Lunes, Enero 21, 2013

Tatlong Pang-angkop

Ang Pang-angkop (Ligatures)

 

Pang-angkop -  ay mga katagang idinudugtong sa pagitan ng dalawang salita upang maging kaaya-aya ang pagbigkas ng mga ito at magkaroon ng ugnayang panggramatika. Ito ay  maaaring matagpuan sa pagitan ng pang-uri at pangngalan. Ang pang-angkop ay ang mga katagang na, ng at g.

Tatlong pang-angkop sa pag-uugnay ng mga salita

1. Pang-angkop  na -NAIto ay nag-uugnay ng dalawang salita na kung saan ang naunang salita ay nagtatapos sa mga katinig (consonant)  maliban sa titik n. Isinusulat ito nang kahiwalay sa mga salitang pinag-uugnay.

Halimbawa:
1. malalim – bangin  =  malalim na bangin
2. mataas – tao = mataas na tao
3. feel – feel = feel na feel
4. yamot – yamot  = yamot na yamot
5. tulay – bato = tulay na bato

2. Pang-angkop  na -NGIto ay isinusulat karugtong ng mga salitang nagtatapos sa mga patinig (vowel). [a, e, i, o u].
Halimbawa:
1. malaya – isipan = malayang isipan
2. malaki – bahay = malaking bahay
3. buo – buo = buong-buo
4. madamo – hardin = madamong hardin
5. sombrero – pandan = sumbrerong pandan

3. Pang-angkop na -Gginagamit kung ang salitang durogtungan ay nagtatapos sa katinig na n

Halimbawa:
1. aliwan – pambata = aliwang pambata
2. balon – malalim = balong malalim
3. pamayanan – nagkakaisa = pamayanang nagkakaisa
4. pamilihan – bayan = pamilihang bayan
5. institusyon – pangmental = institusyong pangmental 

Linggo, Enero 20, 2013

Kaukulan ng Panghalip

Kaukulan ng Panghalip 

1. Kaukulang palagyo-  kung ang panghalip ay ginagamit bilang simuno(subject) ng pangungusap. 
Halimbawa:
1. Siya ay tutungo sa kapitolyo upang ilatag sa gobernador ang ating mga kahilingan. 
2. Tayo ay magtitipid upang mabili natin ang gusto nating mga laruan.
3. Sila ay mga kinatawang nangungurakot sa kaban ng bayan.

2. Kaukulang Paari  - Ito ay nagsasaad ng pang-aangkin nag isang bagay sa loob ng pangungusap. 
Unang Panauhan (akin, ko, amin, atin, naming, natin)
Ikalawang Panauhan(mo, iyo, ninyo, inyo)
Ikatlong Panauhan(niya, kaniya, nila, kanila)

Halimbawa:
1. Ang bahay nila ay malapit sa paaralang iyong papasukan.
2. Ang aking lolo ay isang sastre.
3. Ang inyong damit ay nalabhan na.

3. Kaukulang Palayon  -  ginagamit na layon ng pang-ukol (preposition) o pandiwa (verb). 
Halimbawa:
1. Ang batas na ito ay makasasama para sa madla. 
2. Ang kamalig ay sinunog nila. 

Mga Uri ng Panghalip

Mga Uri ng Panghalip 

1. Panghalip na Panao  (Personal Pronoun)– ay ipinapalit sa ngalan ng taong nagsasalita, sa taong kausap at sa taong pinag-uusapan. May kailanan ang panghalip na panao. Ito ay maaaring isahan, dalawahan at maramihan, tulad ng  - ako, ko, akin, amin, kami, kayo, atin, inyo, kita, kata, mo, siya, kanila, siya, kanya

Halimbawa:
Taong Nagsasalita
(Isahan: Ako, akin, ko)
            a. Ako ay pupunta sa Maynila.
            b. Akin ang laruang hawak mo.
            c. Ibigay ko ito sa aking ina.
(Dalawahan: kita, kata)
a. Kita nang maligo sa ulan. (Maligo tayong dalawa sa ulan.)
b. Kata nang manood ng sine.  (Manood tayong dalawa ng sine.)

(Maramihan: Tayo, kami, natin, naming, atin, amin)
a. Tayo nang pumunta sa Antipolo.
b. Kami ay kakain sa JoliMc.
c. Bisitahin natin si Lola.
d. Atin ang pulang kotse.
e. Amin ang bahay na kulay bughaw.

Taong Kausap:
(Isahan: Ikaw, ka)
a. Ikaw ang iniibig ko.
b. Pumunta ka sa opisina ng punong-guro.

(Dalawahan: kita, kata)
a. Magkikita kita sa tapat ng monumento ni Gat. Jose Rizal.
b. Maghuhulog kata ng pera sa bangko.

(Maramihan: Kayo, inyo, ninyo)
a. Kayo ang kanyang mga magulang.
b. Sa inyo ang asong nasagasaan.
c. Nasusunog ang bahay ninyo!

Taong Pinag-uusapan:
(Isahan: Siya, niya, kanya)
a. Siya ang sumuntok sa akin.
b. Binigyan niya ako ng kendi.
c. Ibibigay ko ang damit na ito sa kanya.

(Dalawahan: kita, kata)
a. Ayaw nila kata sa atin. (Ayaw nila sa ating dalawa.)
b. Kita ay pinayagan nilang magpakasal sa huwes.

(Maramihan: Sila, kanila, nila)
a. Nagbigay sila ng donasyon sa simbahan.
b. Kanila ang ospital na iyon.
c. Bibigyan nila tayo ng mga pasalubong.

2. Panghalip na Pamatlig (Demonstrative Pronoun) – ay inihalili sa pangngalang nagtuturo ng lugar na kinalalagyan ng pangngalan. Iinihalili rin ito sa pangngalan na malapit o malayo sa nagsasalita, kinakausap o nag-uusap.
Malapit sa Nagsasalita
-ito/ ire   ( Ito ay masarap na prutas. Ire ay ibinigay sa akin ng aking butihing ina.)
-heto ( Heto na ang pasalubong ko sa inyo.)
-dito  ( Dito ka maghiwa ng mga gulay.)

Malapit sa Kausap
-iyan   ( Iyan ang libro ko.)
-hayan/ ayan  (Hayan/Ayan na sa likod mo ang asong ulol!)
-diyan (Diyan mo ilapag ang mga bayong.)

Malayo sa Nag-uusap
-iyon  (Iyon ang bahay nila Paulo.)
-hayun/ ayun  (Hayun/Ayun ang magnanakaw!)
-doon (Doon tayo kumain.)

3. Panghalip na Panaklaw (Indefinite Pronoun)- ay mga panghalip na sumasaklaw sa kaisahan at dami o kalahatan ng kinatawang pangngalan, tulad ng - lahat, madla, sinuman, alinman, anuman, pawang

Nagsasaad ng Kaisahan
a. Isa  (Isa tayo sa pinagpala ng Diyos.)
b. Isapa  (Isapa ang pagpuputol ng kahoy sa gubat.)
c. Iba   (Iba ang bahay sa tahanan.)
d. bawat isa (Bawa't isa ay mayroon tungkulin sa bayan.)

Nagsasaad ng dami o kalahatan
a. Lahat (Lipulin ang lahat ng peste!)
b. Madla  (Mananagot siya sa madla dahil sa kanyang kabuktutan.)
c. Pulos (Pulos kalokohan ang pinagsasabi niya.)
d. Balana  ( Iniisip nila na walang ginawa si Pangulong Marcos para sa kabutihan ng balana.)
e. Pawang  (Ang iginanti niya ay pawang kabutihan.)
4. Panghalip na Patulad  – ay inihalili sa itinutulad na bagay.
Ganito/Ganire - Malapit sa nagsasalita
Ganito/Ganire ang paggawa niyan.
Ganito/Ganire kung umarte si Nora Aunor.

Ganyan - Malapit sa kausap
Ganyan nga kung umiyak si Momay.

Ganoon -  Malayo sa nag-uusap
Ganoon ang tamang pagtatapas ng niyog

5. Panghalip na Pananong (Interrogative Pronoun) - inihahalili sa pangngalan kung nagtatanong.

Halimbawa:
ano, anu-ano, sino, sinu-sino, nino, alin, alin-alin
a. pangtao (sino, kanino)
Sino ang umutot?
Sino ang kumuha ng bolpen ko?
Kanino ang kalamay na ito?
Kanino kaya ang mapupunta ang gantimpala?

 b.bagay, hayop, lugar (ano, alin)
Ano ang laman ng kahon?
Alin dito ang sa iyo?

c. bagay, hayop, lugar, tao (ilan)
Ilan sa inyo ang sasali sa paligsahan?
Ilang halaman ang ating dadalhin?

6. Panghalip na Pamanggit (Relative Pronoun) - Ito ay kataga o parirala ng tagapag -ugnay ng dalawang kaisipan o pananalita. Ginagamit ang daw,raw,umano,diumano,ani,sa ganang akin/iyo.

Halimbawa:
Ang pagpapatawad daw ang pinakamatamis na paghihiganti.

Kaganapan ng Pandiwa

Kaganapan ng Pandiwa

Kaganapan ng Pandiwa - bahagi ng panaguri (predicate) na nagpapahayag ng ganap na kahulugan sa pandiwa. Kung ang pokus ng pandiwa ay ang relasyon nito sa paksa, ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon naman ng panaguri sa pandiwa.

1. Kaganapang Tagaganap- bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
Makikilala ito gamit ang mga pananda na ni at ng.

Halimbawa:
1. Ikinalungkot ng mga Filipino ang pagkatalo ni Manny Pacquaio sa katunggaling si Juan Marquez. (Ikinalungkot nino?)
2. Kinakain ni Liza ang tsamporadong gawa ni Nanay Huling. (Kinakain nino?)

2. Kaganapang Layon - bahagi ng panagri na nagsasaad ng bagay na tinutukoy o ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit din dito ang panandang ng.

Halimbawa:
1. Si Pedro ay bibili ng bagong laptop sa SM Megamall. (Bibili ng ano?)
2. Nagpamudmod sila ng salapi. (Nagpamudmod sila ng ano?)

