Biyernes, Marso 4, 2011

Kinagisnang Balon

Kinagisnang Balon
(Andres Cristobal Cruz)


Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na hindi nilabhan sa tubig na sinasalok sa malalim, malaki't matandang balon.

Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas ng kinainan sa Tibag na hindi gumamit ng tubig sa balong iyon.

Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at malamig na tubig na siyang biyaya ng matandang balong tisa.

Anupa't masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi uminom o binindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon.

Kung iisipin, masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga taga-Tibag ay nasa balong iyon.

Mahalaga nga ang balon, ngunit ang bagay na ito'y hindi nila pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang buhay at kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala't pamahiing imumulat nila sa kanilang mga anak, at imumulat naman ng mga ito sa susunod nilang salinlahi.

Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong iyon.

"Noon pang panahon ng Kastila," anang matatanda.

"Hindi pa kayo tao, nandiyan na 'yan," giit naman ng iba.

At parang pagpapatunay, patitingnan ang mga tisang ginamit sa balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng Intramuros o kaya'y sa mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas.

Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong wastong salita ay ipinahukay ng mga may kapangyarihan noong unang panahon ng mga Amerikano. Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luson, ang may mga balong tulad ng sa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang kolerang ilang beses kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, por lo menos, madali ang pagsugpo sa kakalat na makamandag na kolera.

May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta't iyon daw ang paniwalaan, tapos ang kwento!

Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon kung kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon.

Magtago ka raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung minamalas ka, makikita mo na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung anu-anong hayop ang nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan.

At ano bang mali-maligno! Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahating-gabi sa likod ng mga punong kakawate. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang natakot. At nang magkabistuhan na, humangos daw itong may kinakapkap na kung ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos ang sistihan nang makasal nang di oras ang dalawang "maligno" na walang iba kung di ang tanging biyudo't pinakamatandang dalaga sa Tibag.

Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng Tibag. Sa may balon naglalaba't naliligo ang mga dalaga't kababaihan. Kung naroon na ang mga dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o mga naluluma't hindi natutuloy na pagbabantang magsusumbong. Ang inay ng mga batang nagsisipaligo, ng mga baldeng pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikhik ng mga babae, harutan ng mga dalagita…

Marami ang makapagsasabing sa Tibag, ang buhay-buhay, tulad ng matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan, kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman nito.

Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya lamang ang aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para gamit lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong ng banga ng inumin, balde o golgoreta.

Hanap buhay ni Tandang Owenyong Aguwador ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at pinupuno din niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula't mula pa. Ito ang mga pamilyang kung nagpipista ay siyang pinakamaraming handa't bisita, mga nagiging hermano o punong-abala sa mga komite de festejos. Ito rin ang ipinag-igib ng ninuno ni Tandang Owenyo.

Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit ng kanyang kulay abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya'y laging nakakamisetang mahaba ang manggas at kapit sa katawan. Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong araw.

"Ba't naman di magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa pagsalok n'on pa man," sabi ng iba.

"Binata pa'yan 'kamo,' dagdag ng ilan, "aguwador na."

"Di ba't ang Ba Meroy ay aguwador din?"

"Aba, siyanga, ano!"

Ang pangalan ng ama ni Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito noong panahon ng Hapon.

"Pero 'ala namang giyera," pilit ng iba, "umiigib na ang Tandang Owenyo."

"Minana na niya ang upisyong iyan."

"E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba't sa balon sila…"

"A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo si Nana Pisyang. Ipagtanong mo."

"Labandera na noon si Nana Pisyang?"

"Labandera na. Ang ipinag-iigib ng Tandang Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang kanilang istorya, e."

"Ang Da Felisang Hilot?"

"Aba, e labandera rin 'yon. Tinuruan naman niyang manghilot ang kanyang anak. "Yan nga si Nana Pisyang."

"Tingnan mo nga naman ang buhay."

"Sa Amerika ba, merong ganiyan?"

"Pilipinas naman 'to, e! Siyempre dito sa 'tin, pasalin-salin ang hanapbuhay."



"Mana-mana ang lahat."

"Si Ba Meroy aguwador, puwes, si Tandang Owenyong anak ay aguwador din."

"At si Nana Pisyang ng Da Felisa, labandera."

"Pero si Nana Pisyang humihilot din."

"Ow, ano ba naman 'yon? Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka, bigyan mo na lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na."

"Me pamamanahan na sila ng kanilang mga ikinabubuhay."

"Di nga ba't katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba't paghahatid ng damit ang dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang magsisiks greyd."

"At si Narsing nila?"

"A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na nakapagpatuloy."

"Ow, tama na 'yon. Tapos ka't hindi, pareho rin."

"Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro, e!"

"Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa't humihiram ng libro."

"Minsa'y nakita kong may kipkip na libro. Tinanong ko kung ano."

"E, ano raw?"

"Florante at Laura daw."

"Tingnan mo nga 'yan. Sayang na bata. May ulo pa naman."

"Balita ko'y ayaw mag-aguwador."

"Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatungtong na halos sa kolehiyo at sa pag-aaguwador mapupunta. Ba't nga naman iyong iba. Karabaw inglis lang ang alam e mga tente bonete na."

"Kayo, pala, oo! Para naman kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa'no me malalakas na kapit 'yon!"

"Di aguwador din ang bagsak ni Narsing!"

NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang punasan ang pinggan. Totoo nga na umiigib siya. Ngunit iyon ay para lamang sa gamit nila sa bahay. At gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng pingga.

Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpingga lamang si Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong baguntao pa ito. Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin, ng mga naghuhuntahan sa harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya.

Kung naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang sumisidhi ang kanyang paghihimagsik. At ito'y may kasamang malalim na hinanakit.

Nagsasampay ang kanyang ina ng siya'y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan ay lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan sa may gilid ng bakod na siit ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid bakuran hanggang sa duluhang papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng putpot, na ang talbos ay naagad. May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo.

Binigyan si Narsing ng kanyang inang Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito'y naipon sa paglalaba't sa pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilalaan para sa susunod na pasukan ng mga bata.

Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tundo, sa Velasquez. Sa araw, naglalakad siya't naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong kumpanya't pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG BAKANTE ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya.

Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito'y me dala pang sulat na galing sa ganoo't ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni Narsing. Binabalewala na pala ng mga ito kahit na pirma ng pulitiko. Maski siguro si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang balanang puntahan ni Narsing.

Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Intsik. Subukin na nga ‘to, sabi niya sa sarili’t pumapasok siya sa isang ektarya yatang gulayan na binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap niya ang Insik na nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng uod, magpala o magpiko sabi ni Narsing sa Intsik.

“Hene pwede,” sagot ng Intsik, “hang lan akyen tlamaho. Nahat-nahat ‘yan akyen lang tanim, dilig.”

“O, paano, talagang wala?” sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit.

“Ikaw gusto pala ngayon lang alaw, ha,” sagot ng Insik. Nangingiti-ngiti. “Akyen gusto lang tulong sa ‘yo.”

“O sige, ano?”

“Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw na gusto?”

Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera.

Kinabukasan ng hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa Tibag. Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabaho sa Maynila, lalo na ang trabahong bago at hindi minana. Habang daan ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang kanyang mamanahing hanap-buhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang kalagayang pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan, hirap, at laging nakasalag, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa pagsasamantala naman ng marami.

Mabuti pa, sabi ni Narsing sa sarili, hindi na ‘ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at guniguni sa sanlibu’t sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming paghahamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan.

Magtatakip-silim nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng mga paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala, wala siyang dala.

Ang sumunod sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan sa lumang dulang. Habang sila’y kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay ang kanyang ama’t ina ng kanya pang isalaysay tungkol sa kanyang paghahanap ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho?

Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng kanyang ina. Animo’y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang amang nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kanyang nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang subo ng kanyang ama’t ina. Marami pa silang inom ng tubig kaysa sa subo ng kanin. Ang ulam nila’y kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote, isang mangkok na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya’t maya ay sinasaway ng kanyang ina ang mga batang parang aso’t pusa sa pag-uunahan sa pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkakaroon ng mumo sa buong dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa sinigang o minsan sang buwan nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki’t dumarami ang subo ng mga bata, dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama’t ina. Siya naman ay napapagaya naman sa kanila.

Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ng kanyang mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na ipinaglalaba’t ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik na matapos na sa pag-iigib ang kanyang ama at napapansin niyang dumarami ang kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga’t dalawang balde na animo’y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala nang katapusan.

Noong gabing iyon, nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan. Nakatingin siya sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran niya.

“Gayon din lamang,” mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na boses, at ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib.

May idurugtong pa sana ang kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil si Narsing. Malakas at pasinghal ang kanyang sagot.

“Ano ba naman kayo! Aguwador na kayo, gusto n’yo pati ako maging aguwador!”

Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina’y napatakbo at tanong nang tanong kung bakit at ano ang nangyari.

Minumura siya ng kanyang ama. “Bakit?” wika nitong pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. “Ano ang masama sa pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!”

Nakatayo na sana si Narsing. Ngunit sinundan siya ng kanyang ama’t buong lakas na hinaltak at inundayan ng sampal. Parang natuklap ang mukha ni Narsing. Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa pang sampal. Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama.

Sumigaw ang kanyang ina. May kasama itong iyak. Yakap siyang mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata’y umiiyak at humahagulgol na parang maliliit na hayop.

Lumayo ang kanyang ama’t iniunat ang katawan sa isang tabi ng dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi.

“Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin…mararanasan mo rin.”

Kung anu-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay hindi siya pinapansin ni binabati tulad ng dati. Ganoon din ang kanyang ama. Waring nahihiyang magtanung-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili’y magpalitan sila ng tsismis at mali-maling palagay.

ISANG linggo pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyo ay nadisgrasya sa balon. Nadupilas ito at mabuti na lamang daw at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay pumalo sa mga nakatayong balde at ito’y napilayan. Nabalingat naman ang isang siko niya. Sabi ng marami ay nahilo ang matanda. Ang iba’y na wala sa isip niya ang ginagawa.

Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot na taga-ibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa pagkakasakit ng matandang aguwador.

Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay ay may naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa siya sumalok. Sayang daw kung kinikita ng ama niya’y sa iba pa mapupunta.

Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa palagay ni Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa gawaing iyon ng kanyang ama.

KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang mangyari ni Narsing. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa pag-akyat-panaoog sa mga hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig. Siya ang umiigib.

Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang sahig. Nakikita niya ang malalayong mga bituin. Narinig niya ang mga mumunting hayop at ang alit-it ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo’y may asong kumakahol na parang nakakita ng asuwang o ano. Hindi siya nakatulog. Marami siyang iniisip. Naalaala niya noong siya’y nasa hayskul. Bago siya maidlip, sa guniguni niya ay nakita niya ang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang animo’y isang Kristong pasan-pasan ang pingga’t dalawang baldeng mabibigat. Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo’y hindi na kanila’t inuupahan lamang.

Maaga pa’y bumaba na ng bahay si Narsing. At siya’y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya’t parang hindi na niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod.

Noong hapon, naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga dalaga’t kinabinataan sa paligid ng balon. May tumatawang nagsasabing binyagan ang kanilang bagong aguwador.

“Binyagan si Narsing!” sigaw ng mga nasa paligid ng balon, at may nangahas na magsaboy ng tubig.

5 komento: