Uhaw Ang Tigang Na Lupa

Uhaw Ang Tigang Na Lupa
Ni: Liwayway Arceo

Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...

Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...

Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa kanyang labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kanyang mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.

Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw...

Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang amang nagsasalaysay tungkol sa mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.

Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y napapawi.

Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang batang marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labing walang bahid- kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...

Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyang hindi ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng mga biruan.

Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng isang hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.

Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-aaliw.

Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang kilos si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak.

Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla...

Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.

Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina: yaon daw ay talaarawan ni Ama. Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.

Ano ang nasa isang talaarawan?

Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si Ama ngunit, kakaiba ang kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala itong naibigay na ginhawa.

Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol. Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat... Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.

Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.

Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.

Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat sa tuhod hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw. Kinulob ko siya ng makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na pinigaan ng kalamansi.

Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga! Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni Ama.

Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalaga ang nadarama kong kasiyahan...

Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na guhit.

Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw niyang ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama.

Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa kanyang mga kahon.

Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong pagtataka: may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga nasa sobre.

Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot...

Ang larawan ay walang lagda ngunit nadama ko ang biglang pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang maghinanakit kay Ama. Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...

Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumupigil sa kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa katotohanan...

Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...

Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin...

Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?

Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.

Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...

Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa mga paninging yaon.

Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang masama sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit, hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.

Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko! Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito. Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa iyo habang- buhay...

Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.

Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama. Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag- idlip, patuloy sa kanyang pagluha kung walang makakita sa kanya...

Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.

Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang mga palad.

Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa akin kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...

Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil niyo ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-puno ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na hindi mabigkas.

2 comments:

Anonymous said...

i like the story...........

Anonymous said...

im a vivid fan of tagalog short stories...ngustuhan ko ang mga salitang ginamit. animoy umaawit at mapayapa ang pagkakalahad n g mag impormasyun...congrats to the writer ...

Post a Comment