Biyernes, Setyembre 14, 2012

Satanas sa Lupa

Satanas sa Lupa


Unang Bahagi : Kapwa Satanas?

Tagpo : sa isang madilim na lugar, iniilawan ng iilang kandila ang kapaligiran

Tauhan : si Benigno, si Satanas at ilang ekstra
Benigno (magigising sa gitna ng naka-bilog na mga kandila) : Huh?! Asan na ako? Ang mga magagarbo kong damit?! Ugh! Ba’t ko suot ‘to?! (nagtataka at mandidiri sa suot na pamprobinsya)

Satanas (voice over) : Yoohoo! Benigno, my dear, nandito ka na pala! Ang tagal-tagal na naming naghihintay sa ‘yo, ano! Lagi ka na lang kasing nauudlot...

Benigno : Sino? Asan? Magpakita ka!

Satanas : Huuu! Wag ka na ngang magpakipot, di bagay, eh! Di mo man lang ba ako nakikilala o natatandaan? Ako, na gumawa ng lahat ng inasam mo, lahat ng karangyaang ibinigay mo sa pamilya mo? Sa akin nanggaling ang mga ‘yon! Wala man lang bang ‘thank you’?

Benigno : Hindi ‘yan totoo! Lahat ng nalikom ko, lahat ng ibinigay ko sa pamilya ko ay galing sa marangal at makabuluhang paraan!

Satanas : Marangal? Makabuluhan? Nagpapatawa ka ba, Benigno? Nakalimutan mo na na kaya kong gawing mukhang marangal at makabuluhan ang kahit anong bagay. Maging pera, babae, kahit na yang kapangyarihang pinaggigigilan mo. (spotlight sa bawat bagay habang sinasabi, tapos fade)

(spotlight kay Satanas sa gitna) Malay mo, baka gawin kitang kanang-kamay ko dito. You’ve been such a faithful follower! (buong tamis) : Oh, Benigno! (tatawa ng malakas)

Benigno (mapapagapang sa kanyang likod) : Hindeeee! Ayoko! Ayoko sa ‘yooooo!!!

(fade:tuloy pa rin ang pagtawa ni Satanas)

Ika-2 Bahagi : Buhay sa Tanggapan

Tagpo : sa tanggapan ni Benigno sa Kongreso

Tauhan : si Benigno at ang kanyang sekretarya

(papasok si Benigno sa kwarto, susundan siya ng kanyang sekretarya)

Sekretarya : Sir, ito na po yung mga pipirmahan ninyo.

Benigno : Salamat, salamat. Pakilagay na muna dyan.

(mauupo, magrerelaks) Haaay!

(tatayo, maghahanda ng isang jigger ng scotch) Makapagtrabaho na nga. (tatawag sa telepono)

Balbino : Hello?

Benigno : Balbino, pare! Kumusta na dyan sa Customs? Naayos mo na ba yung sinabi ko sa ‘yo? Malaking kliyente rin yang si Lim.

Balbino : Aba, siyempre. Walang sabit! Nakausap ko na rin yung mga pwedeng mambubulgar. Alam mo naman siguro kung anong ibig-sabihin nun, ano?

Benigno : Pare, sabihin mo lang kung magkano at ipaaabot ko na lang kay Chona. Tandaan mo, malaking pera rin ‘to! Kailangang smooth lahat. O, sige, pare. Hanggang mamayang gabi, kina Chona. (ibababa yung telepono)

(sasabihin sa sekretarya) Pakigawa nga ng tseke...mga P25,000 lang muna.

(magda-dial na sa telepono)

Sekretarya : Yes, sir.

Chona : Hello?

Benigno : Kumusta ka na, Sweetheart? Namimiss ko na ang mga yakap mo.

Chona : Si Ben talaga! Eh kagagaling mo lang dito kagabi, miss mo na agad ako. Hmmmp, bola!

Benigno : Ikaw naman!

Chona : Eh, kelan ka ba uli pupunta dito para makapaghanda naman ako.

Benigno : Mamayang hapon, mga alas-singko. May ipapabigay ako para kay Balbino. At darating na rin yung pera galing kay Lim, tama ba?

Chona : Oo. Baka gabi na dumating yung pera. O sige na, Big Boy. Ipagluluto kita ng paborito mo, malinamnam na steak. Di ba gusto mo ‘yon?

Benigno : Mmmm...nalalasahan ko na! Hanggang mamaya, sweetheart!

(ibababa ang telepono) Haaay, buhay!

(magpapalit ng tagpo, balik sa isang madilim na lugar)

Satanas : You handled those phone calls like a natural, Benigno! Manghang-mangha ako sa abilidad mong magpa-ikot ng mga tao!

Benigno : Hindi ako ‘yon! Dala lang ‘yun ng impluwensya! Hindi ‘yon natural sa akin! Maniwala ka!

Satanas : Whatever you say.

Ika-3 Bahagi : Sinong Mas-Satanas?

Tagpo : isang bar sa Maynila

Tauhan : si Benigno, si Caprio at ilang ekstra

Caprio : Dito na tayo maupo. So, kumusta na buhay, Panyero? Balita ko’y umaasenso ka na, ah.

Benigno : Siyempre naman, Panyero! Hangga’t may ‘service rendered’, eh mabubuhay tayo.

Caprio : That’s my boy! Sinunuod mo talaga ang payo ko. Sabi ko kasi sa ‘yo wala kang mararating malinis na paraan. Mabubulok ka lang sa loob ng opisina mo. You gotta get out and meet the people who matter. Walang patutunguhan yang buhay mo kung di mo alam kung sinu-sino ang dapat kinakausap at iniiwasan.

Benigno : O, Panyero, easy ka lang! Maginhawa na ang buhay ngayon. Mala-mansyong bahay, mamahaling kagamitan, pabakasyun-bakasyon na lang. Yan ang mga produkto ng ‘service rendered’.

Caprio (itataas ang baso) : Here’s to ‘service rendered’!

Benigno (itaas din ang baso) : To ‘service rendered’!

(balik sa madilim na lugar)

Satanas : Ah, si Caprio pala ang nagturo sa ‘yong maging pilyo! Di ko pa sya gaanong kelangan dito. Marami pa akong plano para sa kanya. Ikaw naman kasi! Sana eh nagsasabayan kayo ngayon. Ang hina-hina ng loob mo. Ang daling atakihin. Pwe!

Ika-4 Bahagi : Ang Kaapid

Tagpo : sa bahay ni Chona

Tauhan : si Benigno at si Chona

Benigno : Ay, Chona, nakakapagod nga naman talaga sa tanggapan.

(mahihiga sa sopa) Pakimasahe naman ako, Sweetheart.

Chona : Ikaw naman kasi, Ben. Masyado mong pinupwersa sarili mo. Napapagod tuloy ang Big Boy ko!

Benigno (giginhawa sa masahe ni Chona) : Aaaaahhh! Paano na kaya ang buhay ko kapag wala ka, Chona.

Chona : Ang sabihin mo, paano na ang buhay ko kung di mo ako sinalba mula sa lugar na ‘yun. Malamang hindi ganito kagaan ang pakiramdam ko.

Benigno : Naaalala ko pa, Diana. Diana pa yung ginagamit mong pangalan sa casa. Pa-sosyal pa ang Sweetheart ko!

Chona : Si Caprio naman kasi ang nagpalayaw nun sa akin! Siya sisihin mo! Halina nga’t kumain na tayo. Ipinagluto kita ng steak. Paborito, di ba?

Benigno : Binabago pa nito ang usapan. Sige na nga, ‘makakain’ na.

(habang kumakain sila, magbo-voice over sina Satanas at Benigno)

Satanas : At anong tawag mo sa kanya? Di ba isa siya sa mga pagkakamali mo? Isa sa mga pinadala ko upang pagandahin ang buhay mo?

Benigno : Nagmagandang-loob ako kay Chona. Iniligtas ko sya mula sa buhay niya sa casa. Binigyan ko siya ng bahay at pera para mabuhay ng maginhawa.

Satanas : At ginawa mo rin siyang number two. Isang takbuhan tuwing nagkakagalitan kayo ni Virginia. Isang pampalipas oras bago umuwing lasing sa piling naman ng iyong asawa’t mga anak. Sey mo?!

Ika-5 Bahagi : Ang Satanas at ang Seminarista

Tagpo : sa bahay ni Chona

Tauhan : si Benigno, si Conrado at si Chona

(darating si Benigno sa bahay ni Chona, madaratnan si Conrado sa pintuan nito na nakikipag-usap kay Chona, magtititigan ang mag-ama)

Benigno : Conrado, anak, anong ginagawa mo dito?

Chona : Dumaan lang siya’t kinausap ako. Isa siyang mabait at matalinong bata, Benigno.

Benigno (hindi pinansin si Chona’t nakatitig pa rin) : Bakit ka nandito, Conrado?

Conrado : Maaari po ba kayong maka-usap ng masinsinan?

Chona : May aayusin lang ako sa kusina. (aalis patungong kusina)

Conrado : Alam ko kung anong relasyon nyo sa babaeng ‘yon. At ipagdarasal ko kayo at ang kaluluwa nyo.

Benigno : Anong pinagsasasabi mo?

Conrado : Hindi na kayo naawa kay Mama! Mahal niya kayo! Maski minsan hindi na niya maintindihan ang takbo ng isip nyo, mahal pa rin niya kayo. At ang igaganti nyo ay ang pakikisama sa ibang babae.

Benigno : Hindi mo naiintindihan ang sitwasyon namin ni Chona. Hindi totoo ang mga nalalaman mo. Ba’t di mo gayahin yung kapatid mong si Ester. Hindi naghahanap ng gulo, hindi ako sinasagot-sagot, at may irog pa. Malapit-lapit na rin silang ikasal.

Conrado : Totoo man o hindi, paninindigan ko ang alam ko. At Papa naman, isa akong seminarista! How was I supposed to know?! Wala akong kinalaman sa mga bagay tungkol sa pag-ibig.

(balik sa madilim na lugar)

Satanas : Ang lakas ng loob ng anak mo, ha. His faith is so strong! Ang taas pa naman ng tingin nya sa kanyang ama. Ngunit napabayaan si anak. Pumait tuloy ang relasyon ng mag-ama. Ba’t mo nga ba sinumbat sa kanya ang pag-ibig?! Di ka man lang nag-isip, Benigno!

Ika-12 Bahagi : Itinakwil ni Satanas

Tagpo : sa isang madilim na lugar, iniilawan ng iilang kandila ang kapaligiran

Tauhan : si Benigno at si Satanas

Benigno (mangiyak-ngiyak) : Hindi ko pinangarap na humantong dito. I don’t deserve this! Para sa ikabubuti naman ng buhay ng mag-anak ko ang lahat ng pinagagagagwa ko. Pakawalan mo na ako!

Satanas : You don’t deserve this?! Talaga lang ha! Hapit sa perang galing sa ‘service rendered’, hapit sa mga babaeng di mo naman asawa, hapit sa kapangyarihang di naman nararapat sa ‘yo. At sasabihin mong you don’t deserve this?! Nagpapatawa ka ba, Benigno?!

Benigno : Dala lang lahat ng matinding pangangailangan. Nais kong iraos ang sarili ko’t pamilya mula sa probinsya. Gusto kong maibigay sa kanila lahat ng hindi ko naranasan. Sinubok kong daanin sa malinis at marangal na paraan. Mahirap pala. Nung una kong natikman ang ‘service rendered’, napag-isip-isip ko na ito ang tanging makakapagbigay-buhay sa pangarap ko.

Satanas : Really? I’m so touched! Ang drama talaga ng Benigno ko! Sa mga sinabi mong yan eh akala mo mapupunta ka na sa langit?! On the contrary, hindi pa rin kita pakakawalan.

Benigno : Nagsisisi naman ako sa mga naging kasalanan ko! Inamin ko naman ang mga ito kay Virginia at sa mga anak ko, at pinatawad na nila ako. Ano pa bang kailangan kong gawin para maging karapat-dapat sa langit?!

Satanas : At feel mo bagay ka sa langit?! Everything had been said and done, my dear Benigno. Wala ka nang kawala! Akin ka na magpakailan man dito sa impyerno! (tatawa ng malakas)

Benigno : Hindi maaari! Pakawalan mo ako, malanding babae!

Satanas : Wag na tayong magkunwari pa, Big Boy. Alam mo namang dito ka nababagay, dito ka lubusang sasaya...sa piling ko!

(buong tamis) Benigno...!(tatawa ng malakas)

Benigno : Aaarrrggghhh!!! Pakawalan mo ako! Ayoko sa ‘yoooooo!!!


(fade to black, tuloy pa rin sa pagtawa si Satanas)

6 (na) komento: