Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Ang Alamat ng Liliw

Ang Alamat ng Liliw


Tulad ng ibang bayan sa Pilipinas, ang bayan ng Liliw ay walang nakakakilala. Isa lamang itong mayamang gubat noon. Dito matatagpuan ang mga masasayang ibon na nag aawitan. Dito rin nakatira ang maraming mababangis na mga hayop.

Ang Liliw ay matatagpuan sa paanan ng Bundok Banahaw. Ang bundok na ito ay pinagpala sa mga magagandang tanawin. Dito ay ating alamin kung bakit tinawag itong Liliw. Ayon sa alamat, ang bayan ng Liliw ay naitatag noong 1571. Noong araw ay pinamumunuan ito ni Gat Tayao. Si Gat Tayao ang panganay ni Gat Apaya.

Kahit may namumuno sa bayan, hindi nila alam kung ano ang itatawag ditto. Naisip ni Gat Tayao na dapat nilang bigyan ng pangalan ang kanilang bayan. Isang araw ay nagpatawag siya ng pulong. Ang paksa ng pagpupulong ay para bigyan ng pangalan ang kanilang bayan. Karamihan sa mga dumalo ay nagbigay ng suhestiyon sa maaring itawag sa kanilang bayan.

Maingat na ping-aralan ni Gat tayao ang mga pangalan pero ang lahat ng iyon ay hindi tumutugma sa kanilang bayan. Ang nasa isip kasi ni Gat Tayao ay may mga relasyon sa mga ibong makikita roon ang maging pangalan ng kaniolang bayan.

Nagpakuha ng isang mahabang puno ng kawayan si Gat Tayao. “Itayo ninyo ang mahabang puno ng kawayan.” Utos niya. Nagtulong-tulong ang mga tao upang mabilis na maitayo ang kawayan. “Ano po ang aming gagawin?” tanong ng isa na tumulong sa pagtayo. “Ganito, aalamin natin kung ano ang unang ibon na edadapo sa tuktok ng kawayan. Kung anong ibon ang unang dadapo ay iyon ang itatawag natin sa ating bayan,” paliwang ng pinuno.

Lahat sila ay nagmatyag sa tuktok ng kawayan. Hinihintay nilakung anong unang ibong dadapo sa tuktok ng kawayan. Ilang sandali pa, isang lawin ang dumapo sa tuktok ng kawayan. Napamaang at malungkot ang mga tao. Para sa kanila, ang lawin ay malas na ibon. Hindi sila maka-papayag na iyon ang itawag sa bayan nila.

Nakinig si Gat Tayao sa hinaing ng mga tao. Ipinalipat niya ang kawayan sa ibang lugar. Muli silang naghintay. Ilang saglit pa ay may isang masayang ibon na dumapo roon. Umawit din ito. “Liw-iw-iw-liw!” Namangha ang mga tao maging si Gat Tayao sa narinig na awit. Hindi nila alam ang pangalan ng maliit na ibon kaya lahat sila ay nagkaisa na kunin ang pangalan ng bayan nila mula sa himig na inawit ng ibon. Ito ay ang liw-iw-iw-liw. Hindi naglaon ang bayan nila ay tinawag na Liliw.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento