Huwebes, Nobyembre 4, 2010

Ullalim

Ullalim
(Epiko ng Kalinga)

Ang kwento ay nagsimula sa nakatakdang kasal nina Ya-u at Dulaw nang makapulot ng nganga o ua (na tawag ng taga-Kalinga). Ang magkasintahan ay naanyayahan sa isang pistahan sa Madogyaya. Nang sila ay nasa Madogyaya, naakit ang pansin ni Dulliyaw si Dulaw hanggang si Dulaw ay magkagusto sa kanya. Sa pagplano na ligawan ni Dulaw si Dulliyaw ay naisip nitong painumin ng alak si Ya-u hanggang sa malasing. Habang si Ya-u ay natutulog sa ibang bahay ay saka niligawan ni Dulaw si Dulliyaw. Pinakain nito ang babae ng nganga at sinabi niya sa babae na sa pamamagitan ng pagtanggap niya ng nganga ang ibig sabihin ay tinanggap na niya ang pag-ibig na kanyang iniaalay. Bago siya umalis ay sinabi niya sa babae na siya ay babalik kinabukasan. Naiwan na nag-iisip ang dalaga.

Kinabukasan sa kalagitnaan ng gabi ay dumating si Dulaw sa bahay nina Dulliyaw. Habang sila’y kumakain ng nganga, sinabi nito sa babae na siya ay nagpunta roon upang isama nang umuwi ang dalaga sa kanilang bahay. Nagulat si Dulliyaw sa winika ng lalaki. Iyon lamang at nagkagulo na ang mga tao sa nayon. Sa pagtakas nila ay nakasalubong sila ng isang lalaki na may dala-dalang palakol at balak silang patayin. Bago sila maabutan ng lalaki ay nakaakyat na si Dulaw sa isang puno upang tumakas. Samantala wala namang mangahas na siya ay lusubin kaya naipasiya ni Ya-u na tawagin ang mga sundalong EspaƱol ng Sakbawan.

At noon nga si Guwela na kumander ng Garison ay umakyat sa kaitaasan ng Kalinga na kasama ang mga sundalo. Iniutos niya na dakpin si Dulaw na nakaupo pa rin sa puno. Napag-alaman niya na marami ang tutol sa ginawa niya kaya wala na siyang lakas na lumaban nang siya ay lagyan ng posas. Sa utos pa rin ni Guwela siya ay dinakip at nakulong sa Sakbawan.

Makalipas ang tatlong taon na pagkakabilanggo, naging payat na siya. Humingi si Dulliyaw ng nganga kay Dulaw. Kinuha ni Dulaw ang huling nganga sa bahay at ito’y pinagpirapiraso. Bago niya ito maibigay kay Dulliyaw bigla na lamang itong nawala.

Samantala, sa pook na Magobya naliligo si Duranaw. Sa paliligo niya sa ilog ay nakapulot siya ng nganga. Kinain niya ito nang walang alinlangan.

Matapos nguyain ang nganga ay bigla na lamang itong nagbuntis hanggang sa siya ay magsilang ng isang malusog na lalaki at pinangalanan niya itong Banna. Tatlong taon ang lumipas. Si Banna ay mahilig makipaglaro sa mga Agta, subalit siya’y madalas na tinutukso ng kanyang mga kalaro. Sinasabi na kung siya raw ang tunay na Banna ang ibig sabihin ay siya ang anak ni Dulaw na nakulong sa Sakbawan. Sinumbong niya ito sa kanyang ina ngunit pinabulaanan ito ng kanyang ina.

Sa isang iglap, si Banna ay naging malakas at naghangad ng paghihiganti. Isang mahiwagang pangyayari ang nagdala kay Banna pati ng kanyang mga kasama sa Sakbawan. At doon ay kanyang pinatay si Dulliyaw. Sinabi ng isang kasama ni Banna kay Dulaw na si Banna ay kanyang anak, iyon lang at sila ay dali-daling sumakay sa isang bangka at sa isang iglap ay nakarating sila sa pook ng Magobya. Mula noon ay nauso na ang kasalan sa kanilang pook.

Tuwaang

Tuwaang
(Epiko ng mga Bagobo)

Ang Tuwaang, epiko ng mga Bagobo, ay isang mahabang tula na nagsasalaysay ng mga kabayanihan ni Tuwaang. Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita siya sa katapangan, lakas at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng balita na may isang dilag na nagmula sa kalangitan ng Buhong na nakarating sa kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong. Tinawagan ni Batooy si Tuwaang. Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na kinagigiliwan iyong tawaging Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang pumayag ni Bai sapagkat ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si Tuwaang sa gagawin niyang pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang karaniwan niyang sasakyan ay hangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y humingi siya ng pasintabi sa hangin sa hindi ito ang gamiting sasakyan sapagkat siya'y nagmamadali.

Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si Tuwaang ng itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay kaugalian ng mga Muslim. Pumunta si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa lupain ni Batooy. Pagdating nila roon, dahil sa kagandahang lalaki ni Tuwaang ay halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa binata ng Kuaman. Pumanhik si Tuwaang at sa laki ng pagod dahil sa paglalakbay ay nakatulog siya sa pagkakaupo sa tabi ng dalagang may lambong ng kadiliman, ang dalaga ng Buhong. Nang magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y ngumanga. Mula pa ng dumating sa lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang dalagang may lambong ng kadiliman. Hinintay niya si Tuwaang upang dito sabihin ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang binata ng Pangumanon sa dalaga. Malaki naman ang pag-ayaw ng dlaga, subalit nais kunin ng Binata ng Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay Tuwaang at kay Batooy.

Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng Buhong ay dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walang taros na pinagtataga ng Binata ng Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang tumatabas ng puno sa isang tubuhan at sa ilang saglit nakabulagta nang lahat ang mga kawal at tauhan ni Batooy.

Nanaog si Tuwaang at nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang lalaki. Ginamit ni Tuwaang ang kanyang kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay naputol ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at kaagad na tumulong ang punong malivutu. Gayon din ang nangyari sa binata ng Pangumanon. Ginamit naman ni Tuwaang ang iba pang sandata niyang palihuma, gayon din ang balaraw hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay na nagtapon ng baling puluhan ang dalawa at ito'y naging punong maunlapay. Nang magkaubusan na sila ng mga armas, sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si Tuwaang at ibig durugin sa kanyang binti. Hindi nasaktan si Tuwaang. Sinunggaban naman ni Tuwaang ang Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa malaking bato. Nang sasayad na ang katawan, ang bato ay naging alabok. Tinawagan ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung. Ito'y isang dangkal na bakal na ipinulupot kay Tuwaang. Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni Tuwaang ang kamay at namatay ang apoy. Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung at nagliyab ang binata ng Pangumanon at namatay.

Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy at sila'y nabuhay na lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuanan. Pagdating nila sa Kuaman ay may ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang ang kalaban, minabuti niyang doon na sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat. Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang sasakyang lumilipad ang lahat niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabila niyang balikat ang dalagang Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sila sa Katu-san, ang lupaing walang kamatayan.

Maragtas

Maragtas
(Epikong Bisayas)

Ang epikong Maragtas ay kaysayan ng sampung magigiting, matatapang at mararangal na datu. Ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay mula Borneo patungo sa pulo ng Panay ay buong kasiyahan at pagmamamalaking isinalaysay ng mga taga-Panay.

Ayon sa ilang ulat at pananaliksik na pinagtahi-tahi at pinagdugtung-dugtong, ganito ang mga pangyayari:

Ang Borneo noon ay nasa pamumuno ng isang malupit at masamang sultan na si Sultan Makatunao. Kinamkam niya ang lahat ng yaman ng nasasakupan. Kanya ring pinupugayan ng dangal ang mga babae, pati ang mga asawa at anak na dalaga ng mga datu na nasa ilalim niya.

Isang araw, si Pabulanan, ang asawa ni Datu Paiborong, ang nais halayin at angkinin ng masamang sultan. Nalaman ni Datu Paiborong ang tangka ni Sultan Makatunao. Nagbalak ang magigiting na datu na manlaban kay sultan Makatunao. Nag-usap-usap silang palihim. Naisipan sin nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel.

Si Sumakwel ay mabait, magalang at matalino. Alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa at marami siyang alam kung tungkol sa paglalayag. Dinalaw ni Datu Paiborong at ni Datu Bangkaya si Sumakwel. Ipinagtapat ng dalawa ang paglaban na nais nilang gawin. Ayaw ni Sumakwel sa balak na paglaban.

Pinuntahan ni Sumakwel si Datu Puti. Si Datu Puti ay punong ministro ni Makatunao. Sinabi ni Sumakwel ang suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban. Ipinasiya nina Sumakwel at Datu Puti ang palihim na pag-alis nilang sampung datu sa Borneo. Hindi nila magagapi si Makatunao. Maraming dugo ang dadanak at marami ang mamamatay. Ayaw ni Datu Puti na mangyari ang ganoon. Iiwan nila ang kalupitan ni Sultan Makatunao at hahanap sila ng bagong lupain na maaaring pamuhayan nila nang malaya at maunlad. Sila'y mararangal na datu na mapagmahal sa kalayaan.

Nagpulong nang palihim ang sampung datu. Sila'y tatakas sa Borneo. Palihim silang naghanda ng sampung malalaking bangka, na ang tawag ay biniday o barangay. Naghanda sila ng maraming pagkain na kakailanganin nila sa malayong paglalakbay. Hindi lamang pagkain ang kanilang dadalhin kundi pati ang mga buto at binhi ng halamang kanilang itatanim sa daratnan nilang lupain. Madalas ang pag-uusap ni Sumakwel at ni Datu Puti. Batid ni Sumakwel ang malaking pananagutan niya sa gagawin nilang paghanap ng bagong lupain. Silang dalawa ni Datu Puti ang itinuturing na puno, ang mga datung hahanap ng malayang lupain.

Isang hatinggabi, lulan sa kanilang mga biniday o barangay, pumalaot ng dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak at buong pamilya pati mga katulong. Sa sampung matatapang na datu, anim ang may asawa at apat ang binata. Si Sumakwel ay bagong kasal kay Kapinangan, si Datu Bangkaya ay kasal kay Katorong na kapatid ni Sumakwel. Ang mag-asawang si Datu Paiborong at Pabulanan, si Datu Domangsol at ang asawang si Kabiling, ang mag-asawang si Datu Padihinog at Ribongsapaw, Si Datu Puti at ang kanyang asawang si Pinampangan. Ang apat na binatang datu ay sina Domingsel, Balensuela, Dumalogdog at Lubay.

Ang mga tag-Borneo ay kilala sa tawag na Bisya o Bisaya. Malakas ang loob nila na pumalaot sa dagat pagkat batid nila ang pagiging bihasa ni Datu Puti at ni Sumakwel sa paglalayag. Nakita nang minsan ni Sumakwel ang isang pulo makalagpas ang pulo ng Palawan. Alam niya na ang naninirahan dito ay mga Ati, na pawang mababait at namumuhay nang tahimik. Alam din niya kung gaano kayaman ang pulo.

Nasa unahan ang barangay ni Datu Puti. Makaraan ang ilang araw at gabi nilang paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay. Ang matandang pangalan nito ay Aninipay.

Bumaba si Datu Puti at naglakad-lakad. Nakita niya ang isang Ati. Siya ay katutubo sa pulong oyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok at sapad ang ilong. Sa tulong ng kasama ni Datu Puti na marunong ng wikain ng katutubo ay itinanong niya kung sino ang pinuno sa pulong iyon at kung saan ito nakatira. Ipinabalita ni Datu Puti kay Marikudo na silang mga Bisaya mula sa Borneo ay nais makipagkaibigan.

Si Marikudo ay siyang hari ng Aninipay. Siya ay mabuting pinuno. Ang lahat sa pulo ay masaya, masagana at matahimik na namumuhay. Walang magnanakaw. Ang lahat ay masipag na gumagawa. Kilala rin sila sa pagiging matapat at matulungin sa kapwa.

Dumating ang takdang araw ng pagkikta ng mga Ati sa pamumuno ni Marikudo at ng mga Bisaya sa pamumuno ni Datu Puti. May isang malaking sapad na bato sa baybay dagat. Ito ang kapulungan ng mga Ati. Ito ang Embidayan. Dito tinanggap ni Marikudo ang mga panauhin. Nakita niya na mabait at magalang ang mga dumating. Ipinaliwanag ni Datu Puti ang kanilang layong makipanirahan sa pulo ng Aninipay. Nais nilang bilhin ang lupain. Sinabi ni Marikudo na tatawag siya ng pulong, ang kanyang mga tauhan at saka nila pagpapasyahan kung papayagan nilang makipanirahan ang mga dumating na Bisaya.

Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Nagpahanda si Marikudo ng maraming pagkaing pagsasaluhan ng mga Ati at mga Bisaya. Dumating mula sa Look ng Sinogbuhan ang mga Bisaya lulan ng sampung barangay. Nakaupo na sa Embidayan si Marikudo kasama ang kanyang mga tauhan. Katabi ni Marikudo ang kanyang asawa na si Maniwantiwan. Nakita ng mga Ati ang maraming handog ng mga Bisaya. Ang mga lalaking Ati ay binigyan ng mga Bisaya ng itak, kampit at insenso. Ang mga babaeng Ati ay binigyan naman ng kuwintas, panyo at suklay. Ang lahat ay nasiyahan. Nagpakita ng maramihang pagsayaw ang mga Ati. Tumugtog ang Bisaya sa kanilang solibaw, plota, at tambol habang ang mga lalaki naman ay nagsayaw pandigma, ang sinurog.

Nag-usap sina Marikudo at Datu Puti. Ipinakuha ni Datu Puti ang isang gintong salakot at gintong batya mula sa kanilang barangay. Ibinigay niya ito kay Marikudo. Nakita ni Maniwantiwan ang mahabang-mahabang kuwintas ni Pinampangan. Ito'y kuwintas na lantay na ginto. Ibig ni Maniwantiwan ang ganoon ding kuwintas. Pinigil ni Maniwantiwan ang bilihan, kung hindi siya magkakaroon ng kuwintas. Madaling ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas niya kay Maniwantiwan.

Itinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sinabi ni Marikudo, na kung lalakad sa baybay dagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwan ng pagtatanim) ay makababalik siya sa dating pook pagsapit ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani).

Ang lupang kapatagan ay ibinigay ng mga Ati sa mga Bisaya. Ibinigay rin nila ang kanilang mga bahay. Ang mga Ati ay lumipat ng paninirahan sa bundok.

Madaling isinaayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Si Datu Bangkaya kasama ang kanyang asawa na si Katurong at anak na si Balinganga at kanilang mga tauhan at katulong ay tumira sa Aklan. Sumunod na inihatid ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang si Pabulanon at ang kanyang dalawang anak na si Ilehay at si Ilohay. May mga tauhan ding kasama si Datu Paiborong na kakatulungin niya sa pagtatanim ng mga buto at binhi na iiwan ni Datu Puti at Datu Sumakwel. Sina Lubay, Dumalogdog, Dumangsol at Padahinog ay kasama ni Sumakwel. Sila ay sa Malandog naman maninirahan. Nagpaalam si Datu Puti kay Sumakwel. Kanyang pinagbilinan si Sumakwel na pamunuang mahusay ang mga Bisaya. Nag-aalala si Datu Puti tungkol sa kalagayan ng iba pang Bisaya sa Borneo sa ilalim ng pamumuno ng malupit na si Makatunao.

Matapos magpaalam kay Sumakwel, umalis na ang tatlong barangay, kay Datu Puti ang isa, at ang dalawa pa ay sa dalawang binatang datu na sina Datu Domingsel at Datu Balensuela. Narating nila ang pulo ng Luzon. Dumaong ang tatlong barangay sa Look ng Balayan. Ipinasya ng dalawang datu na dito na sa Taal manirahan kasama ang mga Taga-ilog. Isang araw lamang at umalis na sina Datu Puti at Pinampangan upang bumalik sa Borneo.

Labaw Donggon

Labaw Donggon
(Epikong Bisaya)

Si Labaw Donggon ay anak ni Anggoy Alunsina at Buyung Paubari. Siya ay napakakisig na lalaki na umibig kay Abyang Ginbitinan. Binigyan niya ng maraming regalo ang ina ni Abyang Ginbitinan na si Anggoy Matang-ayon upang pumayag lamang na makasal ang dalawa. Inimbita niya ang buong bayan sa kanilang kasal. At hindi nagtagal ay umibig siyang muli sa isang magandang babae na nagngangalang Anggoy Doronoon. Niligawan niya ito at hindi nagtagal ay nagpakasal.

At muli ay umibig si Labaw sa isa pang babae na nagngangalang Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Ngunit ang babae ay nakasal na kay Buyung Saragnayan na katulad niya na may kapangyarihan din.

Patayin mo muna ako bago mo makuha ang aking asawa, sabi ni Buyung Saragnayan sa kanya.

Handa akong kalabanin ka, sagot ni Labaw kay Saragnayan.

Naglaban sila ng maraming taon gamit ang kanilang mga kapangyarihan ngunit hindi mapatay ni Labaw si Saragnayan. Mas malakas ang kapangyarihan ni Saragnayan kaysa kay Labaw.

Natalo si Labaw at siya ay itinali at ikinulong sa kulungan ng baboy ni Saragnayan. Samantala ang kanyang mga asawa na si Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon ay nanganak sa kanilang panganay. Tinawag ni Abyang ang kanyang anak na Asu Mangga at si Anggoy Doronoon na Buyung Baranugun. Gustong makita si Labaw ng kaniyang dalawang anak at nagpasya na hanapin siya. Sa tulong ng bolang kristal ni Buyung Barunugun ay nalaman nlla na bihag siya ni Saragnayan. Ang dalawang magkapatid ay nagtagumpay sa pagpapalaya sa kanilang ama na napakatanda na at ang kanyang katawan ay nababalutan na ng mahabang buhok.

Kailangan nyo munang malaman ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan bago ninyo siya labanan! sabi ni Labaw sa kanyang dalawang anak.

Opo ama, sagot ni Baranugun. Ipapadala ko sina Taghuy at Duwindi kay Abyang Alunsini upang itanong ang sikreto ng kapangyarihan ni Saragnayan.

Nalaman ni Batanugun kay Abyang na ang hininga ni Saragnayan ay itinatago at pinangangalagaan ng isang baboy ramo sa kabundukan. Siya at si Asu Mangga ay nagtungo sa kabundukan upang patayin ang baboy ramo. Kinain nila ang puso nito na siyang buhay ni Saragnayan

Biglang nanghina si Saragnayan. Alam niya kung ano ang nangyari. Nagpaalam na siya kay Nagmalitong Yawa. Handa na siyang upang ka1abanin ang dalawang anak ni Labaw. Si Baranugun lamang ang humarap sa kanya sa isang madugong laban. Napatay siya ni Baranugun sa isang mano-manong laban. Pagkatapos ng labanan ay hinanap nila ang kanilang ama. Nakita nila na siya ay nakasilid sa lambat ni Saragnayan. Natakot sila sa mga kapatid ni Saragnayan. Pinatay silang lahat ni Baranugun at pinalaya si Labaw sa lambat.

Nang makita ni Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon si Labaw ay napaiyak sila sa pighati. Nalaman nilang hindi na makarinig si Labaw, hindi na rin nito nagamit ang pag-iisip. Pinaliguan nila ito, binihisan at

pinakain. Inalagaan nila ito ng mabuti. Samantala, si Buyung Humadapnon at Buyung Dumalapdap, mga bayaw ni Anggoy Ginbitinan ay ikinasal kina Burigadang Pada Sinaklang Bulawan at Lubaylubyok Hanginon Mahuyukhuyukon. Ang dalawang babae ay ang magagandang kapatid ni Nagmalitong Yawa.

Nang malaman ni Labaw Donggon ang kasal sinabi nito sa dalawang asawa na nais niyang mapakasalan si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata.

Gusto kong magkaroon ng isa pang anak na lalaki! sabi ni Labaw Donggon.

Nagulat sina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon sa sinabi ng asawa at dahil mahal na mahal nila ang asawa ay tinupad nila ang kahilingan nito. Humiga si Labaw sa sahig at pumatong ang dalawang babae sa kanya, naibalik ang kanyang lakas at sigla ng isip. Masayang-masaya si Labaw at ang kanyang tinig ay umalingawngaw sa buong lupain.

Indarapatra at Sulayman

Indarapatra at Sulayman
(Epikong Mindanao)


Si Indarapatra ay ang matapang na hari ng Mantapuli. Nabalitaan niya ang malimit na pananalakay ng mga dambuhalang ibon at mababangis na hayop sa ibang panig ng Mindanao. Labis niyang ikinalungkot ang mga nangyayaring ito sa mga naninirahan sa labas ng kaharian ng Mantapuli.

Ipinatawag ni Indarapatra ang kanyang kapatid na si Sulayman, isang matapang na kawal. Inutusan ni Indarapatra si Sulayman upang puksain ang mga ibon at hayop na namiminsala sa mga tao. Agad na sumunod si Sulayman. Bago umalis si Sulayman, nagtanim si Indarapatra ng halawan sa may durungawan. Aniya kay Sulayman, "Sa pamamagitan ng halamang ito ay malalaman ko ang nangyayari sa iyo. Kapag namatay ang halamang ito, nanganaghulugang ikaw ay namatay."

Sumakay si Sulayman sa hangin. Narating niya ang Kabilalan. Wala siyang nakitang tao. Walang anu-ano ay nayanig ang lupa, kaya pala ay dumating ang halimaw na si Kurita. Matagal at madugo ang paglalaban ni Sulayman at ni Kurita. Sa wakas, napatay rin ni Sulayman si Kurita, sa tulong ng kanyang kris.

Nagtungo naman si Sulayman sa Matutum. Kanyang hinanap ang halimaw na kumakain ng tao, na kilala sa tawag na Tarabusaw. Hinagupit nang hinagupit ni Tarabusaw si Sulayman sa pamamagitan ng punongkahoy. Nang nanlalata na si Tarabusaw ay saka ito sinaksak ni Sulayman ng kanyang espada.

Pumunta si Sulayman sa Bundok ng Bita. Wala rin siyang makitang tao. Ang iba ay nakain na ng mga halimaw at ang natirang iba ay nasa taguan. Luminga-linga pa si Sulayman nang biglang magdilim pagkat dumating ang dambuhalang ibong Pah. Si Sulayman ang nais dagitin ng ibon. Mabilis at ubos lakas ng tinaga ito ni Sulayman. Bumagsak at namatay ang Pah. Sa kasamaang palad nabagsakan ng pakapak ng ibon si Sulayman na siya niyang ikinamatay.

Samantala, ang halaman ni Sulayman sa Mantapuli ay laging pinagmamasdan ni Indarapatra. Napansin niyang nanlata ang halaman at alam niyang namatay si Sulayman.

Hinanap ni Indarapatra ang kanyang kapatid. Nagpunta siya sa Kabalalan at nakita niya ang kalansay ni Tarabusaw. Alam niyang napatay ito ng kapatid niya. Ipinagpatuloy ni Indarapatra ang paghahanap niya kay Sulayman. Narating niya ang bundok ng Bita. Nakita niya ang patay na ibong Pah. Inangat ni Indarapatra ang pakpak ng ibon at nakita ang bangkay ni Sulayman. Nanangis si Indarapatra at nagdasal upang pabaliking muli ang buhay ni Sulayman. Sa di kalayua'y may nakita siyang banga ng tubig. Winisikan niya ng tubig ang bangkay at muling nabuhay si sulayman. Parang nagising lamang ito mula sa mahimbing na pagtulog. Nagyakap ang magkapatid dahil sa malaking katuwaan.

Pinauwi na ni Indarapatra si Sulayman. Nagtuloy pa si Indarapatra sa Bundok Gurayu. Dito'y wala ring natagpuang tao. Nakita niya ang kinatatakutang ibong may pitong ulo. Sa tulong ng kanyang engkantadong sibat na si juris pakal ay madali niyang napatay ang ibon.

Hinanap niya ang mga tao. May nakit siyang isang magandang dalaga na kumukuha ng tubig sa sapa. Mabilis naman itong nakapagtago. Isang matandang babae ang lumabas sa taguan at nakipag-usap kay Indarapatra. Ipinagsama ng matandang babae si Indarapatra sa yungib na pinagtataguan ng lahat ng tao sa pook na iyon. Ibinalita ni Indarapatra ang mga pakikilaban nilang dalawa ni Sulayman sa mga halimaw at dambuhalang ibon. sinabi rin niyang maaari na silang lumabas sa kanilang pinagtataguan. Sa laki ng pasasalamat ng buong tribu, ipinakasal kay Indarapatra ang anak ng hari, ang magandang babaeng nakita ni Indarapatra sa batisan.

Darangan

Darangan
(Epikong Maranao)

Mayroong isang hari sa isang malayong kaharian sa Mindanao ang may dalawang anak na lalaki. Ang nakatatanda ay si Prinsipe Madali at ang nakababata ay si Prinsipe Bantugan. Sa murang edad ay nagpakita si Prinsipe Bantugan ng magagandang katangian na higit sa kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali. Laging sinasabi ng kanilang guro sa kanilang ama na si Prinsipe Bantugan ay napakatalino. Mabilis siyang matuto, kahit sa paggamit ng espada at palaso. Taglay niya ang lakas na kayang makipaglaban sa tatlo o limang tao sa mano-manong labanan.

Ang unang tanda na siya ay magiging isang magaling na sundalo nang makita siya nang mapatay niyang mag-isa ang isang malaking buwaya na pumatay sa ilang taong bayan. Hindi makapaniwala ang mga taong bayan sa kanilang nakita pagkatapos ng pagtutuos.

Napakalakas niya! ang sabi ng isang matandang lalaki nang makita ang patay na buwaya.

Paano na kaya ang isang tao na ganito kabata na patayin ang buwaya? Sinasapian siguro siya ng mga diyos! sabi naman ng isa.

Halika, pasalamatan natin ang prinsipe sa pagpatay niya sa halimaw! sabi ng pinuno ng bayan.

Nang umabot na si Prinsipe Bantugan sa kanyang kabinataan, siya ay naging pinakamagaling na sundalo sa kaharian. Lagi niyang pinamumunuan ang mga sundalo sa labanan. At lagi silang nagwawagi laban sa mga kalabang kaharian. Ang kanyang pangalan ay naging bukambibig ng lahat ng mga sundalo ng mga kalapit na kaharian. Hindi nagtagal ay wala nang kaharian na nangahas kumalaban sa kanila. Kapayapaan at pag-unlad ang naghari sa kaharian dahil natamo nilang respeto at pagkilala ng mga kalapit kaharian.

Nang mamatay ang kanilang ama, ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Madali ang hinirang na bagong hari. Nagkaroon ng protesta sa mga nasa ranggo. Nais nila na si Prinsipe Bantugan ang maging bagong hari. Kahit ang mga ordinaryong mamamayan ay nagsasabi na si Prinsipe Bantugan ang mas karapat-dapat maging hari sa dalawang prinsipe.

Si Prinsipe Bantugan ay matapang at malakas kaya niya tayong protektahan laban sa mga kaaway! sabi ng isang matanda sa pamilihan.

Sang-ayon ako sa iyo, sagot ng matandang lalaki. Hindi ito pinansin ni Prinsipe Bantugan. Alam niya na ang kanyang kapatid ang karapatdapat na tagapagmana ng trono dahil si Prinsipe Madali ang panganay sa kanilang dalawa. Siya mismo ang nagpatunay sa kanyang kapatid.

Nararapat lamang na ang kapatid ko ang maging bagong hari dahil napag-aralan na niya kung paano magpatakbo ng gobyerno, sinabi niya sa kapwa niya sundalo at mga ministro sa kaharian. Alam niya kung paano ang pamamalakad sa ugnayang panlabas. At marami siyang magandang ideya upang mapaganda ang buhay ng bawat mamamayan!

Tumango na lamang ang mga ministro at mga kawal. Ngunit nagkaroon ng isang bitak sa pagitan ni Prinsipe Bantugan at Prinsipe Madali. Sapagkat si Prinsipe Bantugan ay hindi lamang matapang at malakas, siya rin ay napakakisig. Maraming magagandang babae sa kaharian ang nahuhumaling sa kanya. Kahit ang mga babaeng gusto ng kanyang kapatid na si Prinsipe Madali ay sumuko sa kanyang gayuma. Dahil sa galit at inggit, nagpahayag ang hari ng kautusan.

Hindi ko gusto na kahit sino, kahit sino, ang makikipag-usap sa aking kapatid na si Prinsipe Bantugan. Sino man ang makita na nakikipag-usap sa kanya ay ipapakulong o kaya ay parurusahan ng malubha.

Nalungkot si Prinsipe Bantugan sa iniutos ng kanyang kapatid. Nakita niya ang sarili na parang mayroong nakakahawang sakit. Lahat ay lumalayo sa kanya, kahit ang mga kababaihan. Kahit ang mga taong kanyang minahal. Walang gustong kumausap sa kanya sa takot na baka makulong maparusahan ng hari. Dahil hindi na niya matagalan ang mga ito, nagpasiya ang prinsipe na lisanin ang kaharian at manirahan sa malayong lugar kung saan siya nanirahan habambuhay.

Bidasari

Bidasari
(Epikong Mindanao)

Ang epikong Bidasari ng Kamindanawan ay nababatay sa isang romansang Malay. Ayon sa kanilang paniniwala, upang tumagal ang buhay ng tao, ito'y pinaalagaan at iniingatan ng isang isda, hayop, halaman o ng punongkahoy.

Ang salaysay ng Bidasari ay ganito:

Ang kaharian ng Kembayat ay naliligalig dahil sa isang dambuhalang ibon. Ang ibong ito ay mapaminsala sa mga pananim at maging sa buhay ng tao. Ang ibong ito ay ang ibong garuda. Kapag dumarating na ang garuda, mabilis na nagtatakbuhan ang mga tao upang magtago sa mg yungib. Takot na takot sila sa ibong garuda pagka't ito'y kumkain ng tao.

Sa pagtatakbuhan ng mga tao, nagkahiwalay sa pagtakbo ang sultan at sultana ng Kembayat. Ang sultana ng Kembayat ay nagdadalantao noon. Sa laki ng takot ay naisilang niya ang sanggol na babae sa may tabi ng ilog. Dahil sa malaking takot at pagkalito naiwan niya ang sanggol sa bangka sa ilog.

May nakapulot naman ng sanggol. Siya ay si Diyuhara, isang mangangalakal mula sa kabilang kaharian. Kanyang pinagyaman at iniuwi sa bahay ang sanggol. Itinuring niya itong anak. Pinangalanan nila ang sanggol ng Bisari. Habang lumalaki si Bidasari ay lalo pang gumaganda. Maligaya si Bidasari sa piling ng kanyang nakikilalang magulang.

Sa kaharian ng Indrapura, ang sultang Mongindra ay dalawang taon pa lamang kasal kay Lila Sari. Mapanibughuin si Lila Sari. Natatakot siyang umibig pa sa ibang babae ang sultan. Kaya lagi niyang itinatanong sa sultan, kung siya'y mahal nito na sasagutin naman ng sultan ng : mahal na mahal ka sa akin. Hindi pa rin nasisiyahan ang magandang asawa ng sultan. Kaniyang itinanong na minsan sa sultan: Hindi mo kaya ako malimutan kung may makita kang higit na maganda kaysa akin? Ang naging tugon ng Sultan ay: Kung higit na maganda pa sa iyo, ngunit ikaw ang pinakamaganda sa lahat. Nag-alala ang sultana na baka may lalo pang maganda sa kanya at ito ay makita ng sultan. Kaya't karakarakang inutusan niya ang matapat niyang mga kabig na saliksikin anh kaharian upang malaman kung may babaeng higit na maganda sa sultana.

Nakita ng mga tauhan ni Lila Sari si Bidasari at siya ay higit na maganda kaysa kay Lila Sari.

Inanyayahan ng Sultana si Bidasari sa palasyo upang diumano ay gagawing dama ng sultana. Ngunit pagsapit doon, si Bidasari ay lihim na ikinulong ni Lila Sari sa isang silid at doon pinarurusahan.

Nang hindi na matiis ni Bidasari ang mga pagpaparusa sa kanya, sinabi niyang kunin ang isdang ginto sa halamanan ng kanyang ama. Kapag araw ito'y ipinakukuwintas kay Lila Sari at sa gabi'y ibinabalik sa tubig at hindi maglalaon si Bidasari ay mamamatay. Pumayag si Lila Sari. Kinuha niya ang isdang ginto at pinauwi na niya si Bidasari.

Isinuot nga ni Lila Sari ang kuwintas ng gintong isda sa araw at ibinabalik sa tubig kung gabi. Kaya't si Bidasari ay nakaburol kung araw at muling nabubuhay sa gabi. Nag-alala si Diyuhara na baka tuluyang patayin si Bidasari. Kaya nagpagawa siya ng isang magandang palasyo sa gubat at doon niya itinira nang mag-isa si Bidasari.

Isang araw, ang Sultan Mongindra ay nangaso sa gubat. Nakita niya ang isang magandang palasyo. Ito'y nakapinid. Pinilit niyang buksan ang pinto. Pinasok niya ang mga silid. Nakita niya ang isang napakagandang babae na natutulog. Ito ay si Bidasari. Hindi niya magising si Bidasari. Umuwi si Sultan Mongindra na hindi nakausap si Bidasari. Bumalik ang sultan kinabukasan. Naghintay siya hanggang gabi. Kinagabihan nabuhay si Bidasari. Nakausap siya ni Sultan Mongindra. Ipinagtapat si Bidasari ang mga ginawa ni Lila Sari. Galit na galit ang sultan. Iniwan niya si Lila Sari sa palasyo at agad niyang pinakasalan si Bidasari. Si Bidasari na ang naging reyna.

Samantala, pagkaraan ng maraming taon ang tunay na mga magulang ni Bidasari ay matahimik nang naninirahang muli sa Kembayat. Nagkaroon pa sila ng isang supling. Ito'y si Sinapati. Nang pumunta sa Kembayat ang isang anak ni Diyuhara ay nakita niya si Sinapati, anak ng sultan at sultana ng Kembayat.

Si Sinapati ay kamukhang-kamukha si Bidasari. Kinaibigan nito si Sinapati at ibinalita ang kapatid niyang si Bidasari sa kamukhang-kamukha ni Sinapati. Itinanong ni Sinipati sa mga magulang kung wala siyang kapatid na nawawalay sa kanila. Pinasama ng ama si Sinapati sa Indrapura. Nang magkita si Bidasari at si Sinapati ay kapwa sila nangilalas dahil sa silang dalawa ay magkamukhang-magkamukha. Natunton ng Sultan ng Kembayat ang nawawala niyang anak na si Bidasari. Nalaman ng sultan ng Indrapura na ang kanyang pinakasalang si Bidasari ay isa palang tunay na prinsesa.

Biag ni Lam-ang

Biag ni Lam-ang
(Epikong Ilocano)

Sa lambak ng Nalbuan sa baybayin ng Ilog Naguilian sa La Union ay may mag-asawang kilala sa pangalang Don Juan at Namongan.

Nang malapit nang magsilang ng sanggol si Namongan, nilusob ng tribo ng Igorot ang nayon at pinatay ang maraming tauhan ni Don Juan. Sa laki ng galit, nilusob naman ni Don Juan ang mga Igorot upang ipaghiganti ang mga tauhan niya. Hindi na nakabalik si Don Juan sa kanyang nayon. Ang naging balita, siya ay pinugutan ng ulo ng mga Igorot.

Isinilang ni Namongan ang kanyang anak. Ang sanggol ay nagsalita agad at siya na ang pumili ng pangalang Lam-ang at siya na rin ang pumili ng kanyang magiging ninong.

Nang malaman ni Lam-ang ang masakit na nangyari sa kanyang ama, sumumpa siyang ipaghihiganti niya ito. Sa gulang na siyam na buwan pa lamang, ay malakas, matipuno at malaking lalaki na siya. Ayaw man siyang payagan ng kanyang ina upang hanapin ang bangkay ng kanyang ama, ay nagpilit din si Lam-ang na makaalis.

Kasama niya sa pagtungo sa lupain ng mga Igorot ay isang mahiwagang tandang, ang tangabaran, at mahiwagang aso. Baon rin niya ang kanyang talisman mula sa punong saging. Sa tulong ng kanyang talisman ay madali niyang nalakbay ang mga kabundukan at kaparangan. Sa laki ng pagod ni Lam-ang, siya ay nakatulog. Napangarap niya ang mga Igorot na pumatay sa kanyang ama na nagsisipagsayaw at nililigiran ang pugot na ulo ng kanyang ama. Nagpatuloy si Lam-ang sa paglalakbay at narating ang pook ng mga Igorot. Nakita niya ang ulo ni Don Juan na nasa sarukang, isang haliging kawayan.

Hinamon ni Lam-ang ang mga Igorot. Pinauwi ng mga Igorot si Lam-ang upang sabi nila'y huwag matulad sa ginawa nila kay Don Juan. Sumigaw ng ubos lakas si Lam-ang at nayanig ang mga kabundukan. Ang tinig niyang naghahamon ay narinig ng marami kaya't dumating ang maraming Igorot at pinaulanan si Lam-ang ng kanilang mga sibat. Hindi man lamang nasugatan si Lam-ang. Nang maubusan ng sibat ang mga Igorot ay si Lam-ang naman ang kumilos. Hinugot niya ang mahaba niyang itak at para lamang siyang tumatabas ng puno ng saging, na pinagpapatay niya ang mga nakalaban.

Umuwi si Lam-ang sa Nalbuan. Naligo siya sa Ilog Amburayan sa tulong ng mga dalaga ng tribu. Dahil sa dungis na nanggaling kay Lam-ang, namatay ang mga isda sa Ilog Amburayan at nagsiahon ang mga igat at alimasag sa pampang.

Matapos mamahinga ay gumayak na si Lam-ang sa pagtungo sa Kalanutian upang manligaw sa isang dilag na nagngangalang Ines Kannoyan. Kasama ni Lam-ang ang kanyang mahiwagang tandang at mahiwagang aso.

Sa daan patungo sa Kalanutian ay nakalaban niya ang higanteng si Sumarang. Pinahipan ni Lam-ang sa hangin si Sumarang at ito ay sinalipadpad sa ikapitong bundok.

Sa tahanan nina Ines ay maraming tao. Hindi napansin si Lam-ang. Tumahol ang mahiwagang aso ni Lam-ang. Nabuwal ang bahay. Tumilaok ang mahiwagang tandang. Muling tumayo ang bahay. Napansin si Lam-ang.

Ipinagtapat ng tandang at aso ang kanilang layunin. Nais pakasalan ni Lam-ang si Ines. Hindi naman tumutol ang mga magulang ni Ines kung magbibigay si Lam-ang ng panhik o bigay-kaya na kapantay ng kayamanan nina Ines.

Nagpadala si Lam-ang ng dalawang barkong puno ng ginto at nasiyahan ang mga magulang ni Ines.

Si Ines at si Lam-ang ay ikinasal nang marangya at maringal sa simbahan. Pagkatapos ng kasalan, bilang pagtupad sa kaugalian ng mga tao sa Kalanutian, kailangang manghuli si Lam-ang ng mga isdang rarang. Nakikinikinita ni Lam-ang na may mangyayari sa kanya. Na siya ay makakain ng pating berkahan. Ipinagbilin ni Lam-ang ang dapat gawin sakaling mangyayari ito.

Si Lam-ang ay sumisid na sa dagat. Nakain siya ng berkahan. Sinunod ni Ines ang bilin ni Lam-ang. Ipinasisid niya ang mga buto ni Lam-ang. Tinipon ito at tinakpan ng saya ni Ines. Inikut-ikutan ng mahiwagang tandang at mahiwagang aso. Tumilaok ang tandang at tumahol ang aso.

Walang anu-ano'y kumilos ang mga butong may takip na saya. Nagbangon si Lam-ang na parang bagong gising sa mahimbing na pagkakatulog.

Nagyakap si Lam-ang at si Ines. Kanilang niyakap din ang aso at tandang. At namuhay silang maligaya sa mahabang panahon.

Bantugan

Bantugan
(Epikong Mindanao)


 
Si Prinsipe Bantugan ay kapatid ni Haring Madali sa kaharian ng Bumbaran. Ang prinsipe ay balita sa tapang at kakisigan, kaya't maraming dalaga ang naaakit sa kanya. Dahil sa pangyayaring ito, si Haring Madali ay naiinggit sa kapatid. Nag-utos siya na ipinagbabawal na makipag-usap ang sinuman kay Prinsipe Bantugan. Ang sinumang mahuling makipag-usap sa prinsipe ay parurusahan. Nalungkot si Prinsipe Bantugan at siya'y naglagalag, siya'y nagkasakit at namatay sa pintuan ng palasyo ng Kaharian ng Lupaing nasa Pagitan ng Dalawang Dagat. Ang hari rito at ang kapatid niyang si Prinsesa Datimbang ay naguluhan. Hindi nila kilala si Bantugan. Tumawag sila ng pulong ng mga tagapayo. Habang sinasangguni nila ang konseho kung ano ang gagawin sa bankay, isang loro ang pumasok. Sinabi ng loro na ang bangkay ay si Prinsipe Bantugan na mula naman sa Bumbaran at ibinalita naman ang pangyayari kay Haring Madali.

Nalungkot si Haring Madali. Dali-dali siyang lumipad patungo sa langit upang bawiin ang kaluluwa ni Bantugan. Nang makabalik si Haring Madali, dala ang kaluluwa ni Bantugan, ay dumating din si Prinsesa Datimbang na dala naman ang bangkay ni Bantugan. Ibinalik ang kaluluwa sa katawan ni Bantugan. Nabuhay na muli si Bantugan at nagdiwang ang buong kaharian pati na si Haring Madali.

Samantala, nakarating naman ang balita kay Haring Miskoyaw na namatay si Bantugan, ang matapang na kapatid ni Haring Madali. Nilusob ng mga kawal niya ang Bumbaran. Itinigil ang pagdiriwang at nakilaban ang mga kawal ng Bumbaran. Nanlaban din si Prinsipe Bantugan subalit dahil sa siya ay nanglalata pa dahil sa bagong galing sa kamatayan, siya ay nabihag. Siya'y iginapos, subalit nang magbalik ang dati niyang lakas, nilagot ni Bantugan ang kanyang gapos at buong ngitngit niyang pinuksa ang mga kawal ni Haring Miskoyaw. Nailigtas ni Bantugan ang kaharian ng Bumbaran. Ipinagpatuloy ng kaharian ang pagdiriwang. Nawala na ang inggit sa puso ni Haring Madali. Dinalaw si Bantugan ang lahat ng mga prinsesang kanyang katipan. Pinakasalan niyang lahat ito at iniuwi sa Bumbaran na tinanggap naman ni Haring Madali nang malugod at buong galak. Namuhay si Bantugan ng maligaya ng mahabang panahon.

Alim

Alim
(Epiko ng mga Ifugao)

Ang epikong Alim ng mga Ifugao ay nagsasalaysay ng isang panahong ang lupain ay saganang-sagana. Maging ang mga ilog at dagat ay sagana sa isda. Ang mga kagubatan ay maraming mga hayop na madaling hulihin. Walang suliranin ang mga tao tungkol sa pagkain. Pag ibig nilang kumain, wala silang gagawin kundi pumutol ng biyas na kawayan at naroroon na ang bigas na isasaing. Ang biyas ng kawayan ay siya ring pagsasaingan. Noon, ang daigdig ay patag na patag maliban sa dalawang bundok : ang Bundok ng Amuyaw at ang Bundok ng Kalawitan.

Dumating ang panahong hindi pumatak ang ulan. Natuyo ang mga ilog. Namatay ang mga tao. Humukay ang ilang natitirang tao ng ilog. Ang tubig ay bumalong. Natuwa ang mga tao at sila ay nagdiwang. Subalit bumuhos ang malakas na ulan, umapaw ang mga ilog. Tumaas nang tumaas ang tubig. Nagsipagtakbo ang mga tao sa dalawang bundok subalit inabot din sila ng baha. Nalunod na lahat ang mga tao maliban sa magkapatid na sina Bugan at Wigan.

Nang bumaba na ang baha, nagpaningas ng apoy si Bugan sa bundok ng Kalawitan. Nakita ito ni Wigan sa kanyang kinaroroonan sa bundok ng Amuyaw. Pumunta si Wigan kay Bugan. Nalaman nilang silang dalawa lamang magkapatid ang natirang tao sa daigdig. Nagtayo ng bahay si Wigan na tinirahan nila ni Bugan. Pagkaraan ng ilang panahon, si Bugan ay nagdalantao. Dahil sa malaking kahihiyan tinangka ni Bugan na magpakamatay.

Pinigil siya ng isang matanda. Ito'y bathala ng mga Ifugao, si Makanungan. Ikinasal ni Makanungan si Wigan at si Bugan. Nagkaroon sila ng siyam na anak, limang lalaki at apat na babae. Nang dumating sila sa hustong gulang, ang apat na lalaki ay ikinasal sa apat na babae. Ang bunsong lalaki na si Igon ang natirang walang asawa. Namuhay silang masagana.

Paglipas ng ilang panahon, nakaranas sila ng tagtuyot. Wala silang ani. Naalala ni Wigan at ni Bugan si Makanungan. Sila'y nanawagan dito at hinandugan nila ng alay na daga. Patuloy pa rin ang tagtuyot. Naisipan nilang si Igon ang patayin at siyang ihandog sa Bathala. Natapos ang pagsasalat at tuyot.

Subalit nagalit si Makanungan sa ginawa nilang pagpatay at paghahandog ng buhay ni Igon. Isinumpa niya ang mga anak nina Wigan at Bugan. Sinabi niyang maghihiwa-hiwalay ang magkakapatid - sa timog, sa hilaga, sa kanluran, sa silangan. Kapag sila'y nagkita-kita, sila'y mag-aaway at magpapatayan. Kaya't ang mga tribong ito ng mga tao sa kabundukan, magpahangga ngayon ay naglalaban at nagpapatayan.

Agyu

Agyu
(Epikong Manobo)

Ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng mga Ilianon ay pangongolekta ng sera. Ipinapalit nila ang sera sa mga Moro, sa kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng palay, asin at asukal. Nagkaroon ng di pagkakaunawaan si Agyu at ang datu ng mga Moro dahil sa pagkakautang nila ng isang daang tambak ng sera. Upang maiwasan ang madugong labanan, si Agyu at ang kaniyang pamilya ay umalis sa Ayuman at pumunta ng Ilian. Ngunit hindi hahayaan ng mga Moro na mamuhay sila ng payapa. Sinundan nila ang mga ito upang patayin siya at ang kanyang pamilya. Lumaban si Agyu at ang kanyang pamilya ng buong tapang at lumabas na panalo sa laban sa mga Moro. Pagkatapos ng tagumpay ay naisip ni Agyu na lisanin ang Ilian at pumunta ng Bundok ng Pinamatun. Doon ay nagtayo sila ng mga bahay sa paanan ng bundok.

Isang araw ay pumunta si Agyu sa bundok ng Sandawa upang manghuli ng baboy ramo. Umuwi siya na dala ang kanyang huli habang ang kanyang kapatid na lalaki na si Lono at mga kapatid na babaing sina Yambungan at Ikwagan ay nakahanap ng pulot pukyutan. Hinati nila ang baboy ramo at pulot pukyutan sa kanila at sa kanilang mga alipin.
Bakit ayaw mong kumuha ng karne at pulot para sa iyo, at sa iyong asawa sa Ayuman, Banlak? tanong ni Agyu sa kanyang kapatid na lalaki. Ang asawa ni Banlak na si Mungan ay naiwan sa Ayuman sapagkat nagkaroon ito ng ketong.

Hindi pumayag si Banlak sa ideya. Nagboluntaryo na lamang si Lona na pumunta sa Ayuman dala ang karne at pulot para kay Mungan. Nang makarinig siya ng malakas na boses na nagsasabl kay Mungan na tanggapin na ang imortalidad sa pamamagitan ng pagkain ng mga diyos.

Nang bumalik si Lono sa Panamutan, sinabi niya kay Agyu at Banlak kung ano ang narinig. Nais ni Banlak na makita si Mungan ngunit pinigilan sila ni Agyu. Bagkus ay binagtas ni Agyu ang daan pababa ng Ayuman upang makita si Mungan ngunit huli na ang lahat. Pumunta na si Mungan sa langit. Ang natira lamang ay isang gintong bahay. At nang bumalik siya sa Pinamutan, iniwan nilang muli ang lugar at nagpunta sa Tigyangdang. Ngunit hindi nila nakita ang kapayapaan sa Tigyangdang. Napakaraming kaaway ang nagpapaalis sa kanila sa Tigyangdang. At kahit anong gawin nila ay hindi nila matalo ang kalaban.

Nang' dumating ang pang-apat na araw ng pakikipaglaban ay lumapit ang kanyang batang anak na si Tanagyaw.

Payagan mo akong 1umaban, ama, sabi niya.

Ngunit napakabata mo pa, anak, sinabi niya rito.

Marahil nga ay bata ako ngunit ako ay matalino, ama, pilit ni Tanagyaw.

Humayo ka at nawa ay tulungan. ka ng mga diyos. Ingatan mo ang sarili mo!

At umalis na si Tanagyaw upang pumunta sa labanan. At natalo niya ang mga kalaban.

Nais ng pinuno ng mga kalaban na makasal si Tanagyaw sa anak nitong babae na si Buy-anon ngunit tumanggi ito dahil napakabata pa nila. Umabot si Tanagyaw sa bayan ng Baklayon at iniligtas ang bayan laban sa mga kaaway. Pinatay niya si Bagili, ang anak ng pinuno ng mga kaaway ng Baklayon. Nais ng datu ng Baklayon na ipakasal ang kanyang anak na si Paniguan kay Tanagyaw ngunit hindi pa ito handa na mag-asawa. At nang bumalik si Tanagyaw sa Tigyangdang ay nagpunta si Paniguan sa Tigyangdang, nagtungo si Paniguan sa kanya. Sinabi nito kay Agyu na nais nitong pakasalan si Tanagyaw. Sumang-ayon-si Agyu at ikinasal sina Tanagyaw at Paniguan.

Sa kabilang dako, hindi tumigil ang pag-atake sa sambahayan ni Agyu. Paminsan-minsan ay mayroong mga kaaway na umaatake sa mga pamayanan at pinapatay ang mga tao at mga hayop ni Agyu. Ngunit matanda na upang lumaban si Agyu. Upang kalabanin ang mga kaaway, nagsuot si Tanagyaw ng baluti na kasing tigas ng metal na sa lakas ay hindi maigalaw ng hangin. Pagkatapos ay kinalaban niya ang mga kaaway at lumabas na panalo. Ngunit hindi pa handang sumuko ang mga kalaban. Sinugod ng anak ng datu si Tanagyaw gamit ang ginintuang espada. Ginamit ni Tanagyaw ang gintong tungkod at nagawang patayin ang anak ng datu at ang kanyang mga kasama at tumakas sa bundok dahil sa takot.

Napanuto na si Agyu. Nalalaman niya na maghahari na ang kapayapaan sa kanilang kaharian. Ngayon ay tatamasain na nila ang magandang buhay na mailap sa kanila noong una. Ang ani ay masagana at ang mga hayop ay dumarami na sa bilang. Isang araw tinawag niya ang anak na si Tanagyaw.

Ibinibigay ko na sa iyo ang Sunglawon. Ipagtatanggol mo ito at pamahalaan ito ng may hustisya at pagpapahalaga sa mga tao.

Tutuparin ko po ito sa tulong ng mga diyos, ama sagot ni Tanagyaw.

Sa sumunod na umaga, sina Tanagyaw at Paniguan kasama ang kanilang mga alipin ay nagsimulang maglakbay patungo sa Sunglawon. Handa na sila upang magsimula ng isang pamilya.

Lunes, Nobyembre 1, 2010

Aanhin Nino Yan?

Aanhin Nino Yan?
Vilas Manwat
Salin ni Luwalhati Bautista

Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.
Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: “Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.” Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.
Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.” Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis.”
Ang sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.
Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin.”
Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.
“Iabot mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”
Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na.”
Inilagay niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob na hipuin iyon.
“Bakit hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan. Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot. Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata. Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.
“Dapat na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.
“Huwag kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat. Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan, pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki; kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung desperado.”
Naupo ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo, pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”
“Lahat ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento, pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.
“Hindi, malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin, sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat, at paalam.”
“Hindi mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang mga pinaniniwalaan mo?”
Walang pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan. Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak; hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay, kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at ngumiti.”
Tumango nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung minsan.”
“Kaya mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo, sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”
“Nagbabasa ka ba ng libro?”
“Dati. Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan! Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga istorya.”
Hinimas ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya, kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba, kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko, hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay na gusto kong tuntunin.”
Mukhang naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari ng tindahan.
“Sana’y kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”
Ngumiti nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril. ‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”
Nawala sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.

Sabado, Oktubre 30, 2010

Plop! Click!

Plop! Click!
(Dobu Kacchiri)

Mga Tauhan:
Koto
Kikuichi
Isang Nagdaraan


Koto : Isa akong Koto na nakatira sa pook na ito. Ngayon tatawagin ko si Kikuichi para konsultahin siya. Nariyan ba si Kikuichi?

Kikuichi : Nariyan na!

Koto : Nasaan ka?

Kikuichi : Heto na ‘ko.

Koto : May mahalaga akong kailangan sa iyo. Dahil matagal na din naman akong hindi nakalalabas ng bahay, ang daming oras na nakabitin sa kamay ko. Gusto kong magbiyahe at nang makapagmasid naman ng mga tanawin. Ano sa tingin mo?

Kikuichi : Sa totoo lang, imumungkahi ko nga sana sa iyo, Ekselenteng ideya.

Koto : Ano pang hinihintay natin kung ganoon. Maghanda ka ng sake.

Kikuichi : Ngayon din. Nakahanda na ang bote ng sake

Koto : Umalis na tayo agad. Halika na!

Kikuichi : Nakahanda na ako.

Koto : Ano sa palagay mo? Nagtatawanan na siguro ang mga taong makita ang dalawang paris natin na namamasyal at nagmamasid ng tanawin. Pero ang pagbibiyahe sa bagong lugar ang nakapagpapagaan ng pakiramdam bukod pa sa kasayahang nalalasap mo.

Kikuichi : Wala naman sa palagay kong mag-iisip na para tayong gago. Kaya, kapag nararamdaman mong gusto mong magbiyahe, dapat lang na ilang ulit tayong magbiyahe. Nakabubuti iyon sa inyo, Amo.

Koto : Nasa labas na tayo ng nayon. Marahil nasa gitna tayo ng bukirin. Ang lungkot ditto.

Kikuichi : Nasa gitna nga tayo ng bukirin.

Koto : Kapag nasa kapatagan ako, parang lumalawak ang aking puso at gumagaan ang pakiramdam ko.

Kikuichi : Gaya ng sabi mo kasiya-siya ang magbiyahe.

Koto : Makinig ka! Noon ko pa gustong sabihin sa iyo na hindi sa habambuhay ka na lamang umaawit ng mga maiikling awit o bumibigkas ng mga kwento. Bakit di mo ensayuhin ang Labanan sa Heike, ang pamosong epiko?

Kikuichi : Gusto ko nga sanang hingin ang tulong mo tungkol diyan. Maswerte na lang at ikaw mismo ang nagbukas tungkol diyan. Kung maituturo mo sa akin ‘yan, tatanawin kong malaking utang-na-loob.

Koto : Ituturo ko kung ganoon. Wala rin lang tao sa paligid, bibigkasin ko sa iyo ang isang berso

Kikuichi : Sadyang kay buti mo. Sige, makikinig ako.

Koto : “Umabot sa krisis ang labanan sa Ichi no Tani, at nauwi sa isang malaking giyera. Natalo ang mga dakilang Heike, at nagsisugod ang mga mandirigma ng Genji― silang sabik sa kabantugan. Parang mga trigong nagbagsakan sa harap ng mga armas-pandigma. Kalunus-lunos na pagdanak ng dugo! Walang katapusang kaguluhan! Putol ang baba ng ilan, at ang iba nama’y talampakan. Sa gitna ng nakakukuliling mga daing at pananangis, pilit pinaglalapat ang kanilang mga sugatang talampakan sa duguang baba, ang sugatang baba sa duguang talampakan. Ay, kahabag-habag na tanawin! Tatlo o apat na raang mga mandirigma ang nagkalat sa kapatagan!...”

Kikuichi : Kagila-gilalas pala talaga ang epikong iyan. Nagagalak akong marinig.

Koto : Halika’t pumunta tayo doon sa malayu-layo pa. Sumunod ka sa’kin!

Kikuichi : Sige lang, sumusunod ako.

Koto : Maraming bumibigkas ng Heike,pero wala akong alam na nakabibigkas ito nang mainam. Kaya kailangang pagaralan mo itong mabuti.

Kikuichi : Iinsayuhin kong mabuti, at inaasahan kong tuturuan mo akong muli.

Koto : Sakali’t maitalaga ako sa posisyon ng “Kengyo” gagawin kitang isang “Koto”.

Kikuichi : Napakabuti mo ngang talaga.

Koto : Ano ‘yon? Nakakarinig ako ng alon ng tubig. Siguro’y malapit tayo sa dagat.

Kikuichi : Oo nga, pakiramdam ko’y dagat nga iyon.

Koto : Kailangan nating tawirin ito. Anong dapat nating gawin?

Kikuichi : Ano nga bang dapat nating gawin?

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Dito lang ako nakatira. Dahil may lalakarin ako sa kabilang bundok, Kailangan kong magmadali. Ano itong nakikita ko? Dalawang bulag ang nagbabalak lumusong sa dagat. Paano kaya nila magagawa iyon? Titigil muna ako rito at panoorin sila pansumandali.

Koto : Halika! Maghagis ka ng bato para matantiya natin ang lalim ng dagat.

Kikuichi : Sige. Ayan. naghagis na ako. PLOP!

Koto : Malalim doon.

Kikuichi : Malalim na malalim doon.

Koto : Subukan mo sa ibang direksyon.

Kikuichi : Sige. Ayan, naghagis ulit ako. CLICK!

Koto : Mababaw doon.

Kikuichi : Mukha ngang mababaw doon.

Koto : Kung gayon, lumakad na tayo nang painut-inot. Halika na!

Kikuichi : Pero amo, teka muna sandali.

Koto : Bakit?

Kikuichi : Bubuhatin ko na kayo sa likod ko.

Koto : Naku, hindi na kailangan. Basta sumunod ka sa akin.

Kikuichi : Pero kaya nga ako narito para pagsilbihan kayo. Para na rin sa kabutihan ng aking kaluluwa. Hayaan niyo ng buhatin ko kayo.

Koto : Hindi huwag na. Dahil hindi ka rin nakakakita, baka maaksidente pa tayo. Maghawakan nalang tayo sa isa’t isa saka lumakad ng painut-inot.

Kikuichi : Pero ito ang pagkakataon ko para makatulong sa inyo. Kailangan mabuhat ko kayo sa aking likuran.
Koto : O sige, sige. Dahil mapilit ka, papaya akong buhatin mo ako. Pero kailangang maghanda na muna tayo. Ihanda mo na ang sarili mo.

Kikuichi : Salamat, Nakahanda na ako.

Nagdaraan: Mautak ang mga bulag na iyon. Sinusubukan nila ang lalim ng dagat sa pamamagitan ng paghahagis ng bato. Maswerte talaga akong aso. Ako ang magpapabuhat pagtawid sa dagat. (papatong siya sa likod ni Kikuichi.)

Kikuichi : Humawak kayong mabuti. Ngayon sisimulan ko nang magpainut-inot sa dagat. Sana naman hindi masyadong malalim. Ayan nakarating na ako sa kabila. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap, at natutuwa ako’t wala ring disgrasya.

Nagdaraan: (Sa mga manonood). Hindi ko inaasahan ang swerteng ito. Tuwang-tuwa ako.

Koto : Ano Kikuichi? Nakahanda ka na ba? Walang sumasagot? Hindi ko ito maintindihan. Ki-ku-i-chi! Na-sa-an ka?

Kikuichi : Na-ri-to a-ko!

Koto : Bakit di mo pa ako buhatin patawid?

Kikuichi : Pero kabubuhat ko lang sa inyo.

Koto : Kabubuhat lang sakin? Pero naghahanda pa lang ako. Hindi mo pa ako nabubuhat. Ang hayop na ‘yon magisa pala tumawid.

Kikuichi : (Magmamadaling tumawid sa pinanggalingan) Kailan kayo tumawid na muli rito amo?

Koto : Kailan? Aba’t walanghiya ‘tong taong ito. Umaayaw na yata. Madali ka’t buhatin mo na ako agad.

Kikuichi : Hindi ko maintindihan ito. Di bale, tatawid na lang uli ako. Kumapit na kayo sa likod ko.

Koto : Huwag kang magalaw.

Kikuichi : Lalakad na ako ng painut-inot. Mukhang napakalalim dito.

Koto : Basta mag-ingat ka at huwag kang masyadong magalaw.

Kikuichi : Opo, opo. Ang lalim naman nito! Naku, tulungan ninyo ako, saklolo!

Nagdaraan: Nakakaaliw pagmasdan ang kawawang mga bulag!

Koto : Nakakapanggalit itong nangyayari sa atin. Basang-basa na ako. Kaya nga ba tumanggi na akong pabuhat sa iyo noong una pa.

Kikuichi : Ipagpaumanhin ninyo. Patutuyin ko kayo. talaga namang nag-iingat ako, pero natalisod ako. Patawarin ninyo ako.

Koto : Nauunawaan kong aksidente ang nangyari at wala tayong magagawa roon. May nangyari ba sa sake?

Kikuichi : Anong sabi n’yo? Ah, ang bote ng sake. Heto, hindi nadisgrasya.

Koto : Giniginaw na ‘ko. Tagayan mo ako.

Kikuichi : Sige po. Nagdaraan: Aba’t may isa pa pala akong swerte. Akong iinom noon

Kikuichi : Nagtatagay na po ako. Glug! Glug!

Koto : Tama na yan Mawawala rin ang ginaw ko pag nainom ko na ito.

Kikuichi : Sigurado, amo.

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Ang sarap nito!

Koto : Ano na, Kikuichi? Bakit do mo ako tinatagayan?

Kikuichi : Pero katatagay ko lag po’t binigay ko sa inyo.

Koto : Iyon din ang akala ko, pero wala ni isang patak ng baso ko.

Kikuichi : Talagang hindi ko maintindihan ito. Magtatagay ulit ako. Heto, pupunuin ko na ang baso.

Koto : Sige, Bilisan mo.

Kikuichi : Eto na. Glug! Glug!

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Aba’t may kasunod pa! Walang kasingsarap ang sakeng ito!

Koto : Tama na ‘yan. uminom ka rin ng kaunti.

Kikuichi : Pwede po ba? Salamat sa kabaitan ninyo. Napakasarap ng sake di po ba?

Koto : O, bakit hindi mo pa ako tinatagayan?

Kikuichi : Pero katatagay ko lamang po ng isang punong baso para sa inyo.

Koto : Akala ko nga, pero ni isang patak, wala pa rin ang baso ko. Kamuhi-muhi kang tarantado ka. Ni isang patak hindi mo man lang ako pinatikim, kasi sinosolo mo’ng pag-nom.

Kikuichi : Naku, hindi ganyan magsalita ang amo ko. Bakit ko naman sosolohin ito nang hindi inuuna ang amo ko? Mali ang akusasyon ninyo sa akin. Nakadalawa na po kayong tagay.

Koto : Aba’t talaga bang ginagalit mo ‘ko? hindi ka lang gago, dinaya mo ‘ko at pinalalabas na iniinom ko’ng tinatagay mo nang di mo alam. tagayan mo ako ulit.

Kikuichi : Gusto ko po sana. pero, ipagpaumanhin ninyo! Wala na pong natira.

Koto : Ano? ni isang patak wala nang natira?

Nagdaraan: (Sa mga manonood) Talagang nakakaaliw ito. Pagaawayin ko sila. Bang! Bangg!

Koto : Aray, Aray ko! Ano ba’t sobra na ito. Matapos mo akong agawan ng inumin, ngayon naman may gana ka pang bugbugin ako.

Kikuichi : Ano’ng sabi ninyo? Bugbugin?

Koto : Sinaktan mo na ako, ulol!

Kikuichi : Itinabi ko lang po ang bote ng sake. Ni hindi nakaturo sa direksyon ninyo ang mga kamay ko.

Koto : A, hindi pala? At sino pang mananakit sakin, aber? sino, sabi?

Kikuichi : Aray, Aray ko po! Inaakusahan n’yo na nga ako ng kung anu-anong hindi ko naman ginagawa, ngayon naman sinasaktan n’yo pa ako. Bakit binubugbog ninyo ang isang walang kasalanang katulad ko?

Koto : Aba’t ni hindi nga nakatutok sa inyo ang mga kamay ko.

Kikuichi : Hindi nakatutok? Sinong nanakit sa akin? Magsalita kayo, sino pa?

Koto : Aray, Aray ko! Kikuichi, ano ba? Bakit mo ba ako sinasaktan?

Kikuichi : Nasa binti ko ang mga kamay ko.

Koto : Nasa binti mo? Kaninong mga kamay ang sumuntok sa akin?

Kikuichi : Aray! Tama na! Huwag ninyong abusuhin ang inosenteng tulad ko, Amo.

Koto : Ano? Abusuhin?

Kikuichi : Ano pa nga bang ginagawa ninyo?

Koto : Ni hindi nga dumadapo ang mga kamay ko sa iyo.

Kikuichi : Di dumadapo? kung gayo’y sinong nanununtok sa akin?

Koto : Aray, Ano ka ba?

Kikuichi : Aray ko po, tama na!

Nagdaraan: Nakakatuwa talaga ito. Paiikutin ko sila sa iba’t ibang pakana. Pero, teka! Aba’t tinuluyan na nilang magsuntukan. Delikado pa ang manatili pa ditto. kailangang makaalis na ako habang may araw pa.

Koto : Nauubos nang pasensiya ko. hindi kita patatakasin lintik ka!

Kikuichi : Bakit ako sinasaktan?

Silang Dalawa: A-a-aray…
Kikuichi : Ikinahihiya ko kayo amo. Hawak ko na kayo ngayon. Nagpapangap lang pala kayong mabait. Santo-santito!

Koto : Huwag, sandal lang! Matapos mo akong bugbugin, tatakbuhan mo ako. Wala bang ibang tao rito? hulihin n’yo siya, hulihin n’yo! Huwag n’yo siyang patakasin!

Ang Ama

Ang Ama
Salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa’y inuuwi ng ama – malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat – kahit ito’y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.

Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.

Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito – sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila’y masayang nakiupo sa kanila’t kumain ng kaunti.

Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo’y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya’y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo’y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata’y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya’t mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila’y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.

Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito’y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito’y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.

Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.

Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di’y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.

Ngayo’y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya’t madalamhati siyang nagtatawag, “Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!” Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod – payat, maputla, at napakaliit – at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba’y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, “Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata”.

Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.

Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba’y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki’y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, ‘yong katulad ng minsa’y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya’t nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto.

Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari’y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. “Tingnan natin kung saan siya pupunta.” Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo’y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.

Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, “Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana’y tanggapin mo.” Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.

Biyernes, Oktubre 29, 2010

Walang Panginoon

Walang Panginoon
ni Deogracis Rosario


Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.

"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.

Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.

"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.

Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.

"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."

"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.

Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."

Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.

"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.

"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"

Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.

Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.

Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.

Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, ..:namespace prefix = st1 ns = "urn:schemas-microsoft-com:office:smarttags" />gaya ng takipan at talinduwa.

Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.

Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?

Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.

Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.

Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.

At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.

"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.

Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.

Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.

Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.

Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.

Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.

Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.

"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."

Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.

Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."

Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.

"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"

"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."

Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.

"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.

Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.

"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.

"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.

"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.

Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.

"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."

Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.

Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.

Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.

Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.

Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.

Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.

"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.

Walang Panginoon

Walang Panginoon
ni Deogracis Rosario


Ang kuwento ni Deogracias A. Rosario, Walang Panginoon, ay umiikot sa isang maralitang pami lya at sa kanilang pakikipagtunggali sa mga mayayamang nagsasamantala sa kanila. Mababatid ang pagtatagisan ng dalawang puwersa, ang naghaharing uri na kinakatawan ni Don Teong at ng mababang uri na makikita sa tauhang si Marcos. Dahil sa pangunahing temang ito, maaaring suriin ang kuwentong ito ayon sa Marxismong kritisismo.

Kung susuriing mabuti ang pangunahing suliranin tungkol sa pag-agaw, pagbuwis at paglisan mula sa saka, makikita ang isyu ng class struggle kung saan ang matataas na uri ay may kakayahang samsamin kung anuman ang mayroon ng mga mahihirap. Hindi rin binigyang halaga ang karapatan o katwiran ng pamilya ni Marcos ng sistemang judicial dahil sa pagiging mahirap nila. Bunga nito ang pang-aapi at pagsasamantala ni Don Teong sa pamilyang hindi na aahon pa mula sa kahirapan, habang patuloy na yumayaman si Don Teong. Ito rin ay pumapatungkol sa malaking agwat ng mahihirap at mayayaman sa isang lipunan na siyang tinutuligsa ng Marxismo. Mahalaga ring tingnan ang pag-iibigan nina Marcos at Anita na tila isang kasuklam-suklam na kasalanan para kay Don Teong na naitulak pa ang sariling bugbugin ang anak pagkatapos mabatid ang pag-iibigan ng dalawa. Dito pumapasok ang pagbubukod ng mga mayayaman sa mga mabababang uri o alienation mula sa lipunan. Panghuli, ang paghihiganting ginawa ni Marcos ay isang pagtugon sa teorya ng Marxismo sa kamatayan ng kapitalistang uri dulot ng pag-aalsa ng mga manggagawa. Sa huling talata ng kuwento ipinahayag ang pagbuwag ng isang kapangyarihang mapang-api at ang paglaya ng isang mahirap sa mga kamay ng mataas na uri.

Isang kasangkapan ang pamagat sa pagpapatingkad ng pangkalahatang tema ng kuwento-ang pagpatay sa isang sistemang walang katarungan at isang kalakarang tagilid at pabor lamang sa mayayaman. Ang pagbanggit ng ’walang panginoon ’ sa hulihan ng kuwento ay isang pag-asam ng isang lipunang walang mataas at walang mababa, isang lipunang komunismo. Ang panginoon ay kumakatawan sa mga tao o bagay na pinagmumulan ng kapangyarihan na nagbubunga sa isang mapang-aping sistema na sanhi naman ng pagdurusa ng mga mahihirap. Sa pagpatay kay Don Teong sa hulihan ng kuwento ay isang paraan ng pagpapahayag ng mensahe na ang patuloy na pang-aabuso ng isang tao sa mga mabababa sa kanya ang siyang maghahatid sa kanya sa ilalim ng lupa. Mangyayari lamang ito kapag may mga nakatataas at may naaapi kung kaya’t ang pamagat ng kuwento ay ang pagnanais na walang panginoon.

Martes, Oktubre 26, 2010

Kayarian ng mga Salita

Kayarian ng mga Salita

Ano ba ang salita?

Ang salita ay pinagsama-samang titik na mayroong kahulugan

AASLIT

SALITA

Ang mga salita ay may apat na kayarian. Ang mga salita ay maaaring payak, maylapi, inuulit o tambalan.

1. Payak – ang salita ay binubuo lamang ng salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay batayang salita ng iba pang pinahabang mga salita. Samakatwid, ito ang salita sa basal o likas na anyo – walang paglalapi, pag-uulit, o pagtatambal.

Mga Halimbawa:
awit
bayani
watawat
talino
halaga
yaman
pinto
sahig
pera
aklat
bintana

2. Maylapi – ang salita ay binubuo ng salitang-ugat at mga panlapi. Ang mga panlapi ay mga katagang idinaragdag sa unahan, sa gitna, o sa hulihan ng mga salitang-ugat. May ibat’ibang uri ng mga panlapi.

    a. Unlapi – ang panlapi ay matatagpuan sa unahan ng salitang-ugat.
    Mga halimbawa:
    mahusay
    palabiro
    tag-ulan
    umasa
    makatao
    may-ari

    b. Gitlapi – ang gitlapi ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Ang mga
    karaniwang gitlapi sa Filipino ay –in- at -um-
    Mga halimbawa:
    lumakad
    pumunta
    binasa
    sumamba
    tinalon
    sinagot
   
    c. Hulapi – ang hulapi ay matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat. Ang mga
    karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -han, -in, at –hin.
    Mga halimbawa:
    talaan
    batuhan
    sulatan
    aralin
    punahin
    habulin
   
    d. Kabilaan - ang kabilaan ay binubuo ng tatlong uri. Ito’y maaaring:

        1. Unlapi at Gitlapi
        Mga Halimbawa:
        isinulat
        itinuro
        iminungkahi
        ibinigay

        2. Unlapi at Hulapi
        Mga Halimbawa:
        nagkwentuhan
        palaisdaan
        kasabihan
        matulungin

        3. Gitlapi at Hulapi
        Mga Halimbawa:
        sinamahan
        pinuntahan
        tinandaan
        hinangaan

    e. Laguhan - ang panlapi ay binubuo ng tatlong magkakaibang uri: unlapi,
    gitlapi, at hulapi.
    Mga halimbawa:
    pinagsumikapan
    nagsinampalukan

3. Inuulit – ang buong salita o bahagi ng salita ay inuulit. May dalawang anyo ng pag-uulit ng mga salita.

    a. Inuulit na ganap – ang buong salita, payak man o maylapi ay inuulit.
    Mga Halimbawa:
    taun-taon
    masayang-masaya
    bahay-bahay
    mabuting-mabuti

   b. Inuulit na di-ganap – bahagi lamang ng salita ang inuulit.
    Mga Halimbawa:
    pala-palagay
    malinis-linis
    susunod

4. Tambalan – ang salita ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinagsama upang makabuo ng bagong salita. May dalawang uri ng tambalang salita:

    a. Tambalang salitang nanatili ang kahulugan
    Mga Halimbawa:
    isip-bata (isip na gaya ng bata)
    buhay-mayaman (buhay ng mayaman)
    abot-tanaw (abot ng tanaw)
    sulat-kamay (sulat ng kamay)

    Ang gitling sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal ay kumakatawan sa
    nawawalang kataga sa pagitan ng pinagtambal na salita

    b. Tambalang salitang nagbibigay ng bagong kahulugan
    Mga Halimbawa:
    hampaslupa (taong napakahirap ng buhay)
    dalagangbukid (isang uri ng isda)
    talasalitaan (bokabularyo)
    hanapbuhay (trabaho)