Sabado, Pebrero 9, 2013

Pinaglahuan

Pinaglahuan
Ni Faustino Aguilar

Para sa kompletong kabanata mula 1-20 maaaring puntahan ang site na ito:
http://www.filipiniana.net/publication/pinaglahuan/12955824288310/4/0


GABI at umúulán. Gabíng dapat sumpaín ng mga may sakit na rayuma dahil sa kalamigan ng hanging himihihip. Gabing dapat ipinalangin ng mga matatakutin sa dahil sa mahuhugong na kulog at nagniningasang kidlat. Ang patak ng ulan ay ga-mais halo at siyang ipinaglulusak ng mga lansangan ng Maynila na kaya lamang maganda ay kung tag-araw, tulad din naman sa isang babayi na kung bihis lamang saka nakikitaan ng gara.

Ang mga ilaw-elektriko ay waring nangag-aantukan sa inandap-andap at sa mg daang dating matao ay ilan-ilan lamang ang nagsisipaglakad, matangi ang mga pulis na may katungkulang magbantay ay nangagyayao’t ditong matalas ang tainga sa ano mang kilatis o yabag kaya na di karaniwan. Ito ang biyayang napapala sa kanilang ibinubuwis ng mga naninirahan sa Maynila na nang gabing iyong pinasungitan ng ulan ay maagang nagsipaglapat ng pinto. Tulog ang bayan at hindi naririnig ang dagundong ng mga kalesa at ang pinatatagintingan ng salapi sa mga bahay-kalakal. Nagpapahinga ang lahat, naghapuna’t hindi, bundat at gutom, mula sa mga ulo ng yaman hanggang sa kadukha-dukhaang anak ng pawis, at parang-parang nagsisihanap sa pagtulog ng lakas na kinabukasa’y gagamitin ng iba sa pagsasaya, at nang karamihan sa pagkita ng ikabubuhay. Ang pagtulog ay sintulad din ng kamatayan, walang itinatangi, lahat ay pinaghaharian, lahat ay nasasaklaw; pagdating ng gabi ay siya ang panginoon. Mapalad na panginoong walang kawal at malalaking hukbo ni laksa-laksang salapi ay makapangyarihan naman at tinatalima.

Nguni’t isa lamang masuyain, ang sa gayong kalakas na ulan ay sumasagasa at sugod nang nakikipag-unahan sa bilis ng kidla na maminsan-minsang nakalilito sa kaniyang mga paningin. Pagliko sa isang daan at sa tapat ng isang tila nag-aantok na ilaw, ay nakikilalang siya pala ang binatang nakatalo ng pulis sa Opera.

Lalo pang lumalakas ang ulan, nguni’t lalo namang nagdudumali ang masuwayin na pagkapat sa isang bahay sa daang A. ay tumigil at nagmasid. Lapat na ang mga pinto’t bintana ng kinatatapatang bahay na di naman lubhang mataas. Ang bahay na iyong salat sa karingalan ng mga bagong tayo, ay napagkikilalang matanda na at marahil ay di lamang lilimampung taong pinamamahayan. Malaki nga kung sa malaki, datapwa’t di sasalang yari noon pang walang mga kawani ang municipio na nag-uutos paris ngayong ang tataas ng mga bahay at pagpantay-pantayin , sapagkat mababa, at sa katunaya’y pantay-ulo lamang ang mga palababahan ng bintana. Ang bahay na iyon marahil ay labi ng isang marahas na sakuna, pagka’t sa biglang tingin ay napagkikilalang dating mataas at nagsasabi ng ganito’y ang ayos ng kabahayan na alangang-alangan sa kababaan ng silong. Ito’y bahagya nang umaangat sa lupa. Sa gayong kadilim na gabi ay pagkakamalan ang bahay na ito at wiwikain ng kahit sino na marahil isang simbahang matanda, at kabilang na ng mga bagay na kakahapunin ng pananampalatayang Kristiyano. Siyang-siya ng sa isang simbahan ang tabas-kamalig niyang bubong na tisa na sa may gitna at sa pinakatuktok ay may isa pang maliit na gola na natatapos sa isang kurus na kahoy. Ang kurus na iyo’y di sasalang nakasaksi ng panahon sa malalaking bagay na nagyari; gaano karaming lihim ang nalalaman niyang pipi naman at hindi makapagsalita.

Kung ang bahay na ito’y nagkataong napagitna sa matataas na pader ay maipalalagay sanang isang monasterio o tahanan ng mga babaying walang puso kung sa mga lalaking tagalupa, maliban kay Kristong hindi na pinagsawaang pag-ukulan ng kani-kanilang pag-ibig ng libu-libong dalaga.

Nguni’t hindi , at ang bahay na iyong alangang simbahan, alangang monasterio ay tahanan ng isang mayamang kilala sa buong Maynila sa pangalang Nicanor Gutierrez. Iyon ang bahay ni Don Nicanor na kinatatapatan ng masuyain kay Pagtulog.

Sa mga kilos at anyo ng taong natatapat sa bahay ay napagkikilalang hirati siya sa gayong tinayu-tayo. Ang kalaliman ng gabi, ang malakas na ulang bahagya pa lamang nagbabawa, ang putik sa lansangang abot sa may bukung-bukung, ang mangisa-ngisa dapwa’t maririing kulog, ay hindi man niya pansin, at waring natatalagang makipagtagalan sa noo’y tila matatalo na niyang bubo ng tubig mula sa itaas. Isa pang bugsong malakas kaysa mga nauna, at ang ula’y tumugil, nguni’t hindi ang mga kidlat at kulog na patuloy rin at waring nagtatawag pa ng unos.

Isa, dalawa, tatlo, hanggang limang ubo ang narinig sa gitna ng dilim at hindi na umulit. Iba namang tunog ang narinig: marahan nguni’t hugong ng isang bintanang kapis na binubuksan.

“Luis, Luis?” ang salitang gumambala sa kadiliman ng gabi.

“Oo, Danding, ako nga.”

“Matagal ka na bang naghihintay?”

“Ngayun-ngayon lamang ako naiinip.”

“Oo nga at inakala ko nang baka hindi tayo magkausap.”

“At bakit?”

“Sapagka’t baka napahimbing ka na naman.”

“Ah, hindi na mangyayari uli ang gayon, lubha pa’t ganitong ang puso ko’y ginigiyagis ng mararahas na damdamin.”

“Danding, binibigla mo ako. Ngayon lamang kita nakausap nang ganyan. Ako kaya’y malilimot mo na?”

“Hindi hangga ngayo’y iyung-iyo ang aking pananalig, hindi pa sumasagi sa aking gunita ang paglililo. Nguni’t, oh, manhik ka, at tila babagsak na naman ang ulan.”

At siyanga naman, ang inambun-ambon ay unti-unting lumalakas at ang dating maitim na langit ay nagpanibagong-sapot at bumanta na namang magbuhos sa lupa ng katakut-takot na tubig. Dapwa’t malayo na sa pagkabasa si Luis, sa isang imbay ay nakapanhik sa itaas ng silid na tutulugan ni Danding at ang bintanang dinaanan niya’y muling napalapat ng pagkakalapat na nagsasabing: “dito’y walang nangyayaring ano man.

Wala nga nguni’t sa loob ng dalawang pusong kapwa bata ang nagsusuob ng mababangong kamanyang, dalawang pag-ibig na pinapagtali ng kapalaran ang nagsusumpaan, dalawang pag-asa ang nagtatago sa mata ng marami, hindi sapagka’t masama ang sila’y magmahalan kundi sa “sukat masabi.” Sa gaano kalalaking paglilihim naitutulak ang tao niyang pag-ilag sa “sukat masabi!” – iyang mabigat na pasaning ipinadadalang pilit sa balana ng mga kabulaanan sa pamumuhay.

Si Danding at si Luis ay hindi nakailag na pabuwis na ito, at hindi miminsang nag-uusap sila nang palihim at malayo sa “sukat masabi,” samantalang ang mga magulang ng dalaga ay nangagpapahinga sa kabilang silid naman ng bahay.

Ang pag-uusap nila ng gabing ito ay napaiba sa lahat: waring nakikibagay sa panahon,malungkot at walang katamisang gaya ng dati, lubha pa nang makaraan na ang mga unang sandali.

“Oo, Danding,” ang sabi ng binata, “sasamantalahin ko ang pag-uusap nating ito upang sabihin sa iyong ako’y napakasawing-palad. Tuwina’y ganito, para akong magnanakaw na di makalantad sa marami, patago kung makasilay sa maligaya mong mukha, paumit kung iyong makaharap, ano pa’t sa dilim lamang ng gabi naipagtatapat ang aking pag-ibig at sa liwanag ng araw ay hindi na. Mapalad daw ako, ang sabi ng ilan. Mapalad nga, pagka’t may isa akong minamahal na nagmamahal naman sa akin, mayisa akong iniibig na hindi maipahayag kangino man sa takot na baka ngayon pa’y mawala na.”

“Luis, Luis!”

“Danding, bayaan mong sa gabing itong maulan ay mailalantad ko sa iyo ang mga sugat ng aking puso, nitong pusong sapagka’t iyo’y hindi dapat maglingid ng anung-ano man. Matagal ko nang napupuna na ikaw ay may ipinaglilihim sa akin, mula noong sumulat ka nang kayo’y pasa Tayuman. Ang matatalinghaga mong sinabi sa liham ay natatala pa sa aking isip: “may sasabihin ako sa iyo,” nguni’t hangga ngayo’y hindi mo pa nasasabi. Aywan kung nawalang-tiwala ka sa akin o talagang ang pag-ibig ko sa iyong di na malilimot kailan man ay ipinalalagay mong kabang walang susi, kaya ang sasabihing iyon ay ipinakakalihim-lihim. Lason mang nakamamatay sa aking pananalig at pag-asa ang iyong sasabihin ay ipagtapat mo nang hindi ko mawikang wala kang pagmamahal. Nguni’t huwag at baka wala akong matwid na humingi sa iyo ng ganito kalaking bagay.”

“Sukat na,” ang pagkaraka’y naisagot ng dalaga sa gayong paghihinampo. “Bawa’t salita mo’y patalim na umiiwa sa aking laman, bawa’t bigkas mo’y aking ikamamatay. Ako nga’y nagkasala sa iyo, nguni’t pagkakasalang di ko naman dapat ipagsisi. Kinusa ko ang paglilihim, at nalaman mo kung bakit?”

Ang binata’y hindi nakakibo, hindi malaman kung ano ang isasagot sa kaniyang kausap na sa sandaling iyo’y nagtila anyo ng Kasawian dahil sa kalumbayang napalarawan sa mukha at sa unti-unting pangingilid ng luha sa magaganda niyang mata.

“Nalaman mo kung bakit?” ang ulit pagkasandali. “Sapagka’t hindi ko ibig mamatay, sapagka’t hinahangad kong ang puso ko na lamang ang madurog. Luis, kulang-palad tayo!” Ang ilang luhang nag-unahan sa pagpatak ang nagsabi binata ng kadalamhatiang kinakabaka ni Danding.

Lalo pang napatigagal si Luis at ang malalam na ilaw ng isang maliit na globong kulay luntian ang sumaksi sa kaniyang pagkahabag sa pinakaiirog nang higit sa buhay.

“Luis, huwag kang matakot sa pighati. Ikaw ang sumalang ng sugat,” ang patuloy nang buong kalungkutan ng nagsasalita. “Tapos na sa atin ang lahat. Ito ang wakas ng ating pag-iibigan. Oh! Kaydaling natapos. Ngayon ay sasabihin ko sa iyo ang bagay kong ipinaglilihim. Wala akong ipagkakaila anung-ano man, lahat ay aking sasabihin yamang ibig mo. Ang dalagang umiibig sa iyo at kung palayawan mo’y aking Danding ay hindi na iyo ngayon. Siya’y wala nang sariling puso, siya’y isang kasangkapan lamang na ipinagbibiling di magluluwat. Ipagbibili, Luis, at sa halagang di mo maaabot. Alam kong sa pag-ibig mo sa akin, sampung buhay man ay iyong ipapalit, dapwa’t di sukat ang buhay, kailangan ang salapi, kailangan ang pilak na mataginting, na panira sa lalo mang mahal na mga tipanan, at makaaalipin sa napakataas mang hari, kaya ngayo’y hindi na ikaw ang may karapatan sa aking pag-ibig, iniirog man kita, kundi si Rojalde na mula ngayo’y kinapopootan ko.”

“Kung gayon, si Rojalde…” ang bahagyang nasnaw sa bibig ng binata.

“Oo, Luis, siyang bibili sa akin at ang magbibili nama’y ang aking mga magulang.” At marahil sa pagkalunos, ang dalaga’y napatigil. Hindi na nakapagpatuloy, at walang naisaksi ang kaniyang puso sa sakbibing dalamhati kundi ang saganang luha at ang pinipigilang paghikbi.

Sabay sa pagluha, sabay sa paghikbing isinalaysay ng dalaga ang buong nangyayari. Siya’y pingsabihan na ng kaniyang ama at nang sumagot na may kapaitang lunukin ang maagap na pagkakapaoo kay Rojalde nang hindi naman sumangguni sa kaniya, ay nagalit, napoot, at siya’y tinawag na masamang anak. Di-umano’y kaligtasan nilang mag-anak ang gayong pag-aasawa at alang-alang sa pagkaligtas na ito sa isang napakalaking panganib at kahihiyang kapapasukan kung sakali ay dapat siyang sumunod. Nasabi pa rin ng kaniyang amang kung hindi siya sasang-ayon ay mapipilitang magpatiwakal na muna bago masamsaman ng lahat na pag-aari at lumabas na kahiya-hiya sa karamihan. Ang kanila palang dangal at kapurihang mag-anak ay maaaring siklut-siklutin ni Rojalde. Napakalaki ang sagutin ng kaniyang ama rito na di na makauurong pa kahit ibigin.

“At ako, sa harap ng ganyang sigalot ay nalilito. Iniibig ko ang aking magulang at iniibig din naman kita,” ang mga huling salitang sakdal kapaitan ng dalaga.

Ang gayong dagok ng kasawiang-palad ay hindi inasahan ni Luis. Hanggang nang mga sandaling yao’y hindi pa nagkakasugat ang kaniyang puso. Naniniwala ng paniniwalang bulag sa kaligayahan ng pag-ibig na sa palagay niya’y isang bulaklak na napakabango at di na mauubusan ng samyo. Hanggang sa gabing iyon ay pawang paglasap ng katamisan sa sinapupunan ng kaniyang pinakamamahal na Danding ang natatamo, minsan ma’y di nakadama ng isang tinik na sukat ikapagsabing nagsapot sa kaniya ang kalangitan, minsan ma’y di nakalagok ng kapaitang ikapagtuturing na siya’y nasawi. Lahat ay ligaya, lahay ay aliw at katamisan, walang lungkot ni pighati ni luha at pagdaramdam.

Alam niyang may mga pag-ibig na taksil at nakamamatay, dapwa’t kailan ma’y di nag-akalang ang ganito sa kaniyang Danding na makalilibong sumumpa sa pagmamahalan nila. Hindi akalain ni Luis na sa isang sandali lamang ay mapapawing parang aso ang lahat niyang pag-asa sa isang babaying hindi naman masasabing sa iba pa kundi kaniya nang lubos.

Nang mga sandaling iyo’y nagunita ni Luis ang pagkakapagkilala nila ni Danding, isang hapon sa Luneta, nang ito’y kagagaling pa lamang sa isang colegio rito sa Maynila at inilabas ng ama dahil sa nalalapit na pagdiriwang ng Del Pilar sa Sta. Cruz. Biglang sumagi sa kaniyang gunita ang ikalawang pagtatagpo nila, makasanlinggo lamang sa isang sayawan, at nagunita tuloy ang kaniyang pagkakapahayag sa sayawang iyon, na ipinagtamo kay Danding ng kung hindi man isang oo ay isa namang pagpapaasang sukat nang makaaliw sa isang nangingibig.

Oh! Hindi maaari, na ang gayong pag-iibigang pinapagtibay na mahigit ng isang pag-irog na dalisay at wagas ay magbunga ng kapait-paitang pagkadusta. Hindi, kailangang mamatay na muna siya upang makapanalig sa ganito. Gayunma’y kaharap si Danding, nadinig sa mga labi nito ang buong katotohanan, ang pagbibili ng isang pusong may dinadalanginan man ay pilit na ipinasasaklaw sa iba, at siya ay naroong walang namang magawa at di makapagsalita ng anung-ano man palibhasa’y pinipi ng gayong kasawiang ikawawala ng kaniyang mutya at tunay na ligaya. Ibig na ayaw paniwalaan ni Luis na may mga magulang ngang nangangalakal ng anak. Pinag-aalinlangan niyang ang pangangalakal na ito, kung totoo man, ay iukol ni Don Nicanor sa kaniyang kaisa-isang anak na babayi, pagka’t si Don Nicanor ay mayaman at di mangangailangan ng salaping ipananakip sa tainga upang huwag marinig ang sigaw ng isang pusong tumututol.

Ang pangingibig ni Rojalde ay kaniyang talastas. Nalalaman niyang ito’y nagpapakamatay halos kay Danding, at sa katunaya’y di miminsang nakapagdahilanan pa ng kaniyang mga pagtatampong lambing lamang naman sa nagmamahal na si Danding, dapwa’t di niya sinapantaha kailan mang gayon ang magiging wakas.

Si Don Nicanor, sa kaniyang palagay, ay isang amang may katuwiran at hindi kabilang ng mga magulang na sa supot tumitingin at hindi sa kaligayahan ng kanilang anak, dapwa’t naroroon si Danding na nagpapabulaan sa ganitong palagay. Oo, ang Danding na iyong kinaniya-kaniya at pinaglalaanan ng buong pagkatao at pagmamahal ay ipinabili ng magulang, at siya sapagka’t dukha’y di man lamang makasali sa pamamakyaw.

Ang kaniyang maliit na sahod sa pinapasukang isang bahay-kalakal na dayo ay hindi maipangangahas sa gayong pagbibilihan: sukat na lamang ang magtiis, at ang pagmumuni-muning ito’y siyang nagsurot sa kaniyang mga mata ng napakaruhaging palad ng dukha, na pinanaligan niyang nauuwi sa ganito: ngayo’y malakas, bukas ay mahina at sa makalawa’y matanda nang pinatatapun-tapon hanggang sa mamatay na dayukdok.

“Ipagbibili ako sa halagang hindi mo maaabot!” ito ang sabi ni Danding at may katotohanan nga naman, pagka’t siya ay dukha, isang maralitang salamat sa kaunting nalalaman kaya nakagigitaw-gitaw nang kaunti. Dapwa’t ganito man ay nag-uulik-ulik ang kalooban ng binata. Hindi makapani-paniwala sa lahat ng narinig, at ipinalalagay na ang mga ipinaturing ng kaniyang minamahal ay isang panaginip lamang kung hindi man isang pagbiro.

Nang mga sandaling iyon si Luis ay napatulad sa isang ayaw mamatay na tinutulan pati ng paghihingalo. Si Danding ay kaniya, at laban dito’y wala nang katuwiran pang maibabali. Kapagkaraka’y walang lunas na minagaling kundi ang pagtatanan. Sa lilim ng malayang pamamalakd tungkol sa bagay na ito ay makisisilong sila ni Danding: doo’y di na makaaabot ang lakas atmasagwang pagkaama ni Don Nicanor, kaya ang sabi pagkatapos ng matagal na di pag-imik.

“Laban sa ganyang paggahasa ng iyong ama ay kagahasaan din ang panlaban. Magtanan tayo, lumayo rito at salirinin ang ating palad.”

Ang ganitong mga salita’y binigkas ni Luis nang biglang-bigla at natatatakan ng katigasang-loob. Hindi minasama ni Danding ang gayong hikayat. Siya ma’y nakapag-akala na ring di miminsan ng gayon, dapwa’t kinahahabagan ang kaniyang ama at ang kaniyang ina. Dito niya utang ang pagkatao, ang nalalaman, ang lahat. Ang kaniyang pagsunod ay talagang sa mga magulang, nguni’t ang kaniyang puso?

Isang pakikipagtunggali sa mga udyok ng puso ang nangyayari kay Danding ng mga sandaling iyo. Isang matamis na damdamin ang nagtutulak sa kaniyang sumama kay Luis, lumayo, at sa gitna ng kalayaan lasapin ang katamisan ng paggiliw, nguni’t magpikit man ng mata’y isinusurot naman sa kaniyang mga balintataw ng pagsunod sa magulang ang larawan ng amang nagpatiwakal dahil lamang sa kaniyang di pagsunod. Matay mang pakakuruin ang sinasapit niya ay di mapanibulos kung saang dako kikiling: saa’t saan man ay may kamatayan, may lasong makamandag, may sundang na pang-iwa.

Napaiyak, at di kinukusa’y sa balikat ng binata napahilig. Isang halik na pasiil ang inilunas ni Luis sa gayong kapighatian, at ang sabing sabay ng paghaplos sa noo ni Danding:

“Alam kong iniibig mo ako kaya wala akong katiga-tigatig. Ikaw ay akin at di kay Rojalde.”

“Napakahirap kang papaniwalain,” ang pahikbi-hikbing sagot ng dalaga, “at ngayong makilala ko ang kadakilaan ng iyong puso at ang karangalan ng iyong pag-ibig ay lalo kitang minamahal. Nguni’t maniwala ka sa akin, Luis. Limutin mo na ako, huwag kang umasa ng ano man at ang pagbibili sa akin ay hindi na mauurong. Luis! Luis! Bakit di ka naging mayaman?”

“Danding!”

“Oh, hindi ko sinusugatan ang iyong pagkatao. Nasabi ko ang gayon pagka’’t kung may salapi ka ay hindi ako kay Rojalde, kundi’y iyo na lamang.”

“Siya na. Ako’y hindi mo na iniibig kaya ka nagsasalita nang ganyan. Pusong babayi ka nga mayroon. Ipinagpapauna mo sa pag-ibig, diyan sa dalisay na dumadaming bibihis sa katauhan, ang kahinaang-loob. Dinaya mo ang aking pag-asa. Hindi mo na ako minamahal. May katuwiran ka, ako’y dukha at di dapat mangarap ng pag-akyat diyan sa kalangitn handa lamang sa mga mapalad na manggagaga. Oo, lilimutin kita sapagka’t ikaw ay mayaman, hindi sapagka’t hinihingi mo. Aalis ako ritong gahak ang puso at walang paniwala.” At pagkasabi ng ganito’y tumindig ang binata at humandang aalis.

“Wala kang awa, Luis. Ikaw pa ang maghihinanakit sa akin. Ibig kong sa pag-alis mo rito’y magtaglay ng paniniwalang hindi kita nililimot. Iniibig kita nang higit pa kaysa rati dapwa’t ang aking mga magulang, ang pagpapahalaga sa kanilang naipangako, ang kabaitang dapat taglayin ng isang anak… Luis,kaawaan mo ako!”

“Nauunawaan kita, nguni’t ano ang magulang, ang pangako, ang kabaitan sa harap ng isang pag-ibig? Ikaw ay akin at hindi sa iba, bakit nmgayo’y ikaw na rin ang magkukusa ng pagwawalat sa ating ligaya?”

“Lahat nang iya’y totoo, maaaring ako’y iyong pag-itingan ng sisi at pagdusta, dapwa’t huwag mong hinalain kailan man na kita’y hindi iniibig, pagka’t ito ang lasong makamamatay sa akin. Iniibig kita nguni’t…”

“Kung gayon ay di mo makakayang suwayin ang mga magulang?”

“Sila ang aking pangalawang Diyos dito sa lupa, at bago ko sirain ang ganitong tadhana ng aking pananampalatayang kinagisnan ay ibig ko munang mamatay.”

“Sukat na, Danding. Maituturing mong ikaw ay nagwagi. Iiwan ko rito ang aking puso. Aalis akong wala nang pag-asa ni pananalig. Isang buhay ang inalisan mo ng halaga, dapwa’t hindi kita sinisisi sa pagkakaganito, nalalaman kong ikaw ay walang sala, ang aking pinakasusumpa ay ang mga kamaliang bunga ng dalawang gawa ng tao: salapi at ang pananampalataya.”

Pagkaraan ng may isang oras, si Luis ay malungkot na nanasok sa pinto ng kaniyang bahay na sa isang nayon ng Maynila ay kaumpok ng ilang bahay na pawid na paris din ng kaniyang tinatahana’y naghihiwatig ng di totoong mariwasang buhay ng nagsisitira.

Hanggang sa makakubli sa mga patak ng ulan ng gayong kasungit na gabi ay walang nauulit-ulit ang binata kundi ang mga salitang:

“Ang salapi, ang pananampalataya, napakalakas ang mga kaaway kong ito.”

1 komento: