Miyerkules, Marso 9, 2011

Anak ng Lupa

Anak ng Lupa
ni Domingo G. Landicho


Sa nayon, ang buong parang ay isang walang-bayad na gulayan, nahihingi ang anumang tanim na pagkain at sinumang makapagbibigay ay hindi magkakait pagkat ang hihingi ngayon ay magbibigay sa ibang panahon. Samantalang sa lungsod, ang bawat biyaya ng buhay ay may katumbas na salapi kaya’t ang tao’y halos sumasamba sa kalansing ng salapi.

Ang nobelang Anak ng Lupa ni Domingo G. Landicho, ay isang paglalarawan ng kinagisnang buhay at pananaw ng nayon at mga naninirahan doon sa harap ng patuloy na pagbabagong nagaganap sa ating bansa. Sinulat ang nobela bilang bahagi ng dalawang bolyum na disertasyon na may pamagat na Anak ng Lupa: Antropohikal na Pag-aaral sa Buhay at Pananaw Nayon sa Pilipinas. Kakaiba ang nasabing disertasyon sapagkat ngayon lamang nagkaroon ng tisis na nag-anyong nobela.

Nasasalamin sa akda ang pagbabanghay-buhay ng paglago ng kaisipang-nayon na naglalagos patungo sa ideolohiya ng lungsod. Binubuhay sa nobela ang mga karakter na sina Toryo, Oden, Oyo, Bining at Ligaya, pawang mga kabataang namulat sa buhay-magsasaka, anak ng lupa ika nga. Kasabay ng mga pagbabagong kinaharap ng bawat karakter, pinalitaw ng may-akda, bukod sa kani-kanilang katatagan at pagpapanday-pananaw, ang mga sinasaklaw na pagbabago ng kanayunang kanilang kinamulatan at ng lungsod na di nila gaanong nakikilala.

Inihayag at ipinakita sa nobela kung gaano kasukat ang buhay ng mga anak ng lupa, simula kapanganakan hanggang sa mamatay ang mga ito. Ipinakitang lahat ng naninirahan sa Makulong ay tumatalima sa batas ng nayon kahit na hindi ito nasusulat. Ipinakita kung gaano kasagrado ang mga tradisyon at kaugaliang kinamulatan. Higit na pinahahalagahan ng mga taganayon ang paniniwalang ang bawat isa sa kanila’y nag-aangkin ng iisang ugat at pinagmulan kung kaya bawat isa’y namumuhay para sa kanyang kapwa.

Sa napakahabang panahon, kinasanayan na ng bawat taganayon ang mga kaugalian at ritwal. Kinapanganakan na nila ang mga ito, kung kaya inaasahan na rin nilang kamamatayan na rin nila ang mga kinamulatang gawain. Nakakatuwang isipin na napakasimple lamang ng buhay ng bawat taganayon. Sukat na sukat at nahuhulaan nila ang kahihinatnan ng bawat ginagawa. Ngunit, sabi nga, walang permanenteng bagay sa daigdig. Lahat ay humaharap sa pagbabago. Maaaring ang pagbabago’y maganap nang unti-unti pero maaari rin namang mangyari sa isang iglap lamang. Dinanas ito ng nayon ng Makulong at mga taong naninirahan doon. Naganap rin ito sa mga pangunahing karakter na nagpadaloy ng nobela.

Pero hindi naging maluwat ang pagtanggap ng mga taga-Makulong sa pagbabago. Dinamdam nila na mula sa pagsasaka ng palay, pinaltan ng bagong may-ari ng lupa ang iskema. Mula sa palay, ginawang tubo ang tanim dahil sa pagtatayo ng sentral na asukarera sa probinsya ng Batangas. Dahil sa pangyayaring ito, mabubura na rin ang kanilang nakaugaliang bahaginhan ng tanim sa pagitan ng may-ari ng lupa at ng magsasaka. Kung dati’y ang magsasaka ang hari sa kanyang sinasakang lupa, ngayo’y magiging upahang manggagawa na lamang sila.
Dati rati’y ang mga kapalaran ng magsasaka ay nakasalalay sa kanyang kakayahang makapag-ani ng pinakamaraming posibleng bulto ng palay. Nang magpalit na ng kalakaran, pareho na lamang ang kinikita ng isang matanda at ng isang batang magsasaka sa arawang basehan. Gayundin, bawat isa ay nagtatrabaho na lamang para sa kanyang sarili. Nawala na ang diwa ng pakikipagkapwa’t bayanihan. Kapag ang isang magsasaka’y nagkasakit, wala nang magagawa ang mga kahanggan para sa kanya.

Si Toryo, isang matalinong taganayon ang nagpasimula ng bagong pangarap at pagbabagong-pananaw ng mga taga-Makulong. Napawi na ang paniniwalang hanggang sa pagiging magsasaka na lamang sila. Namulat ang bawat taga-Makulong na ang edukasyon ay mabisang sandata sa pagtahak sa landas tungo sa pag-unlad. Kinailangan ni Toryong manirahan sa Maynila, sa mismong bituka ng lungsod.

Kaiba ang Maynila sa kanyang kinamulatang nayon. Pawang mga bato ang bahay kung kaya ang mga kaugaliang-Makulong gaya ng paninilong (ng mga binatilyo sa kadalagahan) at panunubok (sa mga bagong kasal) ay hindi na naging posible para sa kanya. Sa halip na pagsanghaya ng bulaklak ang gumigising sa kanya tuwing umaga, samyo ng burak at estero ang palagian niyang naaamoy.

Siya ay naging isang working student. Naghanapbuhay siya sa isang pabrika kung saan siya namulat sa kaapihan dinaranas ng mga kung ituring ay lahing alipin. Nagbuo siya kasama ng mga iba pang manggagawang nakararanas ng kaapihan ng unyon laban sa nagmamay-ari ng pabrika na siya ring nagpapaaral sa kanya. Sa kalsada, kasama siya ng mga demostrador na mga sumigaw ng ibagsak ang piyudalismo, ibagsak ang burukratang kapitalismo, ibagsak ang imperyalismo. Nagpatangay si Toryo ng agos ng santinakpan, sumabay siya sa hakdaw ng hanay ng mga raliyista na kawil-bisig sa pagbibiga ng proteksyon sa kanilang hanay. Bagaman pinagpapatuloy niya ang kanyang pormal na edukasyon sa unibersidad, aminado ang karakter na sa unyon, marami siyang natututunan sa mga kolektibong pagkilos na di niya nakukuha mula sa apat na sulok ng silid-aralan.

Lingid sa kanyang kaalaman, maging ang kanyang mga iniwan sa nayon ay nakararanas rin ng pang-aapi sa parehong mga kamay. Ito ay dahil sa ang nagpapaaral sa kanya na may-ari ng pabrika ang siya ring bagong nagmamay-ari ng lupang sumasakop sa kanayunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento