Apolinario Mabini
Kahit ka may kapansanan, maaari ka ring maging bayani ng
bayan. Ito ay isang katotohanang naganap sa buhay ng isang paralitiko sa
katauhan ni Apolinario Mabini.
Si Apolinario ay ipinanganak sa Tanauan, Batangas noong
Hulyo 23, 1864. Kapwa magsasaka ang kanyang ama at ina na sina Inocencio Mabini
at Dionisia Maranan.
Bata pa lang ay kinakitaan na siya ng katalinuhan. Kahit
mahirap lang ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral nang maipasa ang
pagsusulit sa Kolehiyo de San Juan de Letran. Kahit na libre sa pag-aaral,
kailangan din niyang bumili ng pagkain, uniporme at kagamitan. Napilitan siyang
magturo ng Latin sa mga pribadong paaralan sa Maynila, Bauan at Lipa.
Nang matagumpay niyang natapos ang Bachelor of Arts ay
ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng Bachelor of Laws sa Unibersidad ng Santo
Tomas. Malaki ang gastusin ni Apolinario bilang estudyante ng abugasya kaya
namasukan siyang istenograper sa Court of First Instance at klerk sa
Intendencia General.
Ang pag-ibig sa bansa ang dahilan kaya muli niyang binuhay
ang “La Liga Filipina” noong 1863. Nang halinhan ito ng Cuerpo de
Compromisarios noong 1864 ay nahalal si Apolinario bilang Sekretaryo ng
organisasyon. Ang nabanggit na samahan ay naglayong magbigay ng moral at
pinansyal na tulong sa mga propagandistang Pilipino sa Espanya.
Kahit hati ang sarili sa pag-aaral, pagtatrabaho at
pagtulong sa propaganda, nakuha pa ring matagumpay na matapos ni Apolinario ang
abugasya noong 1895.
Habang namamasukan bilang notario publico, dinapuan ng
napakataas na lagnat si Apolinario na nauwi sa pagkakasakit niya ng polio.
Kahit na may sakit, nagpatuloy siya sa pagtulong sa mga rebolusyonaryo.
Nang malaman ng mga Guardia Civil ang pakikisangkot niya sa
pagpapalaya ng bansa ay inaresto ang “Dakilang Paralitiko.” Kung hindi sa
kaniyang karamdaman, maaaring naparusahan siya ng kamatayan. Sa mismong Ospital
ng San Juan de Dios kung saan siya ginagamot pinamalagi siya bilang bihag.
Matapos palayain, pansamantala siyang nanirahan sa Laguna
upang maglunoy paminsan-minsan sa maligamgam na mga batis ng Los Banos.
Ang talino sa batas ay nabigyang diin ni Apolinario nang
sumulat siya ng isang artikulo para sa mga lider rebolusyonaryo. Ang nasabing
manifesto ay nagpapahalaga sa pagtindig ng Pilipinas bilang isang malayang
bansa kung matatalo ng Estados Unidos ang Espanya sa digmaan nilang dalawa. Sa
husay ng mga paliwanag ay ipinasundo ni Pangulong Aguinaldo si Apolinario at
ginawa niya itong tagapayo.
Isa sa mga mahuhusay na payo ni Apolinario kay Pangulong
Aguinaldo ay ang pagpapalit ng porma ng gobyerno. Mula diktaturya, naging
rebolusyonaryo ang porma ng pamahalaan ng Pilipinas. Ipinaorganisa ni
Apolinario ang mga lalawigan, munisipalidad, hukuman at pulisya.
Nagsilbi si Apolinario bilang Pangulo sa Konseho ng mga
Kalihim. Hinirang siya sa Pamahalaang Aguinaldo bilang Kalihim Panlabas.
Si Apolinario rin ang pinasulat sa maraming alituntuning
dapat ipatupad sa buong bansa.
Dalawa sa mga mahahalagang dokumentong naiambag ni
Apolinario ang El Verdadero Decalogo at Programa Constitucional de la Republica
Filipina. Ang Decalogo ay naglalayong gisingin ang damdamin ng mga Pilipino.
Samantala, ang Programa Constitucional ay naglalayong isulat ang isang
konstitusyong susundin ng mga Pilipino upang malaman nila ang kanilang mga
karapatan at obligasyon bilang mga mamamayan.
Nang matuloy ang giyera Pilipino-Amerikano, inilikas si
Apolinario sa Cuyapo, Nueva Ecija kung saan nasundan siya ng mga Amerikano.
Dalawang taon din siyang naging bihag pandigmaan.
Matapos palayain, tumira ang Dakilang Paralitiko sa isang
maliit na dampa sa Nagtahan, Maynila. Sa sobrang pagmamahal sa Pilipinas,
sumulat sa pahayagang El Liberal ang matalinong abugado. Ang mga makabayang
opinyon niya ang naging dahilan upang ipatapon si Apolinario sa Guam.
Isang mataas na posisyong pampamahalaan ang ibinibigay kay
Apolinario ng Pamahalaang Amerikano pero tinalikuran ito ng Dakilang
Paralitiko. Minarapat niyang mamalagi sa kaniyang munting dampa na malaya kahit
maralita.
Namatay si Apolinario Mabini noong Mayo 13, 1903 na isang
dakilang Pilipinong hinahangaan sa buong mundo.
izzu noto pirintaboru?
TumugonBurahin