Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga Pabula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Mga Pabula. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Mayo 30, 2018

Ang Tigre at ang Leopardo

Ang Tigre at ang Leopardo


Minsang naghahanap ng makakain ang Tigre at Leopardo ay natanawan nila sa damuhan ang naglalarong Kuneho.

“Akin ang Kuneho. Ako ang unang nakakita rito!” sigaw ng Leopardo.

“Hindi. Ako ang unang nakaamoy sa Kuneho kaya may karapatan ako dito.”

Nang malaman ng Kunehong siya ang pinagtatalunan ng dalawang may matutulis na mga kuko ay hinimatay na ito.

Habang nakalatag sa damuhan ang Kunehong pinag-aawayan ay lalong ginutom ang dalawang gahaman.

“Sa akin dapat mapunta ang Kuneho!” pagmamatigas ng Leopardo.

“Humakbang ka muna sa katawan ko kapag namatay na ako!” pagyayabang ng Tigreng handa nang makipagsakmalan upang masagot lang ang tinding kagutuman.

“Gutum na gutom na ang Leopardong dapat na saluduhan mo. Akin ang Kunehong tatanghalian ko!”

“Huwag ka nang magsalita pa. Tigre akong handang makipagtagisan ng lakas sa lakas, ng tapang sa tapang.”

Dali-daling sinakmal ng Leopardo ang leeg ng Tigre. Nagdadamba ang Tigre na kumagat sa mga mata ng Leopardo. Pinagkakalmot ng Leopardo ang Tigre sa ilong, sa tenga at sa braso. Parehong duguan ang dalawa. Kuko sa kuko. Pangil sa pangil. Pagulung-gulong sila sa damuhan. Ingungudngod ang Leopardo sa batuhan. Ilalampaso naman ang Tigre sa buhanginan.

Parehong sugatan ang Leopardo at Tigre sa labanang matira ang matibay. Humihingal na sila. Ang mga mukha nila ay pawisan at duguan. Pero patuloy sila sa tunggalian.

Lingid sa dalawang mandirigma ay nagising na ang hinimatay. Nang malamang hindi pa pala siya ginagawang pananghalian ay dali-daling tumayo ang Kuneho. Kumaripas ito nang takbo palayo sa naglalaban.

“Mag-away na sila hanggang kamatayan pero kailangang pangalagaan ko ang sariling kaligtasan.”



Aral: Ang kapalaluan ay dapat na iwasan. 

Ang Mag-amang Palaka

Ang Mag-amang Palaka


Isang hapon ay nagpapatalun-talong namamasyal ang Bunsong Palaka sa ilug-ilugan nang biglang makaharap niya ang matangkad na Tikling na nakatungtong sa batuhang inaagusan ng tubig.

“Naku po! Pagkalaki-laking palaka!” sigaw ng nahintakutang Palaka.

“Kokak! Koooookak! Koooookak!” pananakot ng Tikling.

Nagtatalong paalis ang Bunsong Palaka.

Ilang sandali lang ay humihingal na nagsumbong ang Bunsong Palaka sa Amang Palaka.

“Naku, Tatay! Nakakita po ako ng malaking Palaka sa ilug-ilugan. Natakot po ako at nagtatalong paalis.”

“Malaki ba ika mo?”

“Opo. Malaking-malaki.”

“Kasinlaki ko ba?”

“Malaki pa po sa inyo!”

Pinahanginan ng Amang Palaka ang tiyan at mayabang na tumindig.

“Ganito ba kalaki?”

“Malaki pa po!”

Pinahanginan pa ng Ama ang tiyan na ikinabundat nito. “Ganito ba kalaki?”

“Higit pa pong malaki diyan at nakakatakot kung tumindig. Parang higante!”

Wala nang hihigit pa sa laki ng Amang Palaka. Sa pagkakaalam niya, siya ang pinakamalaking Palaka sa tubigan at batuhan. Hindi siya makapapayag na may hihigit pa sa kaniyang laki at lakas.

Sapagkat ayaw patalo kaya pinahanginan pa niya ng doble ang tiyan.

“Kasinlaki ko na ba siya?”

“Malaki pa po.”

Sa nais ng Ama na baka mahigitan siya ng palakang nakita ng Bunsong Palaka ay pinalaki niya nang pinalaki ang tiyan. Pinalaki niya ito nang pinalaki nang pinalaki hanggang sumabog. Ito ang ikinasawi ng Amang Palaka.



Aral: Makuntento sa biyayang sapat. Hindi natin dapat higitan ang bigay ng kalikasan. 

Ang Lobo at ang Uwak

Ang Lobo at ang Uwak


May isang mapanlinlang na Uwak na nagnakaw ng kapirasong keso sa kusina ng isang magsasaka.

Dinampot ng magsasaka ang kalaykay at hinabol ang Uwak habang ipinagsisigawang, “Magbalik ka, magnanakaw! Magnanakaw! Magnanakaw!”
Humahangos na lumipad ang Uwak papuntang kagubatan. Sa kapaguran ay dumapo ito sa sanga ng isang puno ng akasya. Ngunguyain na sana niya ang tuka-tukang keso nang nakita siya ng mataras na Lobo. Masama ang tingin ng Lobo sa kapirasong keso. Umisip ng paraan ang Lobo upang maagaw sa Uwak ang kagat-kagat na pagkain.

Takang-taka ang Uwak nang tingalain siya ng Lobo at batiin.

“Magandang umaga, Binibining Uwak. Lalo ka palang gumaganda kung nasisikatan ng araw!”

Ipinikit ng Uwak ang mga mata niya. Itinaas ang mukha at umingos siya upang pagmalakihan ang inakala niyang humahanga sa kaniya.

Alam ng Lobong gustung-gusto ng Uwak na napupuri kaya ipinagpatuloy nito ang pangingiliti.

“Alam mo ba Binibining Uwak, ang pakpak at balahibo mo ay walang katulad. Walang panama dito ang pakpak at balahibo ng Pabo Real!”

Muntik nang makabitiw sa kinakapitang sanga ang Uwak. Sa paniniwalang totoong totoo ang papuri ay inilatag niya ang kaniyang mga pakpak at pinatindig ang mga balahibo.

“Di lang pala balahibo at pakpak ang maganda sa inyo, Binibining Uwak. Napakaganda rin pala ng inyong tindig. Nakasisiguro akong kung maganda ang inyong tindig ay higit sigurong maganda ang inyong tinig tulad ng Kanaryong umaawit.”

Walang pagsidlan ng katuwaan ang Uwak sa papuri kaya upang mahigitan ang Kanaryo ay ibinuka nito ang bibig at nagsimulang umawit.

Nang bumagsak ang kagat-kagat na keso ay sinalo kaagad ito ng tusong Lobo.

Noon lamang napag-alaman ng Uwak na nalinlang siya ng kalaban.



Aral: Huwag padadala sa sobrang pagmamapuri ng iba.

Biyernes, Hulyo 7, 2017

Ang Puti at Itim na Kambing

Ang Puti at Itim na Kambing


Sa isang makitid na tulay ay nagkasalubong ang dalawang Kambing. Sapagkat hindi maaaring magkasabay ang dalawa, kinakailangang bumaba muna sa pinanggalingan ang isa.

“Napakakitid ng tulay. Maaari bang bumalik ka muna at paraanin ako?” pakiusap ng Itim na Kambing.

“Bakit hindi ikaw ang magmagandang loob. Higit na mabuti ang nagbibigay kaysa tumatanggap.” sagot ng Puting Kambing.

“A basta. Nauna ako sa gitna ng tulay kaya ako ang dapat na makadaan.”
“Mali ka kaibigan. Sabay lang tayong nakarating sa ating kinatatayuan kaya pareho lang tayong may karapatang makatawid.”

“Kung ayaw mong magparaan ay iitim ang balahibo mo sa init ng araw.”
“Umitim na kung umitim pero ako ang dapat na makagamit sa daan.”

“Hindi kita mapapayagan.”

“Talagang di ka papayag. Hindi lang pala maitim ang balat mo. Pati pala kalooban mo ay kasing-itim din ng anyo mo.”

“Aba! Pati panlabas na kulay ko ay dinamay mo. Maputi ka nga sa tingin ng tao pero burak pala ang kalooban mo.”

“Hindi kita dapat paraanin.”

“A basta. Dadaan ako.”

Parehong nagpilit dumaan sa makitid na tulay ang dalawa. Walang nagparaya. Kapwa sila naging gahaman sa kani-kanilang karapatan. Pero ano ang kanilang kinauwian? Pareho silang nahulog at nalunod sa ilug-ilugan.

Sa sobrang kasakiman, inihatid ang dalawang gahaman sa kani-kanilang kamatayan.



Aral: Nasa pagbibigayan, ang pagsasama nang matagalan. 

Sino Ang Magtatali ng Kuliling?

Sino Ang Magtatali ng Kuliling?


May isang malaking Pusa na lagi nang aali-aligid upang makahuli ng Daga. Marami-rami na rin itong nabibiktima. Aabangan niyang lumabas ang Daga at saka ito sasakmalin at gugutay-gutayin.

Sa sobrang takot ng mga Daga ay nagpulung-pulong sila. Pinag-usapan nila kung paano nila maiiwasan ang mapanganib na Pusa.

Naging sobra sa ingay ang mga Daga habang nagpupulong. Ang ingay ay nauwi sa katahimikan nang wala isa mang makaisip ng paraan kung paano maiiwasan ang Pusa. Sa pagkakataong iyon, nagpakitang gilas ang mayabang na Daga. Tumindig ito at mayabang na nagsalita.

“May suhestiyon ako upang maiwasan nating lahat ang Pusa.”

Umaatikabong bulungan ang naganap.

“Tumahimik kayo!” utos ng mayabang na Daga. “Maiiwasan lang natin ang ating kaaway kung tatalian natin ito ng kuliling sa leeg. Kung may kukuliling, alam nating ang Pusa ay papalapit sa atin.”

“Oo nga. Kung maririnig natin ang kalansing ay makalalayo tayo sa kinatatakutan natin,” natutuwang sabat ng Dagang Lalawigan.

Kunwaring nakayuko ang mayabang na Daga.

“Pe… pero… sino ang magtatali ng kuliling?” tanong ng Matandang Daga.

“Hindi ako!” gumagaralgal ang boses na sabi ng Dagang Lungsod. “Tiyak na sasakmalin ako ng Pusa.”

“Lalo namang hindi ako,” nanginginig ang tuhod na sabi ng Dagang Bukid. “Palapit pa lamang ako ay nangangalmot na ang nasabing Pusa. Tiyak na papatayin ako noon kapag nilapitan ko!”

Sa katanungang sino ang magkukulyar sa Pusa ay walang sinumang nangahas na sumagot at gumawa. Lahat ay nabingi sa tawag ng kabayanihan. Pati na ang mayabang na Daga ay wala ring narinig na anuman.



Aral: Ang tao ay nasusukat hindi sa salita kundi sa gawa. 

Si Leon at si Kambing

Si Leon at si Kambing


Isang kambing ang napahiwalay sa kanyang mga kasama. Sa paghahanap sa kanyang mga kasama, napagod sa kalalakad ang kambing. Uhaw na uhaw rin ito kaya nang makakita ng sapa ay lubha siyang natuwa.

“Sa wakas ay makaiinom na rin ako,” wika niya sa kanyang sarili.

Iinom na sana siya nang biglang dumating ang isang leon.

“Hoy, Kambing, ako muna ang iinom!” wika ng leon sa kambing.

“Nauna ako rito kaya dapat mauna akong uminom,” ganting sagot ni Kambing.

“Ako ang hari ng kagubatang ito. Ako ang dapat maunang uminom,” mariin namang wika ni Leon.

“E, ano kung hari ka? Kayang-kaya ka ng sungay ko!” mayabang na tugon ni Kambing.

“Hoy, Kambing! Walang magagawa ang sungay mo sa matatalas kong ngipin,” pagmamalaki ni Leon.

Mag-aaway na sana ang dalawa nang mapatingin ang leon sa itaas. Nakita niya ang mga bwitreng lumilipad.

“Naku! Kambing, alam mo ba ang ibig sabihin ng mga bwitreng iyon?” tanong ni Leon.

“Hinihintay nila tayong magpatayan para kainin nila ang ating bangkay,” sagot ni Kambing.

Biglang nawala ang galit nila sa isa’t isa.

“Sige, Kambing, ikaw na ang maunang uminom,” mungkahi ni Leon.

“Hindi, ikaw ang hari kaya dapat mauna ka na,” wika naman ni Kambing.

“Sabay na lang kaya tayong uminom,” sabi ni Leon.


“O sige,” mahinahong sagot ni Kambing. 

Si Jupiter at ang Tsonggo

Si Jupiter at ang Tsonggo


Isang araw ay ipinakalat ni Jupiter ang balitang magkakaroon ng timpalak na magtatampok sa pinakamagandang anak ng hayop sa kapaligiran.

Nang dumating ang araw ng laban ay nagtipun-tipon ang lahat ng hayop sa paanan ng kabundukan. Dala-dala ng lahat ng inang hayop ang kani-kanilang anak na ipanlalaban. Kahit malalayong gubat, bundok, lambak, ilog at kuweba ang pinanggalingan ay nawala ang pagod nila makasali lang sa timpalak.

Tuwang-tuwa ang lahat nang ihudyat ng dagundong at malalakas na kulog ang pagbukas ng langit. Nagbunyi ang lahat nang matanawan nilang pababa sakay ng gintong karwahe niya ang Bathalang si Jupiter. Nagyukuan sila bilang pagbibigay galang sa Bathala ng Kalikasan.

Inikot ni Jupiter ang paanan ng kabundukan. Sinusuri niya ang lahat ng dala-dalang anak ng bawat inang hayop sa kapaligiran. Papanhik na sana siya sa ituktok ng bundok upang sabihin ang nagwagi nang malingunan niya ang inang Tsonggo. Nilapitan ito ni Jupiter at inaninag ang anak na mahigpit na yakap-yakap. Napaurong ang Bathala nang matanaw na pangung-pango ang ilong ng batang Tsonggo at pagkakapal-kapal pa ng maitim na nguso nito.

“Anong klaseng nilalang ito? Pagkakapal-kapal ng buhok, sunug na sunog ang kulay at pagkapangit-pangit.”

Kahit pabulong ay narinig pala ng Inang Tsonggo ang pintas ng Bathala.

Tinitigan ng Inang Tsonggo ang anak. Lalong hinigpitan ang yakap, masaya itong hinagkan bago pabulong na nagsabing, “Wala akong pakialam kung ano man ang sabihin ni Jupiter o ng sinumang huhusga sa iyo. Para sa akin ikaw at ikaw lamang ang pinakamagandang nilalang sa sandaigdigan.”



Aral: May iba’t ibang pamantayan ang paghusga sa kagandahan.

Si Dagang Bayan at si Dagang Bukid

Si Dagang Bayan at si Dagang Bukid


May dalawang dagang magkaibigan, sina Dagang Bayan at Dagang Bukid. Magkalayo ang kaniiang mga tirahan subalit patuloy pa rin ang kanilang pagkakaibigan.

Isang araw, dinalaw ni Dagang Bayan si Dagang Bukid.

“Napakalayo ng lugar mo. Nagutom ako sa pagod. Kumain na tayo,” ani Dagang Bayan.

“Wala akong pagkain dito. Halika, maghanap tayo,” sagot ni Dagang Bukid.
“Ano? Maghahanap pa tayo?” di-makapaniwalang tanong ni Dagang Bayan.

“Oo, ganyan talaga rito sa bukid. Hahanapin mo muna ang iyong kakainin,” malumanay na sagot ni Dagang Bukid.

Naglakad silang dalawa. Sa may daan, nakakita sila ng supot. Dali-dali nila itong binuksan.

“Tinapay! Masarap na tinapay!” sabi ni Dagang Bayan.

“Teka, akin ‘yan. Ako ang unang nakakita r’yan,” sabi naman ni Dagang Bukid.

“Para walang away, hati na lang tayo,” mungkahi ni Dagang Bayan. Tango lamang ang tugon ng kanyang kaibigan.

Hinati ni Dagang Bayan ang tinapay. Iniabot niya ang maliit na bahagi kay Dagang Bukid.

“Naku, hindi pantay ang pagkakahati mo,” reklamo ni Dagang Bukid.

“Oo, nga ‘no? Bawasan natin,” sagot ni Dagang Bayan, at pagkatapos ay kinagatan niya ang mas malaking bahagi.

“Naku, lumiit naman itong isa,” sabi ni Dagang Bukid.

Kinagatan naman ni Dagang Bayan ang kabilang bahagi ng tinapay.

“Naku, lumiit nang pareho,” himutok ni Dagang Bukid.

“Para walang problema, akin na lang lahat ito. Ang susunod nating makikita ay sa iyo naman,” sabi ni Dagang Bayan sabay subo sa lahat ng tinapay.

Dito nakahalata si Dagang Bukid.

“Niloko mo ako! Paano kung wala tayong makitang pagkain?” pagalit niyang wika kay Dagang Bayan.


Dahil dito, nag-away ang magkaibigang daga, at ang kanilang pagkakaibigan ay tuluyang naglaho. 

Mga Pusa Laban Sa Mga Daga

Mga Pusa Laban Sa Mga Daga


Matagal nang magkaaway ang mga Pusa at ang mga Daga. Lagi at laging nananalo sa labanan ang mga Pusa. Una, malalaking di hamak ang mga Pusa. Pangalawa, nakuha raw nila ang husay sa pakikidigma ng mga Tigreng kalahi nila.

Nagpulung-pulong ang mga Daga.

“Wala sa laki yan,” sabi ng mga Dagang Siyudad.

“Nasa tapang at bilis yan,” giit ng mga Dagang Lalawigan.

“Nasa istratehiya ng pakikidigma ang susi,” diin ng mga Dagang Kosta.
“Tama. Tama. Kailangan ang preparasyon sa labanan!” dugtong ng mga Bubuwit.
“Maghanda! Maghanda!” sigaw ng lahat sa Dagalandia.

Naghanda nga ang mga Daga. Napagkaisahan nilang pumili ng apat na heneral na mangunguna sa pakikidigma. Naniniwala ang mga Daga na dapat unahin ang mga kasuotang pandigma upang mapaganda ang porma ng mga lalaban. Kaunting panahon lang ang ginawa nila upang mapabuti ang sistema ng pagsalakay sa mga kaaway. Binuo nila ang loob upang magtagumpay.

Ang apat na heneral ay binigyan ng sapat na awtoridad upang pamunuan ang apat na batalyong Daga. Tiniyak ng mga Daga na ang mga heneral ay nabihisan ng kagalang-galang na kasuotan na napapalamutian ng nagkikinangang medaiyong pandigmaan.

Pinagsikapan din ng mga Dagang masuotan ang mga heneral ng mga sumbrerong panlaban na may plumahe at makikinang na adornong kaakit-akit sa nagliliwanag na putukan.

Nang magsimula ang pagsalakay ay nawalan ng panimbang ang mga sundalo ng Dagalandia. Malaking problema sa apat na heneral ang sumbrero nila na sa taas ng plumahe at kinang ng mga adornong nagliliwanag sa putukan ay inaasinta ng mga kalaban.

Naging problema rin ng mga heneral ang mga medalyong pandigmaang nakakabit sa kanilang mga kasuotan. Ang malalapad na medalyon ay sumasabit sa mga kamay ng mga heneral. Problema ang mga medalyon kapag itinuturo na kung sinu-sino ang dapat paputukan at kung kailan dapat pasabugin ang kanyon sa mga kalaban.

Tulad ng dapat asahan, maraming mga Daga ang naging talunan. Ang apat na heneral na maganda ang porma sa pakikipagdigmaan ay nasawi sa kakulangan sa sistema ng pakikipaglaban.

Ilan lamang ang nakabalik sa kani-kanilang lunggang pinagtataguan. Mabuti na lamang at hindi sila inabutan ng mga Pusang handa ring pumatay.



Aral: Sa anumang laban, bigyang tuon ang pinakamahahalagang bagay na ikapapanalo ng koponan. 

Baryo Maligaya

Baryo Maligaya


Sa pusod ng isang malawak na kagubatan matatagpuan ang Baryo Maligaya. Malalaki ang mga puno rito kaya malamig at malinis ang hangin. Marami ring iba’t ibang halamang namumunga at naggagandahang mga ligaw na bulaklak dito. Tahimik at sagana rin sa pagkain ang lugar kaya maligaya ang mga hayop dito. Dahil dito, ang lugar na ito ay tinawag na Baryo Maligaya ng mga naninirahan dito.

Bahagi na ng pamumuhay ng mga nakatira sa Baryo Maligaya ang pagkakaroon ng mga pagdiriwang. Ang bawat isa ay nagdadala ng masasarap na pagkain na masaya nilang pinagsasaluhan pagkatapos ng palatuntunan.

Isang araw ay nagpulong ang mga hayop sa Baryo Maligaya tungkol sa nalalapit na kaarawan ni Haring Leon. Kailangang espesyal ang gagawin nilang pagdiriwang. Tulad ng dati, napagkasunduan ng lahat na magdadala sila ng masasarap na pagkain. Napag-usapan din nilang magkaroon ng paligsahan sa pag-awit upang masiyahan ang haring mahilig sa musika. Ang mananalo ay tatanghaling “Koro ng Baryo Maligaya.”

Apat na grupo ang nagpalista: ang Gintong Tinig na koro ng mga unggoy, ang Kundiman ng mga ibon, ang Tinig Malambing ng mga kuneho, at ang Tunog Makabago ng mga palaka.

Ang apat na pangkat ay dati nang mga mang-aawit. Lahat sila ay mahuhusay at hindi masabi kung sino sa kanila ang talagang mas magaling. Ngayon ay malalaman na kung sino ang tatanghaling “Koro ng Baryo Maligaya.”

Sa apat na pangkat ay ang Kundiman ng mga ibon lamang ang naghahanda. Nagkaisa sila na araw-araw silang magpapraktis. Pinagsama-sama-nila ang mga tinig na mataas, katamtaman, at mababa. Isang kundimang pangkapaligiran ang napili nilang awitin sa paligsahan. Pumili rin sila ng damit na gagamitin na siya namang angkop sa napili nilang awit.

Ang ibang pangkat ay hindi naghanda. Masyado silang tiwala sa kanilang mga sarili. Ang katwiran nila ay sanay na sila at kabisado na ng isa’t isa ang timbre ng kanilang boses. Hindi na rin sila namili ng kanta. Iyong dating inaawit na lamang nila sa mga nakaraang pagdiriwang ang aawitin nila para hindi na sila magpagod sa pagpapraktis.

Dumating ang araw ng pagdiriwang. Tulad ng dati, naroon ang lahat ng mga hayop. Bawat isa ay may dalang pagkain. Punung-puno ng pagkain ang mga mesa. Ang tanghalan ay maganda ang pagkakaayos at nakaupo na rito ang mga huradong sina Bayawak, Agila, at Tigre. Ang may kaarawang si Haring Leon at ang asawa nito ay nakaupo na rin sa isang bahagi ng tanghalan.

Di-nagtagal, sinimulan na ang paligsahan. Unang tinawag ang Tinig Malambing. Hindi mapakali ang mga kuneho. Hindi magkakapareho ang kanilang mga suot at kitang-kitang ninenerbyos sila. Dahil hindi naghanda, maraming itinagubilin ang lider na si Kunita sa kanyang mga kasama. Sa nerbyos, hindi lubos na naunawaan ng mga kasamahan ang mga sinabi niya.

Nang umakyat na sila sa tanghalan, nag-uunahan ang mga kuneho sa likuran ni Kunita. Bawat isa ay ayaw mapunta sa harapan. Dating sanay sila sa pag-awit sa harapan ng karamihan ngunit ngayon ay nakaramdam sila ng matinding kaba. Dahil sa nerbyos at hindi sila handa, hindi naging maganda ang ipinakita ng mga kuneho.

Sumunod na tinawag ang Gintong Himig ng mga unggoy. Tulad ng mga kuneho ay hindi rin sila handa. Natawa ang mga manonood. May nauuna at may nahuhuli sa pagkanta at tila minamadali nila na matapos ang kanilang awitin.

Ang Tunog Makabago ang ikatlong tinawag. Humanga ang mga nanonood nang umakyat sa tanghalan ang mga palaka. Maganda at makabago ang kanilang kasuotan. Iba’t ibang instrumento rin ang kanilang dala. Sumayaw sila sa saliw ng mga instrumentong tinugtog nila bilang panimula. Nagpalakpakan ang mga manonood. Ngunit nang sila’y umawit, natawa rin ang mga manonood. May pumiyok at may sintunado. Ito’y dahil sa hindi rin sila nagpraktis. Hindi nila naiayos ang boses nila sa bagong awitin. Dahil dito, ang iba’y hindi na umawit at sumayaw-sayaw na lamang.

Ibang-iba naman ang ipinakita ng pangkat Kundiman. Pare-pareho ang kanilang kulay berdeng kasuotan at makikita sa anyo nila ang kahandaan. Humanga ang mga manonood sa istilo ng kanilang pag-awit at sa bagong awiting pangkapaligiran na inawit nila. Masigabong palakpakan ng mga nagsitayong hayop ang narinig matapos ang kanilang pag-awit.

Masayang-masaya ang mga ibon. Dahil sa kanilang sipag at pagkakaisa, sila ang nagwagi sa paligsahan. Sila ang tinanghal na “Koro ng Baryo Maligaya.”


Mula noon, ang pangkat ng mga ibon ang umaawit sa lahat ng pagdiriwang na ginagawa ng mga hayop.

Bakit laging nag-aaway ang Aso, Pusa at Daga

Bakit laging nag-aaway ang Aso, Pusa at Daga


Noong unang panahon, ang mga hayop ay nakapagsasalita at nagkakaintindihan. Sila ay magkakaibigan. Ang daigdig ay napakapayapa at animo’y isang paraiso. Ang mga aso, pusa at daga ay mabubuting magkakaibigan. Sama-sama silang kumakain. Lagi silang nagbibigayan at nagtutulungan sa kani·kanilang mga suliranin. Subali’t ang lahat ng ito ay nasira dahil lamang sa isang pangyayari.

Isang araw, umuwi ang aso na may dala-dalang buto para pagsaluhan nila ng kaniyang mga kaibigang pusa at daga. Wala doon sina pusa at daga dahil naghahanap pa rin ang mga ito ng pagkain. Nakarinig ng ingay ang aso sa pintuan ng bahay. Inilapag ng aso ang buto at tumakbo sa labas upang tingnan kung ligtas ang kaniyang amo.

Sa oras naman na iyon ay dumating ang daga. Malungkot siya dahil wala siyang nakuhang pagkain. Nakita niya ang buto. Kinuha niya ito at dinala sa bubungan ng bahay.

“Mamayang gabi ay may pagsasaluhan kami ng aking mga kaibigang aso at pusa.” bulong ng daga sa sarili.

Pagbalik ng aso sa bahay ay nagulat ito ng makitang walana ang iniwang buto. Naghanap nang naghanap ang aso subalit hindi rin niya makita ang buto. Dumating ang pusa na wala ring dalang pagkain. Tinulungan niya ang aso sa paghahanap ng buto. Nakarating sila sa itaas ng bahay hanggang sa kinaroroonan ng daga. Nagulat ang aso at pusa. Akala nila ay sadyang kinuha ng daga ang buto para masolo niya ito.

Mabilis na lumapit ang pusa sa daga at pinagalitan ito. Nagpaliwanag ang daga nguni’t hindi rin siya pinakinggan ng pusa. Nag-away silang dalawa kaya’t ang buto ay nalaglag. Nasalo ito ng aso at dali-daling tumakbo hanggang sa likods ng bahay.

“Hah..hah.. hihintayin ko na lang sila ditl. Siguro mamaya ay magkakasundo na rin sila at masaya naming pagsasaluhan itong buto.” bulong ng asong humihingal. Dahil sa pagod at matagal-tagal ding paghihintay sa pagdating ng dalawang kaibigan, kinain na ng aso ang ikatlong bahagi ng buto. Itinira niya ang parte ng daga at ng pusa.

Mainit pa ang ulo ng pusa dahil sagalit nang ito ay dumating sa kinaroroonan ng aso. Inabutan niya ang aso na kumakai ng mag-isa. Bigla niyang inangilan ang aso. Nagkasagutan silang dalawa hanggang sa sila ay magkasakitan ng katawan. Narinig ng may-ari ng bahay ang ingay na dulot ng pag-aaway ng aso at pusa. Inawat silang dalawa at pinaghiwalay. Naghiwalay ang aso at pusa na kapwa may tanim na galit sa isa’t isa. Iyon na ang simula ng kanilang pagiging magkaaway.


Magmula noon, sa tuwing makikita ng aso ang pusa ay kinakahulan niya ito. Ang pusa naman ay di padadaig, lagi siyang sumasagot at lumalaban sa aso. At sa tuwi namang makikita ng pusa ang daga ay hinahabol niya ito. Dahil naman sa takot ang daga ay pumapasok sa isang maliit na lungga at lumalabas lamang doon kapag wala na ang pusa. 

Ang Uwak na Naghari-harian

Ang Uwak na Naghari-harian


Lagi nang nag-aaway-away ang mga ibon sa kagubatan. Naglalaban sila kung sino ang may pinakamagandang tindig. Nag-iiringan sila kung sino ang may pinakamakintab na tuka. Nagpaparunggitan sila kung sino ang may pinakamahabang buntot. Ayaw patalo ng lahat. Iginigiit nilang panalo sila. Kabilang sa iba pang pinaglalabanan ang pinakamakulay na pakpak, ang pinakamataginting na huni at ang pinakamatipunong pangangatawan. Ayaw padaig ng lahat. Dapat lang daw silang manalo. Wala raw sa guni-guni nila ang pagkatalo. Ang bawat isa ay nagyayabang na siya ang pinakamataas lumipad, na siya ang pinakamahigpit kumapit, na siya ang pinakamalakas kumampay.

Kapag ayaw patalo ang sinuman, maingay na maingay na hunihan nang hunihan ang lahat. Ang dating matatamis na huni kapag pinamamayanan ng inggit at yabang ay nakatutulig sa buong kagubatan. Nang matulig na ang nimpa ng kalikasan ay nagpakita ito sa lahat ng mga ibon.

“Hindi ko gusto ang awayan ninyo sa kagubatan. Kailangang pumili kayo ng mamumuno sa inyo. Isang Puno ng mga Ibon ang dapat ninyong iluklok. Ang Puno ay kailangan ninyong sundin. Dapat na maging matapat sa layunin ang mapipili niyong Puno. Kailangang mapasunod kayo upang maging mapayapa ang daigdig ng mga ibon.”

Iniisip ng bawat ibong dapat lang na husgahan sila ayon sa ganda ng kanilang balahibo at pakpak. Balahibo at pakpak ang una raw nakikita sa mga ibon sa malayuan at malapitan. Ang ibong may magagandang balahibo at pakpak ang may maganda rin daw na kalooban. Ang ibong may pinakamagandang kalooban ay katangian ng isang mabuting puno.

Upang mapiling pinuno nakaisip ang bawat ibong hubarin ang kanilang balahibo at pakpak sa mga kugon. Kabilang sa naghubad ng balahibo at pakpak sina Kalapati, Agila, Maya at Loro. Sumunod din sina Kilyawan, Gansa, Tikling at Pabo.

Habang nasa tubig ang lahat ay walang paalam na pinuntahan ng puting Uwak ang mga iniwang balahibo at pakpak. Iba’t iba ang hugis at kulay ng mga ito. Nakaisip ng magandang ideya ang umaawit na Uwak. Kumuha siya ng malagkit na dagta ng isang halaman. Matapos ipahid sa buong katawan ay mabilis na idinikit ang pinulot na naggagandahang balahibo at pakpak.

Hindi siya makapaniwala nang masalamin niya sa kristal na tubig ang buong kaanyuan. Magandang-maganda ang balahibo at pakpak niya. Hindi na siya puting-puti sa kabuuan. Kulay bahaghari siya na makulay na makulay. Natitiyak niyang pipiliin siyang maging Puno ng mga kasama.

Dumating ang araw na ipinatawag ng nimpa ng kalikasan ang lahat ng mga ibon sa kagubatan. Nang iparada na ng bawat isa ang mga balahibo at pakpak nila ay gulat na gulat sila sa Uwak. Iba’t iba kasi ang hugis at kulay ng kasuotan nito. Kahit nagdududa kung sino nga ba at kung saang kagubatan galing ang napakagandang ibon, malakas pa rin nila itong pinalakpakan. Tinanghal nila itong may pinakamaganda at pinakamakulay na mga balahibo at pakpak na kasuotan.

Sumang-ayon ang nimpa ng kalikasan sa mainit na pagtanggap ng mga ibon sa lider na mamumuno sa kanila. Bilang pagbibinyag sa bagong puno ay pinaambunan ng nimpa ng kalikasan ang kalangitan.

Nagliparan ang mga ibong panghimpapawid at iwinasiwas naman ng mga ibong panlupa ang kanilang mga pakpak. Nagtataka ang lahat kung bakit ayaw ng bagong puno nila na lumipad sa kalawakan o magkampay kaya ng pakpak sa kalupaan. Bakit nga ba?

Pinalakas ng nimpa ang ambon na nauwi sa ulan.

Nagtawanan ang lahat nang isa-isang matanggal ang makukulay na balahibo at pakpak ng Uwak.

Sa galit ng nimpa na manlolokong Uwak pala ang nahalal na Puno ng mga Ibon, isinumpa itong magkaroon ng itim na balahibo at pakpak sa habang panahon. Binawi rin ng nimpa ang magandang huni ng Uwak. Kabuntot ng sumpa, obligado ang Uwak na hanapin sa bundok man o kagubatan ang anumang hayop na namatay. Sa kasaysayan, totoo nga namang Uwak ang tagapaghanap ng inuod na bangkay ng hayop at tao man.



Aral: Ang panlilinlang ay dapat na parusahan. 

Ang Uwak at ang Gansa

Ang Uwak at ang Gansa


Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na gawain. Sawa na siya sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal sa matarik na kabundukan at malawak na kagubatan.

Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya sapagkat di niya makita kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya.

Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan niya sa ibaba ang malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na paglalakad ng isang pulutong na mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang mapuputing balahibo ng pinanonood. Humanga siya sa mahahaba nilang leeg. Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis. Maririnig mo ang malalamyos nilang tinig.

“Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo nila. Maitim na maitim ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi, nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya ang batis na pinaglalanguyan nila.”
Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga Gansa. “Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?”

“Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng Panginoon. Halika sumabay ka sa akin!”

Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalaiangoy na rin siya. Subalit di tulad ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy. Sapagkat gustung-gustong madaling pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya. Sa kasamaang palad ay nabasa ang mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga alon.


Aral: Huwag pangarapin ang di kayang abutin.

Ang Usa sa Ilug-ilugan

Ang Usa sa Ilug-ilugan


Isang Usang nahapo sa katatakbo ang huminto sumandali sa tabi ng ilug-ilugan. Uminom siya sa sobrang uhaw. Aalis na sana siya nang napansin ang sariling anyo sa malinaw na tubig. Matagal niyang pinagmasdan ang sarili at humanga siya sa nasalamin.

“Talagang maganda nga pala ang mga sungay kong sanga-sanga. Para itong mga korona ng isang napakagandang prinsesa!”

Habang iniyuyuko ang ulo upang lalong maaninaw ang kaniyang nagniningning na mga korona ay napatapak siya sa malinaw na tubig. Napamulagat siya nang makita ang anyo ng kaniyang mga binti.

“Aba, aba. Nakahihiya pala ang mga binti ko. Sobra sa payat. Hindi bumabagay sa kaakit-akit na mga korona ko!”

Sa kaaaninaw sa sarili ay nagulat siya nang may marinig na mga kaluskos na papalapit sa kinatatayuan niya. Nang lingunin niya ay naroroon at naghihintay pala ang Leyong handa nang sumakmal sa kaniya.

Kumaripas siya ng takbo. Kahit payat ang mga binti ay parang buhawi siya sa bilis ng pagtakbo. Nakapasok na siya sa loob ng kagubatan nang masabit sa mga halaman ang mga sungay niya.

Ang mga korona niyang ipinagpaparangalan ang maghahatid pala sa malagim niyang kamatayan.



Aral: Mahalin ang bawat bagay na bigay sa atin ng Diyos. May kadahilanan kung bakit ibinigay Niya ito sa atin.

Ang Unggoy at ang Pagong

Ang Unggoy at ang Pagong


Magkaibigan sina Unggoy at Pagong. Minsan sa kanilang pamamasyal ay nakakuha sila ng isang punong saging. Naisip nilang paghatian at itanim ito.

Likas na tuso ang unggoy kaya nagmamadali niyang pinili ang bahaging itaas ng saging. Sa kanyang palagay ay malapit na itong mamunga dahil marami ng dahon. Masaya niya itong itinanim.

Samantala, walang kibo namang itinanim ni Pagong ang ibabang bahagi ng saging.

Makalipas ang ilang araw ay natuyo nang lahat ang dahon ng saging na itinanim ni Unggoy. Samantala, dahil may ugat ang bahaging itinanim ni Pagong, unti-unti nang sumibol ang dahon nito.

Labis ang kasiyahan ni Pagong nang magbunga ang kanyang saging. Hindi nagtagal ay nahinog na ito. Ngunit hindi naman niya maakyat ang puno. Tinawag niya ang kaibigang si Unggoy upang tulungan siyang makuha ang bunga ng saging.

Mabilis namang umakyat sa puno si Unggoy. Agad itong namitas at kumain nang kumain sa itaas ng puno. Sa halip na bigyan si Pagong ng bunga ay balat ang itinatapon ni Unggoy kay Pagong. Dahil dito ay nagalit si Pagong at tahimik itong umalis.

Maya-maya ay bumalik itong may dalang mga tinik. Inilagay niya ito sa katawan ng puno ng saging. Pagkatapos ay dali-dali siyang umalis nang hindi namamalayan ni Unggoy.

Nang mabusog si Unggoy, hinanap niya sa ibaba si Pagong. Ngunit hindi na niya ito nakita.

Mabilis siyang bumaba sa puno kaya hindi niya napansin ang mga tinik sa katawan nito.

“Aruy! Bakit napakaraming tinik dito?” panaghoy ni Unggoy.

Matapos alisin ang mga tinik ay hinanap niya si Pagong. Sa di kalayuan ay naabutan niya ang humahangos na si Pagong.

“Aha! Nahuli rin kita. Bakit mo nilagyan ng tinik ang puno?” usig nito kay Unggoy.

Hindi kumibo ang nag-iisip na si Pagong kaya lalong nagalit si Unggoy.

“Dudurugin kita nang pinung-pino,” matigas na sabi ni Unggoy.

“Mabuti naman at dadami kami,” mahinahong sagot ni Pagong.

Nag-isip si Unggoy. “Alam ko na! Iihawin kita sa apoy.”

“Salamat naman at lalo akong gaganda dahil pupula ang buo kong katawan,” wika ni Pagong.

Muli, nag-isip na naman ang unggoy habang mahigpit pa ring hawak-hawak ang pagong.

“Itatapon kita sa ilog,” banta ni Unggoy.

“Huwag! Para mo nang awa! Malulunod ako!” pagsusumamo ni Pagong.

Sa narinig ay dali-daling itinapon ni Unggoy si Pagong sa ilog.

“Ha-ha-ha! Nakalimutan mo na bang dito ako nakatira?” patuyang tanong ni Pagong kay Unggoy.

Natulala si Unggoy. Bakit nga ba hindi niya naalalang sa tubig nakatira si Pagong?


Sa nangyari ay lalong tumindi ang galit ni Unggoy. Masayang-masaya namang lumangoy papalayo si Pagong. 

Ang Uhaw na Uwak

Ang Uhaw na Uwak


May isang uhaw na uhaw ha Uwak na gustong uminom sa isang pitsel na naiwan sa mesa. Makipot lamang ang bunganga ng pitsel kaya hindi maipasok ng Uwak ang ulo upang sipsipin ng tuka ang tubig. Hirap na hirap abutin ng Uwak ang kaunting tubig sa malalim na sisidlan. Kahit na anong pilit ay hindi mabawasan ang sobrang pagkauhaw ng ibon.

Tumingala siya at luminga-linga sa paligid. Alam niyang may kasagutan sa alinmang problemang kinakaharap natin. Tama siya! Sa isang iglap ay naisip niya ang tanging kasagutan. Lumipad siya sa labas at tumuka ng isang munting bato na inihulog sa loob ng pitsel. Nagpabalik-balik siya sa paglalagay ng mumunting bato hanggang sa umabot ang tubig sa makitid na bunganga ng pitsel. Nakainom ang Uwak at natugunan ang pagkauhaw niya sa isang iglap lamang.



Aral: Ang bawat suliranin ay madaling sagutin kung ating iisipin. 

Ang Tsonggo at ang Alamid

Ang Tsonggo at ang Alamid


Sa gitna ng isang ilog ay may maliit na isla. Sa nasabing isla ay may nakatanim na mga puno ng peras na hitik na hitik sa bunga.

Ang Alamid at ang Tsonggo na nakatayo sa tabing ilog ay pinanlalakihan ng mga mata. Gustung-gusto nilang pitasin at kainin ang madidilaw na sa hinog na peras. Ang problema, malayo sila sa mga puno na natatanaw lamang nila. Hindi sila marunong lumangoy at wala ring bangka sa paligid nila.

Nagkasundo ang dalawang kumuha sila ng malalaking sanga ng mga puno sa paligid. Pinagtabi-tabi nila ang mga ito at itinali ng mga yantok. Nang mapahaba ang tulay ng mga sanga ay itinulak nila ito sa tubig.

“O, hayan, mahabang-mahaba na ang tulay natin papuntang isla. Puwede na tayong lumakad sa ibabaw ng tulay upang kunin ang mga peras sa isla,” paliwanag ni Tsonggo.

“Sampa na!” utos ni Alamid.

Napansin ni Tsonggong tumatagilid ang tulay kapag silang dalawa na ni Alamid ang sabay na tumatapak. Bumaba na sila sa tulay at nag-usap.

“Hayaan mong mauna akong lumakad sa tulay. Sumunod ka pag narating ko na ang isla,” suhestiyon ni Alamid.

Pumayag si Tsonggo sa kundisyong paghahatian nila ang mga peras na hating kapatid.

Nauna nga si Alamid pero nang marating na nito ang isla ay naiba na ang simoy ng hangin. Ngingisi-ngisi nitong inakyat ang mga puno.

“Pagkarami-raming peras! Lahat ng peras ay akin. Wala akong ititira sa iyo.”

Matagal na naghintay sa tabing-ilog si Tsonggo. Galit na galit ito sa di pagtupad ni Alamid sa napag-usapan nila.

Upang makaganti ay may naisip na istratehiya ang Tsonggo. Hinatak niya ang tulay papuntang tabing ilog. Nang makita ni Alamid na papalayo na sa isla ang tulay ay nagtatalon siya sa takot.

“Maawa ka, Tsonggo! Maawa ka! Ibalik mo ang tulay. Hahatian kita ng peras. Pangako!” nagtatalon sa takot ang Alamid.

“Ikaw ang magpahinog!” bulong ni Tsonggo. “Paano mo ko mahahatian e inubos mo na lahat ang peras. Kailangan pang hintayin ang isang taon para mamulaklak at magbunga ang puno. Iyo na lahat ng peras. Akin naman ang tulay sa tabing ilog ko papalayo sa isla mo!”



Aral: Kailangan kang maging makatarungan upang ikaw ay pahalagahan. 

Ang Tikling at ang Lobo

Ang Tikling at ang Lobo


Isang umaga ay nakaisip ng isang masamang biro si Lobo. Kinaibigan niyang mabuti si Tikling na may matulis na tuka. Inimbita niya itong maghapunan sa kaniyang kuweba. Sapagkat kinakitaan ng katapatan sa imbitasyon ay sumama kaagad si Tikling.

Sa loob ng kuweba ay pinaupo sa komportableng batuhan ang bisita. Habang naghihintay si Tikling ay pumasok kaagad sa kusina si Lobo. Ngingisi-ngisi itong nagluto ng sopas sa kaldero. Matapos kumulo ay ibinuhos nito ang sopas sa dalawang malalapad na pinggan.

Nagsimulang langhapin ng Tikling ang masarap na sopas. Hirap siyang tukain ang sopas mula sa malapad na pinggan.

Nang sulyapan ng Lobo ang Tikling ay muntik na itong mapahalakhak sa tuwa. Hirap na hirap kasi ang Tikling sa paggamit nito ng tuka.

“Mukhang hindi ka yata nasasarapan sa sopas na inihanda ko.”

“Nasasarapan naman. Matulis lang talaga ang tuka ko.”

Totoong naging katuwa-tuwa ang pagpipilit ng Tikling na makuha ang sopas sa malapad na pinggan. Sa kabiguan ng Tikling na tukain ang sopas ay ipinaubaya na lang nito sa bibong Lobo ang pag-ubos ng handa.

Nang makalayu-layo na ang Tikling ay nagpanting ang tenga niya nang maulinigan ang mapanudyong halakhak ng mapagbalatkayong kaibigan.

“Gaganti ako. Makikita mo!” galit na galit ang nakakunot-noong Tikling.
Kinabukasan ay nakaisip ng ganti si Tikling. Inimbita niya ang Lobo sa isang pananghalian sa tabing ilog.

“Ikaw kagabi, ako naman ang nag-iimbita sa isang pananghalian.”

“O sige. Tiyak na masarap na pananghalian ang handa mo!”

Pagdating sa tabing ilog ay nagluto rin ng sopas ang Tikling. Isinalin naman nito ang masarap na sopas hindi sa malapad na pinggan kundi sa dalawang pitsel na may makikipot na bibig.

“O sige, kain na tayo,” imbita ni Tikling.

Dali-daling isinuot ng ngingisi-ngising Tikling ang matulis nitong tuka sa bunganga ng pitsel. Sa isang iglap lang ay ubos na ang sopas niya.

Baling kaagad ito sa Lobo na hirap na hirap na ipasok ang nguso sa bibig ng pitsel.

“O sa iyo na. Hirap kong higupin ang sopas sa pitsel na iyan!” galit na galit na lumayas si Lobo na lalong nagutom habang naririnig ang paglunok ni Tikling sa masarap na sopas.



Aral: Huwag manlamang kaninuman upang hindi ka rin lamangan

Ang Tigre at ang Lobo

Ang Tigre at ang Lobo


Isang araw ay nahuli ng Tigre ang isang Lobo sa kasukalan. Kakainin na sana ng mabangis na Tigre ang kaniyang huli nang itaas ng Lobo ang kaniyang leeg at nagwikang, “Teka, teka. Alam mo bang kaproproklama lamang ng mga Bathala na ako na raw ngayon ang Hari ng Kagubatan?”

“Ikaw? Hari ng mga Hayop?” hindi makapaniwalang sabi ng Tigre.

“Kung hindi ka naniniwala ay sumama ka at maglakad tayo sa buong kagubatan. Tingnan mo lang kung hindi matakot ang lahat makita lang ako!”

Hindi malaman ng Tigre kung paniniwalaan ba o hindi ang tinuran ng Lobo.

Mayabang na lumakad sa harapan ng Tigre ang Lobo. Nang ayain ng Lobo ang Tigreng umikot sa kagubatan ay napasunod ito.

Malayo pa lamang sa mga Usa ay kumaway-kaway na ang Lobo sa mga hayop na may mahahabang sungay. Takot na napatakbong papalayo ang mga Usa. Ganoon din ang naging reaksiyon ng mga Kambing, ng mga Kuneho at ng mga Tsonggo.
Takot ding nagsilayo ang mga Baboydamo at mga Kabayo.

Takang-taka ang Tigre.

Nang magtakbuhan sa sobrang takot ang mga hayop ay mayabang na nagsalita ang Lobo, “Kaibigan, naniniwala ka na bang ako na nga ang Hari ng Kagubatan?”

Napansin ng Tigre na kapag lumalapit na silang dalawa sa mga hayop ay lagi at laging nasa likod niya ang tusong Lobo.

Napag-isip-isip niyang hindi sa Lobo takot ang Usa, ang Kambing at Kuneho. Hindi rin dahil dito kaya kumaripas ng takbo ang Tsonggo, ang Baboyramo at Kabayo. Nang manlisik na ang mga mata ng Tigre at magsitayo na ang mga balahibo nito sa galit ay mabilis pa sa alaskwatrong nagtatakbong papalayo ang takut na takot na Lobo.



Aral: Dapat na maging mapanuri upang malaman ang layunin ng mga taong nakapaligid sa atin. 

Ang Tigre at ang Langgam

Ang Tigre at ang Langgam


Isang tigre ang naglalakad. Naghahanap siya ng mapagpapahingahan. Nakakita siya ng isang malilim na puno. Agad siyang nahiga sa ilalim nito. Ngunit bigla siyang napatayo! May naramdaman siyang kumagat sa kanya. Inalam niya kung ano ito. Isang langgam ang nakita niyang papaakyat na sa puno.

“Hoy, Langgam! Ikaw ba ang kumagat sa akin?” usig niya sa langgam.

“Pasensya ka na. Hindi ko sinasadya. Nasaktan kasi ako nang ako’y mahigaan mo,” paliwanag ng langgam.

“Kay liit mo’y ang tapang mo! Gusto mo bang lumaban sa akin?” hamon ng tigre sa langgam.

“Aba, hindi! Paano ako lalaban sa iyo ay ang laki-laki mo?” mabilis na sagot ng langgam.

“Lalong hindi ako papayag na pakawalan ka na lang pagkatapos mo akong kagatin. Bumaba ka riyan at harapin mo ako!” galit na sabi ng tigre.

“O sige na nga. Pero dahil malaki ka, tatawag ako ng aking mga kasama,” wika ng langgam.

“Sige, tawagin mo pa ang buong lahi mo. Wala kayong laban sa akin,” mayabang na sagot ng Tigre.

Hindi na sumagot ang langgam.

Tahimik na umalis na lamang ito.

Maya-maya ay nagbalik ito kasama ang napakaraming langgam. “Narito na kami. Ako at ang aking mga kasama ay handa na. Gusto mo pa bang lumaban?” tanong ng langgam.

“Kahit ako nag-iisa, sa laki kong ito, wala kayong panalo sa akin. Isang tapak ko lang ay patay kayong lahat,” nagyayabang na sagot ng tigre.

“Kung gayon, umpisahan na natin,” sabi ng langgam.

Nagsimulang maglaban ang tigre at mga langgam. Tila iisang kumilos ang mga langgam. Sa isang saglit lang ay napuno ng langgam ang buong katawan ng tigre at sinimulan nilang kagatin ito. Hindi malaman ng tigre ang kanyang gagawin. Nagtatalon siya para mahulog ang mga langgam. Ngunit matibay ang kapit ng mga ito. Mula ulo hanggang paa ay may nakakagat sa kanya. Hindi niya makuhang gantihan ang mga langgam. Isa man ay wala siyang mapatay sa mga ito. Dahil dito, hindi na siya nakatiis.

“Suko na ako! Tama na!” sabi nito. Biglang bumitaw ang mga langgam sa tigre.

“O, bakit nagsisimula pa lamang ang laban ay suko ka na?” tanong ng langgam.

“Ngayon ay alam ko na. Kahit pala kayo maliliit ay hindi ko kayang talunin dahil may pagkakaisa kayo,” malumanay na sabi ng tigre.

“Kung gayon hindi mo na kami aapak-apakan, maging ang ibang maliliit na hayop dito sa gubat?” tanong ng langgam.

“Oo, ipinangangako ko,” sagot naman ng tigre.

Hindi na sumagot ang langgam. Lumakad na ito kasunod ang mahabang pila ng mga kasamang langgam. Alam niyang magbabago na ang tigre.


Nakaalis na ang mga langgam ay tulala pa rin ang tigre. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanya. Dati’y halos lahat ng hayop sa gubat ay takot sa kanya. Langgam lamang pala ang katapat niya.