Ang May Magulang
Liezel B. Gueavarra
Bawat isa sa atin ay may mga magulang, Ama at Ina na handang maghirap at gawin ang lahat para sa kapakanan ng anak. Masarap magkaroon ng magulang, na magmamahal sayo. Tutulong sa mga problema at sa mga oras na pumapatak ang luha dahil sa kabiguan andyan sila upang patahanin ka. Andyan si Inay na gagabayan ka upang hindi ka ulit madapa, andyan si Itay na mangangaral para hindi ka mapunta sa maling landas, sapagkat oras na masaktan ang anak doble ang sakit nito sa magulang.
Tayong kabataan na may mga magulang pa ay maituturing na talagang maswerte dahil bawat isa sa atin ay may Ina na naghihintay sa pintuan ng bahay upang itanong ang araw mo, Ama na naghihirap magtrabaho para sa luho sa buhay, iwan man tayo ng lahat ngunit kailanman ang ating magulang ay hinding hindi tayo iiwan.
Tayong may mga magulang pa, sana ay pahalagahan natin bawat ginagawa nila malaki man o maliit, mahirap ang walang magulang walang kakamusta sa mga araw mo, pagsasabihan ng mga problema at babahagian mo ng mag pangarap sa buhay. Marami ngayon ang nangungulila sa yakap at pagmamahal ng isang magulang.
Mahirap ang mabuhay ng mag-isa ka lang, yung iba gustong maranasan ang magkaron ng magulang na magmamahal sa kanila, kahit nga mura ng Ina sa tuwing bubungad palang sa pinto, bugbog, tadyak, suntok ng Ama sa tuwing matatalo sa sugal o lunod sa alak, ay walang nagpaparamdam ng ganon, ang hirap diba, mahirap lumaki ng ikaw lang at walang kasama. Hanggang nakakasama pa natin sila isipin natin at pahalagahan ang mag ginagawa nila, wala tayo sa ating kinalalagyan kung hindi dahil sa kanila. Sa oras ng silay tumanda at tayo naman ang kailanganin nila huwag sana nating ipagdamot ang aruga at pagmamahal natin na gusto nilang maramdaman, huwag sana nating sigawan kung sya man ay makulit, huwag sanang pandirian kapag napadumi o napaihi sa short, imbis ay intindihin dala na ito ng katandaan, pagpasensyahan man kung maging bingi, diba natin naisip nung mag bata pa tayo ay hindi sila nagsawang intindihin tayo ng paulit-ulit.
Kung dumating ang araw na magkasakit at maratay sa banig ng karamdaman ang ating magulang ay huwag sanang pagsawaang alagaan, tayo bilang anak ay kailangang gawin ito sapagkat dito lamang tayo babawi sa lahat ng ginawa nila sa atin.
Mahalin natin ang ating mga magulang, sabihin natin ang salitang "SALAMAT SA LAHAT MAHAL NA MAHAL KO PO KAYO", iparamdam natin sa kanila na mahal natin sila dahil pag huli na ang lahat, kanino mo pa ito sasabihin, anumang lakas ng sigaw, dami ng luha at sakit ng nararamdaman hindi mo na ito masasabi pa, kaya habang maaga pa gawin mo na at sahing "Inay at Itay maraming maraming salamat sa lahat mahal na mahal ko po kayo".
http://bsoa.blogspot.com/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento