matibay na tanikala sa pagkakaisa ng isang bansa.

Kung sariling wika ang ginagamit sa ating bansa, mawawala ang “ communication gap” sa pagitan ng masa ng mga nagsasalita ng sariling wika at mga pinuno na nagsasalita sa wikang Ingles. Sa ganito tayong mga Pilipino’y lagi nang kikilos at gagawa na parang iisang tao sa paghanap ng kaunlaran, kadakilaan at pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng ating wika, nagkakaintindihan tayo. Dito tayo nagkakaisa at nagtutulungan. Kapag ngakakaunawaan, magkakaroon ng kaunlaran itong ating bansa.

Aanhin natin ang wikang dayuhan kung iilan lamang sa atin ang nakaiintindi? Hindi ba’t ang pagiging makabuluhan ng isang wika ay yaong naiintindihan, nagagamit at napapakinabangan ng lahat? Oo nga’t Ingles ang wikang ginagamit sa pandaigdigang kalakaran at ito’y hindi natin maiwawalang- bahala lang. Hindi rin naman masama ang panghihiram dahil nakatutulong ito na mapanatiling buhay ang isang wika. Nagiging midyum ito sa pakikipagkomunikasyon sa ibang bansa.

Ngunit paano kaya kung ang wikang Filipino ang ginagamit natin sa mga panayam, pakikipag- ugnayan at pakikihalubilo sa kapwa Pilipino? Hindi ba’t mas mainam dahil naiintindihan ito ng lahat ng tao sa Pilipinas? At kung gamitin kaya ito sa mga inilalathala sa pahayagan, hindi ba’t mas madali nating maaabot ang mga hinanaing, mga naisin o kaya’y mga pangyayari sa ating bansa?

Wikang Filipino ang sentro ng Pilipinas na pinanggagalingan ng lakas para mapatatag ang ating bansa. Ito ang bumibigkis sa mga Pilipino upang magkaisa para sa ikauunlad nitong bansa.

Wika; sagisag ng kabansaan, sagisag ng kalayaan, sagisag ng karangalan, susi sa pagkakaunawaan, tungo sa kaunlaran, nitong ating Lupang Tinubuan.



Mga Sanggunian:

Farah Grace Jimena. February 1, 2011. Wika. Retrieved from
http://farahgracejimena.blogspot.com/2011/02/wika-talumpati.html

Huwebes, Abril 4, 2013

Mga Talumpati na Pang Edukasyon

Mga Talumpati na Pang Edukasyon

Mayroon lamang akong itatanong sa inyo
Kung maari lamang ay pansinin niyo ito.
Kung kayo’y hihingan ng talumpati tungkol sa edukasyon
Paano niyo ba sasabihin ito.

Ano nga ba ang kahalagahan ng Edukasyon?
Ito nga ba ang siyang tanging yaman ng bawat tao?
Maging sa eskwelahan man na Pribado o pam-Publiko.
Ang Edukasyon na tanging yaman ba ay ang pagtatapos ng Kolehiyo?

Bakit sobrang mahal na ngayon magpa-aral?
Ang pagtatapos sa kolehiyo ba ay responsibilidad ng mga magulang?
Basta makakuha ng titulo ang pinakamamahal nilang mga anak
Ayos lang ba na ang ibang magulang ay malubog sa pagkakautang?

Paano kung di kaya ng magulang niyo na pag-aralin kayo?
Ipipilit niyo pa rin ba ito?
O hahayaan mo na lamang na di ka makapagtapos?
Dahil marami ding nakatapos na hindi makakuha ng trabaho.

Marami din naman ang nakakatapos na may trabaho.
Ang iba pa nga ay nakakapunta pa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Para makatulong magbayad sa mga utang ng magulang.
At makaipon ng pera sa kanilang magigigng anak.

Sa inyong mga talumpati na pang edukasyon
Sana’y masagutan niyo ang mga katanungan kong ito.
Walang tama o mali sa mga tugon ninyo
Ang bawat isa ay may kanya kanyang opinyon.

Sabado, Pebrero 9, 2013

Buhay Pa Ba Ang Nationalismo?

Buhay Pa Ba Ang Nationalismo?

Isa sa pinakamahalagang ugali nang tao sa isang bansang umuunlad ay ang nationalismo. Ngunit ano ba ang nationalismo? Ito ba’y ang pag sasakripisyo nang sariling buhay para sa bansang kinamulatan. Kung ganyan ang iniisp nang karamihan ay kokonti na lang ang magiging nationalista sa ating bayan. Ang tunay na kahulugan nang nationalismo ay hindi ang pag sasakripisyo kundi ang pag mamahal sa sariling bansa. Kung tatanungin ko kayo ngayon ikaw ba’y makabayan? Isang filipinong may nationalismo? Isa ka sa mga Pilipinong walang pake sa pinag mulan? Oras na para mamulat ang mga mata nang bawat isa. Kung walang mag mahal sa ating sariling lupa pano na ang mga pinaglaban nang ating mga ninuno? Muli ba itong mababali wala? Mga kamag-aral ko, mga kababayan ko, mga kapwa Pilipino, tayo na at mag kaisa. Isa sa paraan upang ipakita natin ang pag mamahal sa bayan ay ang pag bili natin at pag tangkilik nang mga lokal na produkto. Nakakatawang isipin pero ang dayuhan kumikita samantalang tayo ay lumulubog sa kahirapan. Sa bawat pag bili natin nang mga imported na produkto. Panahon na upang ihaon ang ating bansang Pilipinas sa kahirapan sa pamamagitan ng nationalismo. May kasabihan nga “ang kabataan ay ang pag-asa ng inang bayan”.Tayo raw ang maghahatid sa kanya sa langit ng kasaganaan at karangalan,o hihila sa kanya sa putik ng kahirapan at kahihiyan.Ang tunay na pag-ibig sa bayan, ang tunay na nasyonalismo, ay wala sa tamis ng pangarap, wala rin sa pag pag ng dila. Ang tunay na pag-ibig ay nasa pawis at gawa. Pagsikapan nating mapaunlad ang sariling bansa. Ang panahon ng pagkilos ay ngayon, hindi bukas, hindi sa isang taon. Kung sa murang edad pa lang ay malaman na natin ang kahalagaan nang pagiging taong may pag mamahal sa sariling bayan, marahil sa kinabukasan ay masasabi na nang lahat nang nakataas ang noo “ako ay Pilipino”.

Huwebes, Enero 17, 2013

Iniibig ko ang Inang Daigdig

Iniibig ko ang Inang Daigdig

 

INIIBIG KO...
Ang punong may dulot sa atin ng sariwang bunga at lilim,
Ang nangaggandahang bulaklak na ang bango'y tangay ng hangin
Ang mga ibon at kulisap na may tuwang nag-aawitan,
At lahat ng hayop sa mundo, maging alaga't kawala man...
Ang mga ilog at batisan na gumiginday sa pag-agos,
Ang mga lawa't karagatang maraming isdang kinukupkop
Sa makukulay na korales at malaharding kalaliman,
Ang sariwang simoy ng hanging may bangong samyo ng palay
Na buhat sa mga bukiring nangagyuko ang gintong uhay,
Ang maningning na umaga't maluwalhating dapithapon,
Ang mabituing langit-gabing alaga ng sultang buwan
Kung minsa'y nagbibigay - daan sa mabiyayang tag-ulan.
Ang pagbangon pagkaumaga ng magilas na sultang araw upang sa ati'y ipakita
Ang mga ulap na busilak sa panganoring aliwalas na ang bihis ay murang bughaw,
Ang sandali ng mapayapang sa dapit - gabing pakikinig sa bawat bagting ng gitara
Na sumasaliw sa pag-awit ng puso nati't kaluluwa ng bagong diwa at pag-asa.

KAYA'T...
Ang lahat ng iniibig kong bahagi't sangkap ng daigdig
Ay aking pangangalagaa't ipagtatanggol hanggang langit
Dahil iisa ang planeta na ating mapananahanan...
At ang panggagahasa rito ng ila'y aking sasagkaan
Bilang tagasagip-daigdig, ako'y handang makipaglaban.

Ang Bungo

Ang Bungo



Ikaw! Sino ka ba? Malamig na bungo, matigas na mukha. Dati kang maganda, ano’t ang mata mo’y nagkauka-uka? Dati kang marunong, ano’t ang noo mo’y nagkasira-sira? Kinakausap ka’y ayaw mong sumagot, ayaw magsalita, at ang katawan mo’y nasugpong na butong sinlamig ng tingga. Ikaw ba ang wakas ng lahat ng taong sa mundo’y nilikha?

Iyan ba ang matang nang lumiligaw ka, balana’y tiningnan? Iyan ba ang labing katugon ng ilong, balana’y hinagkan? Iyan ba abg tengang kung makikimatyag, lahat, pinakikinggan? Ano ka na ngayon? Nahan ang puso mo, diwa’t pakiramdam? Kahit na laitin, kahit na purihin, ayaw nang gumalaw. Parang sinasabing ang lahat sa mundo ay may katapusan!

Kay sarap ng buhay kung may kabuhayan at taglay ang lahat! Ibo’y lumilipad hanggang kalangitan kung buo ang pakpak! Tao’y sumasagwan hanggang karagatan kung buo ang lakas! Mundo’y umiinog at kumakalansing sa tugtog ng galak, ngunit ang tadhanam kapag ang sinulid ng buhay binaltak, lahat, tao’t ibon kakita-kita mo’y butong nakatambak.

Ikaw nga, ikaw nga ang nang isang araw, itong buong mundo, ay kinakaladkad mo’t iyong inilipad hanggang maging iyo! Ngunit nang matapos, papuri’t tagumpaym, ang natira’y abo. Katawang mabulas, makinis na balat, ang natira’y buto. Hinagkang bulaklak, sa hinalik-halik, nawalan ng bango. Bulwagang sayawan, sa sinayaw-sayaw, naging libingin mo!

Ngayon bangkay ka na, nahan ba ang iyong mga minamahal? Mga kaibigan na kasalu-salo, ano’t di-minasdan, at sa pagkasawi’y sila pa ang unang parang nagtagumpay! Matamis na ngiti, masayang papuri’t mahigpit na kamay, ay naging halakhak at naging paglibak, sa sawi mong bangkay! Kaydali nga namang magbago ng takbo ng sangkatauhan!

Kaya ba’t kung ikaw ay may nakagalit, huwag palubusin, ang gunitain mong lahat naman tayo ay namamatay din! Taong nakairap at uod sa lupa na ayaw pansinin, buti pa ang uod sa himpilang hukay, una pang darating! Ang taas ng hari’t lungkot ng pulubing hahali-haliling, kakita-kita mo, magkapitbahay lang, kapag nakalibing!

Sabado, Enero 12, 2013

Ang Mukha ng Tao

Ang Mukha ng Tao
Ni: Aniceto F. Silvestre

Ang mukha ng tao ay dalawa lamang;
Maganda o pangit, mabait o sukab at huwad o tunay;
Sa tuwa at dusa o galit kaya ay nalarawan
Ang mukhang salamin ng talagang buhay.

Daming mukhang mahal ay may maskara.
Ang tunay na mukha ay itinatogo't mukhang ganid pala:
Buti pang di - hamak, ang mukhang magaspang at pangit sa iba
Kung sa kanyang dibdib ay may pusong maganda.

Sa ibang pag-uri, ang mukhang tanso man,
Nagmumukhang ginto sa pagpapakinis ng mat'yagang kamay;
Sa masusing tingin at pag nakatabi'y sadyang ginto lantay
Ang tanso'y makintab, ang ginto'y makinang.

Ang mukha'y pambungad sa harap ng madla
Larawan ng tao na pinagaganda't nang di - mukhang gawa.
Ang magandang buhay may magandang mukha.

Di sawang tingin mukhang maalindog,
Sa pag-aalaga, mukhang di man dilag ay kalugud - lugod;
Ang mukha ng tao'y siyang naiiwan sa gunitang taos
Palibhasa'y mukhang nawangis sa Diyos.

Huwebes, Setyembre 27, 2012

Sanhi Ng Kahirapan Sa Ating Bansa

Sanhi Ng Kahirapan Sa Ating Bansa
Jaya Faye Georgia J. Pineda


Ayon sa aking nakikita, ang bansa natin ay naghihirap na. Maraming kabataan ang hindi nakakapag-aral at sa halip mag-asawa na lang sila ng maaga, dahil yon lang ang sa tingin kong tangi nilang kayang gawin. Kapag naranasan na nilang mag-asawa ay doon lang mararanasan ang hirap ng buhay at mauuwi sa hiwalayan sanhi na din ng pag-aaway. Dahil sa pera at magiging kawawa-awa ang kanilang magiging anak. Ano na lang ang magiging kinabukasan ng kanilang anak? magiging katulad na lang din ba nila ang batang iyon?



http://bsoa1b.blogspot.com/

Kabataan Pag-asa Pa Ba Ng Bayan?

Kabataan Pag-asa Pa Ba Ng Bayan?
Jane Abigail L. Javier

Isa sa nabangit ni Gat. Jose Rizal tungkol sa kabataan ay ito ang pag-asa ng Inang Bayan.

Ngunit asan na nga ba ang mga pag-asa ng Bayan? Ito ba yung mga makikita sa mga computer shop na doon nag aaksaya ng pera at panahon sa paglalaro at panonood ng mga may iskandalong palabas. Mga makikita sa madilim na eskinita at humihithit ng marijuana, mga kabataang lulong sa droga. O mga kabataang na sa murang edad pa lamang ay nagkaroon na ng sariling pamilya. Kung ito lagi ang pagbabasehan ay masasabi mo na rin na wala ng pag-asa ang ating bayan.

Ang tunay na kahulugan ng pag-asa ay hindi nakikita sa mga kokonti lamang bagkus ito ay nagsisimula sa sariling sikap upang matulungan natin ang ating sarili para sa ika-uunlad ng bayan.

Kung ikaw ay kabataan, masasabi mo bang may nagawa ka na para sa sariling bayan? Isang kabataang may paninindigan at prinsipyo? o isa ka sa mga kabataang walang paki sa kahihinatnan ng inang bayan.

Mga kapwa kabataan.

Tayo na at mag tulungan. Tayo ang inaasahan ng ating mga magulang na mag aahon sa kanila sa putik ng kahirapan. Ang panahon ng pag kilos ay ngayon. Kung noon pa lamang ay naisip na natin ang kahalagahan natin sa ating bayan at ang papel natin dito. Marahil kinabukasan masasabi mo na "Ako ang Kabataan, Ang pag-asa ng inang Bayan".



http://bsoa1b.blogspot.com/

Nasaan Na Ang Kabataan?

Nasaan Na Ang Kabataan?
Jenny M. Pablo

Una sa lahat, ako’y bumabati ng magandang araw, lalo na sa mga kabataan sapagkat ang tema ng aking talumpati ay tungkol sa kabataan. Kabataan na sinasabing "Pag-asa ng Bayan". Kabataan na nagsusulong sa ating bayan tungo sa kaunlaran, katahimikan, o kapayapaan. Ngunit nasaan na ang kabataan?

Ang ating kabataan ngayon ay ibang-iba na kung ikukumpara noon. Lubhang mapupusok na sila sa mga gawaing ilegal at mabibilang na lang sa mga kabataan ang gumagawa ng mabuti. Dahilan sa ngayon ang kabataan ay lulong na sa maraming bisyo gaya ng alak, sigarilyo, sugal at paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang masaklap pa nito, hindi lang kalalakihan maging kababaihan ay lulong na rin sa ganitong bisyo. Kaya iilan na lamang ngayon ang matitino. Iilan na lang ang sumusunod sa mga patakaran, kaya pano pa natin masasabi na ang kabataan ay pag-asa ng bayan? Kung sarili nila ay hindi nila kayang pahalagahan at nasisira ang kanilang pagkatao nang dahil sa bisyo. Pano natin makakamtan ang katahimikan o kapayapaan kung ang ating kabataan ay walang pagkakaisa? dahil ang hanap nila ngayon ay puro gulo, away at basag ulo. Kaya nasan na ang kabataan?

Kabataan, "Tayo ang Pag-asa ng ating Bayan." Tayo ang dapat magmulat sa mga mga susunod sa ating mga yapak. Ipakita natin na karapat dapat tayong mamuno sa pagsulong ng ating bayan. Maging masikap tayo, tumulong sa mga may katungkulan upang palaganapin ang batas. Sa pamamagitan ng pangunguna sa pagsunod sa mga patakaran. Itigil ang ipinagbabawal na gamot, bisyo at makiisa bilang mamayanan. Magkaroon tayo at disiplina at respeto sa sarili natin at sa ating kapwa. Magkaisa tayo na ang kapayapaan ay ating makamtan. Tayo ng mamuno at ipakita na ang "kabataan ay ang Pag asa ng Bayan"



http://bsoa1b.blogspot.com/

Kahalagahan Ng Mga Magulang

Kahalagahan Ng Mga Magulang
Mary joyce Z. Laqueo

Naisip nyo ba na kung gaano kahalaga ng ating mga magulang sa ating buhay? Naisip nyo rin ba kung paano mabuhay ng walang kinagisnan at kinalakihang magulang o maulila nang maaga sa kanila? Maaaring sa buhay nating mga kabataan ngayon, mas nakararami na ang kabataang hindi na gumagalang sa kanilang magulang o kaya'y wala ng pakialam. Hindi na nila naiisip na kung hindi dahil sa kanila, wala ako, ikaw at tayong lahat dito sa mundong ito.

Malaki ang paghihirap ng ating mga magulang para sa atin. Ang ating "ina" na naghirap sa pagdadalang tao nila sa atin, hanggang sa mailuwal nya tayo at lumaki. Ang ating "ama", siya naman ang hirap na hirap sa pagtatrabaho para magkaroon ng pera pambili ng gatas at mga gamot natin. Pero ngayon hindi natin naiisip ang hirap na pinagdaanan nila para sa atin, kung paano tayo palalakihin ng may magandang kinabukasan.

Kung minsan napapaisip ako. Paano kaya kung mawalan ako ng magulang? Iniisip ko pa lang, parang hindi ko kaya, ang hirap. Wala na mag-aalaga sa akin, wala ng mag-aasikaso sa akin tuwing umaga bago pumasok sa paaralan at kapag may sakit tayo na nag-aalala sa atin ng sobra. Wala ng susuporta sa mga bagay na gusto mong gawin. Wala na ring magsasabi ng “ingat ka anak ha” at wala na ring magagalit tuwing makakagawa ng maling bagay at mgpapayo sa tuwing may problema. Di ba ang hirap isipin kong wala nang gagawa sa atin ng ganitong mga bagay. Lalo na’t kung nasanay tayo na ginagawa ito sa atin n gating mga magulang.

Kaya ngayon, habang kapiling pa natin ang ating mga magulang, ipadama natin sa kanila ang ating pagmamahal. Iparamdam rn natin kung gaano sila kahalaga sa ating buhay, at magpasalamat tayo sa lahat ng ginawang pagsisikap nila para mapaganda ang ating buhay. Humingi rin tayo ng tawad sa mga kasalanan na ating nagawa. Suklian natin ng sobrang pagmamahal at paglingkuran natin sila habang kapiling pa natin sila. Sabihin natin sa kanila na “mahal na mahal ko po kayo nay at tay” at nagpapasalamat ako na kayo ang aking naging magulang.

Mabilis ang panahon, kaya tayong may mga magulang pa, hangga’t maaga pa at kapiling pa natin ang ating mga magulang, gawin na natin ang lahat ng bagay na ikasasaya nila, bago pa mahuli ang lahat, at pasisihan natin ang mga bagay na mali nating nagawa, at hindi natin naipadama sa kanila kung gaano natin sila kamahal at kung gaano sila kahalaga sa ating buhay.



http://bsoa.blogspot.com/

Noon At Ngayon Kabataan

Noon At Ngayon Kabataan
Donna Jane Lorico

Sa modernong panahon, ang mga kabataan ay maaaninag kung saan-saan, mayroong nasa mga bars at nagliliwaliw kung saan-saang lugar, papaano na tayong matatawag na pag-asa ng bayan kung ganoon ang ating gawi at kilos.

Bumalik tayo sa nakaraan, hindi ba’t tuwing sasapit ang ika-anim ng gabi ay nasa bahay na ang lahat, hindi rin ba’t tuwing nais ng isang lalaki ang isang babe ay hindi nila karakaraka nakukuha ang matamis na oo ng dalaga, kailangan pa nilang sumuot sa butas ng karayom, dumaraan din sila sa tinatawag na pamamanhikan sa magulang ng babae.

Ngunit ngayon saan mo makikita ang dalawang taong nagmamahalan, kung hindi sa ibang bahay, nandoon sila sa madilim na lugar, mayroon din namang sa text nagkakatuluyan. Yan ang larawan ng mga kabataan ngayon.

Subalit ano pa man sila noon at ano man tayo ngayon, ang mahalaga ay hindi natin nalilimutan ang sinabi ni Dr. Jose P. Rizal na ang “Kabataan ay ang pag-asa ng bayan”



http://bsoa1b.blogspot.com/

Edukasyon At Pulitika

Edukasyon At Pulitika
Geraldine O. Napiza

Bilang isang mamamayan ng Pilipinas. Napapansin ko ang patuloy na pagdami ng mga batang hindi na nakapag-aaral, at halos nawalan na ng pag-asa sa buhay. Isa ako sa bawat kabataang handang bigyan ng pansin ang suliranin ito ng ating bansa. Ayon sa aking nakikita marami ang mga batang nais makapag-aral ngunit walang sapat na pera upang matustusan ito, kung kaya’t marami ang mga batang nagkalat sa lansangan upang maglako ng kanilang paninda. Ngunit sa kabilang dako naman marami rin ang mga kabataang napapariwara at napapabayaan na ng kanilang mga magulang.

Sino nga ba ang dapat sisihin sa pangyayaring ito?

Ngayong ako ay nag-aaral na sa kolehiyo marami ang nagsasabing ako ay mapalad at nakakapag-aral. Ito ay magagamit ko sa aking kinabukasan, at makahanap ng isang magandang trabaho. Ngunit paano ang kabataang hindi nakapag-aaral?. Ano na lang ang kanilang magiging kinabukasan? Sa bawat araw na nagdaraan, aking naiisip ang mga batang hindi nakapag-aaral at ang mga nag-aaral ngunit kulang naman sa kagamitan. Dahil sa pagkurakot sa pera na dapat sana ay napupunta sa libreng edukasyon, at hindi sa mga taong may kaukulang posisyon na nagsasayang ng pera sa pansariling kagustohan . Nasaan ang pinangako nila noong sila ay nangangampanya para sa kanilang posisyon? Nasaan ang mga nasasabing proyekto para sa edukasyon? Nasaan na ang pagtulong?

Ang sakit isipin na hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin. Hindi nabigyan ng solusyon ng gobyerno ang mga problemang kinakaharap ng ating bansa. Wala ng pagkaka-isa.



http://bsoa1b.blogspot.com/

Kaibigan

Kaibigan
Maribel O.Pancho

Mahalaga pa ba ang magkaroon ng kaibigan?

Isang mahalagang bagay sakin ang magkaroon ng isang kaibigan. Pinahahalagahan ko ang bawat oras na magkakasama kaming lahat sa mabuti man o masama.

Napapasaya ko ang bawat isa na kahit alam kong mayroon silang tinatagong lungkot sa kanilang mga damdamin. Hindi ka nila pababayaan kahit na maraming pagsubok ang iyong hinaharap,nandyan sila upang ako'y damayan. Sa kabila man ng mga pagsubok nito, nakikita ko na hindi nila ako iniwan. Sadyang kay hirap humanap ng masasandalan ng problema, yung matatawag mong "TUNAY NA KAIBIGAN".

Marami ngayon sa kabataan ang problemado sa pag-aaral,pamilya at pera. Nangangailangan sila ng mabuting kaibigan na kaya kang dalhin sa magandang gawa, para damayan sa lahat ng oras at suportahan sa lahat ng bagay. Sana nandyan pa rin sila sa kasiyahan, kalungkutan, iyakan at kahirapan man patuloy na nagmamahal sa mga pinagsamahan.

Salamat aking KAIBIGAN!



http://bsoa1b.blogspot.com/

Tiwala

Tiwala
Rejeline Rose V. Peraja

Sa isang pagmamahalan, mahalaga ang pagkakaroon ng tiwala. Sa aking paniniwala, hindi sapat ang pag ibig lamang upang tumagal ang isang samahan. Kinakailangan din ang matindaing tiwala sa isa't isa. Kung wala nito, magiging mabuway lamang ang isang relasyon. Batay sa aking karanasan sa aking mga kaibigan, ito ang malimit maging dahilan ng paghihiwalay nila ng kanilang kasintahan. Sinasabi nila na marami silang naririnig na mga kwentong barbero na ang kanilang kasintahan ay mayroon pang ibang karelasyon maliban sa kanila. Dahilan dito, agad silang naghihiwalay dahil sa sila ay nasaktan. Hindi ba't mas maganda kung may tiwala sa isa't isa? Kung meron nito, walang dahilan upang makinig tayo sa mga balita na kadalasan ay wala namang katuturan. Dagdag pa dito ay masisira ang relasyon ng dalawang nagmamahalan. Bilang kabataan, naranasan ko na rin ang magkaroon ng relasyon. Masaya oo, ngunit kadalasan ay hindi rin nagtatagal. Marahil ay dala narin siguro ng murang kaisipan. Ngunit ngayon, masasabi ko na masaya ako sa daloy ng relasyon namin ng aking kasintahan dahil naroon ang lubos na pagmamahalan at sapat na tiwala sa isa't isa. Naging basehan ko na tiwala ang susi sa matagumpay na samahan dahil na rin sa uri ng kanyang trabaho dahil madalas kaming magkalayo. Masasabi kong mahirap dahil makararamdam ka ng matinding pangungulila ngunit sa kaisipang siya ay magbabalik din, nagkakaroon ako ng galak sa aking puso. Dahil dito ay naging maayos at masaya ang aming relasyon. Ang kailangan lamang ay pag ingatan ang tiwala upang hindi ito masira.



http://bsoa1b.blogspot.com/

Jose Rizal: Dakilang Calambeño, Idolo Ng Sambayanang Pilipino

Jose Rizal: Dakilang Calambeño, Idolo Ng Sambayanang Pilipino
Remarie Abaquin

Isang dakilang bayaning nagmula sa bayan ng Calamba, Laguna si Gat Jose Rizal. Siya ang nagmulat sa sambayanang Pilipino upang tuligsain ang pang-aaping ginawa ng mga Español sa mga Pilipino. Nagbigay ng maraming aral at kaisipan sa mga kabataan upang mahalin at igalang ang ating bayan, ang ating wika, at ang bukas. Mabuhay Rizal!

Binigyan ng Diyos ng maraming talento upang maibahagi ang kanyang talino at kakayahan. Siya ay isang doctor, makata, manunulat, edukador, manlalakbay, at propeta. Higit sa lahat, siya ay isang bayani at politikong martir na naglaan ng kanyang buhay para sa katubusan ng mga inaaping kababayan. Hindi kataka-takang siya ay itinanghal na Pambansang Bayani.

Sa murang kaisipan ay namulat na ang bayaning ito sa pang-aaping ginawa ng mga Espanyol.

Ilan sa mahahalagang likha ng ating pambansang bayani ay ang bantog na Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo. Dito nya inilahad ang kanyang damdamin at saloobin sa lahat ng ginawang kasamaan sa atin ng mga Espanyol.

Kaya't nagsimulang maghimagsik ang mga Pilipino laban sa mga Espanyol. At noong 1898 nakamit natin ang kalayaan.. Kalayaan!!

Naalala mo pa ba ang kanyang winika? "ang kabataan ang pag-asa ng bayan.." ? kaya ikaw kabataan kumilos ka! dahil sa atin nakasalalay ang muling pagbangon ni inang bayan… ating sariwain at isabuhay ang mga aral na napulot natin sa dakilang Calambeñong iniidolo ng lahat na siyang may gawa kung bakit tayo'y nakalaya sa mga mapang-aping kastila at kung bakit tayo nakalaya sa putik ng kahirapan.

Saludo ako sayo Rizal... saludo kami,... saludo ang sambayanang Pilipino.



http://bsoa1b.blogspot.com/

Ang Umibig

Ang Umibig
Denisse Eliza Bortanog

Ang umibig ay parte ng ating buhay. Ang umibig ay walang pinipiling edad o pagkakataon, mapabata o matanda, ang pag ibig ay laging nandiyan. Minsan ay sadyang mahirap pero masarap at kung minsan ay mapusok kung hindi pipigilan "tiyan mo'y tatambok" dahil sa masamang naisipan kaya mapusok na balak ay huwag ng subukan dahil kapag ito'y pinatulan "yari ka" joke! Kinabukasa'y masisira ng malaswang naiisipan. Kaya dapat isipin sakripisyo ng magulang ating suklian sa magandang pamamaraan.



http://bsoa1b.blogspot.com/

Ang Bansa Natin Ngayon

Ang Bansa Natin Ngayon
Jona Calcetas

Magandang umaga po sa inyong lahat narito po ako upang italumpati sa inyo ang "Bansa natin ngayon"

Ano nga ba ang bansa natin ngayon sa kasalukuyan?

Kung ako ang tatanungin ang napapansin ko sa bansa ngayon ay paglaki ng ating populasyon. Bakit nga ba?Para sa aking opinyon kaya lumalaki ang ating populasyon ay sa dahil sa mga taong walang disiplina sa sarili. At kung mapapansin natin ngayon ang mga kabataan ay marami ng naliligaw ng landas dahil sa bawal na gamot at mga pagsali sa iba't-ibang mga organisasyon na higit na nakakasira sa mga imahe ng kabataan. Paano nga ba uunlad ang ating bansa? Bilang isang kabataan ay makikipagtulungan ako sa ating sanguniang kabataan, upang sa ganon ay matigil na ang mga ito. Kung mapapansin naman natin ang mga kabataan na nag-aasawa ng wala pa sa tamang edad na. Bakit nga ba? Ito ay dahil sa mga kumakalat na mga malalaswang babasahin, at panunuod ng mga mga iskandal sa celpon at dahil sa lahat ng ito, ay ginagaya nila ito.



http://bsoa1b.blogspot.com/