Lunes, Hulyo 3, 2017

Pahabol

Pahabol
Ni Marcelo Navarra


                Sa aking pagtingala, nakatayo na sa aking harapan ang kanyang ama. Tumama sa akin ang umaapoy niyang mga mata. Napaso ako sa tindi ng init nito. Hindi ako nakatiis, napayuko ako. Ikalawa ko na itong pagkapaso, ngunit ito’y mas matindi kaysa una. Sumuot ang hapdi hanggang sa aking kalamnan.
                Ang una kong pagkapaso ang nagtapon sa akin sa malayong pook upang doo’y maturuan ko ang aking pusong lumimot kay Fe. Kinasusuklaman ako ng kanyang ama. Kung ano ang aking naging kasalanan ay hindi ko lubos-maisip. Dahil kaya lagi niya akong nakikitang bumibili ng sigarilyo sa kanilang tindahan at nakikipag-usap kay Fe na siyang tunay kong minamahal? O dahil ba sa aking pagkatao – ang aking pagkadukha at pagkaiba ang uri sa kanila? Kung alin sa dalawa, nalilito ako.
                Napadpad ako sa malayo. At doo’y aking natagpuan sina Inday, Ester, Mira, Glenda at iba pa; mga dalagang di mabibili ng mura; mga maririlag na anak ng mga piling pamilya. Ngunit sa aking pagkamangha, si Fe pa rin ang gumigising sa akin kung ako’y natutulog at nagbibigay-buhay sa aking mga pangarap. Sa aking pag-iisa, siya pa rin ang umaaliw at nakikipagbiruan sa akin.
                Ang aming mga sulat ang naging tulay na bumagtas sa karagatan at lupain na humihiwalay sa amin; at tulad ng isang pangarap, dumalaw kami sa isa’t isa, kumanta ng aming awit ng pag-ibig at muling pinagtibay ang mga sumpaan at pangako sa isa’t isa.
                Isang hapon, nakatanggap ako ng sulat mula sa kanya. “Bumalik ka sa akin, Raul. Magmadali ka. Isang araw na dumaan ay isang hakbang patungo sa libingan. Dali, dali, dali! Bago dumating ang aking katapusan, minsan pa’y bigyan mo ako ng isang halik na ipadaan mo man sa salita’y magsisilbing ala-ala sa Fe mong naghihingalo.”
                Ayaw ko nang makita ang pagmumukha ng kanyang ama na natutunan ko nang kasuklaman. Hindi pa sana panahon para bumalik ako kay Fe. Nagtago ako sa pook na ito upang buhayin muli ang namatay kong pag-asa. Naniniwala akong magsisisi siya sa kanyang ginawa at kikilalanin din niya ako balang araw.
                Ngunit nakiusap sa akin si Fe at nagmakaawa. Binalot ko ang aking mga gamit. Wala mang paalam sa mga nais umangkin ng aking pangalan, lumisan ako sa gitna ng kadiliman ng gabi. Ano ang aking katatakutan? Agta o huramentadong morong nakayukyok sa itaas ng puno at nag-aabang sa kanyang biktima? Sa madaling salita, wala akong pangamba o takot. Nariyan si Fe, isang anghel na magbibigay liwanag sa akin.
                Nangawit ang aking mga binti dahil sa layo ng pier mula sa aking pinapasukan. Sa kahabaan ng inilalakbay patungong Sugbu at muling pagbabiyahe mula lungsod hanggang Kabkad, naghalo ang kaba, sabik at galit sa aking dibdib.
                Hindi ko ibinunyag sa aking mga magulang ang tunay na dahilan ng aking biglang pag-uwi. Nagulat sila ngunit di nagtagal at natanggap nila ang aking pagsisinungaling.
                Lihim akong lumakad patungong baranggay ng Santa Teresita kung saan sa loob ng labindalawang taon inaruga at binuhusan ng pagmamahal at paggalang si Fe. Ito ay sapagkat siya ay mabait, di mapili sa kaibigan , masipag at matulungin sa mga dukha. Habang sumisilong ako sa isang bahay na di maayo kina Fe, naalala ko na minsa’y napiling reyna si Fe sa baranggay. Kung dahil sa kanyang kagandahan, sa kabaitan o sa kasipagan, di ko na matanto.
                Madilim na ang gabi. Nakasalubong ko sa daan ang ilan sa aking mga dating kaibigan ngunit hindi nila ako nakilala. Paminsan minsa’y sinusundan nila ako ng tingin upang alamin kung sino ako, ngunit tila nalimutan na nila ang aking pagmumukha. Nakita ko si Joe na nakaupong nagkukuyakoy sa itaas ng bakal na pasemano ng tulay; si Lou na kumakanta ng nakakaantok na himig sa saliw ng kanyang gitara; si Tiroy na humahagikhik sa pakikinig ng nakakatawang kuwento ni Andoy; at naroon din si Porto na bumibigkas ng huling saknong ng tula ni Ranudo.
                Bumalik sa aking gunita ang aming pagsasama, ang aming mga pinagdaanan na nakasulat sa mga pahina ng aking inagiw na mga alaala.
                Dumaan ako sa harap nila ngunit walang pumansin sa akin. Ikinatuwa ko ito. Sa wakas, ang bulung-bulungan tungkol sa akin ay tila naglaho na.
                Biglang nanigas ang aking mga paa at ako’y napatigil. Humigit kumulang sa dalawang hakbang at darating na ako sa bahay nina Fe. Sa silong nila na ginawang tindahan, nagtipon ang ilang mga tao. Nakita ko doon ang isang lalaking malaki ang tiyan na umiinom mula sa hungot* ng tuba habang ang iba’y nakikipagtagayan at naghahalakhakan. May tatlong nagdadama na nakaupo palibot sa isang maliit at bilog na mesa na malapit sa pintuan. Isa sa mga ito ay ang ama ni Fe.
                Pinilit ko ang aking mga hakbang, tinakpan ng bahagya ng sombrero ang aking mukha, at nagtungo sa tindahan. Sa loob ng tindahan ay may apat o limang taong nagbibiruan. Tangan ang tatlong malalaking tabako, nakasadlak sa sahig na kawayan si Iya Silya, ang ina ni Fe.
                Hinanap ng aking mga mata si Fe. Wala siya sa tindahan. Sa aking kasabikan, lumakas ang tibok ng aking puso. Ibig ko na siyang makita, nais kong tiyakin kung sa loob ng dalawang taon ay di nagbago ang malamlam niyang mga mata, ang matangos niyang ilong at ang alindog ng kanyang mga labing naghihintay ng isang halik.
                Nalimutan ko na ang pangyayaring nagtapon sa akin sa malayong pook. Pumasok ako sa tindahan. Walang anuman kung ako’y itulak muli ni Iyo Mino. Walang anuman, basta’t makita ko lamang si Fe.
                Walang nakapansin sa aking pagpasok. Kung mayroon man, hindi siya nagpahalata dahil hindi niya ako nakilala. Ni hindi tumingin sa akin si Iya Silya upang alamin kung sino ang bumili ng isang kahang sigarilyo. Hindi na niya nakilala ang aking tinig. – Iya, maari po bang makasindi? – inabot niya sa akin an posporo at nagpatuloy na nakipag-usap sa kanyang katabi.
*hungot – bao ng niyog ng pinaglalagyan ng tuba
                Kasabay ng pagliyab ng palito, marinig ko ang isang ipit na tinig – Raul! – hanggang doon lamang. Dahan-dahan kong binaling ang aking ulo sa pinanggalingan ng nasabing tinig at doon sa itaas, nakasandal sa pintuan ang nananamlay kong si Fe.
                Bumuka ang kanyang bibig upang magsalita, ngunit agad ko siyang binalaang tumahimik. Lumabas ako sa ibang pintuan at humanap ng mapagkukublihan sa malapad na anino ng malaking punong bangkal.
                Sumunod si Fe. Tumakbo siya sa akin at nilapat ang katawan sa aking dibdib. Umiyak siya. –Raul, ano’t kay tagal mong bumalik? Bakit mo ako pinagtiis ng labis ng kalungkutan? Raul, siguro’y may iniwan kang naghihintay sa iyong pagbabalik, ano?
-Pinagbilin ngang ako’y bumalik kaagad - nagsinungaling ako sa pobre.
-Raul, Raul, kaya pala… - nahimatay si Fe at nanlamig ang katawan. Sinalo ko siya at sa isang mainit na halik ay natauhan siyang muli. –Raul!
- Fe! Kailangan ko pa ban ulitin sa iyo na wala akong ibang minamahal kundi ikaw? Tanungin mo ang buwan, Fe. Ang kanyang liwanag ang magsasabi sa iyo. Hindi ako nagtaksil sa iyo kahit na totoong sa mga gabing maliwanag ang buwan ay may mga kasama ako, mga nilalang na kung tawagin ay babae, na dahil sa awa ng demonyo’y tumanggap ng mga handog kong kasinungalingan. Ang kasiyahang nadama ko sa mga sandaling iyon ay di tulad ng kaligayahang nadama ko noong ikaw ang nasa tabi ko. Bakit ako babalik upang tumupad sa iyong kahilingan kundi dahil sa laki ng pag-ibig ko sa iyo? Naniniwala ka na ba sa akin ngayon, Fe?
Hinaplos-haplos niya ang magulo kong buhok.
                -Salamat, Raul!
                -Ang iyong ama…
                -Nalimutan na niya ang nangyari, Raul. Naniniwala akong hindi na siya galit sa iyo.
                - Hindi pa sa panahon, Fe. Hindi pa ako maaaring humarap sa kanya.
                - Kalimutan mo na ang nakaraan Raul. Bukas ng umaga, bumalik ka rito. Pupunta si Papa sa Sibongan at magsasabong. Hihilingin ko kay Mama na siya ang magbantay sa tindahan. Mag-uusap tayo nang masinsinan. Uulitin nating ang ating sumpaan sa isa’t isa. Sang-ayon ka ba, senyorito?
                Ano kaya ang ligaya nitong gabi kapag mayroon siyang pusong marunong dumama habang kanyang dinuduyan ang dalawang nahihimbing niyang mga anak na nangangarap makamit muli ang naglahong kaligayahan?
                Masigla kong sinalubong ang umaga. Nasiyahan ako sa pakikinig sa mga awit ng ibon, sa paghalik ng mga alon sa dalampasigan, at sa halimuyak ng mga bulaklak.
                Kinakanta-kanta ko ang ilang linya mula sa isang kinababaliwang awitin habang ako’y nagbibihis. Ang aking relo ang nagsabi sa aking ika-walo ng umaga nang sumakay ako sa trak. Hindi pa umiinit ang aking upuan nang huminto ang sasakyan sa tulay na may lima o anim na bahay ang layo sa bahay nina Fe.
                Katulad noong nakaraang gabi, tinakpan ng bahagya ng suot kong sombrero ang aking mukha. Ngunit kaiba sa aking paniniwala, may mga mapag-usisang mga matang nagmamasid sa akin. Natagpuan ko si Fe na nakapangalumbaba sa kanilang durungawan. Sinenyasan niya akong umakyat. Hindi ako nag-aksaya ng panahon at sumunod kaagad sa kanyang utos.
                Kahit sino’y makakalimot sa tumatakbong mga sandal kapag kaharap niya ang anghel ng kanyang buhay. Nakalimutan ko na maliban kay Fe, ang buong tahanan ay nasusuklam sa akin. Nagpalitan kami ng mga sumbong kung ano ang nangyari sa amin sa loob ng dalawang taon ng aming paghihiwalay.
                -Alam mo, Raul, maraming nagpapayo sa akin, lalong lalo na ang mga kasama ni Max, na dapat daw kitang hiwalayan. Ano raw ang makukuha ko sa iyo? Ayon sa kanila, kabaliwan daw ang di ko pagtanggap kay Max dahil siya’y may malalaking lupain at niyogan. Habang buhay daw sana akong di makakatikim ng hirap.
                -Tama sila, Fe, ano nga bang maihahandog ko sa iyo maliban sa aking karukhaan?
                -Utang na loob, Raul, huwag mong iparinig sa akin ang ganyang pananalita. Maliban sa iyong pagmamahal, waa na akong ibang dahilang mabuhay sa mundong ito. Sa araw na manlamig ka sa akin, kung tunay nga na ang lahat ng bagay na may taglay na init ay may taglay ring lamig, walang alinlangang tatalikuran ko ang buhay na ito.
                Di mapantayan ang aking tuwa sa pagkakarinig ko ng mga salita ni Fe. Isang malaking karangalan para sa akin ang magkaroon ng kasintahang tulad ni Fe.
                -Maraming salamat, Fe, at halos mabiyak ang aking puso sa labis na ligaya.
                Magsasalita pa sana ako kung di ko nakita ang isang aninong gumuhit sa makintab na sahig sa aking harapan. Pagtingala ko’y nakatayo na sa aking harapan ang kanyang ama! Tumama sa akin ang umaapoy niyang mga mata. Napaso ako sa tindi ng init nito. Hindi ako nakatiis, napayuko ako.
                -Narito paa ang damong ligaw na ito! Akala ko’y matagal na itong nabunot na kasama ang kanyang ugat. Akala ko’y nagging lupa na lamang ito. Ligaw na damo, pastilan itong ligaw na damo! – nagngalit ang mga ngipin ni Iyo Mino sa laki ng galit.
                Parang tinusok ng mga tansong balaraw ang aking katawan. Dahil sa sakit, pinilit kong sabihin – Sr. Velasquez – ngunit hanggang doon na lamang.
                Isang matunog na sampal ang dumapo sa aking pisngi at sinundan pa ito ng tadyak na kasing lakas ng sipa ng kabayo. Nahilo ako. Kahit sino sa katauyuan ko’y mahihilo at makakalimot sa sarili.
                Nakalimot ako at binunot ko ang lanseta mula sa bulsa ng aking pantalon. Mabilis pa sa kisap mata’y bumaon ang patalim sa dibdib ni Iyo Mino at naghanap ito ng daanan patungo sa kanyang puso!
                Nangilabot si Fe at sumigaw, ngunit hindi ko na ito narinig. Iniwanan ko sila at nagmadali sa pagpanaog. Di ko man namalayan, ay tumakbo ako ng mabilis. Kasabay ng aking paghingal, nahulog ang iba’t ibang salita mula sa aking mga labi at dinampot ng hangin.

                Mabilis pa rin ang aking pagtakbo. Ang aking malalaking hakbang ang nagdala sa akin sa pintuan ng munisipyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento