Jose Abad Santos
Ang tunay na kabayanihan ay matapat na paghahandog ng
sariling buhay alang-alang sa ikararangal ng bayan. Iyan ang ginawa ng dating
Chief Justice of the Supreme Court na si Jose Abad Santos nang kailanganing
magdesisyon siya noong Panahon ng Hapon.
Si Jose ay ipinanganak noong Pebrero 19, 1886 sa San
Fernando, Pampanga. Sina Vicente Abad Santos at Toribia Basco ang mga magulang
niya.
Nag-aral siya ng elementarya sa Pribadong Paaralan ni Roman
Velez sa Bacolor at ng sekundarya sa Paaralang Publiko ng San Fernando.
Noong 1904 ay ipinadala si Jose bilang pensionado sa
Amerika. Nag-aral siya sa Kolehiyo ng Santa Gara. Ang abugasya ay pinasimulan
niya sa University of Illinois at tinapos sa Northwestern University noong
1908. Sa kahusayang mag-aral, tinanggap niya ang Master of Laws sa George
Washington University noong 1909.
Upang makapagsilbi sa mga kababayan, pagkabalik niya ay
nagtrabaho siya sa pamahalaan. Naging pansamantalang klerk siya sa Archives
Division at nataas bilang klerk sa Bureau of Justice. Matapos makapasa sa
Philippine Bar noong 1911 ay naging court interpreter siya.
Sa husay na ipinakita ay nagsimula siyang maging special
attorney sa Philippine National Bank.
Ang magandang pagkakataon ay dumating kay Jose nang mapili
siyang isa sa anim na tagapayong teknikal ng unang Parliamentary Independence
Mission sa Estados Unidos.
Sa nasabing misyon, kinakitaan ng husay at talino sa
liderato si Jose. Ito ang dahilan kaya sa pagbabalik sa Pilipinas ay pinili
siyang maging Undersecretary of Justice ni Gobernador Heneral Leonard Wood
noong 1922. Sa sistematikong pamamaraan sa paghawak ng hustisya, tatlong ulit
siyang nahirang na Secretary of Justice.
Ang oras ng pagtaas niya sa pusisyong Justice of the Supreme
Court ay ipinagbunyi ng lahat nang manumpa siya sa tungkulin noong Disyembre
24, 1941.
Bukod sa pagiging Chief Justice, ibinigay din sa kanya ang
mga katungkulang Secretary of Justice at Acting Secretary of Finance,
Agriculture and Commerce sa Pamahalaang Quezon.
Nang ilikas si Pangulong Quezon sa Washington DC upang itayo
ang Commonwealth Government in Exile naging pangkalahatang tagapamahala siya ng
pamahalaan.
Sa kasamaang palad ay hinuli si Jose ng mga Hapon nang
magtungo siya sa Cebu. Pinipilit siyang patalikurin sa Estados Unidos at
makipag-usap kay Heneral Manuel Roxas.
Pinanindigan ni Joseng mamarapatin pa niyang mamatay kaysa
talikuran ang Estados Unidos at Pilipinas.
Hindi nagustuhan ng mga Hapon ang naging paniniwala ni Jose
kaya nagplano silang patayin siya sa Lanao del Sur.
Bago patayin ay binigyan ng pagkakataon si Joseng makaharap
ang anak niyang si Pepito. Nang makitang umiiyak ang anak ay tinapik ito sa
balikat, itinaas ang mukhang basang-basa ng luha at nagwikang:
“Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa mga taong
nakapaligid sa atin na matapang ka at marangal. Magandang pagkakataong iaalay
ko ang buhay ko sa bayan. Hindi lahat ay nabibigyan ng dakilang pagkakataong
ito.”
Matapos lumuhod at mataimtim na nagdasal ay nagyakap nang
mahigpit ang mag-ama.
Makalipas ang ilang sandali ay narinig ni Pepito ang ilang
malalakas na putok ng baril. Alam niyang isang dakilang bayani ang binawian ng
buhay. Mariing napakagat ng labi ang bata pero nang itaas niya ang mukha ay wala
ritong mababakas na luha. Mariing kinagat ni Pepito ang mga labi at tumindig
bilang isang marangal na Pilipino.
Alas dos ng hapon noong Mayo 2, 1942 nang mamatay si Jose
Abad Santos. Pumanaw siyang sinasaluduhan ng lahat sa nag-uumapaw na pagmamahal
sa bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento