Ang Ating mga Likas
na Palatandaan
Marami sa magagandang tanawin ng ating bayan ang mga tangi
at kilalang palatandaan. Isa na rito ang Look ng Maynila. Ipinalalagay na isa
ito sa mahuhusay na daungan ng mga sasakyang-dagat sa silangan. Sa makitid na
pasukan nito, naroroon ang Pulo ng Corregidor na naging tagpo ng mga
di-malilimot na pangyayari noong Pangalawang Digmaang Pandaigdigan. Sa baybay
nito, naroroon naman ang baybayin ng Cavite, Manila, Bulacan, Pampanga, at
Bataan. Ang mga pook na ito ay naging saksi ng mga dakila at mahalagang
pangyayari sa ating kasaysayan.
Sa Mountain Province, mga tatlundaang milya sa hilaga ng
Maynila, naroroon ang rice terraces na bantog sa buong mundo bilang isa sa
Walong Hinahangaan sa Daigdig. Ang mga baytang-baytang na taniman ng palay na
ito ay itinayo ng mga unang-unang ninuno ng mga kasalukuyang Ifugao, noong mga
tatlunlibong taong nakaraan.
Sa lalawigan ng Batangas, naroon ang Lawa ng Taal. Sa gitna
ng lawa ay may isang bulkang gising. May paniniwalang ang lawa ay bunga ng malakas
na pagsabog ng bulkan noong nakaraang panahon. Ang abo at putik na ibinuga ng
bulkan ay kumalat sa malawak na lupa sa Greater Manila Area.
Noong ika-28 ng Setyembre 1965, pumutok ang Bulkang Taal.
Ang mga baryo sa baybay ng lawa ay lumubog sa putik at abo. Ang pagputok na
iyon ay lumikha ng panibagong butas sa bulkan at nakamatay sa libu-libong tao.
Nawalan ng tahanan ang mga napinsala at inilipat sila sa ibang tirahan. Kumilos
nang sama-sama sa isang kilusang pangkawanggawa ang pamahalaan, ang mga
samahang pambayan, mga bahay-kalakal, at libu-libong mamamayang pribado upang
damayan at tulungan ang mga napahamak sa pinakamalubhang kapahamakang umabot sa
ating bansa noong 1965. Mula noon, muling tumahimik ang Taal upang muling
mabigyan ng kariktan ang tanawin.
Ang Bulkang Mayon, bantog din sa buong daigdig, ay nasa
lalawigan ng Albay, malapit sa Lungsod ng Legaspi. Ito ay pitung-libo’t siyamnaraang
talampakan ang taas at ang taluktok ng bulkan (perfect cone) ay balita sa buong
mundo.
Ang Lawa ng Lanao ay nasa Pulo ng Mindanao. Dalawang libong
talampakan ito sa ibabaw na pantayang-dagat at umaagos sa Ilog Agus. Sa dakong
malapit sa Lungsod ng Iligan, ang tubig sa Ilog Agus ay bumababa ng walumpung
talampakan sa ilalim at siyang bumubuo ng Talon ng Maria Cristina. Ito ang
nagpapalakad at nagbibigay ng elektrisidad na ginagamit sa bayan-bayan at sa
mga sentro ng kalakalan at industriya sa Mindanao.
Bukod sa mga nabanggit na palatandaan, marami pang
magagandang tanawin at makasaysayang pook ang bayan, na makapagdudulot sa mga
turista ng kawili-wili at kasiya-siyang pagdalaw sa Pilipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento