Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga talambuhay. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga talambuhay. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Mayo 30, 2018

Melchora Aquino

Melchora Aquino

“Bata ka man o matanda, makatutulong ka rin sa iyong bansa.”

Iyan ang paniniwala ni Melchora Aquino-Ramos o Tandang Sora na sa gulang na 84 ay buong pusong tumulong at naging inspirasyon ng mga katipunero sa pakikidigma sa mga Kastila.

Si Tandang Sora ay ipinanganak sa Banlat, Caloocan sa National Capital Region. Si Juan Aquino ang ama niya at si Valentina de Aquino naman ang kaniyang ina.

Ang angking kagandahan ni Melchora ay hinahangaan ng kabinataan noong kanyang kabataan. Lagi at laging napipiling mag-Reyna Elena si Sora sa mga Santacrusan.

Relihiyoso rin at mahusay makisalamuha si Sora sa mahihirap man o mayayaman. Sa mga pabasa kung mahal na araw, nangunguna siya sa mga kaibigan sa pag-awit ng pasyon sa mga bahay-bahay.

Nang nasa wastong gulang na upang mag-asawa, napakasal siya sa masigasig niyang manliligaw na si Fulgencio Ramos. Ang pagiging ina ni Sora ay naging mabunga. Anim ang naging anak nila. Kabilang dito sina Juan, Simon, Estefania, Saturnino, Romualdo at Juana. Sapagkat naging tunay na inspirasyon sa tahanan, naganyak ni Sorang pasukin ng asawa ang serbisyo publiko. Dahil dito, tinanghal na “cabesa de barangay” si Ginoong Ramos.

Bagama’t masaya ang itinindig na pamilya, nabahiran ito ng lungkot nang pumanaw si Fulgencio. Ang hirap na maging ama at ina ay binalikat ni Sora. Sapagkat may pansariling tapang na harapin ang anumang problema, ang maliit na kabuhayang naiwan ng asawa ay pinagsikapan niyang palakihin sa tulung-tulong na pagsisikap ng kaniyang mga anak.

May katandaan na si Melchora Aquino-Ramos nang itindig ang Katipunan upang lumaban sa mga Kastila na matagal nang umaalipin sa mga Pilipino. Walumpu’t apat na taong gulang na siya noon at kilala ng lahat sa tawag na Tandang Sora.

Sa nakikitang kawalan ng katarungan sa lipunan kung saan maraming Pilipino ang napaparusahan gayong wala namang kasalanan, nagtanim ng galit si Tandang Sora sa mga Kastila. Upang maipaghiganti ang mga kababayan, lihim siyang nakipagtulungan sa Katipunan.

Kapag napapagawi sa Banlat ang mga hinahabol na katipunero, itinatago sila ni Tandang Sora sa malaking tindahan ng kaniyang anak na si Juan.

Kapag nauubusan na ng pagkain ang mga katipunero ay saku-sakong bigas ang ipinadadala ni Tandang Sora kay Andres Bonifacio. Upang di gaanong mahalata ang pagtulong, ipinadala ni Tandang Sora ang mga kalabaw niyang pansaka upang may maipang-araro ang mga kaanak ng mga sundalong Pilipino.

Ang pagtulong ni Tandang Sora sa mga katipunero ay walang hinihintay na kabayaran. Para kay Tandang Sora, dapat na tumulong ang bata at matanda, mayaman at mahirap man sa ikalalaya ng lipunan.

May mga Pilipinong doble kara, isang tapat at isang impostor. Sa inggit sa tintamasang kaginhawan sa buhay, may nagbulong sa mga Kastila ng lihim na pagtulong ni Tandang Sora.

Upang makatakas, pinayuhan ni Bonifacio na dalhin kaagad ni Tandang Sora sa Novaliches ang lahat ng kaanak niya. Sumunod si Tandang Sora pero higit na mabibilis ang mga Kastila na nahuli sila sa daan.

Sunud-sunod na imbestigasyon ang naganap. Dinala siya ng mga Kastila sa Pasong Putik, hinatak sa kumbento ng Novaliches at kinaladkad sa Cuartel de Espana. Pero kahit na piliting magsalaysay ng katotohanan ay walang narinig na anuman kay Tandang Sora. Para sa matanda, ang lihim na pagtulong sa mga katipunerong kababayan ay sagradong sikretong dapat pangalagaan.

Sa sobrang galit ng mga Kastila, ipinatapon si Tandang Sora sa Guam sakay ng bapor na Compania Maritima. Ininda ni Tandang Sora ang paglayo niya sa bansang minamahal pero naniniwala siyang dapat lang harapin ang anumang bagay na dumarating sa ating buhay.

Matapos ang digmaan nakabalik si Tandang Sora sa kaniyang bansa sakay ng barkong S.S. Uranus.

Bagama’t wala na ang karangyaan ng buhay na dati’y tinatamasa, nagmistulang pulubi si Tandang Sora sa pagbabalik niya sa Banlat. Kahit na mahirap, naniniwala pa rin siyang marangya at maligaya siya kung kasama ang mga kaanak at kababayan sa bansang kaniyang sinilangan.

Namatay si Melchora Aquino-Ramos noong Marso 12, 1919. Inilibing siya sa Musoleo ng mga Beterano ng Rebolusyong Pilipino sa Cementerio del Norte.

Sabado, Hulyo 8, 2017

Antonio Luna

Antonio Luna

Ang katalinuhan at pagkamakabayan ay mga angking kaugaliang kalakip ng katauhan ni Heneral Antonio Luna.

Ipinanganak si Antonio sa Binondo, Maynila noong Oktubre 29, 1866. Pinakabunso siya sa pitong anak nina Don Joaquin Luna at Do?a Laureana Novicio. Kapatid siya ng sikat na pintor na si Juan Luna.

Una niyang natutuhan ang pagbasa at pagsulat ng alpabeto sa paggabay ng isang gurong nagngangalang Intong. Bata pa lang ay marunong nang tumugtog ng gitara, piyano at mandolino si Antonio. Bukod sa sining ng musika, may motibasyon din siyang magpahalaga sa literatura at siyensiya. Ang hilig niya sa pag-aaral ay pinatunayan nang tapusin niya ang Bachelor of Arts sa Ateneo de Manila; ang Licenciate in Pharmacy sa Unibersidad ng Barcelona at ang Doctor of Pharmacy sa Unibersidad ng Madrid.

Kung sa Pilipinas ay nagkamit ng unang gantimpala ang komposisyon niyang “Dos Cuerpos Fundamentales de Quimica”, sa Espanya ay hinangaan naman ng mga kilalang bacteriologist ang pananaliksik niyang “El Hermatozoario Paludismo.”

Bilang iskolar, naglakbay si Antonio upang makipagpalitan ng opinyon sa mga kilalang syentista sa Belgium, Denmark, France, Russia, Japan at Germany.

Saan man siya magpunta ay maraming humahanga sa mga pag-aaral niya sa yellow fever, influenza at iba pang sakit tropikal.

Bukod sa pagiging matalino, may paninindigan din siyang ipaglaban ang karapatang magbigay ng opinyon sa alinmang isyung pulitikal na maibigan niya. Ito nga ang ginawa ni Antonio nang sulatin niya sa La Solidaridad ang obserbasyong satirikal na napapaloob sa kuru-kuro niyang Impressiones. Nang komentahan ito ng Espanyol na si Mir Deas ay hinarap at hinamon ni Antonio ng espadahan ang puti. Sa takot ng Espanyol ay hindi nito tinanggap ang hamon. Maraming puti ang lubos na humanga sa tapang ng matalinong Pilipino.

Nang umuwi si Antonio sa Pilipinas noong 1894 ay nagsilbi siya bilang propesor ng Universidad Certifico Literario de Filipinas at Direktor ng Laboratorio Manila.

Sa mga usapang pulitikal ay malayang pinanindigan ni Antonio na dapat lang maging probinsiya ng Espanya ang Pilipinas. Kailangan din daw tanggapin ng mga Pilipino ang lahat ng karapatang ibinibigay sa mga Espanyol. Sa kasamaang palad, inaresto siya ng mga awtoridad sa mga liberal na kaisipang pinaniniwalaan niya. Para sa mga Espanyol, pasimula ito ng rebolusyong plano ng mga Katipunero.

Ang pagkabilanggo ay ikinairita ni Antonio. Nang palayain ay nagdesisyon siyang mag-aral ng kursong pandigmaang nagbibigay diin sa estratehiyang pangmilitar. Kung pinagbintangan siyang rebolusyonaryo inisip, ni Antoniong mabuti ngang magrebolusyon nga siyang totoo.

Nagbalik sa Pilipinas ang syentista. Giyera Pilipinas-Amerika noon. Lalong pinagbuti ni Antonio ang pagiging propagandista nang itatag niya ang La Independencia. Naging tunay na rebolusyonaryo ang syentista nang italaga ito ni Heneral Aguinaldo bilang Direktor ng Digmaan. Itinatag ni Antonio ang isang “Academia Militar” na nagsanay sa mga opisyal ng rebolusyon upang lalong maging mahusay na lider. Bagamat marami ang natuto sa disiplinang binigyang diin ni Antonio, marami rin ang may balat-sibuyas na nagsusumbong kay Heneral Aguinaldo. Para kay Antonio, ang hindi makatiis ay dapat lang na umalis.

Bilang gerero, ang katapangan ay angkin ni Antonio. Maraming malalaking labanan ang pinamunuan nito. Ayon sa mga historyador, habang pinatatakas si Heneral Emilio Aguinaldo bilang Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo, si Antonio Luna ang pansamantalang namumuno sa mga sundalong Pilipino upang iligaw ang mga puti. Hinaharap niya ang mga kalaban. Nakikipagsabayan siya sa digmaan. Sinusunog niya ang mga bukiring dapat makasagabal sa mga kaaway na sumasalakay. Iba’t ibang istratehiyang pandigmaan ang ginamit ni Antonio na lubos namang ikinatuwa ng Pangulo.

Sa labanan sa Santo Tomas, Batangas, minalas na masugatan si Antonio. Habang nagpapagaling ay nagtataka siya kung bakit ipinatatawag siya ng Pangulo niya. Bilang masunuring tauhan ay sumunod siya sa Cabanatuan noong Hunyo 5, 1899 subalit wala sa kumperensiya ang nagpatawag sa kaniya. Sa sobrang galit ni Antonio ay pinagmumura niya ang mga sundalong dinatnan niya. Nakilala niyang ang mga nabanggit na sundalong taga-Kawit ang mga rebolusyonaryong tinanggalan niya ng armas bilang pagpaparusa sa kawalan ng disiplina. Habang pababa sa hagdanan ng kumbento, umalingawngaw ang sunud-sunod na putok. Patay na bumagsak ang mabagsik na Heneral.

May mga haka-haka na biktima ng intrigang pulitikal si Antonio.

Sa kasaysayang humuhusga, si Antonio Luna na lumaban sa mga kaaway, dumisiplina sa mga rebolsuyonaryo at nangalaga sa kaligtasan ng Pangulo ay isang tunay na bayaning nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan.


Apolinario Mabini

Apolinario Mabini

Kahit ka may kapansanan, maaari ka ring maging bayani ng bayan. Ito ay isang katotohanang naganap sa buhay ng isang paralitiko sa katauhan ni Apolinario Mabini.

Si Apolinario ay ipinanganak sa Tanauan, Batangas noong Hulyo 23, 1864. Kapwa magsasaka ang kanyang ama at ina na sina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan.

Bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan. Kahit mahirap lang ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral nang maipasa ang pagsusulit sa Kolehiyo de San Juan de Letran. Kahit na libre sa pag-aaral, kailangan din niyang bumili ng pagkain, uniporme at kagamitan. Napilitan siyang magturo ng Latin sa mga pribadong paaralan sa Maynila, Bauan at Lipa.

Nang matagumpay niyang natapos ang Bachelor of Arts ay ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng Bachelor of Laws sa Unibersidad ng Santo Tomas. Malaki ang gastusin ni Apolinario bilang estudyante ng abugasya kaya namasukan siyang istenograper sa Court of First Instance at klerk sa Intendencia General.

Ang pag-ibig sa bansa ang dahilan kaya muli niyang binuhay ang “La Liga Filipina” noong 1863. Nang halinhan ito ng Cuerpo de Compromisarios noong 1864 ay nahalal si Apolinario bilang Sekretaryo ng organisasyon. Ang nabanggit na samahan ay naglayong magbigay ng moral at pinansyal na tulong sa mga propagandistang Pilipino sa Espanya.

Kahit hati ang sarili sa pag-aaral, pagtatrabaho at pagtulong sa propaganda, nakuha pa ring matagumpay na matapos ni Apolinario ang abugasya noong 1895.

Habang namamasukan bilang notario publico, dinapuan ng napakataas na lagnat si Apolinario na nauwi sa pagkakasakit niya ng polio. Kahit na may sakit, nagpatuloy siya sa pagtulong sa mga rebolusyonaryo.

Nang malaman ng mga Guardia Civil ang pakikisangkot niya sa pagpapalaya ng bansa ay inaresto ang “Dakilang Paralitiko.” Kung hindi sa kaniyang karamdaman, maaaring naparusahan siya ng kamatayan. Sa mismong Ospital ng San Juan de Dios kung saan siya ginagamot pinamalagi siya bilang bihag.
Matapos palayain, pansamantala siyang nanirahan sa Laguna upang maglunoy paminsan-minsan sa maligamgam na mga batis ng Los Banos.

Ang talino sa batas ay nabigyang diin ni Apolinario nang sumulat siya ng isang artikulo para sa mga lider rebolusyonaryo. Ang nasabing manifesto ay nagpapahalaga sa pagtindig ng Pilipinas bilang isang malayang bansa kung matatalo ng Estados Unidos ang Espanya sa digmaan nilang dalawa. Sa husay ng mga paliwanag ay ipinasundo ni Pangulong Aguinaldo si Apolinario at ginawa niya itong tagapayo.

Isa sa mga mahuhusay na payo ni Apolinario kay Pangulong Aguinaldo ay ang pagpapalit ng porma ng gobyerno. Mula diktaturya, naging rebolusyonaryo ang porma ng pamahalaan ng Pilipinas. Ipinaorganisa ni Apolinario ang mga lalawigan, munisipalidad, hukuman at pulisya.

Nagsilbi si Apolinario bilang Pangulo sa Konseho ng mga Kalihim. Hinirang siya sa Pamahalaang Aguinaldo bilang Kalihim Panlabas.

Si Apolinario rin ang pinasulat sa maraming alituntuning dapat ipatupad sa buong bansa.

Dalawa sa mga mahahalagang dokumentong naiambag ni Apolinario ang El Verdadero Decalogo at Programa Constitucional de la Republica Filipina. Ang Decalogo ay naglalayong gisingin ang damdamin ng mga Pilipino. Samantala, ang Programa Constitucional ay naglalayong isulat ang isang konstitusyong susundin ng mga Pilipino upang malaman nila ang kanilang mga karapatan at obligasyon bilang mga mamamayan.

Nang matuloy ang giyera Pilipino-Amerikano, inilikas si Apolinario sa Cuyapo, Nueva Ecija kung saan nasundan siya ng mga Amerikano. Dalawang taon din siyang naging bihag pandigmaan.

Matapos palayain, tumira ang Dakilang Paralitiko sa isang maliit na dampa sa Nagtahan, Maynila. Sa sobrang pagmamahal sa Pilipinas, sumulat sa pahayagang El Liberal ang matalinong abugado. Ang mga makabayang opinyon niya ang naging dahilan upang ipatapon si Apolinario sa Guam.

Isang mataas na posisyong pampamahalaan ang ibinibigay kay Apolinario ng Pamahalaang Amerikano pero tinalikuran ito ng Dakilang Paralitiko. Minarapat niyang mamalagi sa kaniyang munting dampa na malaya kahit maralita.

Namatay si Apolinario Mabini noong Mayo 13, 1903 na isang dakilang Pilipinong hinahangaan sa buong mundo.

Emilio Jacinto

Emilio Jacinto

Disinuwebe anyos lamang si Emilio Jacinto, kinikilalang Utak ng Katipunan, nang maging rebolusyonaryo.

Ipinanganak siya sa Trozo, Maynila noong Disyembre 15, 1875. Isang tagatala ang ama niyang si Mariano Jacinto at masipag na maybahay naman ang ina niyang si Josefa Dizon.

May angking talino si Emilio kaya kahit sapat lamang ang naiipong pera ng mga magulang ay sinikap siyang pag-aralin. Sa pribadong eskwelahan ni Maestro Pascual Ferrer unang nag-aral si Emilio. Tinapos niya sa Letran ang kaniyang kursong batsilyer. Ang abugasya ay kinuha naman niya sa UST.

Nang sumapi si Emilio sa Katipunan noong 1894 ay tinanggap niya ang bansag na pangalang “Pingkian.”

Kahit isa sa pinakabatang miyembro ng KKK, ang katalinuhan ni Emilio ang pasaporte niya upang igalang ng lahat. Humawak siya sa KKK ng iba’t ibang posisyon: bilang kalihim, piskal at editor. Tinitingala si Emilio bilang Editor ng pahayagan ng Katipunan na kilala sa tawag na “Kalayaan.” Bilang manunulat-pulitikal, siya ang awtor ng pamasong Liwanag at Dilim at ng tulang A La Patria.

Si Emilio ang utak sa unang paglusob ng mga katipunero sa garisong Espanyol sa San Juan del Monte noong Agosto 30, 1896.

Tampok sa mga gawain ni Emilio bilang rebolusyonaryo ang pangangalap ng baril, bala, papel at tinta. Siya rin ang namamahala sa pangingilak ng salaping ginagastos sa pakikidigma.

Minsang nakipagbarilan si Emilio sa mga manunudlang Kastila sa Laguna ay tinamaan siya sa hita at dinala sa Simbahan ng Sta. Cruz. Matapos gamutin at imbestigahan ng mga Kastila ay ipinakita niya ang isang pasaporte ng isang espiyang puti na nagngangalang Florentino Reyes. Ang nasabing pasaporte ay pag-aari ng espiyang nadakip ni Emilio sa sagupaan sa Pasig.

Sa pagpapanggap ni Emilio, naisalba niya ang buhay sa oras ng kagipitan.

Nang pamunuan ni Emilio ang mga rebolusyonaryo sa Majayjay, Laguna ay dinapuan siya ng malaria. Ito ang naging dahilan ng kaniyang kamatayan. Sa maraming sundalong pinamunuan ni Emilio, kinilala ang kaniyang talino, tapang at dangal.

Isang tunay na bayani si Emilio Jacinto na lalong kilala sa tawag na “Pingkian ng Katipunan” at “Dimas-ilaw ng Literaturang Pandigmaan.”

Graciano Lopez Jaena

Graciano Lopez Jaena

Isang tinitingalang propagandista, si Graciano Lopez Jaena ay lalong kilala sa tawag na “Prinsipe ng mga Orador.”

Ipinanganak siya sa Jaro, Iloilo noong Disyembre 18, 1856. Mga magulang niya sina Placido Lopez at Maria Jacob.

Unang nag-aral si Graciano sa Colegio Provincial ng Jaro. Batang-bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan at kabibuhan ng kaniyang gurong si Padre Francisco Jayme. Tinapos niya ang antas sekundarya sa Seminario de San Vicente Ferrer. Sa nasabing paaralan, tinanghal siya bilang Pinakamahusay na Estudyante sa Teolohiya.

Inakala ng mga magulang ni Graciano na pagpapari ang papasukin niyang kurso. Nagkamali sila sapagkat inspirado siyang maging doktor. Sa kakulangan ng salaping itutustos, napilitan siyang mag-aprentis sa San Juan De Dios Hospital. Sa pagtulung-tulong sa mga doktor, natutuhan niya ang panggagamot sa mga simpleng karamdaman. Sa pagbabalik niya sa lalawigan, kahit bawal ay nanggamot siya ng iba’t ibang sakit ng mga kababayan.

Sa panggagamot at pakikisalamuha sa mga maralitang kababayan, napuna niyang marami palang kawalang katarungan ang ipinaparusa ng mga Kastila. Sa maraming pisikal na karamdamang dinaranas ng mga kababayan, napag-alaman niyang dobleng hirap pala ang dinadala ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Dito na nagsimulang magkomentaryo ang propagandista. Lagi at lagi niyang ipinaliliwanag sa bawat pasyente ang kawalang katarungan ng mga Kastila.

Noong 1874 ay pinag-usapan ng marami si Graciano nang isulat niya ang komentaryong “Fray Botod” at “La Hija del Fraile” na naglalarawan sa masasamang pag-uugali ng mga paring Espanyol. Ang nasabing mga artikulo ang dahilan kung bakit hinanap siya ng mga awtoridad upang ipakulong. Upang iligaw ang mga militar, kaagad siyang lumabas ng Pilipinas at nagpunta sa Espanya.

Sa Madrid ay naging pangunahing kritiko si Graciano. Nagsulat siya ng mga opinyon laban sa pamahalaang Kastila na nagpapalakad sa Pilipinas at sa mga prayleng Kastila na humahawak sa Simbahang Katoliko sa bansa.

Naging mabiling-mabili ang mga kritisismo ng propagandista na napublika sa mga dyaryong Los Dos Mundos, El Liberal, El Progreso, Bandera Social, La Publicidad, El Pueblo Soberano at El Deluvio.

Sinikap din ni Gracianong makasulat ng mga artikulo sa ekonomiya sa mga pahayagaang Espana En Filipinas, Revista del Circulo Hispano Filipino at Revista de la Camara de Comercio de Espana.

Naging aktibong miyembro din siya ng Circulo Hispano Filipino na isang organisasyon ng mga Pilipino kasama ang mga Espanyol na sumisimpatiya sa ipinakikipaglaban ng mga propagandista.

Ang pagiging mamamahayag ay ginamit ni Graciano upang mapalawak ang galaw ng propaganda. Pebrero 15, 1889 nang ilathala niya ang La Solidaridad. Naging layunin ng nasabing dyaryong kumalaban sa paninikil, gumawa ng reporma sa lipunan at pulitika, tumanggap ng mga liberal at progresibong kaisipan, magpakalat ng mga demokratikong pananaw at lumaban upang maipanalo ang hustisya at progreso.

Humigit kumulang sa isang libong talumpati ang nabigkas ng “Prinsipe ng mga Orador” sa Europa. Siyam lamang sa mga ito ang napasama sa koleksiyong Discursos Y Artkulos Varios.

Upang madagdagan ang pondo ng mga propagandista, pinayuhan ni Jose Rizal ang Orador na magbalik sa Pilipinas noong 1890.

Ang pakikipagpulong ni Graciano sa mga kasapi ng La Junta de la Propaganda ay natiktikan ng mga Kastila kaya agad siyang sumakay sa Bapor San Juan papuntang Hongkong.

Sa pagbabalik ng Orador sa Barcelona ay dinanas niya ang isang libo at isang karalitaan. Buong pagpapakasakit niya itong hinarap alang-alang sa ikapagtatagumpay ng kalayaan.

Sa malayong lugar ng Europa nanghina ang pangangatawan niya. Ikinamatay ni Graciano ang sakit na tuberkulosis noong Enero 20, 1896.

Ang napakaraming kaisipang hinugis niya sa mga talumpati ay lagi at laging mauulinigan mula sa kawalan. Pagpapatunay lamang itong may isang propagandistang Pilipinong nanindigan sa ikalalaya ng sambayanan.

Ibinigay ni Graciano Lopez Jaena ang kaniyang kabuuan. Magpasalamat tayo sa kaniyang kadakilaan.

Gregoria de Jesus

Gregoria de Jesus

Kinilala bilang Paraluman ng Katipunan, si Gregoria de Jesus ay may mahalagang papel na ginampanan sa rebolusyong Pilipino.

Si Gregoria o Oriang ay ipinanganak sa Caloocan noong Mayo 9, 1875. Isa siya sa apat na anak nina Nicolas de Jesus, isang gobernadorcillo o alcalde municipal at Baltazara Alvarez Francisco, pamangkin ni Heneral Mariano Alvarez.

Kahit nagtapos ng kursong Maestra Elemental at isa sa mga nanguna sa pagsusulit na bigay ng Gobernador Heneral, napilitang huminto si Oriang upang bigyang daan ang mga kapatid na lalaking nagsisipag-aral. Si Oriang ang naging katulong ng kapatid na babae sa pag-aani sa malawak nilang palayan.

Kung wala sa bukid ay makikita mo si Gregoriang nananahi, nagbuburda o tumutulong sa mga gawaing bahay ng nanay niya. Sapagkat totoong napakaganda at mula sa isang “beuna familia” maraming kabinataan ang nanliligaw kay Gregoria. Isa sa pinakamasugid si Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan.

Labingwalong taon lamang si Oriang nang ayaing pakasal ng Supremo. Ang ritwal ay ginanap sa Simbahan ng Binondo. Makalipas ang isang linggo ay muling ikinasal ang dalawa sa selebrasyong Katipunan kung saan binansagan si Oriang sa katawagang Lakambini. Isa si Gregoria sa mga unang kababaihang naging kasapi ng Katipunan.

Bilang asawa ng Supremo, si Gregoria ang naging tagapagtago ng mga lihim na dokumentong panrebolusyon. Kung gaano kaaktibo ang Supremo, gayun din naman si Oriang na buong puso at kaluluwang nagpahalaga sa makabayang ipinakikipaglaban ng Katipunan.

Sa bahay na tinirhan nila sa Calle Anyahan, laging nababagabag si Oriang kapag nababalitaang mag-iimbestiga na ang mga Espanyol. Sapagkat laging wala sa bahay ang Supremo, kaya matapang na nagdedesisyon si Oriang na likumin ang mga kasulatan at mga armas. Ang mga ito ay agad-agad niyang inilululan sa sasakyang siya mismo ang nagpapaandar. Nagpapaikut-ikot siya sa mga tabi ng ilug-ilugan ng Tondo upang iligaw ang mga kaaway. Ang bilis ng galaw ni Oriang ay naglalayo sa mga Katipunero sa bingit ng kamatayan.

Malungkot isiping ang kaisa-isang anak ni Oriang sa Supremo ay namatay sa sakit na bulutong.

Nang madiskubre ng mga kaaway ang Katipunan ay naging mistulang mandirigma rin si Gregoria. Natuto siyang sumakay sa kabayo at bumaril. Natuto rin siyang mauhaw at magutom, matulog sa kapatagan at kabundukan. Bilang gerera, nasanay din siyang naiiwan ng asawa sa mga mapanganib na lugar.

Ang mapait na kasaysayang yumakap kay Andres Bonifacio bilang biktima ng pulitika ay malinaw na malinaw na nagbabalik sa hapong isipan ni Gregoria de Jesus. Nasaksihan niya nang magkaroon ng tunggaliang pulitikal ang mga grupong Magdalo at Magdiwang sa Barrio Tenejeros at Francisco de Malabon. Kitang-kita rin niya nang dakpin ang Supremo kasama ang kapatid nito at dalhin sa Maragondon upang humarap sa malagim na paglilitis. Damang-dama rin niya nang ibaba ang sintensiya sa mahal niyang asawa na pinaratangan sa salang sedisyon o pag-aalsa sa pamahalaan.

Matapos patayin ng mga kapwa Pilipino si Andres Bonifacio, ay malungkot na namundok ang Lakambini ng Katipunan kasama ng mga kapwa rebolusyonaryo. Sapagkat maganda, mabait at kagalang-galang, ang Lakambini ay pinagtuunan ng pagmamahal ng dating kalihim ng Supremo na si Julio Nakpil. Si Julio na namuno sa mga labanan sa Montalban at sa San Mateo ay lihim din palang hinahangaan ni Oriang sa pagiging matapang at maginoo nito. Nang magtapat ng pag-ibig si Julio ay di kaagad ito sinagot ng Lakambini. Bilang respeto kay Andres Bonifacio, hinintay muna nito na makapagbabangluksa bago pormal na magpakasal sa ikalawang pag-ibig. Eksaktong Disyembre 1, 1898 nang idaos ang kasal nina Gregoria de Jesus at Julio Nakpil. Ito ay ginanap sa Simbahan ng Quiapo. Biniyayaan ng anim na anak ang mag-asawa. Kabilang dito sina Juan, Julia, Francisco, Josephine, Mercedes at Caridad.

Sakit sa puso ang ikinamatay ni Oriang noong Marso 15, 1943. Si Gregoria de Jesus na Lakambining iginagalang ang sulong maningning na tumanglaw sa panahon ng pakikidigma ng Katipunan.

Gregorio del Pilar

Gregorio del Pilar

Si Gregorio del Pilar ang pinakabatang heneral na nag-alay ng buhay upang palayain ang mga Pilipino sa kamay ng mga kaaway.

Siya ay ipinanganak noong Nobyembre 14, 1875 sa San Jose, Bulacan. Sina Fernando del Pilar at Felipa Sempio ang mga magulang niya. Pamangkin siya nina Marcelo del Pilar, propagandistang namalagi sa Espanya at Padre Toribio del Pilar, Pilipinong paring ipinatapon sa Guam.

Kabilang sa mga unang guro ni Gregorio sina Maestro Monico at Pedro Serrano Laktaw. Sa Ateneo niya tinapos ang Bachiller de Artes noong 1896.

Bilang estudyante, nakikitira noon si Gregorio sa bahay ni Deodato Arellano, puno ng mga propagandista, na asawa ng tiyahin niyang si Hilaria del Pilar. Sa pagtulong ni Gregorio sa pamumudmod ng mga polyetong pandigma, nagkaroon siya ng inspirasyong makatulong sa pagpapalaya ng mga Pilipino.

Nagpatala siya bilang pormal na rebolusyonaryo sa edad na beinte dos. Sapagkat naipakita niya ang bilis at ang tapang sa Laban ng Kakaron de Sili madali siyang naitaas ng ranggo bilang tinyente. Iniharap din siya sa Laban Mambog at Laban Paombong na matagumpay din niyang naisagawa. Sa dami ng armas at balang naagaw niya ay naging tinyente koronel siya sa ipinakitang husay sa digmaan. Noong Hunyo 24, 1898 ay napasuko niya ang ika-5 Batalyong Kastila sa Bulacan na naging dahilan upang tanghalin siyang Heneral.

Matapos ang mga Kastila, heto naman ang mga Amerikano. Mapapansing lagi at laging ibinubuhos ni Gregorio ang lahat ng kakayahan kapag nakikipagdigmaan. Naririyan ang Laban sa Guiguinto, ang Laban sa Plaridel at ang Laban sa San Miguel.

Nang tanghalin siyang punong tagapagtanggol ni Heneral Emilio Aguinaldo ay lagi niyang pinangangalagaan ang seguridad ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo. Sinasabing kung nasaan ang Pangulo ay naroon ang bansang pinamumunuan nito. Nang masukol na ng mga Amerikano ang Pampanga ay mabilis na nagpunta si Aguinaldo sa Nueva Ecija patungong Tarlac tapos ay sa Nueva Viscaya. Habang papunta sa Cagayan at sa Isabela, pinagsikapan ni Gregoriong bantayan ang Pasong Tirad sa lalawigang Bulubundukin upang hindi masundan ang Presidente.

Ang 60 kataong sundalo ni Gregorio ay hindi katapat ng 300 sundalo ni Major March pero nagpakatatag si Gregorio sa pagbabantay sa Lagusan.

Sa kasamaang palad, isang espiyang Pilipino ang nagturo sa isang makitid na daan. Nakaakyat dito ang mga Amerikanong nakasilip sa kinaroroonan ni Gregorio.

Sa isang kisapmata ay bumagsak sa hagdanang bato ang malamig na bangkay ng batang-batang sundalo. Sa matapat na pangangalaga sa pinuno, isang bayani ang nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan ng sambayanan.

Sa animnapung sundalong Pilipino, walo lang ang nabuhay upang makapag-ulat kay Aguinaldo.

Sinasabing ninakaw ng mga puti ang lahat ng kasuotan ng pinatay na Heneral.

Salamat kay Tinyente Dennis Quinlan na nakakita sa hubad na bangkay matapos ang ikalawang araw. Pinabihisan niya ito, ipinalibing at pinarangalan sa isang lapida na nagsaad na si Gregorio del Pilar ay dapat daw tanghalin bilang “Isang Opisyal at Isang Ginoong Dapat na Igalang.”

Ang mortal na katawan ni Heneral Gregorio del Pilar ay nawalan ng buhay noong Disyembre 2, 1899. Sa araw na ito lalong nagningning ang kabayanihan at katapatan ng isang batang-batang Heneral na dati-rati’y tinatawag na Goyo ng kaniyang mga kababayan.

Jose Abad Santos

Jose Abad Santos

Ang tunay na kabayanihan ay matapat na paghahandog ng sariling buhay alang-alang sa ikararangal ng bayan. Iyan ang ginawa ng dating Chief Justice of the Supreme Court na si Jose Abad Santos nang kailanganing magdesisyon siya noong Panahon ng Hapon.

Si Jose ay ipinanganak noong Pebrero 19, 1886 sa San Fernando, Pampanga. Sina Vicente Abad Santos at Toribia Basco ang mga magulang niya.

Nag-aral siya ng elementarya sa Pribadong Paaralan ni Roman Velez sa Bacolor at ng sekundarya sa Paaralang Publiko ng San Fernando.

Noong 1904 ay ipinadala si Jose bilang pensionado sa Amerika. Nag-aral siya sa Kolehiyo ng Santa Gara. Ang abugasya ay pinasimulan niya sa University of Illinois at tinapos sa Northwestern University noong 1908. Sa kahusayang mag-aral, tinanggap niya ang Master of Laws sa George Washington University noong 1909.

Upang makapagsilbi sa mga kababayan, pagkabalik niya ay nagtrabaho siya sa pamahalaan. Naging pansamantalang klerk siya sa Archives Division at nataas bilang klerk sa Bureau of Justice. Matapos makapasa sa Philippine Bar noong 1911 ay naging court interpreter siya.

Sa husay na ipinakita ay nagsimula siyang maging special attorney sa Philippine National Bank.

Ang magandang pagkakataon ay dumating kay Jose nang mapili siyang isa sa anim na tagapayong teknikal ng unang Parliamentary Independence Mission sa Estados Unidos.

Sa nasabing misyon, kinakitaan ng husay at talino sa liderato si Jose. Ito ang dahilan kaya sa pagbabalik sa Pilipinas ay pinili siyang maging Undersecretary of Justice ni Gobernador Heneral Leonard Wood noong 1922. Sa sistematikong pamamaraan sa paghawak ng hustisya, tatlong ulit siyang nahirang na Secretary of Justice.

Ang oras ng pagtaas niya sa pusisyong Justice of the Supreme Court ay ipinagbunyi ng lahat nang manumpa siya sa tungkulin noong Disyembre 24, 1941.

Bukod sa pagiging Chief Justice, ibinigay din sa kanya ang mga katungkulang Secretary of Justice at Acting Secretary of Finance, Agriculture and Commerce sa Pamahalaang Quezon.

Nang ilikas si Pangulong Quezon sa Washington DC upang itayo ang Commonwealth Government in Exile naging pangkalahatang tagapamahala siya ng pamahalaan.

Sa kasamaang palad ay hinuli si Jose ng mga Hapon nang magtungo siya sa Cebu. Pinipilit siyang patalikurin sa Estados Unidos at makipag-usap kay Heneral Manuel Roxas.

Pinanindigan ni Joseng mamarapatin pa niyang mamatay kaysa talikuran ang Estados Unidos at Pilipinas.

Hindi nagustuhan ng mga Hapon ang naging paniniwala ni Jose kaya nagplano silang patayin siya sa Lanao del Sur.

Bago patayin ay binigyan ng pagkakataon si Joseng makaharap ang anak niyang si Pepito. Nang makitang umiiyak ang anak ay tinapik ito sa balikat, itinaas ang mukhang basang-basa ng luha at nagwikang:

“Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa mga taong nakapaligid sa atin na matapang ka at marangal. Magandang pagkakataong iaalay ko ang buhay ko sa bayan. Hindi lahat ay nabibigyan ng dakilang pagkakataong ito.”

Matapos lumuhod at mataimtim na nagdasal ay nagyakap nang mahigpit ang mag-ama.

Makalipas ang ilang sandali ay narinig ni Pepito ang ilang malalakas na putok ng baril. Alam niyang isang dakilang bayani ang binawian ng buhay. Mariing napakagat ng labi ang bata pero nang itaas niya ang mukha ay wala ritong mababakas na luha. Mariing kinagat ni Pepito ang mga labi at tumindig bilang isang marangal na Pilipino.

Alas dos ng hapon noong Mayo 2, 1942 nang mamatay si Jose Abad Santos. Pumanaw siyang sinasaluduhan ng lahat sa nag-uumapaw na pagmamahal sa bayan.

Josefa Llanes Escoda

Josefa Llanes Escoda

Isang tunay na girl scout si Josefa Llanes Escoda na nagbigay ng sarili alang-alang sa ikabubuti ng kapwa.

Si Josefa na lalong kilala sa tawag na Pepa ay ipinanganak noong Setyembre 20, 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Pinakamatanda siya sa pitong anak nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba.

Mula pa sa pagkabata ay kinakitaan na si Pepa ng sigasig sa pag-aaral. Tinapos ni Josefa ang elementarya sa Dingras at ang hayskul sa Laoag. Upang mapalawak ang kaisipan, pinili niyang sa Maynila na magpatuloy ng kolehiyo. Nakilala ng mga kamag-aral niya sa Philippine Normal College ang mataas na antas ng liderato ni Pepa. Dito niya tinapos ang Elementary Teacher’s Certificate na may karangalan.

Beinte anyos lang si Pepa nang maulila sa ama. Upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ina at mga kapatid, ipinagsama niya ang mga ito sa Maynila. Pinilit niyang matapos sa taong 1922 ang Secondary Teacher’s Certificate sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa dahilang matalino at masigasig na estudyante, nabigyang pagkakataon siyang makapagturo sa ilang kilalang kolehiyo at unibersidad sa kamaynilaan.

Nang mabigyang pagkakataong magpalit ng bukasyon, pinili ni Pepang maging isang boluntaryong social worker sa American Red Cross (Philippine Chapter). Sa pagpapamalas ng sinserong serbisyo publiko ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral ng social work sa Amerika. Taong 1925 nang ipagkaloob kay Pepa ng New York School of Socal Work ang kaniyang sertipiko.

Tinapos din niya sa taong ding yon ang Masters in Social Work sa Columbia.

Sa Estados Unidos ay naging kahanga-hanga ang aktibismo ni Pepa bilang modelong Pilipino sa larangan ng internasyonalismo. Naniniwala siyang wala sa kulay ng balat ang husay ng isang tao kundi nasa layunin at gawa tungo sa ikauunlad ng daigdig.

Sa tuwing naiimbitahan si Pepang magsalita sa International House na pulungan ng mga estudyante, lagi siyang nakadamit Pilipino na ikinahanga ng marami. Ang kaniyang kahusayang magsalita ay pinag-uusapan din ng lahat. Kagalang-galang na Pilipina ang dating ni Josefa.

Sa pagbabalik sa Pilipinas balik-turo si Pepa bilang propesora sa UP at UST. Naniniwala siyang wala nang dadakila pa sa pagiging guro kung saan nagagabayan ang kaisipan at kamulatan ng mga kabataan.

Pinasok niya ang paglilingkod sa pamahalaan sa sumusunod na mga ahensiya: Tuberceulosis Commission ng Bureau of Health, Textbook Board ng Bureau of Public Schools at Board of Censors for Moving Pictures.

Bilang kalihim ng General Council of Women, si Pepa ay nanindigan sa malawakang kalayaang dapat tanggapin ng kababaihan kalakip ng karapatan niyang maghalal at mahalal sa eleksiyong publiko ng bansa. Naniniwala siyang katuwang ng kalalakihan ang kababaihan sa lahat ng kalakaran. Ang kababaihan, ayon kay Josefa, ay hindi lamang dapat ituring na tagamasid lamang.

Nang maging bukambibig sa malalayang bansa ang “girl scouting,” si Pepa ay ipinadala ng Pilipinas upang magsanay sa Amerika. Nang magbalik siya noong 1937 ay itinatag niya ang Girl Scout of the Philippines. Bagama’t maraming problemang kinaharap si Pepa sa pagtatatag ng organisasyon, inaprubahan ni Presidente Quezon ang Commonwealth Act 542 na nagtatalaga sa GSP bilang pambansang organisasyon.

Sa ngalan ng serbisyo publiko, hindi makakalimutan si Pepa sa kaniyang mga nagawa. Siya ang nagtatag ng Boys Town para sa mga dahop na kabataang lalaki. Siya rin ang humingi ng mga pribilehiyo ng mga kababaihang manggagawa. Siya ang kumampanyang mabigyan ng mga benepisyo ang mga matatandang kumukuha ng adult education.

Ang pinakataluktok ng serbisyo publikong ginawa niya ay naganap noong panahon ng digmaan.

Sumapi siya sa Volunteer Social Aid Committee. Isa siya sa mga palihim na tumulong sa mga bilanggong Pilipino at Amerikano na mabigyan ng pagkain, damit at gamot.

Inaresto siya ng mga Hapon noong Agosto 27, 1944 at ikinulong sa Karsel 16 sa Fort Santiago. Tiniis niya ang lahat ng hirap alang-alang sa bayan. May nagsasabing inilabas si Pepa sa Fort Santiago at dinala sa Far Eastern University na isa sa mga gusaling okupado ng mga Hapon.

Sapagkat hindi na nakita pa ang bangkay ni Pepa, walang tiyak na nakapagsabi kung saang lugar siya pinatay.

Isang bagay lamang ang natitiyak ng mga Pilipino na nagdusa si Josefa Llanes Escoda alang-alang sa mga kababayan at sa bansang kanyang pinarangalan at pinaglingkuran.

Miguel Malvar

Miguel Malvar

Pinakahuling heneral na sumuko sa mga Amerikano si Miguel Malvar.

Ang matapang na bayani ay ipinanganak noong Septiyembre 27, 1865. Sina Maximo Malvar at Tiburcia Carpio ang mga magulang niya.

Si Miguel ay unang nag-aral sa pribadong eskwelahan ni Padre Valerio Malabanan. Sapagkat maagang nahiligan ang pagnenegosyo, ang malawak niyang lupaing malapit sa Bundok Makiling ay ginawa niyang manukan at babuyan. Naging inspirasyon niya ang kaniyang asawang si Paula Maloles na anak ng isang capitan municipal.

Iginagalang na lider si Miguel kaya nahalal siyang gobernadorcillo noong 1892.

Sa sobrang pang-aapi ng mga Kastila ay nagdesisyong sumapi si Miguel sa Katipunan. Pinamunuan niya ang pakikipaglaban sa Talisay, Batangas. Nang kulungin ang matandang Malvar sa isang walang basehang krimen ay pilit itong pinakawalan ng anak na Katipunero. Nang maulinigang pinaghahanap ng mga Kastila, napilitang lumikas sa Cavite si Miguel. Sa nasabing lalawigan isinabak ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Batangueno upang mamuno sa mga tunggalian sa Zapote, Indang, Bailen, Magallanes at Alfonso. Sa bawat labanan, napansin ng lahat ang kagitingan ni Miguel. Sa husay niyang humawak ng mga tauhan at sumunod sa mga ipinag-uutos ni Pangulong Aguinaldo, naging Commanding General siya ng Batangas, Mindoro at Tayabas.

Nang nagsimula ang Digmaang Filipino-Amerikano, nahirang siyang Brigadier General. Kung gaano siya katapang na lumaban sa mga Kastila ay ganoon din siya kagiting na nakitunggali sa mga Amerikano. Pinatunayan niya ito sa pamumuno niya sa mga labanan sa Muntinglupa, San Pedro, Tunasan, Calamba at Cabuyao.

Matapos madakip ng mga Amerikano si Aguinaldo sa Palanan, Pangasinan noong Marso 23, 1901, si Miguel Malvar ang naging Commander-in-Chief ng mga militar na Pilipino.

Nanawagan si Heneral Aguinaldo na isuko na ng mga heneral ang kani-kanilang tauhan bilang pagtanggap sa kapayapaang inihaharap ng mga Amerikano. Sa panawagan, sumuko si Heneral Tinio ng Nueva Ecija noong Mayo 8, 1901; si Heneral Tomas Mascardo ng Cavite noong Mayo 15, 1901; si Heneral Cailles ng Laguna noong Hunyo, 1901.

Sa sobrang hirap na dinanas ng kaniyang pamilya at ng mga tauhan niya ay inihinto ni Miguel ang pakikidigma at sumuko kay Heneral Franklin Bell noong Abril, 1902.

Bilang paghanga sa katapangan niya, hindi ipinakulong o ipinatapon si Miguel. Binigyan siya ng pagkakataong magbalik sa asawa niya at mga anak. Ibinigay sa kaniya ang panungkulan bilang Gobernador ng Batangas pero hindi niya ito tinanggap.

Kwarenta’y sais lamang nang mamatay si Miguel sa Maynila noong Oktubre 13, 1911. Nagkaroon siya ng komplikasyon sa atay. Isang libing na may parangal militar ang inihandog sa labi ng magiting na heneral.

Ipinanganak sa maliit na bayan ng San Miguel sa Santo Tomas, Batangas si Heneral Miguel Malvar. Dito rin siya inihatid ng mga kababayan sa huli niyang hantungan.

Teodora Alonzo

Teodora Alonzo

May kasabihang ina ang tuwirang humuhubog sa kaugalian ng isang anak. Kung ang anak ay mapagmahal sa bayan, asahan mong ang ina ay mapagmahal din sa lupang tinubuan.
Si Teodora Alonzo na ina ni Jose Rizal ay ipinanganak sa Maynila noong Nobyembre 9, 1827. Siya ay isa sa limang anak nina Lorenzo Alonzo at Brigida de Guintos na kapwa mayaman at may mataas na pinag-aralan.

Si Orang ay nag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Gustung-gusto niyang matutuhan ang lahat na may kinalaman sa sining at syensiya, literatura at matematika.

Beinte anyos si Teodora nang sagutin ang iniluluhog na pag-ibig ni Francisco Mercado. Matapos makasal ay napagkasunduan ng dalawang manirahan sila sa Calamba, Laguna. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng labing-isang anak. Si Jose na pampito, ang tanging nagpahirap sa pagdadalangtao ni Teodora. Sinasabing malaki ang ulo ng Pambansang Bayani.

Bilang asawa, masikap na kabiyak ng puso ang dakilang ina. Lagi siyang tumutulong sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan. Bukod sa masikap na paghawak ng mga gastusing pang-araw-araw, siya rin ang direktang namamahala ng kanilang pataniman ng mais, palay at tubo. Upang hindi masayang ang bakanteng oras, nagbukas din siya ng tindahan sa silong ng kanilang bahay.

Kahit marami-rami rin namang gawaing pangkabuhayan, hindi kinakalimutan ni Teodora ang mga obligasyong kalakip ng pagiging ina niya. Sinikap ni Orang na maging modelong gabay sa maraming anak niya. Sapagkat labis na mausisa si Jose nang kabataan niya, lagi at laging may laang sagot si Teodora.

Maraming sakripisyong isinabalikat ang ina ni Jose. Una rito ang pagpapalakad sa kaniyang nakayapak mula Calamba hanggang Sta. Cruz. Pinagbintangan siya ng mga Dominiko na kinamkam daw niya ang sariling lupa. Ikalawa rito ang di makatarungang pagpapakulong sa kaniya ng alkalde ng Binan na naniwala sa sabi-sabing pakikialam niya sa suliraning pampamilya ng isang malapit na kamag-anak. Pangatlo rito na sakripisyo ng mga sakripisyo ay nang barilin sa Bagumbayan ang anak niyang si Jose sa bintang na rebelyon at pag-oorganisa ng mga ipinagbabawal na samahan.

Matapos ang digmaan at makamit ng Pilipinas ang kapayapaan ay nagtangkang maghandog ang ating pamahalaan ng pensiyong pinansiyal kay Teodora. Tinanggihan ito ng “Dakilang Ina” na nagpahayag na hindi raw mababayaran ng materyal na bagay ang sakripisyo nilang mag-ina na kapwa nagmahal sa bayan. Si Jose na nag-alay ng buhay alang-alang sa kalayaan at si Teodora na humugis sa kadakilaan ng isang pambansang bayani ng sangkapuluan.

Namatay si Teodora Alonzo noong Agosto 16, 1911.

Ang dignidad na kalakip ng pagiging Ina ni Teodora ay ipinagmamalaki ng lahat ng inang Pilipina na nagmamahal din sa mga anak nila.

Julian Felipe

Julian Felipe

May mga dakilang Pilipinong nag-aalay ng buhay para sa kalayaan; may mga dakilang Pilipino na naghandog ng talino upang magbigay inspirasyon sa rebolusyon. Isa sa gumamit ng talino ang dakilang kompositor na si Julian Felipe.

Si Julian ay ipinanganak sa Cavite noong Enero 28, 1861. Pinakabunso siya sa mga anak nina Justo Felipe, panday at Victoria Reyes, maybahay. Ang pagkahilig niya sa musika ay motibasyon ng kaniyang ama na isang miyembro ng Koro ng Simbahan.

Sa publikong eskwelahan sa Cavite unang nag-aral si Julian. Sa larangan ng musika, una niyang naging guro si Leandro Cosca. Si Padre Pedro Catalan namang kura paroko ng Cavite ang nagturo sa kaniyang tumugtog ng piyano.

Naging organista siya ng San Pedro Church at guro ng musika sa paaralang La Sagrada Familia. Naipamalas ni Julian ang husay sa musika nang maipanalo niya ang mga komposisyong Amorita Danza, Cintas y Flores Rigodones at Matete al Santisimo sa “Regional Exposition” na ginanap sa Maynila noong 1895.

Sa tagumpay na tinanggap ay inimbitahan siyang maging miyembro ng kilalang Santa Cecilia Musical Society.

Sa pagmamahal sa bayan, ang sikat na tulang Un Recuerdo na isinulat ni Balmori ay nilapatan ni Julian ng musika. Ang nabanggit na musika ay handog niya sa labintatlong martir ng Cavite na pinatay ng mga mapang-aping Kastila noong Setyembre 12, 1896.

Nang sumiklab ang Rebolusyon ay itinabi muna ni Julian ang paglikha ng musika at matapang na sumapi sa mga Rebolusyonaryo.

Sinamang palad na nahuli si Julian kasama ng maraming nagtatanggol sa bayan. Una siyang ikinulong sa Fort San Felipe, Cavite. Kahit hindi napatunayang aktuwal na lumaban sa mga Kastila, ang musikero ay ipinadala sa Maynila at ikinulong din ng ilang buwan sa Fort Santiago.

Noong kasagsagan ng digmaang Espanya-Amerika, nakipagkita si Julian kay Heneral Emilio Aguinaldo upang magprisintang gumawa ng isang marchang pandigmaan. Ang unang pyesang tinugtog ni Julian ay hinangaan ng Heneral pero isang pyesang punung-puno ng pagmamahal sa bayan ang hinahanap nito. Hinamon ng Heneral ang musikero na gumawa ng isang kakaibang musikang pandigma. Ang hamon ay tinanggap ni Julian. Anim na araw lamang ay dinala na ng musikero ang pyesa. Tuwang tuwa ang Heneral nang napakinggan ang “Marcha.” Nagpalakpakan ang mga rebolusyonaryo sa bago nilang musikang pandigma.

Nang iproklama ni Heneral Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite ay tinugtog ng Banda San Francisco de Malabon ang “Marcha Nacional Filipina” ni Julian. Nangilid ang luha sa mga mata ng rebolusyonaryo nang mapakinggan ang Marchang punung-puno ng pag-ibig sa bayan.

Sa malaking tulong na ibinigay ng nasabing Marcha upang mabuhayan ng loob ang mga Pilipinong nagsilaban sa digmaan, hinirang na Direktor ng Pambansang Banda ng Republika si Julian na may ranggong Kapitan.

Matapos ang digmaan, nagbalik sa lalawigan si Julian upang harapin ang pagtuturo ng musika. Nahalal siyang Konsehal ng Cavite noong 1902.

Namatay ang dakilang kompositor at rebolusyonaryong Pilipino noong Oktubre 2, 1944.

Ang talino sa musika at ang pagmamahal sa bayan ay inialay ni Julian Felipe sa ating bansa upang lalong magningning ang kalayaan natin sa oras ng pakikidigma.

Vicente Lukban

Vicente Lukban

Bilang lider ng mga sundalong Pilipino, naniniwala si Heneral Vicente Lukban na ang pagsuko sa mga kaaway ay isang kahiya-hiyang kaduwagan.

Ang matapang na rebolusyonaryo ay ipinanganak noong Pebrero 11, 1860. Isa siya sa anim na anak nina Don Agustin Lukban at Dona Andrea Rillos ng Labo, Camarines Norte. Nag-aral siya sa Escuela Pia Publica, sa Ateneo at sa Letran.

Naglingkod siya bilang Oficial Criminalista sa Quiapo. Nang magbalik si Vicente sa Camarines Norte ay nanungkulan siya bilang Juez de la Paz.

Bilang mason, itinayo niya ang Logia Bicolano sa kaniyang lalawigan. Bilang magsasaka at negosyante, itinindig niya ang La Cooperativa Popular ng Governador Heneral. Sapagkat tinitingala siya ng masang Pilipino inakala ng mga Espanyol na makukuha niya ang simpatiya ng mga pobreng magsasaka kaya pinaaresto kaagad siya noong 1896 at pinalaya lamang kasama ng iba pang bilanggong pulitikal noong 1897. Noon lalong naliwanagan si Vicente sa kawalang katarungan ng pamahalaang Espanya. Bilang pag-aalsa, naglingkod siya bilang tagapayo ni Heneral Aguinaldo. Sumama siya dito bilang exile sa Hongkong mula Disyembre, 1897 hanggang Hulyo, 1898. Sa pagbabalik sa Pilipinas ay itinalaga siya bilang Koronel ng mga rebolusyonaryo sa mga lalawigan ng Camarines at Catanduanes.

Sa sistematikong pag-oorganisa sa mga rebolusyonaryong napailalim sa kanya, ginawa siyang Heneral sa Samar at Leyte.

Naging matapang na lider gerilya si Vicente sa digmaang Pilipino-Amerikano sa Samar. Nakasulat sa kasaysayan ang mga panalo niya sa Catbalogan, Catubig at Catarman.

Sa hirap na dinanas ng mga puti sa kamay ni Vicente ay naghandog ng pabuyang limang libong piso ang mga kaaway madakip lamang ang pinuno. Nang sumuko ang isang hepeng Pilipino sa Masbate ay lalong pinag-alab ni Vicente ang mga sundalo upang matapang na lumaban. Pinalakas niya ang organisasyong militar sa Leyte kahit sumuko na sa mga puti si Ambrocio Mojica.

Para kay Vicente, ang pagsuko ay dapat iwasan kung maiiwasan. Para kay Vicente, ang matitibay lamang ang dapat na mabuhay.

Sa katapangang ipinakita ni Vicente sa mga oras ng pakikidigma, inirekomenda siya bilang tagapamahalang pangkalahatan sa Bisaya at Mindanao.

Nang madiskubre ni Captain Jackson ang kinaroroonan ni Vicente sa Catarman ay nagkasagupaan ang dalawang pinuno. Kahit nasugatan ang Pilipino ay inagad nitong makatakas upang hindi mahuli ng mga kaaway. Sa kasamaang palad ay nasukol siya ni Lieutenant Strebler noong Pebrero 19, 1902. Ipinabilanggo siya sa Isla de Talim sa Laguna de Bay.

Nang pakawalan siya ng mga Amerikano at unti-unting nagkahugis ang lipunang Pilipino ay pumasok siya sa pulitika. Nagsilbi siyang Gobernador ng Tayabas mula 1912 hanggang 1915. Pamuli siyang nanalo sa kaniyang puwesto noong 1916 subalit nagkakasakit siya at sumakabilang buhay noong Nobyembre 16, 1916.

Ang katapangan sa paglaban, katapatan sa panunungkulan at karangalan sa oras ng digmaan at kapayapaan ay kalakip ng katauhan ni Vicente Lukban. Maituturing siyang totoong bayani ng alinmang kapanahunan.

Juan Luna

Juan Luna

Sa pagsuporta sa ipinakikipaglaban ng Katipunan, ang pintor na si Juan Luna ay ipinakulong at nagdusa sa Fort Santiago.

Si Juan na isang henyo sa larangan ng pagpipinta ay isinilang noong Oktubre 24, 1857 sa Badoc, Ilocos Norte. Anak siya nina Don Joaquin Luna at Doña Laureana Novicio.

Sa Ateneo de Manila tinapos niya ang Bachelor of Arts. Sa pagtataglay ng malawakang kaalaman sa karunungang pansining, naengganyo siyang magpaturo ng pagpipinta sa kilalang Kastilang pintor na nagngangalang Agustin Saez. Natural lang na kung marami kang narating na lugar ay higit na malawak ang karanasang maipipinta mo. Ito ang naging panuntunan niya kaya kumuha siya ng nabigasyon, sumakay sa barko at namasyal upang magmasid sa maraming bansa sa Asya.

Nang matantiyang may sapat na karanasan na siya sa mga paglalakbay ay puspusan niyang hinarap ang sining ng pagpipinta. Upang lalong maitaas ang katalinuhan sa bagong pinasok na larangan, nagpatala siya sa Academy of Fine Arts ng pamosong Pilipinong pintor na si Lorenzo Guerrero. Taong 1877 nang magpunta siya sa Espanya upang lalong matutuhan ang pagpipinta. Sa nasabing lugar naging eksperto siya sa mga pandaigdig na pamantayan sa arte. Masayang-masaya si Juan nang isali ng kaniyang gurong si Alejo de Vera ang kaniyang sining na pinamagatang “Daphne at Cleo”. Ito ay nagtamo ng Gantimpalang Pilak sa Roma noong 1878.

Upang lalong maitaas ang kalidad ng kaniyang sining, nagpasama siya sa kaniyang guro upang mag-obserba ng mga dakilang sining ng mga sikat na pintor ng iba’t ibang museo sa Europa.

Alam na alam ni Juang ang paglahok sa mga pandaigdigang timpalak ay pagsuntok sa buwan. Subalit para sa Pilipinong pintor, ang paglaban sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig ay isang natatanging karanasan.

Para kay Juan, ang kadakilaang ipinakikita ng mga rebolusyonaryo sa nilayuang bayan ay maaari niyang tumbasan ng kadakilaang pakikipaglaban sa larangan naman ng pandaigdigang pagpipinta ng isang libo at isang karanasan. Sa paninindigang ito, inilaban ng pintor ang kaniyang “Death of Cleopatra” na tinanghal na Pangalawang Gantimpalang Pandaigdig. Ipinagbunyi ng mga Pilipino sa Europa ang kahusayan ni Juan. Ipinagmalaki nila ang pagiging Pilipino ng sikat na pintor.

Nang punahin ng ilang Europeo ang pagiging Indio ni Juan ay ipinagtanggol siya ni Jose Rizal na pinagpantingan ng tenga. Binigyang diin ng Dakilang Nobelista na ang pagiging henyo ay walang kinaaanibang bansa at sinumang may dakilang kahusayan ay maihahalintulad daw sa liwanag na nababanaagan at hanging nalalanghap sa kawalan.

At sapagkat ang puntong ipinakikipaglaban ni Jose Rizal ay punto ng mga propagandista na naglalayong magpahalaga sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino bilang mga Asyano at mamamayan ng daigdig, lalong pinagbuti ni Juan ang kaniyang sining.

Alam ni Juang nagmamasid ang buong daigdig sa maiaambag niya sa pagpipinta. Upang lalong mahandugan ng kadakilaan ang Pilipinas, pinangatawanan ni Juang makipagtunggali sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig. Noong 1884 ay ipinagkaloob ang Unang Gantimpala sa kanyang Spoliarium. Taong 1885 naman nang pagbotohan ng mga hurado upang magkamit ng Medalyong Ginto ang kaniyang El Pacto de Sangre. Ang parangal na Pinakamahusay ay iginawad din sa kaniyang Battie of Lepanto noong 1888.

Nang bumisita si Juan sa Pilipinas ay inaresto siya ng Pamahalaang Espanya sa bintang na pagpaplano ng isang rebolusyon. Pinagdusahan niya ito sa bilangguan mula Setiyembre, 1896 hanggang Mayo, 1897. Matapos palayain ay nagdesisyon siyang magbalik sa Europa. Sa pagnanais na aktuwal na makatulong sa ipinakikipaglaban ng mga rebolusyonaryo, inisip niyang ang laban ay nasa loob at wala sa labas ng inaapi niyang bayan. Hindi niya nagawa ang plano nang sumabog ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Upang makapaglingkod sa bayan, tinanggap niya ang pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Aguinaldo na maging kinatawang pandiplomatiko sa Pransiya.

Nagplano siyang muling umuwi sa Pilipinas upang makilahok sa pagtatanggol sa kaniyang bansang sinilangan. Nang lumapag siya sa Hongkong ay sinamang palad siyang atakihin sa puso. Disyembre 7, 1899 nang bawian siya ng buhay. Sa Simenteryo Katoliko ng Hongkong inilibing ang pintor.

Sa pagbibigay pahalaga ni Juan Luna sa Pilipinas bilang natatanging bansa ng mga henyo ay nabigyan niya ng inspirasyon ang mga kababayan upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipinong patas na tumindig kaninuman, lalung-lalo na sa mga mapang-aping dayuhan.

Huwebes, Setyembre 2, 2010

Amado V. Hernandez

Si Amado V. Hernandez ay makata, nobelista, mandudula, peryodista, at itinanghal na Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng panitikan. Nagsulat din siya sa ilalim ng mga pangalang Herminia dela Riva, Amante Hernani at Julio Abril.

Isinilang siya noong 13 Setyembre 1903 sa Tundo, Maynila, at supling nina Juan Hernandez at Clara Vera. Napangasawa niya si Honorata "Atang" de la Rama na tinaguriang "Reyna ng Kundiman" na napabilang din sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining. Nag-aral si Hernandez sa Manila High School sa Gagalangin, Tundo, Maynila; at sa American Correspondence School at doon niya nakamit ang titulong batsilyer sa sining.

Nagsimula bilang peryodista, at pagkaraan ay naging editor, si Hernandez sa mga pahayagang gaya ng Watawat, Pagkakaisa, Makabayan, Sampaguita, at Mabuhay Extra. Sumapi siya sa Akademya ng Wikang Tagalog at Manila Press Club noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; at naging tiktik para isulong ang paghihimagsik. Nahirang siyang konsehal noong 1945, at nahalal noong 1947. Nakilahok siya sa kilusang manggagawa noong dekada 1940–1950, at kinatawan ang mga mamamahayag sa Congress of Labor Relations (CLO). Noong 1947, nahalal siyang pangulo ng CLO ngunit nabilanggo naman siya noong 1951 dahil sa paratang na pagiging subersibo. Pinalaya siya noong 1956, at napawalang sala nang ganap noong 1964. Muling pumalaot sa peryodismo si Hernandez, at naging kolumnista sa Taliba noong 1962–1967, at editor ng Ang Masa. Nahalal si Hernandez na ikalawang pangulo ng Aklatang Bayan, ang pinakamalaking samahan ng mga manunulat na itinatag noong bago magkadigma; at pagkaraan ay sumapi sa Ilaw at Panitik na samahan ng mga kabataang makata at mangangatha. Nakipagbalagtasan siya sa pahayagan at kinalaban ang tarikang si Jose Corazon de Jesus.

Tumanggap ng tinatayang 20 gawad at parangal si Hernandez noong bago sumiklab ang digmaan, at kabilang dito ang "Ang Makata ng Ilaw at Panitik" (1925) na sumungkit ng dalawang medalyang ginto para sa maikling kuwento. Nagwagi rin siya ng Republic Cultural Heritage Award para sa "'Isang Daang Langit" (1962); Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (1958, 1961); Hagdan sa Bahaghari (1959); National Press Club Journalism Award (1963–1965); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa pamahalaang lokal ng Maynila (1964); Balagtas Memorial Award mula sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (1969); Gawad Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo de Manila University (1970). Iginawad nang postumo sa kaniya ang pagkilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1970.

Gabriela Silang

Si Gabriela Silang (Marso 19, 1731 - Setyembre 29, 1763) ay ang unang Pilipinong babae na namuno sa isang paghihimagsik noong kolonisasyon ng mga Kastila sa Pilipinas. Nang namatay ang asawa niyang si Diego Silang, ipinagpatuloy niya ang pinaglalaban ng asawa.

Siya ay ipinanganak bilang Maria Josefa Gabriela Cariño Silang noong Marso 19, 1731 sa Caniogan, Ilocos Sur (Santa, Ilocos Sur). Siya ay ang pagpapakasal laban sa kanyang kagustuhan nang siya ay isa pa lamang menor de edad. Ang lahat ng mga pangyayaring iyon ay pawang kagustuhan lamang ng kanyang ama. Natupad ang nais ng ama ni Gabriela nang napunta kay Gabriela ang kayamanan ng kanyang asawa nang ito ay namatay at siya ay maagang nabiyuda.

Lumipas ang ilang taon at napangasawa naman ni Gabriela si Diego Silang. Magiting na lumaban si Diego sa mga Kastila at napalaya ang Vigan. Sila ay nanirahan sa Vigan magmula noong Setyembre, 1762, hanggang sa mamatay si Diego at muli nitong pagkabiyuda.

Ang naudlot na pakikipaglaban ni Diego Silang ay buong giting niyang ipinagpatuloy. Subalit sa kasamaang palad, ang kanyang puwersa ay nawalang laban sa libu-libong lakas ng mga Kastila at kawalan iteres ng mga Ingles nang nilagda ng kasunduan sa pagtatapos ng Pitong Taong Digmaan sa Paris noong Pebrero, 1763. Si Gabriela ay dinakip at binitay noong Setyembre 29, 1763. Siya ay tinaguriang Unang Babaing Heneral at Unang Babaing Martir dahil sa kanyang katapangan at kagitingan para sa kapakanan ng bayan.

Emilio Aguinaldo

Ipinanganak si Emilio Aguinaldo noong Marso 22, 1869 sa bayan ng Kawit, Cavite sa Luzon[1] sa panahong kolonya ng Espanya ang Pilipinas, ang ikapitong anak ng alkalde ng bayan. Sa edad na 15, sa tulong ng isang paring Jesuit, nagpatala siya sa Pamantasan ng Santo Tomas sa Maynila, kung saan siya nag-aral ng medisina.

Nagbalik si Aguinaldo sa Luzon at tumulong panguiinahan ang isang pag-aalsa na sa kaunting panahon ay nagtaboy sa mga Espanyol sa rehiyon. Bilang bahagi ng napakasunduan, ipinatapon si Aguinaldo sa Hong Kong noong 1888. Doon pinag-aralan niya ng taktikang pangmilitar ng mga Britanya at nagtipon ng mga armas, at palihim na bumalik sa Luzon ilang taon ang lumipas.

Noong 1895 sumapi si Aguinaldo sa Katipunan, isang lihim na samahan na pinamumunuan noon ni Andres Bonifacio, na may layuning patalsipokkin ang mga Espanyol at palayain ang Pilipinas. Kasama ni Dr. Jose Rizal, inumpisahan niya ang digmaan laban sa mga Espanyol noong 1896, at ginapanan niya ang pamumuno sa kilusan pallgkatapos mahuli at ipapatay si Rizal. Nakipaglaban ang mga Espanyol sa pamamagitan ng pwersang militajjr at panunuhol sa mga pinuno ng mga rebelde. Tinanggap ni Aguinaldo ang alok na pera at ginamit ito sa pagbili ng dagdag na armas para sa rebelde sa halip na bumalik sa pagkakatapon.

Noong 1898, nagsimula ng Digmaang Espanyol-Amerikano at napikapag-ugnayan si Aguinaldo sa mga Amerikanong opisyal sa pag-asang tutulong sila sa kanyang pakikipaglaban para sa kalayaan. Sa una nakatanggap lamang siya ng magkakahalong mensahe, ngunit nakipaglaban kaisa ng mga Amerikano upang patalsikin ang mga Espanyol � kasama ng paglilipat ng maghigit na 15,000 nahuling tropang Espanyol ay si Admiral George Dewey. Gayon pa man, ang pakikipag-ugnayan sa mga Amerikano ay higit na apektado nang hindi sila nagpakita ng kagustuhang tulungan ang Pilipinas na maging malaya at nagsimulang sakupin ang bansa gaya ng ginawa ng mga Espanyol noon. Walang tulong ninuman, ipinahayag ni Aguinaldo ang kalayan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 at inihalal siya ng Kapulungan ng Saling-batas ng Pilinas bilang pangulo noong Enero 1, 1899. Nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga tropang Amerikano at mga Pilipinong makakalayan, ipinahayag ni Aguinaldo ang digmaan laban sa Estados Unidos noong Pebrero 4, 1899.

Pinamunuan ni Aguinaldo ang pagtutol sa pananakop ng mga Amerikano hanggang siya ay mahuli noong 1901 ni US General Frederick Funston. Tinanggap niya ang alok na ililigtas ang kanyang buhay kung ipapangako niya ang kanyang katapatan sa Estados Unidos. Isang malungkot na desisyon ang ginawa ni Aguinaldo dahil matapos siyang ipagtanggol ng kanyang mga magigiting na heneral,tulad ni Gen.Gregorio del Pilar,sumuko lamang siya nang hindi lumalaban. Namahinga siya sa mata ng publiko nang matagal na panahon, hanggang 1935 nang ipahayag siya na kakandidato siya bilang pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas; tinalo siya ni Manuel L. Quezon sa halalan.

Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, gumawa si Aguinaldo nakakahiyang pahayag sa radyo ng kanyang pagsuporta sa mga Hapon. Pagkatapos makuhang muli ng mga Amerikano ang Pilipinas, dinakip siya sa pakikipagtulungan sa kaaway, ngunit sa paglilitis nalaman na pinuwersa lamang siya upang gawin ang kanyang mga pahayag (binantaan siya ng mga Hapon na papatayin ang kanyang pamilya), at nalinis din ang kanyang pangalan. Namuhay siyang nakita ang kanyang panghabang-buhay na hangarin, ang kalayaan ng kanyang bansa na natamo noong 1946, at noong 1950 nagsilbi siya ng isang termino sa Council of State bago siya muling namahinga. Namatay siya sa atake sa puso sa Veterans Memorial Hospital sa Lungsod ng Quezon noong Pebrero 6, 1964 sa edad na 94.

Andres Bonifacio

Si Andres Bonifacio (Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897) ay siyang namuno sa rebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya, ang unang rebolusyon sa Asya na lumaban sa pananakop ng mga bansang imperyalista sa Europa.

Siya ay isinilang noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tundo, Maynila. Ang kanyang magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalia de Castro. Siya ay nagsimulang mag-aral sa paaralan ni Don Guillermo Osmeña sa Melsic subalit siya'y maagang nahinto sa pag-aaral. Bagamat siya'y nahinto sa pag-aaral, marunong siyang bumasa at sumulat, at dalubhasa na rin sa pagsasalita sa wikang Kastila.

Naulila sa magulang nang maaaga sa edad na 14. Naging tindero siya ng ratan at pamaypay na gawa sa papel de japon. Nagtrabaho din siya bilang clerk, sales agent at bodegista (warehouseman). Nahilig siyang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal at nang itinatag ang La Liga Filipina, sumapi siya kasama ni Apolinario Mabini.

Bagamat mahirap ay mahilig bumasa at sumulat ng mga bagay na may kabuluhan lalo na kung ito ay tungkol sa himagsikan at digmaan. Siya ay may diwa ng paghihimagsik. Siya rin ay nagnais na magbangon ng pamahalaang malaya na naging daan upang kanyang maitatag ang Katipunan na kakatawan sa himagsikan at upang maging wasto at panatag sa kanyang itinatag. Noong 1892, matapos dakpin at ipatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan o kilala rin bilang "Kataastasan,Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan" (KKK), isang lihim na kapisanang mapanghimagsik, na di naglaon ay naging sentro ng hukbong Pilipinong mapanghimagsik. Kasama ni Bonifacio ay sina Valentin Diaz, Deodato Arellano (bayaw ni Marcelo H. del Pilar), Teodoro Plata (bayaw ni Bonifacio), Ladislao Diwa, at ilang mangagawa ang pagtatag ng Katipunan sa Calle Azcarraga (ngayon ay Avenida Claro M. Recto) malapit sa Calle Candelaria (ngayon ay Kalye Elcano).

Sa pagtatag ng Katipunan, kinilala si Andres Bonifacio bilang "Ama ng Rebolusyon" sa Pilipinas. Si Bonifacio at ang kanyang mga kasamahan sa Katipunan ay may isang layunin na marahil ay siyang naging dahilan upang ang kanilang pakikidigma ay maging matagumpay.

Sa Katipunan, "Supremo" ang kanyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang "Pangulong Hari ng Katagalugan". Dito rin niya nakilala si Gregoria de Jesus na tinawag niyang Lakambini. Noong Agosto 23, 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin (ngayo'y Bahay Toro, Project 8, Lungsod Quezon) sa Balintawak ay tinipon nya ang mga Katipunero at isa isa'y pinunit ang kanilang mga cedula.

Sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang naganap sa Tejeros, Cavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang lumahok ay mula sa Cavite lamang. Nanalo sa pagka-pangulo si Emilio Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mababang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob (Interior Director).

Nang sinubukan ng mga miyembro ng lupon ng mga Magdalo na kuwistiyunin ang kakayahan ni Andres Bonifacio, idineklara ni Bonifacio na walang bisa ang naganap na eleksyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil. Ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kanyang mga tauhan. Iniutos kay Mariano Noriel na ibigay ang hatol sa isang selyadong sobre kay Lazaro Makapagal. Iniutos ang pagbaril kay Bonifacio kasama ang kanyang kapatid na lalaki na si Procopio Bonifacio noong ika-10 ng Mayo, 1897 malapit sa Bundok Nagpatong (o Bundok Buntis). Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang labi niya.