Tigre! Tigre!

Tigre! Tigre!
Ni Mochar Lubis
Salin ni Mauro R. Avena

Ang buong pulo ay nalalatagan ng gubat, mula sa mabuhanging dalampasigan, kung saan ang tubig na nabubuong mga alon sa malayong Antartika ay humahampas pagkaraan ng mahabang paglalakbay, hanggang sa mga tuktok ng bundok na laging nakukumutan ng ulap. Pabagu-bago ang mukha ng gubat. Sa may dalampasigan, isang latian na hitik sa bakawan ay bumubuo ng sala-salabat ng hadlang. Papasok sa pulo at pataas sa lupa, ang mga puno’t halaman ay patuloy sa pag-iiba-iba, at pag-abot sa dakong loob, ang mga iyo’y naglalakihan at nagtataasan, ang kanilang mga sanga’y nauukitan ng parang lambat na disenyo ng lumot. Hindi pa natatagos ng tao ang kabuuan ng sinaunang gubat, na ang loob ay napakayaman sa buhay. Dito’y di mabilang ang namumugad na mga ligaw na nilalang. Naglipana rin ang maririlag na halaman at nagtatayuang punongkahoy na nakokoronahan ng mga eksotikang orkidarya. Sa loob ng gubat, kayraming ibon at iba’t ibang tsonggo ang malayang namumuhay, samantalang sa ibaba, sa lupa, walang-puknat ang maingat na paghahanap ng makakain ng mga itim na leopardo, elepante, at osong tropikal. Ang mga pampang ng ilog at katabing damuhan ay teritoryo ng mga tapir, rinoseros, ahas, buwaya, at usa. Nagkalat ang mga insekto.

Maraming parteng gubat ang nakakatakot. Ang mga ito’y puno ng latian na pinag-aabangan ng nakakamatay na mga panganib, at mga lubak at guwang na dantaon nang naiwang basa at madilim. Mayroon ding magaganda at kaakit-akit na lugar na walang pinag-iba sa mga engkantadong gubat ng mga kuwento. Ang hawan ng mga bahaging ito ng sinaunang gubat, na mayamang naaalpombrahan ng berdeng damo, ay payapa at nakakapagbigay-ginhawa. Kadalasa’y napapalibutan ang mga ito ng mayuyuming puno ng cemera, na pumupuno sa hangin ng masangsang na amoy ng kanilang dagta. Sa gitna ng maririkit na lambak na ito, di maaaring di magkaroon ng mga sapa ng malamig at mala-kristal na tubig, pabula-bula at patila-tilamsik, paawit-awit, at pabulung -bulong. Walang di naakit huminto at magpahinga roon. Sa loob ng gubat ay makatatagpo ng rattan, damar – isang dagta na ginagamit sa paggawa ng batik - at maraming uri ng mahalagang kahoy. May mga taong noo’y tumira roon, pero nilisan nila iyon noong sila’y magtayo ng mga lunsod at nayon kung saan. Ngayo’y paminsan-minsan na lang silang bumabalik doon, para humanap ng ikabubuhay sa pamamagitan ng paghahakot sa mga produkto ng gubat. Pito sa mga lalaking tulad nila ay isang linggo nang nasa gubat sa panganganap ng damar. Si Pak Haji ang pinakamatanda. Gayong sisenta anyos na siya ay nananatiling malusog at malakas. Matalas pa rin ang kanyang mga mata at tainga. Ang pag-ahon at paglusong sa bundok, pasan ang mabibigat na kaing ng damar o ratan, pasinghap sa nakakapagpasiglang hangin, ay nagpatibay ng husto sa kanyang katawan. Ipinagmamalaki ni Pak Haji na di niya nararanasan ang mga karamdamang dala ng pagtanda, at sa tanang buhay niya’y di pa siya naratay sa banig. Disinuebe anyos siya nang una niyang iwan ang kanyang nayon at magpasaibang-bayan. Nagpunta siya sa Japan, China, Africa, at India, kung saan niya pinag-aralan ang Koran. Limang taon siyang nagtrabaho sa barko, naglakbay sa malalayong daungan ng mga puti at ng kanilang maiingay at groteskong siyudad. Pero tinawag siyang muli sa kanyang nayon. Kaya’t pagkaraan ng dalawampung taong paglalagalag, isang huling biyahe ang kanyang isinagawa sa pilgrimahe sa Mecca upang tupdin ang kanyang obligasyong panrelihiyon. Saka siya umuwi. Ipinagpatuloy niya ang pangangalap ng damar, isang gawaing inumpisahan niya nang trese anyos, ng unang sinamahan ng kanyang ama sa gubat. Matapos niyang matutuhan ang napakaraming bagay sa mundo, lagi niyang sinasabi na kuntento na siya ngayong maging isang hamak na tagakalap ng damar. Si Wak Katok ay singkuwenta anyos. May malakas at matipuno siyang pangangatawan. Maitim ang kanyang buhok, ang kanyang bigote ay mahaba at makapal at ang kanyang braso’t binti ay namumutok sa buhul-buhol na masel. Ang kanyang mukha ay dinodomina ng buo’t makakapal na labi at makislap at nananagos sa tinging mga mata. Siya’y eksperto sa pencak. Maraming taong naituro niya sa kalalakihan sa nayon ang tradisyunal na paraang ito ng pagtatanggol sa sarili. Si Wak Katok ay iginagalang din bilang mahusay na mangangaso at shaman, o manggagamot. Ang mga batang miyembro ng grupo ay sina Sutan, na beynte-dos anyos lang pero mayroon ng sariling pamilya. Talib, na beynte-siyete anyos at may asawa at tatlong anak; Sanip, na beyntesingko anyos, may asawa at apat na anak; at Buyung, ang pinakabata, na katutungtong lang sa pagkadisinuebe at walang asawa. Ang apat na lalaking ito ay naging estudyante ni Wak Katok sa pencak. Nag-aral din sila ng maharlika sa kanya. Alam nilang darating ang araw na magiging pinuno ng kanilang nayon si Wak Katok, isang lalaking itinuturing na lider ng marami, at karapat-dapat na igalang at parangalan. Kailanma’y di nila pinagdududahan ang kanyang salita o gawa. Lumalabas na si Wak Katok ang puno ng mga mangunguha ng damar. Ang ikapitong miyembro ng grupo ay si Pak Balam, na tulad ni Wak Katok ay singkuwenta anyos. Siya’y di masalita, maliit ang katawan pero gayunma’y masipag magtrabaho. Sa sinasabing pag-aalsa ng mga Komunista noong 1926, siya’y nadakip ng mga Dutch at apat na taong ikinulong sa Tanah Merah. Ang bata at buntis niyang asawa, na sumunod sa kanya sa preso, ay dinapuan doon ng malarya at nakunan. Dahil dito’y hindi na ito muling nakapagdalantao. Naging sakitin ito mula noon, at ang pera ni Pak Balam ay naubos sa mga gamot nito. Magkakasamang lagi ang pitong lalaki sa pangunguha ng damar gayong wala silang pormal na sosyohan at bawat isa’y may layong magbenta ng kanyang makalap. Pero dahil pito sila sa grupo, ang pakiramdam nila’y mas ligtas ang kanilang lagay at mas kaya nila ang kanilang gawain. Sa mata ng kanilang kanayon, sila’y mabubuting tao. Si Wak Katok ay iginagalang sa kanyang galing sa pencak at pagiging mangangaso. Nang siya’y bata pa, napabalita sa nayon ang paggamit niya ng pencak laban sa isang osong humarang sa kanyang daan sa gubat pero bilang shaman, siya’y kinatatakutan. Pabulong lang mabanggit ng mga tao ang tungkol sa kanyang pagiging salamangkero. May usap-usapan na nagagawa niyang makipag-ugnayan sa mga multo at masasamang espiritu.

Hinangaan ng mga taganayon si Pak Balam. Itinuturing nila itong isang bayani dahil sa paglaban sa mga Dutch. Alam nila na hindi ito Komunista. Napakarelihiyoso nito – malayong maging isang Komunista na di naniniwala sa Diyos o sa relihiyon. Lumaban maging sa mga kolonyalista si Pak Balam at ang kanyang mga kaibigan dahil sa pang-aapi ng mga iyon sa taumbayan, na walang-tigil na pinapatawan ng mga bagong buwis at ninanakawan ng kalayaan at sariling dangal. Si Pak Haji ay nirerespeto dahil sa kanyang edad at dahil nakapaglakbay na siya sa Mecca. Gayunman, hindi siya maintindihan ng mga tao. Mula nang bumalik siya sa kanyang pangingibangbayan, naging parang dayuhan na rin siya. Iniwasan niyang makasal, gayong binubuyo siyang magasawa ng kanyang pamilya. Ayaw rin niyang maging pinuno ng nayon. Sa umpisa, pinaratangan siyang mapagmalaki ng mga tao, pero di nagtagal, nasanay na ang mga ito sa kakaiba niyang gawi at di siya pinagtakhan. Mukhang kuntento na si Pak Haji na balewalain ng iba. Sina Sutan, Buyung, Talib at Sanip ay itinuturing na disente at maipagkakapuring mga kabataan, tulad ng karamihan sa mga taganayon. Iginagalang sila sa kanilang kapwa, tapat sila sa kanilang pagdarasal at pagsamba sa moske, at tulad ninuman ay nakikipaghuntahan sa kanilang mga kaibigan sa mga kapihan. Tumutulong sila sa pagtatayo ng bagong bahay o sa pagpapahusay ng mga daan o patubig. Nakikipagbiruan sila. Mabubuti silang ama, kapatid, at kaibigan. Tumatawa sila, umiiyak, nangangarap, umaasa, nagagalit, nabibigatan ang loob, at nalulungkot tulad ng iba sa nayon. Wala silang iniwan sa ibang tao. Silang karaniwang kabataan. Ngayo’y nasa loob sila ng gubat. Dala ni Wak Katok ang kanyang ripple. Bihira niya itong dalhin kapag nangunguha ng damar. Ginagamit lang niya ito kapag nangangaso na balak niyang gawin ngayon. Dalawang buwan na ang nakararaan, nakakita sila ng isang usa na pumasok sa huma, o kaingin, ni Pak Hitam, hanap ay pagkain. Naghawan ng lupa sa gitna ng gubat si Pak Hitam na pinagtayuan niya ng bahay. Doon nagpapalipas ng gabi ang pitong lalaki kung malapit doon ang pinagkukunan nila ng damar. Luma na ang ripple, pero mahusay itong armas. Gustung-gusto iyon ni Buyung. Nakakaramdam siya ng pagmamalaki kapag nakapatong iyon sa kanyang balikat, pahalinhin kay Wak Katok. Ang ripple at tsapa ng isang lalaki. Ang isang munting punyal, o kaya’y kris, o maigsing espada na nakasukbit sa baywang ay palamuti lamang sa kasuotan ng isang lalaki, pero ang baril sa kanyang balikat ay simbolo ng control na katumbas ay kapangyarihan. Nasisiyahan si Wak katok na ipahiram kay Buyung ang ripple, na inaalagaan nitong mabuti. Tuwing isasauli iyon ni Buyung, iyo’y nalangisan na at nasa mas mahusay na kundisyon kaysa pagkapahiram. Panay ang pahid ni Buyung sa kanyon niyong may masalimuot na disenyo, kaya’t ang bakal na iyon ay kumikinang nang madilim na asul kapag tinatamaan ng liwanag. Ang kamagong niyong puluhan ay nangingintab na itim, madalas na parang pelus. Hindi iyon kakikitaan ng katiting mang alikabok o pulbura.

Nag-iipon si Buyung para makabili ng sarili niyang baril, iyong mas makabago. Ang lumang ripple na binabalahan sa bunganga, tulad ng kay Wak Katok, ay mabusising ipanghanting. Una, kailangang ibuhos ang pulbura ng kanyon, saka papiping sasalaksakin ng barilya. Tapos, ang bala ay kailangang ipasok sa kanyon at pataktak na pabababain. Habang ginagawa ang lahat ng ito, ang usa o baboy-damo ay maaring makatakbo na at mawala. Ang baril na sa bunganga binabalahan, kailangang asintado ang gumagamit – dapat tumama ang unang kalabit. Walang pangalawang tsansa ang mangangaso. May dahilang magmalaki si Buyung sa galing niya sa baril. Minsan, ang inasinta niya ay ang pinakalikod ng tainga ng isang tumatakbong baboy, at doon mismo tumama ang bala. Sa isa pang okasyon, siya at si Wak Katok – kasama ang ilang lalaki sa nayon – ay nanghahanting ng isang kawan ng mababangis na baboy-ramo, at sa kaliwang mata ng isang naninibasib sa kanya sumuntok ang kanyang bala. Ipinakita ni Wak Katok ang kanyang kababaang-loob nang sabihing hindi niya madadaig ang pamamaril ni Buyung. Galing kay Wak Katok, iyo’y tunay na malaking papuri, kaya’t kumalat ang reputasyon ni Buyung bilang asintado, bagay na nagbigay sa batang mangangaso ng parang opisyal na katayuan sa nayon. Ang dahila’y ang naunang pahayag ng mga taganayon mismo na walang makapapantay kay Wak Katok sa galing sa papamaril, pangangaso, pagbasa at pag-unawa sa lahat ng uri ng bakas at yapak, at sa pangkahalatang kaalaman sa mga ugali at gawi ng mga nilalang sa gubat. Bata pa si Buyung ay marami na siyang narinig na kuwento tungkol sa katapangan at galing ni Wak Katok. Ayon sa mga istorya, kapag ginusto ni Wak Katok na gamitin ang kanyang mga paraan sa pagtatanggol sa sarili, napapatay niya ang kanyang kalaban na di lumalapat ang alinmang bahagi ng kanyang katawan sa biktima. Sapat nang igalaw niya ang kanyang kamay o paa sa direksyon ng kaaway upang iyon ay bumagsak sa kinatatayuan. Kalat na sa ibang nayon ang reputasyon ni Wak Katok bilang shaman. Magaling siyang gumamot ng mga karaniwang pasyente, pero natutulungan din niya ang mga nabibiktima ng kulam. Alam niya kung paano pahirapan ang isang tao, paibigin, takutin, igalang, o pasunurin sa utos ng iba. May mga inumin siyang pampaibig para sa lalaki at babae. Ayon sa istorya, isang binatang nahumaling sa isang babaeng may-asawa ang nakiusap kay Wak Katok na gamitan iyon ng mahikanegra para mapaibig din iyon. Nagpakuha raw dito si Wak Katok ng isang hibla ng buhok ng babae, at di nga nagtagal, humingi iyon ng diborsiyo sa esposo. Na iniwan niyon pati na ang kanilang mga anak.

Si Wak Katok na may mga lihim na bulong at dasal, o mantra, para sa maluwalhating biyahe. Mayroon siyang mga anting-anting na panlaban sa anumang sandata o sa kamandag ng ahas. Ayon sa mga tao’y nagagawa rin niyang magtagabulag – gayon kabigat ang kanyang kapangyarihan. Tinatrato ni Buyung na mapalad siya’t naging pupilo ni Wak Katok at napabilang sa mga kasamahan nito sa gubat. Malaki ang pag-asa ni Buyung at ang kanyang mga kaibigan na tuturuan sila ni Wak Katok ng mga mas kagila-gilalas na aspekto ng salamangka. Ang gusto talaga ni Buyung ay matutuhang mabuti ang mantra na pang-akit sa babae.

Masama ang tama niya kay Zaitun, ang anak na dalaga ni Wak. Matalik na magkaibigan ang kanilang mga ama, at sina Zaitun at Buyung ay magkalaro noong sila’y bata pa. Natatandaan ni Buyung ang maraming pagkakataong walang humpay niyang tutuksuhin si Zaitun hanggang ito’y maiyak. Nang magdose anyos na si Zaitun, iniwasan na siya nito, at bihira na silang magkita. Nagdalaga na ito, at siya nama’y nagbinata, at di na sila maaring magtagpo tulad ng dati.

Hindi masabi ni Buyung kung ano talaga ang damdamin sa kanya ni Zaitun. Minsa’y magiliw ito. Kung ito’y nautusang sumaglit sa kanila, may dalang pagkaing niluto ng ina nito, maganda ang ipinapakita nito kung siya’y madatnan sa bahay. Maaliwalas ang mukha na nginingitian siya nito at tatawaging kakak, o kuya, gayong isang taon lang ang tanda niya rito. Kapag ganoon ang pakita ni Zaitun, napapalukso ang puso ni Buyung, di mapakali sa titig na parang di siya nakikita. Kapag nilalapitan niya ito habang kinakausap ang kanyang ina, di siya papansinin nito. Paano niya mahuhuli ang puso ng isang sumpunging babaeng tulad ni Zaitun kung wala ang mga mantra ni Wak Katok. Pero ayaw pang ipaalam ni Wak Katok kay Buyung ang ganoong kabisang karunungan. “Bata ka pa,” sabi nito “at mainit pang masyado ang dugo mo. Baka maloko ka sa lahat ng babae sa nayon. Ang birtud na ito ay para mapangalagaan ang amor propyo ng isang lalaki – kung pagtawanan ka ng isang babae, o kung talagang gusto mo ang isang babae at ibig mo siyang mapangasawa. Pero uhugin ka pa. Baka gamitin mo ito sa ibang paraan, halimbawa’y panggayuma sa asawa ng may-asawa.” Minsa’y parang nasisira na ang tuktok ni Buyung sa pag-isip kung mapapaibig niya si Zaitun. Alaala niya ito bawat sandali. Hinahanap-hanap niya ito. Ang mukha nito ay laging nasa harap niya. Maya’t maya’y nakikita niya ito sa kanyang balintataw. Napakaganda nito. Minsa’y lihim niya itong pinanood habang naliligo sa balon ng nayon kasama ang mga kaibigan nito. Ang mahaba nitong buhok na itim ay umalong pababa sa gitna ng likod nito. Balingkinitan ito, ang braso’t binti’y kaakit-akit. Ang balat nito’y maputlang dilaw na bunga ng duku, at ang mga ngipi’y pantay-pantay at makinang na puti. Pula ang mga labi nito, gayong hindi ito ngumunguya na nganga o tabako. May ganoong nakakainis na bisyo ang tiya ni Buyung, kaya’t laging may bakas ng katas ng tabako sa labi nito, sa unan nito, at sa mesa, sa kusina, sa hagdan, sa sala – sa lahat ng dako. Kapag nakikipag-away ito sa kanyang asawa, iyo’y dinuduraan nito ng nginunguya. Pakikiusapan ito ng kanyang tiyo na tignan kung saan dumudura, pero para itong bingi. Kailanma’y hindi niya papayagang gawin iyon sa kanya ng magiging asawa niya. Alam ni Buyung na masisiyahan ang kanyang mga magulang na maging manugang si Zaitun. Minsa’y alam niyang pinag-uusapan ng mga iyon ang bagay na ito gayong alam nilang nasa labas lang siya ng kuwarto. Naganap ito isang hapon nang pumunta sa kanila si Zaitun, narinig niyang sabi ng kanyang ama, “Mabuti siyang bata. Mukhang maganda ang ugali.”
“Oo”, tugon ng kanyang ina. “Mahusay sa mga gawaing bahay. Marunong manahi, at
paladasal. Maganda siyang bumasa ng berso mula sa banal na libro. At nakatapos pa ng pag-aaral.
“Binata na si Buyung – disin’webe – at magaling magtrabaho”, sabi ng ama niya.
“Ewan ko lang,” sabi ng kanyang ina. Sa mata nito, may gatas pa sa labi ang anak.
Si Buyung ay nasa tama nang gulang. Nakatapos na siya sa iskwelahang publiko, at dalawang
beses na niyang nabasa nang buo ang Koran. Kaya na niya ngayong maghanapbuhay.
“Ang totoo, maaareglo natin ang kanilang kasal,” narinig niyang mungkahi ng kanyang ama.
“Sa tingin mo ba’y gusto siya ni Zaitun?”
“Lahat ng dalaga sa nayo’y gustong pakasalan si Buyung.”
Natawa ang ama niya. “Sa mata mo, wala nang gug’wapo pa sa iyong anak.”
Hinintay ni Buyung ang isasagot ng kanyang ina, pero nalipat sa ibang bagay ang usapan, at
ang tanong tungkol sa gusto siya ni Zaitun ay naiwang bitin. Alam ni Buyung na gusto siya ng ama ni Zaitun. Tuwing magkikita sila, tinatanong si Buyung tungkol sa kanyang trabaho, sa pag-aaral ng Koran, at iba pa. Minsa’y hiningi nito ang payo ni Buyung tungkol sa pagsasanay ng aso niyang panghanting. Kilala sa tapang ang aso ni Buyung.Patahul-tahol lang ang ibang aso para palabasin ang isang baboy-damo sa pinagtataguan. Hindi ang aso ni Buyung - iyon ang madalas maunang sumalakay. Walang nakakitang tunay na sagabal si Buyung para pakasalan si Zaitun. Kung natitiyak lang niyang iniibig siya nito. Sigurado siya sa isang bagay. Kung hindi nito nararamdaman ang nararamdaman niya rito, hindi niya ito pakakasalan, kahit magkasundo ang kaniya-kaniyang mga magulang. Alam ni Buyung na kadalasa’y pinapakasalan ng isang babae o lalaki ang sinumang pinipili para sa kanya ng kanyang magulang, pero gusto niyang siya ang pumili ng kanyang magiging asawa, at piliin din siya nito. Naiinggit si Buyung sa iba niyang mga kaibigan, tulad ni Sutan. Bukod sa mas magaling ito sa kanya sa pencak, simpatiko pa ito at mahusay dumiskarte sa mga babae. Sa negosyo’y di rin ito pahuhuli. Mayroon itong dalawang palayan, at nagbababa ito ng damar at rattan mula sa bundok para ibenta sa palengke, at paminsan-minsa’y naglalako rin ito ng karne ng kambing at baka.

Pero ang mga taong pinakakontento, naisip ni Buyung, ay yaong tulad ni Sanip. Tunay na masayahin si Sanip. Ganado itong magpatawa at magkuwento ng mga katuwa-tuwang istorya. Nagkakandabaluktot sa pagtawa ang nakakarinig ng di mabilang na kuwento niya tungkol sa mga opisyal ng nayon. Kinaiinggitan ni Buyung ang pagkamasayahin ni Sanip, pero di niya maubos maisip kung paano ang isang tulad nito na may asawa na at apat na anak ay parang binata pang walang problema kung umasta. Di ba’t nagdaragdag sa maturidad ng isang tao ang maraming responsibilidad? Sabagay, mabuti na rin kung di iyon dinidibdib. Halimbawa, kung hirap nilang pasukin ang gubat dahil sa lakas ng ulan na nagpapadulas sa daan at bumabasa sa kanila hanggang buto, sasabihin ni Sanip, “Wala, ‘yan. Pagkapawi ng ulap ay langit.” Kapag nagreklamo si Sutan sa bigat ng kanyang pasan, sasabihin ni Sanip, “Huwag ka nang umungol. Isipin mo ‘yong perang pagbebentahan mo n’yan.” Ibibigay ni Buyung ang lahat makatingin lang ng ganoon sa buhay. Minsan, nang sila’y nanghahanting, gamit ang ripple ni Wak Katok, pinaputukan ni Buyung ang isang usa, pero dumaplis lang ang tama at ang hayop ay nakaalpas. Buong araw na naghahanap ang mga lalaki, pero di nila nakita ang sugatang usa. Panay ang sisi ni Buyung sa sarili, pero tulad ng inaasahan, tinanong siya ni Sanip, “Ba’t mo poproblemahin ‘yon? Magkakaanak ang usang iyon –  mas marami kang mahahanting pagdating ng araw.”
Lalong sumama ang loob ng batang mangangaso sa pang-aala ni Sanip, at paangil itong sumagot, “Pa’no mo nalaman? Posibleng nahuli ‘yon ng tigre.”
“E ano? Di ‘yon ang katapusan ng lahat ng usa sa gubat. Ang mahalaga,” pakindat na dagdag
nito, “ay mahusay ka sa pagbaril.”

Natanto noon ni Buyung ang pagiging mapagbigay sa kanya ni Sanip at ng iba niyang mga kaibigan. Laging may dangung-dangung, parang alpa ng mga Hudyo, sa bulsa ni Sanip, at tinutugtog niya tuwina pag may pagkakataon. Maimbeto siyang musikero. Kung gusto niyang magpasaya, kakalabit lang siya ng masiglang himig. Nagagawa niyang kalimutan ng mga lalaki ang kanilang pagkain at saglit pa’y naroon na sila’t nakikisali sa sayawan at kantahan. Pero minsan naririnig sa kanya ay awit na parang nagpapaiyak sa munting musikero. Kadalasa’y tinutugtog niya ang gayong nakakapaghimutok na mga balada kapag sila’y nakaupo sa paligid ng siga sa gitna ng gubat. Si Talib ang unang sumusuko sa pang-akit ng nakakataas-balahibong musika, at nag-uumpisang kumanta. Sa pagkakataong iyo’y ilalabas naman ni Buyung ang kanyang plawta at silang tatlo’y magsasabayan sa malulungkot na berso. Taas-baba ang mga nota ng dangung-dangung, sa saliw ng mapangulilang plawta, habang paawit na inuulit ni Talib ang mga daing at paghihirap ng isang lalaking naghahanap ng karinyo at pag-unawa. Ang maskulado at mukhang mabagsik na si Wak Katok ay di nagawang di mabagbag sa musika. Ang walang ekspresyon niyang mukha ay nagmimistulang mapangarapin, na wari’y naglalakbay ang kanyang diwa. Si Pak Haji ay mauupo roong lunod sa sariling iniisip, pipikit sa
pagitan ng hinlalaki at hintuturo ay upos na lamang at limot na. Paikot sa siga na nakaupo ang pito, ang bawat isa’y may kani-kaniyang mga alaala at pagnanasa, at sa paligid nila ay ang gubat, maitim at ga-higante. Tahimik na lalaki si Talib, matangkad at payat at ibang-iba kay Sanip. Sa kanya, ang mundo – at ang buhay sa kabuuan – ay midilim at nakakatakot. Lagi siyang binubuwisit ng asawa. Minsan, sabi kay Buyung ni Rancak, ang batang kapatid na babae ni Zaitun, narinig nito si Siti Hasanah, ang asawa ni Talib, na walang hupang pinagagalitan ni Talib, mula umaga hanggang hapon, pero ni minsa’y hindi iyon sumagot at nagsawalang-kibo na lamang. Magkagayunman, mahusay na magkaibigan sina Talib at Sanip at laging magkasama sa lakad. Kapag umuulan habang sila’y magkakasama sa gubat at sila’y sumisilong sa isang kubol na gawa sa dahon ng saging, si Talib ang magsasabi, “Buong araw tatagal ang lintek na ulang ito!” Sa masayahing boses, babalikan siya ng ganito ni Sanip,
“S’werte lang – makapagpapahinga tayo!”
Matatawa ang lahat at mapaparelaks. Minsan, nakakalap sila ng pambihira sa daming damar at hirap na hirap sa kanilang pasan. “Anong s’werte”, sabi ni Sanip, habang nagkakandakuba sa paglakad. “Doble ito sa kadalasan nating nahahakot.”
“Ha, kundi maanod pagtawid natin sa ilog!” masaklap na sukli ni Talib. Hindi pasalita si Talib, pero madilim man ang tingin nito sa bagay-bagay, ito’y matapang. Minsan, nanghahanting ang isang taganayon ng baboy-damo. Napaligiran na ito ng mga aso. Kaya nilapitan niya ito para sibatin. Pero nakailag ang baboy paghagis ng sibat, at siya ang sinibasib, di alintana ang nagtatahulang aso. Hindi nagdalawang-isip si Talib. Hawak ang sariling sibat, sinaklolohan niya ang lalaki. Ilang sandali pa, ang nasibat na baboy ay nilapa na ng mga aso. Hanga rin si Buyung sa di-palakibong si Pak Haji. Katamtaman ang taas ng matanda, at gayong puti na lahat ng buhok nito, iyo’y malago pa. Kaya pa niyang pasanin ang bigat ng damar na kaya ng iba sa kanila, at gayong matipid siyang magsalita, nasisiyahan siyang makinig sa usapan ng iba at makisali sa kanilang tawanan. Kung talagang pipilitin, nagkukuwento siya ng tungkol sa kanyang paglalakbay sa mga gabing nakaupo sila sa tabi ng siga. Ayon sa kanya, nang una niyang lisanin ang nayon, napilitan siyang magtrabahador, magkusinero at maging katulong sa kuwadra sa Sultan ng Johore bago siya magkaroon ng sapat na pera para makapunta sa Singapore. Naging siklista rin siya sa isang sirko. Sumama siyang magbiyahe sa sirko na pag-aari ng isang Intsik, hanggang sa Bangkok. Doo’y napilitan niyang iwan ang kanyang trabaho nang tangkain siyang saksakin, dahil sa matinding pagseselos ng asawa ng mang-aawit na Intsik. “Palagay ko’y di tama ‘yon,” tawa ni Pak Haji, “kaya umalis ako.” Tapos, nagkusinero siya sa isang barko na naglalayag sa pagitan ng India at Japan. Napamangha ang mga magkakasama sa
kanyang mga kuwento ng naglalakihang siyudad, tulad ng Shanghai at Tokyo, at ng daungang tulad ng Maynila, Penang, Rangoon, at Calcutta. Nang sa wakas ay lumunsad siya sa Calcutta, di na siya bumalik sa barko. Imbes, nagpatuloy siya sa Lahore, kung saan niya pinag-aralan ang Islam sa ilalim ng isang guro. Mula sa India , naglakbay siya sa lupa, kasama ang ilang tao, patungo sa Arabia.

“Ilang buwan kaming nasa daan”, sabi ni Pak Haji. “Sa pagitan, marami akong sariling lakad na ginawa. Naging katulong ako ng isang salamangkero. Isa siyang malaking Afghana na nakakahiwa ng dila ng isang ibon at muli niya iyong nabubuo. Minsan, pagdaan namin sa isang bayan na bahagi ng kanyang pinagtatanghalan, hinamon siya ng isa ring salamangkero na gawin ang kanyang mahika sa dila ng isang bata. Ayaw niyang mabisto, kaya tinanggap niya ang hamon. Nagkaroon ng palabunutan, at ang Afghaning ito ang natokang mauna. Bago siya nag-umpisa, binulungan niya akong bumalik sa aming tulugan at balutin ang aming gamit. Nagbabalot pa lang ako’y bigla siyang sumulpot sa k’warto sinunggaban ang ilang bag at pasigaw na pinasunod ako sa kanya. Di ko alam kung ano ang nangyari pero masama ang kutob ko, kaya dinampot ko ang madadala ko at patakbong sinundan ko siya. Sa dulong likuran namin ay dinig na dinig ko ang hiyawan ng galit ng pulutong. Dagli kaming nakalabas ng s’yudad, papasok sa mabatong mga gulod na pinagtagpuan namin. Hinanap kami ng mga tao hanggang sumapit ang gabi. Pagkatapos, nang tanungin ko ang salamangkero kung ano ang nangyari, bigay-hilig itong tumawa, padukot ng pera sa kanyang bag na pambiyahe.
“Bago ako nag-umpisa, hiniling kong magbayad muna sila. Pagkalikom ko ng pera, mabilis kong hiniwa ang dila ng bata, maliit lang sa dulo nang di ito masaktan. Tapos, sabi ko’y maghintay sila habang kumukuha ako ng gamut, imbes, sa k’warto natin ako tumakbo!”
“Pero ba’t ka tumakbo?” tanong ko.
“Dahil hindi ko kayang ibalik sa dati yong dila.”
“Pano ‘yong bata? Sinong mag-aayos ng kanyang dila?”
“Di ba may isa pang salamangkero, ‘yong kalaban ko; kaya n’ya ‘yon? Di subukan niya.
Kung di niya ‘yon magagawa, gugulpihin siya ng mga tao, at buong lakas siyang tumawa.

Wala sa kanilang nakatitiyak kung totoo nga ang mga kuwento ni Pak Haji, pero sino ang makapagsasabi? Pagkatapos ng pilgrimahe sa Mecca, nagtripulante siya sa isang barko para makauwi. Tumigil iyon sa maraming daungan ng Aprikano at Europeo bago bumalik, sa wakas, sa Indonesia. Sinabi niyang sinubukan niyang manirahan sa ibang bansa, pero, lagi ang puso niya’y hinahatak ng nayon. May gayuma sa kanya ang gubat, at iginagalang niya ang lahat ng taong may kinalaman dito. Sinabi niya sa mga kasama na ang mga taong nagtatrabaho sa gubat ay di naiiba sa mga tripulante ng isang barko, gayong, liban dito ay wala nang pagkakapareho ang dagat sa gubat.

“Sumisikat ang mga bituin sa langit sa ibabaw ng tubig, pero walang ingay sa gubat. Dito’y ligid tayo ng naglalakihang puno at mga ligaw na hayop – ang ila’y mainga’y, ang ila’y tahimik. Malapit tayo sa lupa. Sa barko sa gabi, naroon lamang ay ang hungkag na dilim.” Papunta sa gubat para manguha ng damar, kailangang iwan ng mga lalaki ang kanilang nayong Air Jemih, na nasa baybayin ng Danau Bantau sa bunganga sa Sungai Air Putih. Papasok sa gubat, pumirme sila sa gilid ng Air Putih, pabaybay dito hanggang marating nila ang bulubundukin. Hindi kayang suungin ng bangka ang malalim at maalimpuyong ilog dahil peligroso ang malalaki nitong bato at matuling agos. Sa maraming patag na lugar, ito ay may malalalim na lubak na puno ng isda. Sa madalas na pangisdaang parte na malapit sa nayon, bihira at maliliit ang isda, pero sa loob ng gubat, madaling makahuli nito sa pamamagitan ng bitag o lambat. Laging sa malapit na mahusay pangisdaang lubak nagkakampo ang pitong lalaki. Makaraang umakyat-manaog buong araw sa bundok sa pangungulekta ng damar, nakakaginhawang maupo sa ibabaw ng isang malaking bato at mangisda. Ang salpok ng tubig sa batuhan, ang mahinang simoy ng hangin sa mga dahon, ang ingay ng mga unggoy na umaalingawngaw tulad ng tunog ng mga tambol - ang mga ito’y sama-samang nagbibigay ng damdamin ng pagkakuntento. Umaabot ng isang linggong paglalakad mula sa Air Jemih hanggang sa gubat ng damar. Ang mga lalaki’y may baong bigas at sili na isinasaksak sa mga kawayang bumbong, kaunting suka, asin, kape, asukal, at palayok para pagsaingan at pagpakuluan ng tubig. Kung di sila nakapagdala ng lambat o mga bitag, nagtatayo sila ng mga kawayang panghuli ng isda sa batuhan. Paminsan-minsa’y nakakahuli sila ng mga kalapating kakahuyan na bumababa sa gilid ng ilog upang maghanap ng pagkain. Kung walang sariwang ulam, nag-iihaw sila ng daing na isda o tapa na dala rin nila mula sa nayon. Masuwerte sila at ang kaingin ni Pak Hitam ay di malayo sa gubat na pinagkukunan nila ng damar.

Matanda na si Pak Hitam, halos sisenta anyos na. Sabi ng iba’y mas mukha siyang siyento anyos. Malakas siya, at pambihira ang pagkaitim ng balat. Tulad iyon ng isang Indian. Itim na itim pa rin ang kanyang buhok at lagi siyang nakasuot ng itim na pantalon, kamisadentrong walang manggas, at turban. Walang hindi natatakot sa nakakakita sa kanya. Isa siyang itim na pangitain. Nagkalat ang kuwentong-nayon tungkol sa mga taong birtud ni Pak Hitam. Isa siyang popular na guro ng silat, isang paraan ng pagtanggol sa sarili, at ng okultismo. Takot sa kanya sina Sutan, Talib, Sanip, at Buyung, pero hindi iyon ipinahahalata. May istoryang nagsasabi na kasapakat daw siya ng mga masasamang espitiru, mga diyablo, at ng mga sobrenatural na nilalang na nakakapagkatawang-hayop o tao, o jinn. Siya raw ay protektado ng isang tigreng may tigabulag na nakapagdadala sa kanya sa kung saan niya gusto. Ang sabi’y maraming pagkakataong inilipad siya nito sa banal na lunsod ng Mecca. Ayon sa leyenda, hindi siya tinatablan ng kahit ano. Minsan, sa rebelyon laban sa Dutch noong 1926, pero hindi tinagusan ng kanilang bala ang kanyang katawan. Sa isa pang pagkakataon, ayon din sa istorya, hinabol daw siya ng mga sundalong Dutch at napaligiran sa isang sagingan.

Bumuo ng isang bilog ang mga sundalo, at maingat na hinigpitan ang kanilang hanay hanggang ni iskwerel ay di maaring makaaalpas sa pagitan ng kanilang mga paa. Pero bigla na lang nakita ng isa sa kanila sa Pak Hitam na nakasandal sa isang punong saging. Lumundag ang sundalo at pawasiwas sa sableng tinaga siya nito sa leeg. A, pero ang napugutan ay di si Pak Hitam kundi ang puno ng saging! Ilang oras siyang pinaghahanap ng mga sundalo, pero wala silang nakitang bakas ng kanilang mailap na kaaway. Pagkasugpo sa pag-aalsa, matagal na walang naging balita tungkol kay Pak Hitam. Isang araw, basta na lamang siyang lumitaw na puro ari-arian. Isa na siya ngayon sa pinakamayamang lalaki sa nayon. Walang makapagsasabi kung bakit hindi dumating ang mga Dutch upang siya’y dakpin. Ipinalagay ng mga tao na iyo’y may kinalaman sa kanyang mahika. Sari-sari ang kuwento tungkol sa kung paano siya nagkamana ng yaman. Ayon sa isa, kabilang siya sa isang grupo ng mga dating rebelde na nagtagpo sa gubat at naging mangungulimbat at tulisan. Ayon sa isa pa’y mayroon siyang lihim na minahan ng ginto na mag-isa lang niyang tinatrabaho upang walang ibang makaalam kung saan ito naroroon. Tunay na may bahid ng ginto ang buhangin ng Air Putih, at kung tag-init, kapag walang gaanong magawa ang mga taganayon, aakyat sila ng ilog para salain iyon, pero mahirap ang gayong gawain at di sigurado ang tubo. Nagkaroon ng balita na minsa’y may kung sinong nakatagpo ng isang malaking piraso ng ginto, pero walang sinumang nakakita niyon. Apat ang naging asawa ni Pak Hitam.
Ang sabi ng mga tao, sa buong buhay niya’y mahigit isang daang beses siyang nagpakasal, at sa isang dosena sa bawat pagkakataon. Nagkalat ang kanyang mga anak sa mga kalapit-nayon at ayon sa usap-usapan, di na niya mabilang, o matandaan kung sinu-sino ang mga iyon. Pag-uwi niya minsan sa Batu Putih, pinaratangan niya ang isang kabataan sa pagkilos niyon na parang sa kanya ang bahay ng matanda, at matigas niyang sinabi, “Sino ka ba? Kung makaarte ka’y bahay ito ng tatay mo.” Sagot ng bata, “Bahay nga ito ng aking ama. Ang aking ina ay si Ibu Khadijah.”

Maaaring dahil sa mga ganitong bagay kung bakit mas gusto ni Pak Hitam na buwanang malayo sa kanyang nayon at tumira sa bahay niya sa Bukit Harimau sa gitna ng gubat, tatlong araw ang layo mula sa Batu Putih. Dito’y hindi niya kailangang problemahin ang mga taganayon at ang kanilang walang-tigil na panghihimasok sa kanyang buhay. Kapag pumupunta si Pak Hitam sa kanyang bahay sa gubat lagi niyang dala ang isa sa kanyang papalit-palit na asawa. Kilalang-kilala ng kanyang mga bisita ang mga babaeng isinasama niya. Nakuha ko ito kay Princess Jatachiko. Ang pinakamaganda’t bata ay si Siti Rubiyah, na pinakasalan niya dalawang taon na ang naka- raraan, pero hindi pa siya nito nabibigyan ng anak. Sa mga taganayon, ang ibig sabihin niyo’y nawala na ang kanyang birtud. Sa unang taon pa lang ng kanilang kasal, ang bawat isa sa iba niyang mga asawa ay nakapanganak na. Ayon kay kay Sanip, makipagkamay lang ang isang babae, ito’y agad nabubuntis. Gayon kabagsik ang pagkabarako niyon. Kung hindi sila dinadala sa malayo ng kanilang trabaho sa gubat, tuwina’y sinisikap ng pitong lalaking makabalik sa bahay ni Pak Hitam bago dumilim. Pero kung makakulekta sila ng maraming damar nang may kalayuan sa kanyang huma, at matagalan kung sila’y babalik doon, sa gubat na lang sila nagpapalipas ng gabi. Ang bahay ni Pak Hitam ay nakatukod sa matataas na poste. May malawak na beranda sa harap. Ang kusina ay nasa isang sulok nito sa may bintana. Nagtambak ng buhangin sa lapag si Pak Hitam at gumawa ng mga istanteng tabla. May dalawang kalang de-uling sa buhangin at doon nagluluto ang kanyang asawa. Nakabitin sa ibabaw ng mga kalan ang tapang usa at daing na isda, sibuyas, sili at ilang klase ng tuyong hiyerba. Ang beranda’y nahihiwalay sa pinakabahay ng dingding na sawali. Sa likod ng dingding ay may dalawang kuwarto – ang isa’y tulugan ni Pak Hitam at ng kanyang asawa, at ripleng panghanting, bukod sa ibang bagay. Napasok na minsan ni Buyung ang kuwartong ito, nang ipakuha sa kanya ni Pak Hitam ang riple. Nakita niya roon ang dalawang malaking baul na yari sa itim na kahoy na nalilinyahan ng pampatibay ng tansong kulay berde na sa tanda. Nagtataka si Buyung kung ano ang laman ng baul, pero pareho iyong may mabibigat na kandadong bakal. Naisip niya na maaaring puno ng ginto ang mga ito tulad ng napapabalita sa nayon, pero ipinapalagay niyang isa iyong kabaliwan. Sa isang baul sa isang kaingin sa gubat nagtatago ng ginto si Pak Hitam? Napakadali iyong nakawin ng sinumang magnasa. Pero, sa kabilang dako, sino ang maglalakas-loob? Sa sahig ng beranda laging natutulog ang mga mangunguha ng damar. Kung doon sila nagpapagabi, ipinagluluto sila ng asawa ni Pak Hitam ng kanilang kanin, tokwa, at sari-saring gulay.

Nasisiyahan dito ang mga lalaki dahil madalas na naiiba sa kanila ang paghahanda ng pagkain ng
babae, at ang bawat asawa ni Pak Hitam ay mahusay magluto. Dinadagdagan nito ang kanilang baon ng gulay mula sa sariling hardin. Ang gustung-gusto nila ay ang murang ube, mais, kamote na iniihaw sa nagbabagang uling. Umagang-umaga’y makikita si Buyung o Sanip sa kusina, abala sa pag-iihaw. O kaya’y kung gabi, bago sila matulog, at habang lahat ay nag-iistoryahan, gusto nilang maupo sa paligid ng parilya habang pinagmamasdan ang pagkaing lumalagitik sa baga. Ang ganitong dibersyon, sampu ng mainit na kape, ay nagpapalipas ng panlalata at pagod ng isang araw na trabahong-kalabaw sa gubat. Sa gabing tulad niyon, ilalabas ni Sanip ang kanyang dangung-dangung at tutugtug sa sarili niyang estilo. Minsan, nang kumanta siya ng tungkol sa isang babaeng iniwan ng asawa, napansin ni Buyung si Siti Rubiyah na tahimik na nagpapahid ng luha sa mata. Gusto nilang lahat ang bata at kaakit-akit na si Siti Rubiyah kung hindi lang siya lokung-loko kay Zaitun, madali sanang mapaibig dito si Buyung. Pero ito’y may-asawa, at si Pak Hitam pa, sapat na iyon para pigilin ni Buyung ang pag-iisip dito, pero aminado siyang maganda ang katawan nito. Ang mga suso nito , gayong maliit, ay tayo at may hubog. Ang mukha nito, sampu ng tuwid na ilong, mamasa-masang mga labi, at bilog na nangingislap na mga mata, at itinatampok na mahabang itim na buhok na abot-baywang. Madalas pagmasdan ni Buyung ang nakalugay an buhok niyon – makapal at nangingintab – habang ito’y abala sa hardin. Kung naroon ito kapag tanghaling-tapat, ang mga pisngi nito’y namumula, kaya lalo itong nagiging kaakit-akit. Kapag nasa gubat ang apat na kabataang lalaki, di kalapit ang matatanda, si Siti Rubiyah ang kanilang pinag-uusapan.

“Sabihin ko sa inyo, pinasukan ko sana siya kundi si Pak Hitam, ang kanyang asawa,” sabi ni
Talib.
“Ako rin, pero kung siya’y dalaga pa,” dagdag ni Buyung.
“Kagabi’y napanaginipan ko s’ya,” sabi ni Sanip. “Napuna n’yo ba kung pa’no halos lumuwa
sa kanyang blusa ang suso tuwing yuyuko s’ya upang hipan an gatong?”
“Kaninang umaga’y tinulungan ko s’yang magrikit,” parang tugon na sabi ni Buyung.
“Napuna n’yo ba kung pa’no siya tingnan minsan ni Pak Hitam?” makahulugang tawa ni
Sanip.
“Sa edad n’ya bang iyon?” may pagkamanghang tanong ni Talib.
“Oo nga, diba napakatanda na n’ya para r’on?” Ibig malaman ni Buyung.
Natawa si Sanip.”Pakinggan n’yong magsalita itong si Buyung,” sabi niya. “Nakalimutan mo
na ba ang kasabihan tungkol sa niyog? Mas marami raw langis na mapipiga sa niyog kaysa buko.”

Napahiyaw sila sa pagtawa.

“Hindi bale – di kasintalas ni Wak Katok ang mga mata ni Pak Hitam,” sabad ni Sutan .
“Nakita n’yo ba kung pa’no niya pagmasdan si Siti Rubiyah ‘pag wala si Pak Hitam? Hinuhubaran
n’ya ito ng kanyang mga mata, higit pa r’on ang ginagawa niya sa kanyang isip, sabihin ko sa inyo, Sabagay, gusto ko ring gawin ‘yon.”

Nagpalitan sila ng makahulugang tingin.

“Bata o gurang,” sabi ni Sanip, pag nakakita ng seksing babae ang isang lalaki. Isang bagay
lang ang nasa isip niya.”

“Hindi ako,” sabi ni Buyung, “Okey siyang talaga, di ako sintapang n’yo. Takot ako kay Pak
Hitam.”

Natawa kay Buyung ang tatlong may-asawang lalaki.”Di ka pa binyagan at di mo pa
naiintidihan. Di ka pa nakakasiping sa isang babae, kundi’y di ka magsasalita nang ganyan. Wala ka pang alam sa bagay na’to,” kampante silang nagpalitan ng tingin, pahagikgik na tawa kay Buyung na kulang pa ng karanasan. “Hintayin mong maikama si Zaitun, tapos maiintindihan mo ang lahat,” sabi ni Sutan , patungo sa direksyon ni Buyung. Namula si Buyung. Alam nila ang tungkol kay Zaitun. Lalong natawa ang mga lalaki nang makita ang pamumula sa mukha ng bata nilang kaibigan.

“Siguro, bago ka sumiping kay Zaitun,” sabi ni Talib,” di masamang magpraktis ka muna kay
Siti Rubiyah.”

Sa gitna ng alon ng tawanan, sumabad si Sutan, “ni hindi mo kailangan ang kama.”
“Gan’on talaga,” sabi ni Sanip. “Gusto ng mtatandang lalaki ang batang asawa, at ganoon din
ang matatandang babae. Ang nagpapabata sa kanila.”

“Anak ng – kahit mag-asawa ng batang babaeng tulad ni Siti Rubiyah. Nakapuna siya ng
pagbabago sa kanilang kilos. Lantad masyado ang kanilang kunwa’y kawalang bahala , tuloy,
ipinapakita nilang iba ang kanilang nadarama sa kanilang inaasal. Takot si Buyung na maaring
napupuna iyon ni Pak Hitam. Pero nitong nakaraang ilang buwan, kadalasa’y may sakit si Pak Hitam at napipirme sa kanyang kuwarto. Binibisita siya roon nina Pak Haji, Pak Katok, at Pak Balam, pero ang mga nakababatang lalaki ay pumapasok lang doon upang magbigay-galang at agad na lumalabas uli. Takot sila kay Pak Hitam at kailanma’y di sila mapakali sa harap nito. Pumapayat si Pak Hitam. Lubog ang kanyang mga mata, at halos puti na lahat ang kanyang bigote’t balbas. Pero itim pa rin ang buhok, at kahit may-sakit, mukha pa rin itong mabalasik at nakakapanduro. May kung anong bagay ang angkin ng matibay na matandang lalaking ito ang nagbibigay-takot sa mga tao. Wala itong iniwan sa isang may-sakit na tigre na kahit masukol ay mabilis pa ring nakapagsasanib at nakamamatay.

22 comments:

Cyrel Lago said...

anong mga aral ang makukuha dito???

Bokals said...

Karamihan sa atin ay may mga tunguhin sa buhay o mga layunin sa lahat ng ating gagawin. May mga dahilan o sanhi kung bakit natin ginagawa ang isang bagay at kung bakit din ito nangyayari. Sa tuwing gumagawa tayo ng isang bagay o nagdidisisyong gawin ang isang bagay batay sa ating mga kadahilanan ay lagi itong may resulta o bungang kapalit, maganda man o masama ang kahinatnan ng ating mga ginawa.
Samakatuwid lahat ng ating ginagawa o gagawin ay may sanhi at bunga.

Bokals said...

Binibigyang-diin sa akda ang Teoryang Naturalismo kung saan, binibigyang-patunay na ang buhay ay tila isang marumi, mabangis na lungsod at walang awang kagubatan. Ipinakikita rin ng manunulat nito ang mga kasuklam-suklam na mga pangyayari.

Bokals said...

Ang nobela ay pinamagatang Tigre! Tigre!

• Inilahad kasi rito ang maruming paraan ng pamumuhay, gawi at katangian ng mga tauhan nina, Wak Katok, Sanip, Pak Hitam, Sutan, Pak Balam, Talib, Buyung, Afghani
• Lahat sila ay masasabing taglay ang ugali ng isang tigre, mabangis, matapang at animo’y hari ng kagubatan.

Anonymous said...

saan ang tagpuan?

miguel de guzman said...

Haba haba. Wala namang kwenta. :/

Anonymous said...

:) such a big help

Anonymous said...

bakit tigre tigre ang pamagat ng kwento?

Anonymous said...

bakit tigre tigre ang pamagat ng kwento? Please answer it! thanks!

Loue Latina said...

salamat at natagpuan ko ang site na ito... sana magkaroon po tayo ng magandang interaksyon sa mga kuwentong tulad, upang lalo pang lumawak pa ang kaalaman ng mag-aaral.

Anonymous said...

kahit mahaba ang kwento iniintindi ko parin kasi parte yan ng aming lesson..kailangan kong maunawaan ang bawat kwento o pangyayari..

Anonymous said...

Yung mga nagsasabing wlng kwenta ang blog na i2 sana nmn po matuto po kayong iapreciate, pasalamat nga kayo pinost pa nya to

Anonymous said...

Ang Haba naman. Ano po ba yung Aral nito?

Good Girl said...

Thank you for this is so helpfullllllll....

Anonymous said...

ano po bang mga simbolong ginamit sa nobelang ito?

Anonymous said...

ano ano po kaninalang paniniwla

Anonymous said...

Anu Po Yung Hindi Kapanipaniwalang Pangyayare DIto

Anonymous said...

GANDA NG KWENTO KAHIT D KO BINASA

Anonymous said...

aral na nakuha ko ay ang buhay ay isang mabangis at madilim na gubat mga pangyayaring di mo inaasahn . sa lahat ng nag sabi na walng kweta ang nobelang ito hindi nyo lng naunawa ang pahiwatig na nais iparating ng story

Anonymous said...

Salamat at matatapos ko narin ang report ko :D

Anonymous said...

Maraming Salamat.. :D

Noraina Pipican said...

Kahit walang masasabing tunay na wakas ang nobela, naipakita ang mga ugaling makikita natin sa lipunan na hindi man lantad, alam nating ito'y palasak sa mga taong masasabi nating mapagbalatkayo't misteryoso tulad ng gubat na hnd mo mawari. Kaya sa buhay, nararapat na tayo'y mulat sa mga pabago bagong kaisipan at trato sa lipunang ginagalawan.

Post a Comment