Ang Agila at ang
Salagubang
Gutum na gutom na ang Agila kaya naghahanap siya ng hayop na
gagawing pananghalian. Mula sa kaitasaan ay napansin niya ang isang Kunehong
masayang naglalakad sa kagubatan.
Nang tumingala ang Kuneho ay alam niyang sasakmalin siya ng
Hari ng mga Ibon. Upang makaiwas sa kapahamakan ay nagtatakbo ito upang
magtago. Napansin ng Salagubang ang paghabol ng Agila sa Kuneho. Nang magkatama
ng paningin ang Kuneho at Salagubang ay humingi ng tulong ang hinahabol.
“Salagubang! Salagubang! Tulungan mo ako! Tiyak na aabutan
at gagawin akong pananghalian ni Haring Agila!”
Mabilis tumakbo ang Kuneho pero mabilis ding lumipad at
humabol ang Agila.
Awang-awa ang Salagubang sa di parehas na laki ng humahabol
sa hinahabol.
“Hoy, Agila! Mahiya ka sa sarili mo! Hari ka pa man din ng
ibang kalahi mo pero isang maliit na kuneho ang hinahabol mo!”
Hindi pinakinggan ng gutom na Agila ang sigaw ng Salagubang.
Ang alam niya ay kumakalam ang kaniyang sikmura at masarap na gawing pananghalian
ang Kunehong may matabang tiyan.
Umaatikabong habulan ang naganap pero kahit bilisan ng
Kuneho ang pagtakbo at pagtalon ay naabutan din siya ng Agilang gutum na gutom.
“Kawawang Kuneho,” buntunghininga ng Salagubang nang
matanawan ang nagsisisigaw na kaibigan ay gawing masaganang pananghalian ng
Agilang walang awa kaninuman.
Naisip ng Salagubang na panagutin sa kasalanan ang Agilang
hindi makatarungan.
Magmula nang gawing pananghalian ang kaibigan ay lagi na
niyang sinusundan-sundan ang Agila. Nalaman niyang sa ituktok ng bundok
nangingitlog ang Agila. Sumunod siya dito. Habang wala pa ang Agila ay nilipad
ng Salagubang ang pugad ng Hari ng mga Ibon. Isa-isa niyang itinulak ang mga
itlog mula sa pugad. Basag ang mga ito nang malaglag sa lupa. Galit na galit
ang Agila na nagsumbong kay Jupiter.
“Kamahalan, binabasag po ni Salagubang ang mga itlog na nasa
pugad ko. Tulungan po ninyo ako.”
Upang hindi na maulit na mabasag ang mga itlog, pumayag si
Jupiter na sa kandungan niya mamugad ang Agila. Ito nga ang ginawa ng Agila.
Nagsilbing pugad ang kandungan ni Jupiter.
Nang malaman ito ni Salagubang ay nakaisip siya ng paraan
upang maipagpatuloy ang paghihiganti. Nang nakatulog si Jupiter ay binagsakan
niya ng dakut-dakot na lupa ang kandungan ng Kamahalan. Nang magising si
Jupiter at pagpagin ang lupa ay sumama ang mga itlog na nangabasag sa lupa.
Magmula noon, lagi nang naghahanap ang mga Agila kung saan
nila maitatago ang mga pugad na pinangingitlugan nila. Sinasabing patuloy na
ipinaghihiganti ng Salagubang ang Kunehong matalik na kaibigan.
Aral: Ang sinumang
inapi ninuman ay dapat bigyang katarungan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento