Linggo, Enero 13, 2013

Paglalahad

PAGLALAHAD

Paglalahad - isang anyo ng pagpapahayag na naglalayong mabigyang-linaw ang isang konsepto o kaisipan, bagay o paninindigan upang lubos na maunawaan ng nakikinig o bumabasa. Sa Pamamagitan ng paglalahad ay nagiging ganap ang pagkatuto ng isang tao dahil nabibigyan siya ng pagkakataong makatuklas ng isang ideya o kaisipan na makapaghahatid sa kanya ng kasiyahan at kalinawan sa paksang pinag-uusapan.
Itinuturing din ang paglalahad bilang isang uri ng pagpapaliwanag ng tao ukol sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kanyang mga gawaing pangkomunikasyon. Iba't ibang pamamaraan ang gamit ng tao sa paglalahad lalo't sa parang pasalita o pabigkas.

Ngunit kapag ito ay sa paraang pasulat, mahalagang makita ang mga sumusunod upang maging epektibo sa bumabasa.

1. Gawing malinaw ang paksa at sikaping malinaw din ang pagkasulat nito.
2. Gumagamit lamang ng mga salitan at pangungusap na madaling maunawaan.
3. Sikaping maging maayos ang organisasyon.
4. Panatilihin ang makatawag pansin na simula, ang mayamang bahagi ng katawan at
    kapana-panabik na wakas.
5. Basahing muli ang isinulat at iwasto kung kinakailangan.
6. Pumili ng angkop na pamagat at isulat sa gitnang bahagi ng papel.

Mga katangian ng mahusay na paglalahad

1. Kalinawan - Malinaw ang paliwanag at angkop o tama ang mga salitang ginagamit.
2. Katiyakan - Nakafokus lamang sa paksang tinatalakay at tiyak ang layunin ng
    pagpapaliwanaga. Iwasan ang mga bagay na di kaugnay sa tinatalakay.
3. Kaugnayan- magkaugnay ang mga pangungusap o talata.
4. Diin - binibigyang diin ang mga mahahalagang kaisipang nais talakayin.

Mga bahagi ng paglalahad

1. Simula - nakatatawag-pansin; nakakaakit; nakapupukaw;nakagaganyak at nakahahatak
    ng kuryosidad.

          Ilan sa mga halimbawa ng maaring simula:

           a. Pagtatanong
           b. Pagkukwento o Pagsasalaysay
           c. Pagsipi o paghalaw ng isang saknong
           d. Paggamit ng siniping pahayag
           e. Dayalogo o usapan
           f. Makatawag pansing pangungusap

2. Katawan o Gitna - binubuo ng talatang kinapalooban ng mga pangunahin at  
    pantulong na kaisipan upang maibigay ang detalye sa isang paksa. Dapat magkaroon
    ng kaisahan, kaugnayan at diin ang mga kaisipan para hindi malito ang bumabasa.

3. Wakas - nag-iiwan ng isang impresyong titimo sa damdamin at kikintal sa isipan ng
    mamababasa. gaya ng panimula, ang paglalahad ay maaaring wakasan sa iba't ibang
    paraan. Balikan ang talakay tungkol dito na naisa-isa na sa mga naunang aralin.

Mga uri ng paglalahad
1. Pagbibigay Katuturan - napalilinaw nito ang pag-uunawa sa kahalagahan ng isang
    bagay, tao, pangyayari, dinarama o konsepto.
2. Pagsunod sa Panuto/pamamaraan - Halimbawa nito ang pagsunod sa isang recepi o 
    paraan ng paglaro ng isang uri ng laro.
3. Pangulong Tudling/Editoryal - nagpapahayag ng opinyon o palagay ng editor ng
    isang pahayagan o magasin tungkol sa napapanahong isyu.
4. Sanaysay - anyong panitikan na naglalahad ng kuru-kuro, pananaw, paniniwala at
   damdamin ng manunulat, hango sa kanyangkaranasan at sa inaakalang palagay niya sa
    katotohanan.
5. Balita - naglalaman ng mga pang-araw-araw na pangyayari sa loob at labas ng bansa.
6. Pitak - karaniwang makikita sa mga pahayagan o magazin. Naglalaman ng reaksyon,
    kuru-kuro at pansariling pananaw hinggil sa isang napapanahong isyu o pangyayaring
    nagaganap sa kanyang paligid o sa iba pang pook. Tinatawag din itong kolum.
7. Tala - paglilista ng mga bagay-bagay na dapat gawin o tandaan.
8. Ulat - paglalahad ng mga kaisipan o kaalamang nakuha, natutunan o nasaliksik mula
    sa binasa, narinig, nakita o naranasan.

2 komento: