Julian Felipe
May mga dakilang Pilipinong nag-aalay ng buhay para sa
kalayaan; may mga dakilang Pilipino na naghandog ng talino upang magbigay
inspirasyon sa rebolusyon. Isa sa gumamit ng talino ang dakilang kompositor na
si Julian Felipe.
Si Julian ay ipinanganak sa Cavite noong Enero 28, 1861.
Pinakabunso siya sa mga anak nina Justo Felipe, panday at Victoria Reyes,
maybahay. Ang pagkahilig niya sa musika ay motibasyon ng kaniyang ama na isang
miyembro ng Koro ng Simbahan.
Sa publikong eskwelahan sa Cavite unang nag-aral si Julian.
Sa larangan ng musika, una niyang naging guro si Leandro Cosca. Si Padre Pedro
Catalan namang kura paroko ng Cavite ang nagturo sa kaniyang tumugtog ng
piyano.
Naging organista siya ng San Pedro Church at guro ng musika
sa paaralang La Sagrada Familia. Naipamalas ni Julian ang husay sa musika nang
maipanalo niya ang mga komposisyong Amorita Danza, Cintas y Flores Rigodones at
Matete al Santisimo sa “Regional Exposition” na ginanap sa Maynila noong 1895.
Sa tagumpay na tinanggap ay inimbitahan siyang maging
miyembro ng kilalang Santa Cecilia Musical Society.
Sa pagmamahal sa bayan, ang sikat na tulang Un Recuerdo na
isinulat ni Balmori ay nilapatan ni Julian ng musika. Ang nabanggit na musika
ay handog niya sa labintatlong martir ng Cavite na pinatay ng mga mapang-aping
Kastila noong Setyembre 12, 1896.
Nang sumiklab ang Rebolusyon ay itinabi muna ni Julian ang
paglikha ng musika at matapang na sumapi sa mga Rebolusyonaryo.
Sinamang palad na nahuli si Julian kasama ng maraming
nagtatanggol sa bayan. Una siyang ikinulong sa Fort San Felipe, Cavite. Kahit
hindi napatunayang aktuwal na lumaban sa mga Kastila, ang musikero ay ipinadala
sa Maynila at ikinulong din ng ilang buwan sa Fort Santiago.
Noong kasagsagan ng digmaang Espanya-Amerika, nakipagkita si
Julian kay Heneral Emilio Aguinaldo upang magprisintang gumawa ng isang
marchang pandigmaan. Ang unang pyesang tinugtog ni Julian ay hinangaan ng
Heneral pero isang pyesang punung-puno ng pagmamahal sa bayan ang hinahanap
nito. Hinamon ng Heneral ang musikero na gumawa ng isang kakaibang musikang
pandigma. Ang hamon ay tinanggap ni Julian. Anim na araw lamang ay dinala na ng
musikero ang pyesa. Tuwang tuwa ang Heneral nang napakinggan ang “Marcha.”
Nagpalakpakan ang mga rebolusyonaryo sa bago nilang musikang pandigma.
Nang iproklama ni Heneral Aguinaldo ang kalayaan ng
Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite ay tinugtog ng Banda San
Francisco de Malabon ang “Marcha Nacional Filipina” ni Julian. Nangilid ang
luha sa mga mata ng rebolusyonaryo nang mapakinggan ang Marchang punung-puno ng
pag-ibig sa bayan.
Sa malaking tulong na ibinigay ng nasabing Marcha upang
mabuhayan ng loob ang mga Pilipinong nagsilaban sa digmaan, hinirang na
Direktor ng Pambansang Banda ng Republika si Julian na may ranggong Kapitan.
Matapos ang digmaan, nagbalik sa lalawigan si Julian upang
harapin ang pagtuturo ng musika. Nahalal siyang Konsehal ng Cavite noong 1902.
Namatay ang dakilang kompositor at rebolusyonaryong Pilipino
noong Oktubre 2, 1944.
Ang talino sa musika at ang pagmamahal sa bayan ay inialay
ni Julian Felipe sa ating bansa upang lalong magningning ang kalayaan natin sa
oras ng pakikidigma.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento