Graciano Lopez Jaena
Isang tinitingalang propagandista, si Graciano Lopez Jaena
ay lalong kilala sa tawag na “Prinsipe ng mga Orador.”
Ipinanganak siya sa Jaro, Iloilo noong Disyembre 18, 1856.
Mga magulang niya sina Placido Lopez at Maria Jacob.
Unang nag-aral si Graciano sa Colegio Provincial ng Jaro.
Batang-bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan at kabibuhan ng
kaniyang gurong si Padre Francisco Jayme. Tinapos niya ang antas sekundarya sa
Seminario de San Vicente Ferrer. Sa nasabing paaralan, tinanghal siya bilang
Pinakamahusay na Estudyante sa Teolohiya.
Inakala ng mga magulang ni Graciano na pagpapari ang
papasukin niyang kurso. Nagkamali sila sapagkat inspirado siyang maging doktor.
Sa kakulangan ng salaping itutustos, napilitan siyang mag-aprentis sa San Juan
De Dios Hospital. Sa pagtulung-tulong sa mga doktor, natutuhan niya ang
panggagamot sa mga simpleng karamdaman. Sa pagbabalik niya sa lalawigan, kahit
bawal ay nanggamot siya ng iba’t ibang sakit ng mga kababayan.
Sa panggagamot at pakikisalamuha sa mga maralitang
kababayan, napuna niyang marami palang kawalang katarungan ang ipinaparusa ng
mga Kastila. Sa maraming pisikal na karamdamang dinaranas ng mga kababayan,
napag-alaman niyang dobleng hirap pala ang dinadala ng mga taong nakapaligid sa
kaniya.
Dito na nagsimulang magkomentaryo ang propagandista. Lagi at
lagi niyang ipinaliliwanag sa bawat pasyente ang kawalang katarungan ng mga
Kastila.
Noong 1874 ay pinag-usapan ng marami si Graciano nang isulat
niya ang komentaryong “Fray Botod” at “La Hija del Fraile” na naglalarawan sa
masasamang pag-uugali ng mga paring Espanyol. Ang nasabing mga artikulo ang
dahilan kung bakit hinanap siya ng mga awtoridad upang ipakulong. Upang iligaw
ang mga militar, kaagad siyang lumabas ng Pilipinas at nagpunta sa Espanya.
Sa Madrid ay naging pangunahing kritiko si Graciano.
Nagsulat siya ng mga opinyon laban sa pamahalaang Kastila na nagpapalakad sa
Pilipinas at sa mga prayleng Kastila na humahawak sa Simbahang Katoliko sa
bansa.
Naging mabiling-mabili ang mga kritisismo ng propagandista
na napublika sa mga dyaryong Los Dos Mundos, El Liberal, El Progreso, Bandera
Social, La Publicidad, El Pueblo Soberano at El Deluvio.
Sinikap din ni Gracianong makasulat ng mga artikulo sa ekonomiya
sa mga pahayagaang Espana En Filipinas, Revista del Circulo Hispano Filipino at
Revista de la Camara de Comercio de Espana.
Naging aktibong miyembro din siya ng Circulo Hispano
Filipino na isang organisasyon ng mga Pilipino kasama ang mga Espanyol na
sumisimpatiya sa ipinakikipaglaban ng mga propagandista.
Ang pagiging mamamahayag ay ginamit ni Graciano upang
mapalawak ang galaw ng propaganda. Pebrero 15, 1889 nang ilathala niya ang La
Solidaridad. Naging layunin ng nasabing dyaryong kumalaban sa paninikil, gumawa
ng reporma sa lipunan at pulitika, tumanggap ng mga liberal at progresibong
kaisipan, magpakalat ng mga demokratikong pananaw at lumaban upang maipanalo
ang hustisya at progreso.
Humigit kumulang sa isang libong talumpati ang nabigkas ng
“Prinsipe ng mga Orador” sa Europa. Siyam lamang sa mga ito ang napasama sa
koleksiyong Discursos Y Artkulos Varios.
Upang madagdagan ang pondo ng mga propagandista, pinayuhan
ni Jose Rizal ang Orador na magbalik sa Pilipinas noong 1890.
Ang pakikipagpulong ni Graciano sa mga kasapi ng La Junta de
la Propaganda ay natiktikan ng mga Kastila kaya agad siyang sumakay sa Bapor
San Juan papuntang Hongkong.
Sa pagbabalik ng Orador sa Barcelona ay dinanas niya ang
isang libo at isang karalitaan. Buong pagpapakasakit niya itong hinarap
alang-alang sa ikapagtatagumpay ng kalayaan.
Sa malayong lugar ng Europa nanghina ang pangangatawan niya.
Ikinamatay ni Graciano ang sakit na tuberkulosis noong Enero 20, 1896.
Ang napakaraming kaisipang hinugis niya sa mga talumpati ay
lagi at laging mauulinigan mula sa kawalan. Pagpapatunay lamang itong may isang
propagandistang Pilipinong nanindigan sa ikalalaya ng sambayanan.
Ibinigay ni Graciano Lopez Jaena ang kaniyang kabuuan.
Magpasalamat tayo sa kaniyang kadakilaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento