Juan Luna
Sa pagsuporta sa ipinakikipaglaban ng Katipunan, ang pintor
na si Juan Luna ay ipinakulong at nagdusa sa Fort Santiago.
Si Juan na isang henyo sa larangan ng pagpipinta ay
isinilang noong Oktubre 24, 1857 sa Badoc, Ilocos Norte. Anak siya nina Don
Joaquin Luna at Doña Laureana Novicio.
Sa Ateneo de Manila tinapos niya ang Bachelor of Arts. Sa
pagtataglay ng malawakang kaalaman sa karunungang pansining, naengganyo siyang
magpaturo ng pagpipinta sa kilalang Kastilang pintor na nagngangalang Agustin
Saez. Natural lang na kung marami kang narating na lugar ay higit na malawak
ang karanasang maipipinta mo. Ito ang naging panuntunan niya kaya kumuha siya
ng nabigasyon, sumakay sa barko at namasyal upang magmasid sa maraming bansa sa
Asya.
Nang matantiyang may sapat na karanasan na siya sa mga
paglalakbay ay puspusan niyang hinarap ang sining ng pagpipinta. Upang lalong
maitaas ang katalinuhan sa bagong pinasok na larangan, nagpatala siya sa
Academy of Fine Arts ng pamosong Pilipinong pintor na si Lorenzo Guerrero.
Taong 1877 nang magpunta siya sa Espanya upang lalong matutuhan ang pagpipinta.
Sa nasabing lugar naging eksperto siya sa mga pandaigdig na pamantayan sa arte.
Masayang-masaya si Juan nang isali ng kaniyang gurong si Alejo de Vera ang
kaniyang sining na pinamagatang “Daphne at Cleo”. Ito ay nagtamo ng
Gantimpalang Pilak sa Roma noong 1878.
Upang lalong maitaas ang kalidad ng kaniyang sining,
nagpasama siya sa kaniyang guro upang mag-obserba ng mga dakilang sining ng mga
sikat na pintor ng iba’t ibang museo sa Europa.
Alam na alam ni Juang ang paglahok sa mga pandaigdigang
timpalak ay pagsuntok sa buwan. Subalit para sa Pilipinong pintor, ang paglaban
sa pinakamahuhusay na pintor ng daigdig ay isang natatanging karanasan.
Para kay Juan, ang kadakilaang ipinakikita ng mga
rebolusyonaryo sa nilayuang bayan ay maaari niyang tumbasan ng kadakilaang
pakikipaglaban sa larangan naman ng pandaigdigang pagpipinta ng isang libo at
isang karanasan. Sa paninindigang ito, inilaban ng pintor ang kaniyang “Death of
Cleopatra” na tinanghal na Pangalawang Gantimpalang Pandaigdig. Ipinagbunyi ng
mga Pilipino sa Europa ang kahusayan ni Juan. Ipinagmalaki nila ang pagiging
Pilipino ng sikat na pintor.
Nang punahin ng ilang Europeo ang pagiging Indio ni Juan ay
ipinagtanggol siya ni Jose Rizal na pinagpantingan ng tenga. Binigyang diin ng
Dakilang Nobelista na ang pagiging henyo ay walang kinaaanibang bansa at
sinumang may dakilang kahusayan ay maihahalintulad daw sa liwanag na
nababanaagan at hanging nalalanghap sa kawalan.
At sapagkat ang puntong ipinakikipaglaban ni Jose Rizal ay
punto ng mga propagandista na naglalayong magpahalaga sa mga karapatang pantao
ng mga Pilipino bilang mga Asyano at mamamayan ng daigdig, lalong pinagbuti ni
Juan ang kaniyang sining.
Alam ni Juang nagmamasid ang buong daigdig sa maiaambag niya
sa pagpipinta. Upang lalong mahandugan ng kadakilaan ang Pilipinas,
pinangatawanan ni Juang makipagtunggali sa pinakamahuhusay na pintor ng
daigdig. Noong 1884 ay ipinagkaloob ang Unang Gantimpala sa kanyang Spoliarium.
Taong 1885 naman nang pagbotohan ng mga hurado upang magkamit ng Medalyong
Ginto ang kaniyang El Pacto de Sangre. Ang parangal na Pinakamahusay ay
iginawad din sa kaniyang Battie of Lepanto noong 1888.
Nang bumisita si Juan sa Pilipinas ay inaresto siya ng
Pamahalaang Espanya sa bintang na pagpaplano ng isang rebolusyon. Pinagdusahan
niya ito sa bilangguan mula Setiyembre, 1896 hanggang Mayo, 1897. Matapos
palayain ay nagdesisyon siyang magbalik sa Europa. Sa pagnanais na aktuwal na
makatulong sa ipinakikipaglaban ng mga rebolusyonaryo, inisip niyang ang laban
ay nasa loob at wala sa labas ng inaapi niyang bayan. Hindi niya nagawa ang
plano nang sumabog ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Upang makapaglingkod sa
bayan, tinanggap niya ang pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Aguinaldo na
maging kinatawang pandiplomatiko sa Pransiya.
Nagplano siyang muling umuwi sa Pilipinas upang makilahok sa
pagtatanggol sa kaniyang bansang sinilangan. Nang lumapag siya sa Hongkong ay
sinamang palad siyang atakihin sa puso. Disyembre 7, 1899 nang bawian siya ng
buhay. Sa Simenteryo Katoliko ng Hongkong inilibing ang pintor.
Sa pagbibigay pahalaga ni Juan Luna sa Pilipinas bilang
natatanging bansa ng mga henyo ay nabigyan niya ng inspirasyon ang mga kababayan
upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipinong patas na tumindig kaninuman,
lalung-lalo na sa mga mapang-aping dayuhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento