Ang Lobong Sumabit Sa Mga Tinik
Inis na inis ang Lobo sapagkat sa kaiikot sa kagubatan ay
wala man lang siyang nahuli para sa pananghalian.
Nagdesisyon siyang umuwi na lang. Sa haba ng daang nalakad
ay pagod na ang Lobo. Kung tataluntunin niya ang mahabang daang pinanggalingan
ay iniisip niyang baka hapunin siya sa paglalakbay.
Nang makita niya ang dalawang talampas na magkatapat ay
naisip niyang tumalon upang marating ang kabila. Kapag nagawa nga naman niya
ito ay madali siyang makararating sa kaniyang lungga.
Tumalon nga ang Lobo pero sa kasamaang palad ay dumulas ang
mga paa niya. Sumabit siya sa mga baging na may mga tinik na tumusok sa katawan
niya.
Sinikap ng Lobong makaahon subalit hindi naging madali ang
pagliligtas niya sa sarili. Kailangang kumapit siyang mabuti sa baging upang
makaahon. Bago nakasampa sa mga batuhan ay nagdugo ang mga kamay niya. Nang
nakaahon na ay inis na inis na pinagmumumura at pinagsisisipa niya ang mga
baging.
“Mabuti pang nahulog na ako sa bangin kaysa nasugatan sa
inyong mga tinik. Mga pesteng baging na nananabit ng mga paa at humihila sa mga
hayop na may mabubuting kaluluwa.”
“Ay naku, naku,” reaksiyon ng mga bakod na nakahilera,
“bakit sisisihin mo ang mga baging na wala namang kasalanan. Ikaw ang dumating
at tumalon. Sa pagnanais mong makauwi nang maaga sa iyong tirahan ay di mo na
inisip na maaaring mauwi sa kapahamakan ang pagtalon mo sa bangin ng kamatayan.
Pasalamat ka sa mga baging na sumabit sa iyong katawan. Kung hindi ka sumabit ay
baka basag ang bungo mo sa banging dapat mong paglibingan.”
Nanginig ang baba ng Lobo sa sobrang takot nang tingnan sa
ibaba ang mga batong maaaring kinabagsakan.
Aral: Ating
pasalamatan ang sinumang nakapagligtas sa atin sa kapahamakan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento