Ang Mag-amang Palaka
Isang hapon ay nagpapatalun-talong namamasyal ang Bunsong
Palaka sa ilug-ilugan nang biglang makaharap niya ang matangkad na Tikling na
nakatungtong sa batuhang inaagusan ng tubig.
“Naku po! Pagkalaki-laking palaka!” sigaw ng nahintakutang
Palaka.
“Kokak! Koooookak! Koooookak!” pananakot ng Tikling.
Nagtatalong paalis ang Bunsong Palaka.
Ilang sandali lang ay humihingal na nagsumbong ang Bunsong
Palaka sa Amang Palaka.
“Naku, Tatay! Nakakita po ako ng malaking Palaka sa
ilug-ilugan. Natakot po ako at nagtatalong paalis.”
“Malaki ba ika mo?”
“Opo. Malaking-malaki.”
“Kasinlaki ko ba?”
“Malaki pa po sa inyo!”
Pinahanginan ng Amang Palaka ang tiyan at mayabang na
tumindig.
“Ganito ba kalaki?”
“Malaki pa po!”
Pinahanginan pa ng Ama ang tiyan na ikinabundat nito.
“Ganito ba kalaki?”
“Higit pa pong malaki diyan at nakakatakot kung tumindig.
Parang higante!”
Wala nang hihigit pa sa laki ng Amang Palaka. Sa pagkakaalam
niya, siya ang pinakamalaking Palaka sa tubigan at batuhan. Hindi siya
makapapayag na may hihigit pa sa kaniyang laki at lakas.
Sapagkat ayaw patalo kaya pinahanginan pa niya ng doble ang
tiyan.
“Kasinlaki ko na ba siya?”
“Malaki pa po.”
Sa nais ng Ama na baka mahigitan siya ng palakang nakita ng
Bunsong Palaka ay pinalaki niya nang pinalaki ang tiyan. Pinalaki niya ito nang
pinalaki nang pinalaki hanggang sumabog. Ito ang ikinasawi ng Amang Palaka.
Aral: Makuntento sa
biyayang sapat. Hindi natin dapat higitan ang bigay ng kalikasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento