Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Ano ang Alamat

Ano ang Alamat


Ang alamat ay nagsasalaysay ng pinagmulan ng isang bagay, lugar, pangyayari o katawagan. Maaaring totoo o likha lamang ng malawak na imahenasyon ng isang manunulat ang mga pangyayari sa alamat. Ang mga makasaysayan na nagpapagunita ng mga lumipas na panahon ang kadalasang nagiging pinakadiwa ng isang alamat. Ito karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda tulad ng pagiging mapaghiganti masakim, o mapanumpa, Nguni't sa banding huli ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.

Maaaring mula sa malungkot na alaala o sa mga pangyayaring nagpapakilala ng kagitingan at kabayanihan ng ating mga ninuno at iba pang makasaysayang pangyayari ang paksa ng alamat. Layunin ng isang alamat ang sariwain ang mga pangyayaring makasaysayan upang mapukaw ang damdamin ng mga mambabasa at makapagpagunita ng mga bagay na may kinalaman sa nakaraang panahon.

Kung totoo man ang mga pangyayari sa isang alamat, wala naman itong sapat patunay. Bagamat ang alamat ay kathang-isip lamang, ito naman ay nag-aangkin ng kaisipang masagimsim at kariktang walang kupas. Ang mga alamat ay nagkakaroon ng iba't-ibang bersiyon ayon na rin sa hangarin ng sumulat o nagpalaganap ng ibang bersiyon ng alamat. Eto ay maaaring sa hangarin na isanobela, isadula o isa-pelikula ang isang alamat.

Halimbawa ang isang bersiyon ng alamat ni Bernardo Carpio ay sinasabing sadyang pinalaganap ng mga Kastila upang mapigilan ang namumuong himaksikan ng mga Pilipino laban sa mga mananakop. Ibang bersiyon naman ang pinalalaganap ng ibang mga magulang sa hangaring ang kanilang mga anak ay huwag matakot kapag lumilindol sapagkat ito ay likha lamang ni Bernardo tuwing nagtatangkang kumawala sa nag uumpugang bato.

Bagama't maraming bersiyon ang alamat, ang mga eto ay nagkakaisa sa
paglalarawan kay Bernardo na isang matipuno at makisig na lalaki. Ang pagkakaiba ng iba't-ibang bersiyon ay ang pagtalakay kung bakit, papaano, at sino ang naging sanhi ng kanyang pagkaipit sa nag-uumpugang mga bato.

1 komento:

  1. Nais kong pasalamatan ka para sa mga pagsisikap na nilagay mo sa site na ito. Kailangan mong magdagdag ng ilang karagdagang impormasyon. Marami akong nalaman dito tungkol sa mga Alamat.

    TumugonBurahin