Ang Langgam at ang
Tipaklong – First Version
Napakainit ng araw. Makikitang pawisang-pawisan ang mga
pulang Langgam sa kahahakot ng mga pagkain.
Dinadala nila ang tilamsik ng pulot, himay na tubo at
anumang bagay na matamis na mapapakinabangan nila bilang pagkain. Hile-hilera
sila sa paghakot. Ang lahat ay gumagawa. Ayaw nilang abutin ng dilim sa
paggawa.
Sa ilalim ng mga puno ay masaya namang naghahagikgikan ang mga
Tipaklong. May tuwang-tuwang nagpapataasan sa pagtalon. May masayang-masayang
nagkakantahan at nagsasayawan.
Ang ilan naman ay nasisiyahan nang panoorin ang pawisang mga
Langgam sa wala na yatang katapusang paggawa sa ilalim ng nakapapasong araw.
Isa sa mga takang-takang Tipaklong ang hindi nakatiis at
nagtanong sa isang humihingal na trabahador.
“Hoy Langgam, bakit ba trabaho kayo nang trabaho kahit na
tag-araw?”
“Nag-aalala kaming baka hindi makaipon ng pagkain sa
darating na tag-ulan.”
“Aba, kailangan din naman ninyong magsaya. Masarap mahiga at
makinig sa huni ng mga ibon,” pang-iinggit ng Tipaklong.
“Napapakinggan din namin ang huni habang gumagawa.”
“Mas masaya kung kakanta at sasayaw din kayo tulad ng ibang
kasama ko.”
“Makapaghihintay ang lahat ng uri ng pagsasayaw. Kailangan
naming mag-impok muna ng pagkain.”
Pinagtawanan ng mga Tipaklong ang mga Langgam. Hinamak pa ng
mga ito na ayaw daw makisama sa pagsasaya ang kanilang tribo.
Hindi pinansin ng mga masisipag na Langgam ang panlalait ng
mga Tipaklong. Kahit na pakiusapang huwag silang laitin ay hinamak-hamak pa
sila ng mga mapang-aping Tipaklong.
Hindi pa nasiyahan sa mga patutsada, nagkapit-kapit pa ang
mga Tipaklong at pinagbawalang magpatulong sa paghahakot ng pagkain ang mga
Langgam. Mabuti na lang at sapat na ang naipong pagkain ng mga trabahador.
Sa takot na baka tapak-tapakan ng mga Tipaklong ang mga ulo
nila ay napilitang pumasok sa maliliit nilang lungga ang mga Langgam.
Ilang araw lamang ang lumipas ay nagimbal ang lahat sa lakas
ng ihip ng hangin na nagpalaglag sa mga tuyong dahon sa mga sanga ng
punongkahoy.
Alam ng mga Langgam na patapos na ang tag-araw at padating
na ang tag-ulan. Tama sila. Maya-maya ay pumatak na ang ulan mula sa
kalangitan. Nangabasa ang lahat sa kapaligiran.
Napahinto sa pagsasayaw at pagkanta ang mga Tipaklong.
Nagsisisi sila sa panghahamak sa mga Langgam. Hindi sila handa sa pagdating ng
malakas na tag-ulan. Nakita nilang nagsipagtago ang lahat ng insekto sa
kani-kanilang tahanan.
Aral: Mag-impok sa
tag-araw upang may asahan sa tag-ulan.
Great post, thanks for writing
TumugonBurahin