Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga kwentong bayan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga kwentong bayan. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Hulyo 8, 2017

Ang Mga Duwende

Ang Mga Duwende
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol

Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.

“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso.” Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende. Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng
bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.

Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

Kung Bakit Umuulan

Kung Bakit Umuulan


Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pang oras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.

“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.

“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.

“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”

“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong diyosa,” bulong ni Alunsina. Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan. Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.

At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay. “Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.

Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang diyosa. Gusto niyang lumikha.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng... oras!” At nagsimula nga ang oras.

Kasamang nalikha ng oras ang alaala... at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina. Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?” “Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.

“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”

Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya doon, nanonood, nakakunot ang noo.

“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong diyosa!” Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.

Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang, apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.

“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.

Lumipas ang mahabang panahon, at nagsawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita. Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.

“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!” Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.

“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon. Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.

Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya. Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok
siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.

Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.

Si Mariang Mapangarapin

Si Mariang Mapangarapin


Magandang dalaga si Maria.  Masipag siya at masigla.  Masaya at matalino rin siya.  Ano pa't masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin.  Umaga o tanghali man ay nangangarap siya.  Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising.  Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin.  Hindi naman nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok.  Tuwang-tuwa si Maria!  Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya.  Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya.  Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria.  Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon.  Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba.  At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nag-itlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria.  Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw.  At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo.  Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.

At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw.  Nabuo ito sa limang dosenang itlog.  At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria.  Sunong niya ang limang dosenang itlog.  Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria.  Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog.  Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng.  Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!

Nahulog ang limang dosenang itlog!  Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan.  Saka siya umiyak nang umiyak.  Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.

Mensahe: Gawing makatotohanan ang layunin o adhika upang ito ay maisakatuparan.


Sanggunian:



Aragon, Angelita L. Mga Alamat at iba pang mga Kuwento (Legends and other Stories). Quezon City: Tru-Copy Printing Press, 1986, pp.84-85.

Sina Adlaw at Bulan

Sina Adlaw at Bulan
Ito ay isang kuwentong bayan ng Tinggiyan

Noong unang panahon ay may mag-asawang may mabuting pagpapasunuran at pagmamahalan. Sila'y sina Adlaw at Bulan. Nagkaanak sila ng maraming bituin. Napansin ni Adlaw na lubha ng masikip sa kanilang bahay sapagkat patuloy na nag-aanak si Bulan.

Kinausap ni Adlaw si Bulan at sinabi sa asawa na pagpapatayin nila ang iba nilang mga anak upang lumuwag ang kanilang tirahan.Tinutulan ni BUlan ang mungkahi ni Adlaw at ito ang naging dahilan ng mainit nilang pagkakagalit. Wala nang katahimikan sa kanilang bahay sapagkat halos araw-araw ay nag-aaway sila. Hindi na nakatiis si Bulan at ipinasya niyang makipaghiwalay sa asawa na lalo namang ikinagalit ni Adlaw. Hindi nagtagal ay pumayag na rin si Adlaw na makipaghiwalay sa kasunduang isasamang lahat ni Bulan ang mga anak na bituin at hindi na pakikita sa kanya ang mag-iina.

Kaya mula noon, makikitang nag-iisang sumusikat si Adlaw (Araw) sa araw at sa gabi naman ay lumilitaw si Bulan (Buwan) kasama ang mga anak na bituin. Kapag ang dating mag-asawa'y nagkakatagpo ay lalong tumitindi ang poot ni Adlaw kay Bulan kaya hinahabol niya ito na nagiging dahilan ng eclipse.

Ang Kataksilan Ni Sinogo

Ang Kataksilan Ni Sinogo
Kwentong Bayan ( Mindanao )


MARAMING MARAMING taon sa nakaraan, nuong si Maguayan pa ang panginuon sa dagat, at ang mapusok na Kaptan ang naghahagis ng kidlat mula sa kanyang kaharian sa langit, pulos mga halimaw ang lumalangoy sa tubig at lumilipad sa himpapawid. Malalaki ang ipin at matatalas ang kuko ng mga halimaw

sa himpapawid. Subalit kahit ano ang bangis nila, sama-sama silang nabubuhay nang tahimik dahil takot sila sa galit at lupit ni Kaptan. Kaiba ang lagay sa dagat sapagkat dambuhala (higantes, giants) ang mga halimaw na lumalangoy at malakas ang luob nila sa kanilang laki at lakas. Pati si Maguayan ay sindak sa kanilang laki at dahas kaya hindi siya sinunod, ni hindi iginalang ng mga halimaw. Balisa araw-araw si Maguayan na baka siya ang balingan ng mga ito.

Sa wakas, nawalan siya ng pag-asa at humingi ng tulong kay Kaptan. Inutusan ng diwata ng langit ang mga pinaka-matulin niyang mga tagahayag (escuderos, messengers) na tawagin lahat ng mga halimaw upang magpulong sa isang munting pulo ng Kaweli, sa gitna ng dagat ng Sulu, sa lalong madaling panahon. Agad namang nagdatingan ang mga halimaw hanggang nagdilim ang langit sa dami ng mga lumilipad, at kumulo ang dagat sa
dami ng mga lumalangoy.

May mga dambuhalang buaya mula Mindanao, mababangis na tikbalang mula Luzon, mga ligaw na sigbin mula Negros at Bohol, daan-daan ng mga ungloks mula Panay at Leyte, malalaking uwak-uwak at iba pang nakakatakot na halimaw - lahat ay nagsiksikan sa munting pulo na halos natakpan sa dami nila. Nakaka-bingi, tilian at hiyawan silang lahat habang hinihintay ang atas nina Kaptan at Maguayan mula sa kanilang gintong luklukan (trono, throne).

Pagtagal-tagal, itinaas ni Kaptan ang isa niyang bisig (brazo, arm) at biglang tumahimik lahat ng halimaw. Nuon hinayag ni Kaptan ang kanyang utos. Si Maguayan ay kapwa niya diwata, sabi ni Kaptan, at dapat siyang igalang ng mga halimaw tulad ng paggalang na inilalaan sa kanya. Inutos niya sa lahat na sumunod at igalang si Maguayan.

“Hahagisan ko ng kidlat at papatayin,” babala ni Kaptan, “ang sinumang sumuway sa utos kong ito.”

Pina-uwi na niya ang mga halimaw at muling puma-ilanglang ang mga tili at hiyawan nang sabay-sabay at mabilis nag-alisan ang mga mababangis na nilalang. Dagli lamang, walang naiwan sa Kaweli maliban kina Kaptan at Maguayan, at ang 3 pinaka-matulin sa mga tagahayag - si Dalagan, ang pinaka-mabilis, si Gidala, ang pinaka-matapang, at si Sinogo, ang pinaka-makisig at pinaka-mahal ni Kaptan.

Silang 3 ay mga dambuhalang mala-diwata na may malalaking pakpak (alas, wings) kaya mabilis lumipad. May sandata silang mahahaba at matatalim na mga sibat (lancias, spears) at kampilan (espadas, swords) na walang kiming ginagamit nilang pamatay, sa utos ni Kaptan.

Nagpasalamat si Maguayan kay Kaptan. “Walang anuman,” tugon sa kanya, “tinupad ko lamang ang aking tungkulin sa isang kapatid.” Tapos, ibinigay ni Kaptan kay Maguayan ang isang gintong kabibi (almeja dorado, gold shell ). “May mahiwagang kapangyarihan ito, bulong niya kay Maguayan. Isubo mo lamang at ang anyo mo ay magbabago sa anumang naisin mo.” Kaya raw kung may mangahas na halimaw, kailangan lamang maging halimaw din siya, subalit mas malaki at mas mabangis, upang talunin at patayin ang pangahas!

Nagpasalamat uli si Maguayan at inilagay sa tabi niya ang gintong kabibi. Tapos, pinakuha ni Kaptan ng pagkain at inumin ang 3 tagahayag at, mabilis pa sa lintik (relampago, lightning), nag-piging na ang 2 diwata. Hindi nila napansin, nasa likod si Sinogo, narinig lahat ng ibinulong ni Kaptan at ibig ngayong makamit ang gintong kabibi. Kahit na marami na siyang tinanggap na biyaya (ventajas, favors) at karangalan (honors) mula kay Kaptan, ninais niya ang higit pang kapangyarihan. Maaari siyang maging tunay na diwata at mag-hari sa lupa, at magtago upang hindi maparusahan ni Kaptan. Kaya paghain niya ng pagkain kay Maguayan, lihim niyang dinampot ang kabibi. Tapos, tahimik siyang tumalilis.

Matagal bago namalayang wala si Sinogo, at ipinahanap siya ni Kaptan kay Dalagan. Kasing bilis ng lintik, bumalik si Dalagan at hinayag na wala na sa pulo si Sinogo. Nataon namang napansin ni Maguayan na naglaho ang gintong kabibi kaya nahulaan ni Kaptan na ninakaw ito ni Sinogo at tumakas. Sumisigaw sa galit, inutos ni Kaptan kina Dalagan at Gidala na habulin at bihagin ang talipandas.

“Papatayin ko siya!” sigaw ni Kaptan.

Agad at walang puknat na lumipad patungo sa hilaga (a norte, northward ) sina Dalagan at Gidala, at sa banda ng pulo ng Guimaras, namataan nila si Sinogo. Napansin din sila ni Sinogo na lalong minadali ang paglipad, subalit mas mabilis kaysa sa kanya ang mga humahabol, lalo na si Dalagan, kaya unti-unti siyang inabutan.

Humugot ng sandata sina Gidala, susunggaban na sana nila si Sinogo. Biglang isinubo ni Sinogo ang gintong kabibi at, sa isang kisap-mata, naging
dambuhalang buaya siya at sumisid sa dagat. Habol pa rin, pinagta-taga siya nina Dalagan at Gidala subalit hindi tumagos sa kapal at tigas ng balat ng buaya. Patuloy ang hagaran sa lusutang (estrecho, strait) Guimaras.

Sa kaskas ni Sinogo, at sa laki ng anyo niyang buaya, sumambulat ang tubig na dinaanan hanggang, pag-ikot sa dalampasigan ng Negros, natakpan ng tubig ang munting pulo ng Bacabac, binakbak ang mga bundok duon at naging pantay ang lupa sa dagat.

Papunta na sa pulo ng Bantayan ang habulan nang biglang lumihis si Sinogo at sumingit sa makitid na pagitan ng Negros at Cebu. Iniwan ni Dalagan si Gidala na humabol nang nag-iisa upang makabalik siya sa pulo ng Kaweli. Duon, ibinalita niya kina Kaptan at Maguayan kung saan lumalangoy si Sinogo bilang isang buaya. Natantiya ni Kaptan na matatambangan nila si Sinogo sa makitid na tubig. Lumipad siya pasilangan (a oriente, eastward) at tumatag sa
kabilang dulo ng tinatawag ngayong Tanon Strait, hawak ang isang malakas na kidlat.

Kaskas dumating si Sinogo, panay na tinataga pa rin ni Gidala, nang umalingawngaw ang malakas na kulog (trueno, thunder) at biglang tumama ang kidlat sa likod ng dambuhalang buaya. Tuluy-tuloy na lumubog si Sinogo na buaya, tulak-tulak ng kidlat hanggang bumaon ito sa lupa sa ilalim ng dagat.

Nakatuhog sa kidlat, hindi naka-alpas si Sinogo at sa pagpu-pumiglas niya, nailuwa niya ang gintong kabibi. Nahulog sana sa putik ang kabibi subalit sinalo ito ng isang isda, tapos dinala kay Kaptan. Samantala, nanatiling buwaya si Sinogo at patuloy na palag nang palag sa ilalim ng dagat.

Ang walang tigil na palag ni Sinogo na dambuhalang buaya ang sanhi ng mga ipu-ipu sa bahaging iyon ng Pilipinas, bahaging laging iniiwasan ng mga namamangka, sa takot nila sa panganib.

Ang Pilosopo

Ang Pilosopo
(Kuwentong Maranao)

Noong unang panahon, may isang bayan na ang naninirahan ay mga taong sunudsunuran na lamang dahil sa takot na masuway ang batas na umiiral sa nasabing bayan. Isang araw, namamasyal ang kanilang pinunong si Abed sa mga kabahayan ng kanyang mga tauhan upang tiyakin kung sino sa kanyang mga tauhan ang mga naghihirap upang mabigyan ng pagkain.

Nang mapansin ni Subekat na lumilibot araw-araw si Abed upang mamigay ng pagkain sa mga naghihirap ay kaagad kumuha ng bato at isinalang sa kalan para mabigyan ng pagkain. Nang marating ni Abed ang kubo, binati siya ni Subekat. Luminga-linga si Abed at nakita niya ang kaldero na may nilagang bato. Nung mapansin niya, sinabi ni Subekat na kunin kinaumagahan ang kanyang parte dahil may inilaan sa kanya.

Isang araw nagtipon ang mga tao upang magdasal ng dhubor (pantanghaling pagdarasal). Nang makatapos sila ay nagtanong si Abed kung sino ang wala sa kanyang mga tauhan. May nakapagsabi na si Subekat ang wala. Samantala, ipinaalam ni Abed sa mga tao na aalis sila para magsuri ng lupa dahil kakaunti na lamang ang lupa para sa susunod na henerasyon. Nang papaalis na sila, saka pa lamang dumating si Subekat na hindi sumali sa pagdarasal at sinabing sasama siya. Sinabi ni Abed na maaaring sumama si Subekat kahit na hindi niya siya nakita sa pagdarasal ngunit sa pag-alis nilang ito ay matatanto niya kung tunay ba na kasama si Subekat o hindi. Bago umalis ang pangkat, hinabilin ni Abed sa bawat isa na magdala ng bato na tamang-tama lang ang bigat sa kanila. Nagdala si Subekat ng batong
sinlaki lang ng kanyang hinlalaking daliri.

Nang mapagod na sila sa walang humpay na paglalakbay, nagpahinga sila at naghugas upang magdasal. Hindi pa rin sumali si Subekat. Nang matapos ang pagdarasal, ipinag-utos ni Abed na buksan ang kanilang baon. Nang mabuksan na nila, naging tinapay ang lahat ng dala nilang bato. Si Subekat na ang dala ay sinlaki lamang ng hinlalaki ay nagutom dahil sa liit ng kanyang tinapay.

Nang paalis na naman sila, sinabi uli ni Abed sa bawat isa na magdala ng maliit lamang na bato. Sumunod lahat ang mga tao maliban kay Subekat na ang dinalang bato ay ang pinakamalaki dahil magiging tinapay raw ito. Nang dumating na sila sa pupuntahan nila, sinabi ni Abed na bawat isa sa kanila ay ihagis sa abot ng kanilang makakaya ang kanilang bato dahil ito na rin ang lawak ng lupang matatamo ng bawat isa. Samantalang, si Subekat na may pinakamalaking bato ay sinlaki lamang ng bilao ang nakuhang lupa dahil sa hindi niya kayang ihagis ang kanyang dalang bato. Doon lamang sa nahulugan ng bato ang kanyang makukuhang lupa. Nalungkot si Subekat sa kanyang makukuhang lupa. Nang makita ni Abed ang liit ng kanyang nakuhang lupa sinabi niya kay Subekat na hindi ito sumusunod sa mga patakaran. Sinabi pa sa kanya na dahil siya ay hindi marunong sumunod sa mga alintuntunin,
wala siyang magandang kinabukasan.

Sipi mula sa Mga Piling Kuwentong Bayan ng Mga Maguindanaon at Maranao

Huwebes, Hulyo 6, 2017

Tagalungsod Sila

Tagalungsod Sila


Tonio: Nanay, bakit po nais nina Tiyo Mario na doon manirahan sa lungsod?

Aling Nita: Paano, nasisiyahan sila roon. At doon na sila nahirati.

Tonio: Ano po ba ang masaya sa lungsod?

Aling Nita: Marami roong bahay. Maraming tindahan. Maraming pagawaan. Maraming sinehan.

Tonio: Tayo po naman dito sa lalawigan ay may mga sinehan din. Dalawa pa nga.

Aling Nita: Maraming hanapbuhay sa lungsod. Marami ring, tao. Maraming sasakyan. At maraming napaglilibangan tulad ng mga parke at mga zoo.

Tonio: Nang pumunta po tayo roon noong isang linggo ay napansin kong magkakatabi ang mga bahay. Ang mga bata nga po ay sa kalsada na naglalaro. Di po ba mahirap iyon? Baka sila masagasaan ng mga sasakyan.

Aling Nita: Oo nga, ngunit ang mga pinsan mo ay pinagsasabihan naman ng kanilang mga magulang na mag-ingat at huwag ngang maglaro sa mga dinaraanan ng mga sasakyan.

Tonio: Sana’ y dito na rin sila manirahan na kasama natin. Tahimik dito, malamig ang simoy ng hangin, sariwa ang mga pagkain at walang alikabok.

Aling Nita: Hayaan mo’t kapag nakausap natin sila ay ating hihimukin na bumalik na uli sila sa bukid.

Nasa Kamay ang Buhay ng Ibong Hawak

Nasa Kamay ang Buhay ng Ibong Hawak


May guro sa isang paaralan sa bukid. Kinawilihan siya ng mga mag-aaral dahil sa kanyang katalinuhan. Siya’y itinuturing na marunong pagkat bawat tanong ng mga bata ay kanyang nasasagot.

Naging ugali ng mga bata na lumikha ng mga tanong na sa akala nila’y mahirap at hindi masasagot ng kanilang maestro.

Isang araw si Florante, isa sa mga nag-aaral, ay lumalang ng isang tanong tungkol sa ibong kanyang nahuli. Nakatitiyak siyang anumang isagot ng guro, sa wasto o sa mali, ay pihong mali. Tingnan kung bakit.

Ang estratihiya o plano ni Florante ay payak lamang. Tatangnan niya ang ibon na kuyom sa kanyang palad at itatanong sa guro kung ang ibon ay patay o buhay.

Pag sinagot ng guro na ang ibon ay buhay, sadyang sisiilin niya ito sa kanyang palad upang mamatay. Sa gayon, mapapatutuhanang mali ang guro.

Kung ang isasagot ng guro ay patay ang ibon, ibubuka ni Florante ang kanyang kamay at pahihintulutan itong lumipad.

Ang sumunod na araw ay Biyernes, may pasok. Ang mga bata ay nasa loob ng klase. Si Florante ay kagyat na tumindig at nagtanong, “Maestro, pakisabi ninyo kung ang ibong tangnan ko ay patay o buhay.”

Ang klaseng nakikinig ay nakasisigurong mali ang isasagot ng matalinong guro.

Ang guro ay ngumiti muna bago sumagot, “Florante, ang buhay ng ibon ay nakasalalay sa iyong mga kamay!”

Tikbalang

Tikbalang


“Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?” tanong ni Edith sa panganay na kapatid.

“E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito.”

“Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari,” pakiusap naman ng bunsong si Teresa.

“O, halikayo at makinig kayo.”

Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda na ay mabait pa.

Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang. Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni’t ang napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.

Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga kaya’t hindi nagtagal at sila’y ikinasal. Maligayang mga araw, ang nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.

Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang babae na pinangalanang Ligaya. Nguni’t sa maaliwalas nilang langit ay dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.

Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang bata.

“Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!” Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.

Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni’t hindi siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.

“Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas.”

“Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po’y mga istorya lang iyon,” takang-takang tanong ni Roberto.

“Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang.”

“Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang bata,” halos maiyak-iyak si Roberto.

“Hayaan mo’t paghahandaan natin,” pangako ng matanda.

Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto, biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.

Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.

“Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo gagambalain. Maawa kayo.”

Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.

Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang si Ligaya ay lumaki’t naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.

“Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate,” sabi ni Edith. “Baka kami hindi makatulog.”

“Magdasal muna kayo bago mahiga,” paalala ng panganay, “kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!” 


Sugong Kalapati

Sugong Kalapati 


Katatapos pa lamang naming maglaro ng basketball noong Biyernes na yaon. Si Karl at Bobby ay kasama kong nakaupo sa harap ng tindahan ng sarisari ni Mang Lucio at umiinom ng pepsi habang nagpapahinga.

Matamang nag-uusap kami tungkol sa aming malapit nang pagtatapos sa paaralan nang buhat sa madilim na karsada ay may nakita akong lumalakad na isang matandang lalaki. Pinagmasdan ko siya habang papalapit siya sa kinaroroonan namin. Matangkad siya, mahaba ang buhok, may balbas at nakasandalyas.

Tumigil siya sa pinto ng tindahan at nang makitang may mga tindang mga figurine sa isang eskaparate, siya’y pumasok. Binili niya ang isang figurine ng kalapating puti. Nang binabayaran niya ito kay Mang Lucio, sumulyap siya sa akin at ngumiti. Ako naman na halos namamalikmata rin sa pagtitig sa kanya ay napangiti rin.

Nang lumalabas na siya sa tindahan, hindi ko napigil na magtanong, “Ginagabi kayo, Tatang, Saan ba kayo pupunta?”

Tiningnan niya ako at ang sabi, “May pagbibigyan lang ako ng kalapating ito.”

Nang makaalis na ang matanda, tinanong ko sa mga kaibigan ko kung nakita nila ang mukha nitong tila kay bait-bait. Wala naman daw silang napansin di-karaniwan.

Kinabukasan, sapagkat Sabado at walang pasok, tanghali na akong nag-almusal. Biglang may narinig akong kumakatok sa aming pintuan.

Nagulat ako nang makita ko si Tatang pagkabukas ko ng pinto. Pinatuloy ko siya sa kusina at inalok na kumain. Pinagbigyan naman niya ako, naupo sa harap ko, at kumain.

“Naibigay na po ba ninyo ang inyong figurine na binili ninyo?” tanong ko sa kanya.

Tiningnan niya ako, “John, bakit ka nawalan ng tiwala sa Diyos?”

Nagulat ako sa sagot niyang malayo sa tanong ko. Nanginginig ang tinig kong nagtanong, “Sino po kayo at alam ninyo ang aking pangalan?” Wala na akong nasabi pa at para akong nanghina at nangamba.

“Psychic ako. Nababasa ko ang mga nangyayari sa buhay ng tao kapag tumitingin ako sa mga mata nito. Bakit mo tinalikuran ang Diyos?”

Pinilit kong sumagot. “Kung mabait po ang Diyos, bakit namatay sa sakuna ang dalawang pinakamamahal ko sa buhay?”

Tumayo si Tatang. “Anak ko, kapag tapos na ang misyon ng isang tao sa mundo, siya’y pinaakyat na sa langit.”

Inihatid ko si Tatang sa sasakyan, may pupuntahan daw siya sa kabilang bayan. Bago siya sumakay sa bus, dinukot niya sa bulsa ang kalapating figurine at iniabot sa akin.

Sa pagbabalik ko sa bahay, inilagay ko ang puting kalapati sa mesa. Umakyat ako sa silid para magbihis. Inisip ko na isasama ko sa aparador ng mga figurine ang kalapating bigay ni Tatang. “Sino nga kaya si Tatang?” Hanggang sa sandaling iyon tila naghihinala pa ako na may kababalaghang nababalot sa katauhan niya.

Pagbaba ko uli wala ang kalapati sa mesang pinaglagyan ko. Hinanap ko ito sa lahat ng dako na sisikdo-sikdo ang dibdib. “Tila nga mahiwaga ang nangyayari,” nasabi ko sa sarili.

Napatingin ako sa labas ng bintana at sa sampayan doon, nakita ko ang isang buhay na puting kalapati. “Diyos ko, patawarin po ninyo ako, Diyos ko. Mahal ko po kayo.”

Ngayong ako’y naririto sa seminaryo, may mga ilan na ring taong napangangaralan ako, mga taong nawawalan ng tiwala sa Diyos. Tao’s-puso ang pagtulong ko sa kanila dahil katulad din nila ako noon.

Si Paruparo at si Langgam

Si Paruparo at si Langgam


Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.

“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka magsaya na tulad ko?”

“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”

“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,” pagmamalaki ni Paruparo.

“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.

“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?” inginuso niya ang nasa di kalayuan.

“Sino?’ tanong ni Langgam.

“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.

“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.

“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito. Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.

“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige, ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”

Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.

Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man wala ring matagpuang pagkain.

Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.

Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?

Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig. Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa kanila.

Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang magtatamong pala.”

Si Mario, si Ana, at ang Isda

Si Mario, si Ana, at ang Isda


Tuwang-tuwa ang mangingisdang si Mario nang may nabingwit siyang isang malaking isda. Nang ilalagay na niya ito sa buslo, bigla itong nagsalita,
“Huwag!” Muntik nang mahulog sa bangka si Mario sa malabis na pagkagulat.

“Ibalik mo ako sa tubig at bibigyan kita ng kayamanan,” sabi ng isda, na nagpipilwag.

Nang mahulasan si Mario, tinanong niya ang isda, “Ano ka ba, impakto?”

“Hindi, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay dito sa malapit sa pampang. May kapangyarihan ako – mahika! Kaya ibalik mo lang ako sa tubig at ipagkakaloob ko sa iyo ang hihilingin mo.”

Naalaala ni Mario ang dampang tinitirhan niya. Lagi itong inirereklamo ng asawa dahil sa kaliitan. “Nais ko ang malaking tirahan,” sabi niya sa isda.

“Masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang iyong malaking tahanan,” sabi ng isda na kaagad namang ibinalik ng lalaki sa tubig.

Hindi lang malaki ngunit tila palasyo ng hari sa gara ang nadatnan niya. “Sa palagay ko, hindi na ako aawayin ni Ana. Malaki na ang bahay namin.”

Nguni’t hindi pa pala nasisiyahan ang asawa. “Hulihin mo uli ang isda. Sabihin mong walang mga kasangkapan. Dapat ay iyong magagandang mesa, silya, kama at mga dekorasyon sa bahay.”

Palibhasa’ y takot sa babae, bumalik si Mario sa dagat at namingwit. “Sana’y huwag ko na siyang mahuli para hindi na ako makahingi. Nakakahiya naman ang asawa ko,” bulong niya sa sarili.

Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda at nang makita si Mario, ito’y lumukso sa kanyang bangka. “Ano, kaibigan, nagustuhan mo ba ang bahay mo?”

“Oo nga, maraming salamat. Nguni’t nakikiusap ang asawa ko, kung maaari raw, mabibigyan mo ba raw kami ng mga kasangkapan?” nahihiyang tanong ng mangingisda.

“O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga hinihiling ng asawa mo.”

Natitiyak ni Mario na matutuwa na ngayon si Ana. Malaking biyaya na talaga ang ibinigay sa kanila ng isda. Pagdating niya sa bahay, sinalubong siya ng asawa sa pintuan.

“Balikan mo uli ang isda. Humingi ka naman ngayon ng magagarang alahas at magagandang kasootan. Nais kong makita ng lahat dito sa bayan natin na tayo ang pinakamayaman dito,” utos ng babae sa asawa, na alam niyang hindi kayang sumuway sa bawa’t sabihin niya.

Hiyang-hiya si Mario na humarap uli sa isda, na madali niyang nakita sa pampang na pinaglalagian nito. “Nakakahiya sa iyo,” halos hindi niya maibuka ang bibig, “ngunit may hinihingi na naman ang asawa ko.”

Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip. Kapagkaraka ay nagsalita, “Nakikilala ko na kung ano ang uri ng pagkatao ang asawa mo. Isa siyang sakim at walang pakundangang babae. Hindi siya marunong mahiya, at hindi rin siya mabait na asawa. Parurusahan ko siya. Kukunin ko uli lahat ng naibigay ko na sa kanya.” Lumukso sa tubig ang isda at matuling lumangoy papunta sa laot.

Nang umuwi si Mario, nakita niya si Ana na nakaupong umiiyak sa hagdang kawayan, ng dati nilang dampa.

Si Juan ang Pumatay ng Higante

Si Juan ang Pumatay ng Higante


Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan.”

Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.

“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda,

“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.

“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo,” alok ng matanda,

“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring mapaniwala. “Sige po, payag ako.”

Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. “Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa baka?” tanong ng kanyang ina.

“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda.”

Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana. “Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga manloloko.”

Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga alapaap na.

“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po.”

Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya. “Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka makita.”

“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng higante. “May ibang tao ba rito?”

“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain na kayo.”

Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang manok ko.”

Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing manok sa higante. “Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit ka para ako makatulog,” utos ng higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.

Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng higante. “Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo.”

Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.

Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, “Tak-ta-la-ok!” Malakas at hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang higante.

“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan at ito’y hinabol niya.

“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.

“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”

Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak ito sa lupa.

Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay. 


Si Jesus at ang Matandang Bulag

Si Jesus at ang Matandang Bulag


Nang sampung taon pa lamang ang gulang ni Jesus, tulad ng ibang mga bata, mahilig din siyang maglaro at maglakad-lakad sa mga kalsada para maglibang.

sang araw, sa pamamasyal niya, nakakita siya ng matandang lalakeng bulag na nag-babantay ng pinatutuyong palay. Nasa nakalatag na banig ang palay sa gitna ng daan. At ang matanda ay nasa bangko sa tabi nito.

Palibhasa’y bulag hindi nga makikita ng matanda ang mga manok na lalapit para tumuka sa palay na binabantayan, kaya ang matanda ay nakikinig lamang sa tok-tok ng tuka ng manok at bubugawin niya ang mga ito sa pamamagitan ng hawak na pamalo.

Nang makita siya ni Jesus, naisipan ng batang magbiro sa matanda. Umupo siya sa tabi ng banig na may palay at itinuktok ang daliri sa banig.

“Tuk- tok- tuk- tok.”

“Su! Su!” sigaw ng matanda at iwinasiwas ang pamalo sa dakong kinariringgan ng tuktok.

“Tuk-tok! tuk-tok!” talagang nawiwili pa rin sa kanyang pagbibiro ang batang si Jesus.

“Su! Matigas ang ulo ng manok na ito, a,” sabi ng matanda.

“Tuk-tok!”

Tuluyan nang nagalit sa “manok” ang matandang bulag at ibinato ang tangang patpat sa dakong kinariringgan ng tuktok. Tumama ang patpat sa balikat ni Jesus at anong laking himala!

Biglang nakamulat ang bulag at nakakita ng liwanag. Siya nga’y hindi na bulag at ang unang nakita niya ay isang batang lalake na nakangiti sa kanya.

“Naku, Totoy, tinamaan ka ba ng aking patpat? Ang binabato ko ay manok. Ikaw yata ang tinamaan ko. Ngunit ano itong himalang nangyari sa akin? Salamat po sa Diyos!”

Lumakad nang paalis si Jesus na hindi nagsalita habang ang matanda’y takang-taka pa rin sa pangyayari habang tuloy pa rin ang pagpapasalamat sa Diyos.

Si Apollo, si Aurora, at si Clytie

Si Apollo, si Aurora, at si Clytie


May isang mahalagang katungkulan si Apollo ang diyos ng araw. Tuwing umaga ay sumasakay siya sa kanyang gintong karuwahe at tangang mahigpit ang riyenda ng mga kabayo ay naglalakbay siya nang buong maghapon. Sa katapusan ay pumapasok siya sa tarangkahan ng kanluran.

Si Aurora ay diyosa ng bukang-liwayway. Siya ang nagbubukas ng pinto sa silangan at humahawi ng itim na kurtina ng gabi, nagtataboy sa mga bituin upang maging handa ang lahat sa pagdating ni Apollo.

Laking lungkot ni Aurora nang ang isa sa kanyang mga anak ay namatay. Umiyak siya nang umiyak. Tuwing madaling araw habang ginagampanan niya ang kanyang katungkulan ay pumapatak ang kanyang luha na parang, butil ng kristal sa damuhan.

Si Clytie ay isang masayang nimpa sa tubig. Nang makita niya si Apollo ay inibig niya ito. Ngunit hindi siya pansin ni Apollo. Mula umaga hanggang sa dumilim ay tinatanaw ni Clytie ang kinahihibangan niyang si Apollo. Sinusundan niya ng tanaw ang paglalakbay ni Apollo.

Dahil sa awa sa kanya ng isang diyosa ay ginawa siya ng isang bulaklak na laging nakatanaw sa liwanag ni Apollo. Pagsapit ng dilim at wala na si Apollo siya ay napapatungo at nalulumbay.




Hango sa kuwento ni L. Salvador 

Reynang Matapat

Reynang Matapat


Si Reyna Sima ay isa sa mga reyna na namuno ng isang kaharian sa ating kapuluan. Nakilala siya dahil sa katalinuhan, katapatan at sa mahigpit at maayos na pamamalakad sa panunungkulan.

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan ay pinagdarayo na ng mga mangangalakal na Arabe, Intsik at Hindu ang kaharian ng Kutang-Bato na pinamumunuan ni Reyna Sima. Ang Kutang-Bato ay siya ngayong Cotabato, isa sa pinakamalaking lalawigan sa Mindanao.

Sa pamumuno ni Reyna Sima, umunlad at namuhay nang tahimik at sagana ang mga taga Kutang-Bato. Mahigpit niyang ipinasunod ang mga batas at ang sinumang lumalabag sa ipinag-uutos ng Reyna ay pinarurusahan.

Kabilang sa patakaran na mahigpit na ipinatutupad ng reyna ay ang paggalang, paggawa, at katapatan ng kanyang mga tauhan.

Patuloy na dumarating at umaalis ang mga negosyanteng Intsik sa Kaharian ng Kutang-Bato. Napabalita ito dahil sa maunlad na kalakalan sa kaharian ni Reyna Sima at sa katapatan ng kanyang mga tauhan. Walang kaguluhan at walang nawawalang bagay sa sinumang mangangalakal habang sila ay nasa kaharian ng Kutang-Bato.

Minsan, isang negosyanteng Intsik na nakipagkalakalan sa kaharian ni Reyna Sima ang nakaiwan ng supot ng ginto sa isang mesa sa palasyo. Hindi ipinakibo ni Reyna Sima ang supot ng ginto sa mesa. Ipinagbiling mahigpit ng Reyna Sima sa kanyang mga nasasakupan na walang gagalaw ng naturang supot ng ginto. Ganito kahigpit ang utos ni Reyna Sima sa kanyang nasasakupan upang sa ganito ay muling datnan ng may-ari sa lugar na kanyang pinag-iwanan ang supot ng ginto.

Mula noon, lalong nakilala ang kaharian ni Reyna Sima dahil sa kahigpitan nito sa pagpapatupad ng kautusan tungkol sa katapatan. 

Regalo sa Guro

Regalo sa Guro


Nalulungkot si Ben. Nang itanong ng ina kung ano ang dinaramdam niya ang kanyang sagot ay, “Kasi po ang mga kamag-aral ko ay may papasko para sa aming guro. Ako lang po ang wala.”

Alam ng butihing ina na ang bagay na ito ay mahalaga sa anak dahil mahal nito ang kanyang guro. Sa palagay naman niya, mauunawaan ng guro na sila’y dukha, at sa totoo lang, alam naman niyang hindi naghihintay ang guro ng regalo kahit kanino.

“Halika, anak, at may ikukuwento, ako sa iyo. Kuwento ito ng manunulat na si Pablo Cuasay. Kapag narinig mo ay malalaman mo rin ang dapat mong gawin.” At nagkuwento ang ina…

Dalawa na lamang araw at ipipinid na ang pinto ng paaralan dahil sa pasko. Sa paaralan ay may punong-kahoy na pamasko na puno ng palamuti at mga ilaw. Ito’y puno ng mga alaalang laan ng mga bata sa kanilang mga guro at kamag-aaral.

Ang lahat ay maligaya. Ang buong daigdig ay nadaramtan ng kaligayahan. Malapit nang isilang ang Mananakop. Ang lahat ay may ngiti sa labi – may awit sa papawirin.

Ngunit may kaawa-awang nilalang na nalulungkot. Siya’y si Nestor. Bakit? Ang lahat niyang kamag-aral ay may alaala sa pinakamamahal na guro subalit siya’y wala. Paanong di gayo’y si Nestor ay ulila sa ama at ang ina ay maralita. Ang ina’y walang kaya upang isunod sa kagustuhan ng kanyang bunsong anak.

“Inang,” ang hikayat ni Nestor, “Ako lamang ang walang alaala kay Bb. Mirasol. Ang lahat – sina Ador, Florante, Ramon at Orlando – ang bawat isa sa kanila ay may pamasko sa aking guro. Ako ay bukod-tanging wala.”

“Nestor,” ang butihing ina ay sumagot, “makinig ka. Alam ng iyong guro na tayo’y dukha. Siya’y di naghihintay ng alaalang galing sa iyo. Huwag mong ikalungkot iyan. Talos kong si Bb. Mirasol ay nakauunawa sa ating kalagayan.”

Si Nestor ay walang kibo. Maaga siyang nahiga ngunit hindi makatulog. Siya’y nag-iisip. Kung mayroon lamang siyang pagkakakitaan, kahit kaunting salapi upang ibili ng kanyang papasko! Katapusang araw na kinabukasan.

Si Nestor ay nag-isip nang nag-isip. May gumuhit sa kanyang gunita. Mayroon siyang naisip na maiaalay na alaala kay Bb. Mirasol. Ito kaya ay kasiya-siya? Magustuhan kaya ng kanyang guro?

Siya’y bumangon. Tinungo ang munting hapag sa silid at sa malamlam na ilawan ay isinulat sa malinis na papel ang kanyang papasko. Pinagbuti niya ang kanyang pagsulat, ulit-ulit na binasa at pagkatapos ay tiniklop at ipinaloob sa sobre. Sinarhan niya ito, ipinaloob sa isang aklat at nahigang muli. Mayroon na siyang alaala. Anong tuwa niya! At nakatulog siya ng mahimbing.

Kinaumagahan siya’y pinukaw ng ina, “Nestor, bangon na. Tatanghaliin ka sa pagpasok.”

Si Nestor ay nagmamadaling nagbihis, kumain at tumungo sa paaralan. Hindi niya nalimutang dalhin ang kanyang papasko sa kanyang guro.

Sa lansangan ay gayon na lamang ang kanyang tuwa! Mayroon na siyang papasko! Ito kaya ay mabuting alaala? Iyan lamang ang kanyang nakaya at galing sa kanyang puso. Nang dumating siya sa silid-aralan ay kay-daming nga batang nanonood sa Christmas tree. Buong-ingat na ibinitin ni Nestor ang kanyang papasko sa guro.

Nakinig siya sa lahat ng bilang ng palatuntunan ngunit ang laging umuukilkil sa kanya ay ang tanong na, “Maibigan kaya ni Bb. Mirasol ang aking alaala?”

Ang katapusang bilang ng palatuntunan ay pamumudmod ni Santa Claus ng mga papasko. Sumasal ang puso ni Nestor nang katapusa’y ibinigay ni Santa ang sobre niya kay Bb. Mirasol. Tila kilala ni Bb. Mirasol ang kayang sulat. Tinitigan ang mga titik bago binuksan ang liham. Samantalang binabasa ang liham, si Nestor ay nagmamasid.

Matapos ang palatuntunan umalis na si Santa, pati lahat ng mag-aaral na nagpaalam kay Bb. Mirasol. Ang kahuli-huliha’y si Nestor na tinawag ng guro. “Nestor, pumarito ka. Ako’y may sasabihin sa iyo.”

“Nakita mo ba kung gaano karami ang mga alaalang tinanggap ko? Ako’y galak na galak pagkat iya’y tagapagpakilala na ako’y minamahal ng aking mga tinuturuan. Sa pumpon ng mga alaala ay bukod at tangi ang iyo na pinakamahalaga sa lahat. Ang iyong alaala ay di pangkaraniwan. Iya’y nagbigay sa akin ng labis na kagalakan.”

Namangha si Nestor, di yata’t ang kanyang alaala ang pinakamahalaga sa lahat! Ito ang sabi ng kanyang guro. “Salamat po, at maligayang pasko.” ang sabi ni Nestor bago siya umalis. Siya ay tuwang-tuwa.

Dahil sa labis na kaligayahan ni Bb. Mirasol, kanyang binasa muli ang liham.

“Minamahal kong Guro:

Inyo pong pakaasahang ako’y magpapakabuti. Susundin ko po ang inyong mga utos. Ako’y mag-aaral ng leksyon tuwi na. Pagpipilitan ko pong ako ay maging pangunahing mag-aaral sa inyong klase. Ito pong pangakong ito ang papasko ko sa inyo.

Nagmamahal, Nestor”

“Ang ganda, Nanay, ng kuwento ninyo. Ngayon po ay alam ko na rin kung ano ang dapat kong iregalo kay Bb. Padilla.”

Tuwang-tuwa rin ang ina sa katalinuhan at kagalingan sa pag-unawa ng anak. Habang tinatanaw niya ang bata na naglalakad patungo sa paaralan, nagpapasalamat siya sa Maykapal sa pagkakaroon ng isang mabait at maunawaing anak.

Pulong ng mga Hayop

Pulong ng mga Hayop


Noong unang panahon, tinawag ng hari ng mga hayop ang lahat ng kanyang kampon para malaman niya ang kayang gawin ng bawa’t isa.

Dumating sila at lahat ay nagnanais na ipaalam sa hari na sila ay may higit na kakayahan kaysa iba.

Sabi ng kalabaw, “Ako ang pinakamalakas sa lahat dahil nakahihila ako ng mabibigat na dala-dalahan.”

Sabi ng bubuyog, “Nakagagawa ako ng pinakamatamis na pulut-pukyutan.”

Wika naman ng usa, “Walang makatatalo sa bilis kong tumakbo.”

Sabi ng aso, “Binabantayan ko gabi’t araw ang bahay ng aking amo.”

At nagturing din ang pusa, “Ang dagang kumakain ng palay ng amo ko ay aking nililipol.”

Ang manok ay nagtanong, “Kaya ba ninyong umitlog? Pang-almusal ng tao’y araw-araw kong ibinibigay.”

Tumingin ang hari sa ibon. “Hindi ka nagsasalita, munting ibon. Ano ang kaya mong gawin?”

“Umaawit po ako,” sabi ng ibon, “para sila’y maging masaya habang sila’y may ginagawa.”

Noong Unang Panahon sa Pilipinas

Noong Unang Panahon sa Pilipinas


Sabi ng Lolo ko, noon daw araw ang ating bansa, ang Pilipinas, ay karugtong ng ibang lupain sa Asya. Magkarugtong din daw ang Luzon, Bisaya at Mindanaw.

Dahil sa pagbabago ng daigdig, sa mga bagyo, lindol, pagsabog ng mga bulkan, baha at iba-iba pang nangyayari sa kalikasan, nagbago rin ang ayos ng mga lupa at dagat. May mga lupa pa ngang lumubog sa dagat. At nahiwalay nga ang Pilipinas sa Asya. Pati ang Luzon, Bisaya at Mindanaw ay napalayo sa isa’t isa at naligid ng dagat.

Noong mga panahong iyon, walang mga bukid sa Pilipinas. Puro puno, baging, mga damo at gubat. Marami ring mababangis na hayop na ngayon ay di na makita dito.

Mahusay manghuli ng hayop ang ating mga ninuno. Tinutugis nila ito, sinisibat o pinapana hanggang mamatay. Kung minsan, ginagamitan nila ng mga patibong o bitag ang mga hayop para mahuli nila.

Sabi ng Lolo, dahil daw sa paraang ito, unti-unting naubos ang mga hayop. Maaari rin namang dahil sa pagbabago ng klima at kapaligiran.

Nang matuklasan ng ating mga ninuno ang apoy ay umunlad nang kaunti ang kanilang buhay. Dati nga ay kinakain nila nang hilaw ang mga karne ng hayop at mga lamang-dagat. Sa pagtuklas nila ng apoy, nagkaroon din tuloy sila ng pang-ilaw sa dilim, at pampainit ng katawan kung malamig ang panahon.

Bukod sa kinakatay na hayop, nangunguha rin sila ng mga bungang-kahoy para makain. Nang mabatid nilang ang mga butong napabaon sa lupa ay tumutubo, natuto silang magtanim at maghalaman.

Di-nagtagal marami na silang natutuhan – paggawa ng mga bahay, mga bangka, mga kasangkapan. Natuto silang magsama-sama at manirahang magkakatabi sa isang pook. Ito ang pinagmulan ng mga komunidad.

Ang mga babae, at kahit din ang mga lalake, ay natutong gumawa at gumamit ng mga alahas, mga kuwintas, hikaw at pulseras, at iba pang palamuti sa katawan. Natuto silang yumari ng iba’t-ibang maisusuot, kahit sa una ay pinukpok na balat ng hayop.

May mga taga-ibang bansa na nakarating sa ating Pilipinas – mga Insik, mga Indonesiyano, at Malay. Marami ay tumira dito, ang iba’y nakikipagkalakalan. Maraming naituro ang mga dumarating para umunlad ang buhay ng ating mga ninuno. May mga natutuhan din naman ang mga ito sa ating mga ninuno.

Dumami nang dumami ang mga naninirahan sa Pilipinas. Nakikipag-ugnayan sila sa mga taga-ibang bansa at nakikipagpalitan ng mga kaalaman.

Kaya, nga, sabi ng Lolo, nang dumating ang mga Kastila, isa nang maunlad na lipunan ang nalikha ng ating mga ninuno.

Nagbayad ng Utang-na-Loob

Nagbayad ng Utang-na-Loob


Isang araw, masayang umaawit ang ibong si Maya habang palipad-lipad siya sa puno ng mangga. May batang dumaan sa ilalim ng puno at nang marinig ang awit ng ibon ay kumuha ng bato para ipukol dito. Nais niyang mahuli ang ibon para ilagay sa hawla sa kanilang bahay. Hindi niya naisip na malamang ay mamatay ang ibon kapag tinamaan ng bato.

Nakita ng isang langgam sa tabi ng puno ang gagawin ng bata kaya mabilis siyang tumakbo at kinagat ang paa nito.

“Aruy!” sigaw ng bata, at nabitawan ang hawak na bato. Narinig ito ng ibon at madaling lumipad na papalayo. Hindi na nga siya nakita pa uli ng bata.

Pagkalipas ng ilang araw, ang langgam na kumagat sa bata ay naglalakad sa tabi ng ilog nang bigla siyang nadulas at nahulog sa tubig. Malulunod na sana siya ngunit may pumatak na dahon sa tabi niya. Umakyat siya sa dahon at nang ito’y mapalapit sa pampang, madali siyang nakaahon at nailigtas ang sarili.

Ang ibon ang naghulog sa kanya ng dahon. Nakita niya ito nang lulubog na sana siya. Naghintay ang ibon habang pinapagpag niya ang tubig sa katawan.

“Ayos ka na ba?” tawag ni Maya. “Mabuti na lang at nagkataong malapit ako rito nang mahulog ka sa ilog.”

“Maraming salamat sa iyo,” tugon ng langgam. “Kundi mo ako hinulugan ng dahong iyon sana’y nalunod na ako.”

“Nagbabayad lang ako ng utang na loob. Iniligtas mo rin ako sa batang nais batuhin ako, hindi ba? Salamat din sa iyo.”

--------

Nasa Kamay ang Buhay ng Ibong Hawak

May guro sa isang paaralan sa bukid. Kinawilihan siya ng mga mag-aaral dahil sa kanyang katalinuhan. Siya’y itinuturing na marunong pagkat bawat tanong ng mga bata ay kanyang nasasagot.

Naging ugali ng mga bata na lumikha ng mga tanong na sa akala nila’y mahirap at hindi masasagot ng kanilang maestro.

Isang araw si Florante, isa sa mga nag-aaral, ay lumalang ng isang tanong tungkol sa ibong kanyang nahuli. Nakatitiyak siyang anumang isagot ng guro, sa wasto o sa mali, ay pihong mali. Tingnan kung bakit.

Ang estratihiya o plano ni Florante ay payak lamang. Tatangnan niya ang ibon na kuyom sa kanyang palad at itatanong sa guro kung ang ibon ay patay o buhay.

Pagsinagot ng guro na ang ibon ay buhay, sadyang sisiilin niya ito sa kanyang palad upang mamatay. Sa gayon, mapapatutuhanang mali ang guro.

Kung ang isasagot ng guro ay patay ang ibon, ibubuka ni Florante ang kanyang kamay at pahihintulutan itong lumipad.

Ang sumunod na araw ay Biyernes, may pasok. Ang mga bata ay nasa loob ng klase. Si Florante ay kagyat na tumindig at nagtanong, “Maestro, pakisabi ninyo kung ang ibong tangnan ko ay patay o buhay.”

Ang klaseng nakikinig ay nakasisigurong mali ang isasagot ng matalinong guro.

Ang guro ay ngumiti muna bago sumagot, “Florante, ang buhay ng ibon ay nakasalalay sa iyong mga kamay!”