3. Kaganapang Tagatanggap - bahgi ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang makikinabang sa kilos na isinasaad ng pandiwa. Ang mga panandang para sa at para kay ay kalimitang ginagamit dito.

Halimbawa:
1. Nagbigay ng donasyon ang Pamilya Santos para sa mga sinalanta ng bagyong Juan. (Para kanino ang donasyong ibinigay?)
2. Nagbuwis siya ng buhay para kay Lolo Jose.

4. Kaganapang Ganapan - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na pinaggaganapan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.

Halimbawa:
1. Nanood ng palatuntunan sa silid-aklatan ang mga mag-aaral. ( Saan nanood ang mga mag-aaral?)
2. Pupunta kami sa Manila Zoo.

5. Kaganapang Kagamitan - bahagi ng pnaguri na nagsasaad kung anong bagay o kagamitan ang ginagamit upang maisagawa ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.

Halimbawa:
1. Iginuhit niya ang larawan ni Mona Lisa sa pamamagitan ng krayola.
2. Pinatay niya ang ahas gamit ang karit.

6. Kaganapang Direksyunal - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng direksyong isinasaad ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.

Halimbawa:
1. Namasyal sila sa Luneta buong maghapon.
2. Nagsunog siya ng kilay sa silid-akalatan.

7. Kaganapang Sanhi - bahagi ng panaguri na nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.

Halimbawa:
1. Nagwagi siya sa eleksyon dahil sa kabutihan ng kanyang puso.
2. Nagtagumpay siya sa buhay dahil sa kanyang kasipagan.

Mga Uri ng Pandiwa ayon sa Kaukulan

Ang Pandiwa (The Verb)

Ang pandiwa ay bahagi ng pangungusap na nagpapahayag ng kilos, gawa o kalagayan,
 

Mga Uri ng Pandiwa ayon sa Kaukulan

1. Payak - ipinalalagay na ito ang simuno (subject).

Halimbawa:
Lubos na mahirap ang nangungurakot sa kaban ng bayan.

2. Katawanin - Ito ay mga pandiwang nagpapahayag na ganap ang kilos na ginagawa ng simuno. Hindi na ito nangangailangang ng tuwirang layong.

Halimbawa:
Ang mag-anak ay kumakain ng sabay-sabay. Nagkukuwentuhan pa sila pagkatapos.

Ang salitang kumakain ay ang salitang nagsasaad ng kilos (pandiwa). Ang gumaganap ng kilos ay ang mag-anak na siyang simuno ng pangungusap.

3. Palipat - Ito ay mga pandiwang nangangailanangan pa ng tuwirang layon (direct object). upang mabuo ang kaisipang nais nitong ipahayag. Ang layong ito ay pinangungunahan ng mga katagang ng, mga, kay at kina.

Halimbawa:
Nagpadala ng mga pagkain sa mga katipunero si Tandang Sora.
Nagbigay ng magandang halimbawa sa mga kabataan si Dr. Jose Rizal.
Nagsampay ng damit si Maria.


Tandaan: Ang tuwirang layon ay siyang tagatanggap ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Ito ay maaaring pangngalan o panghalip na nagbibigay ng kumpletong kahulugan sa kilos na ginagawa ng simuno o ng tagaganap ng kilos. Karaniwan ito ay sumasagot sa tanong na ano o kanino.

Huwebes, Enero 17, 2013

Lupain ng Taglamig

Lupain ng Taglamig

Buod

Ito ay isinulat upang ipakita ang pag-iibigan sa dalawang magkaibang tao. Ang akda ay tungkol sa pagmamahal, pagnanasa, kagandahan, pagkalungkot at kawalan. Ang ''Lupain ng Taglamig'' ay masasabang kwento tungkol sa babae at lalaki, mayaman at mahirap, bayan at lalawigan, tradisyon at pagbabago, kanluran at silangan, at ang panandaliang paglitaw ng bagay-bagay. Ang akda ay may pinaghalong sangkap ng kultura at kalikasan.

Ang paksa ng kwento ay kalungkutan, pagkasidhi ng imposibleng pag-iibigan, kalunos-lunos na kaparangan sa kagandahan at pag-iibigan, ang tradisyonal na tema ng ''mono no aware'', ang kamalayan ng kagandahan at kapanglawan sa pansamantalang imahe ng kalikasan, buhay at kaugnayan ng bawat tao. Ang kwento ay tungkol sa pag-iibigan ng dalawang magkaibang tao--isang lalaking masasabing kabilang sa mga nasa gitnang uri at isang geisha na may mababang sosyal na katayuan.

Ang lalaking protagonista ay si Shimamura. Siya ay baguhan ngunit mapera. Ang pinakapinag-aabalahan niya ay ang pagsulat ng mga monograp tungkol sa ballet. May asawa na siya ngunit may natipuhan siyang isang geisha na naging kaibigan niya. Ito ay si Komako. Palagi niya itong dinadalaw sa resort na pinagtatrabahuan nito. Si Komako naman, ay halatang may gusto rin kay Shimamura. Hindi niya ito hinahayaang mawala sa kanyang paningin at palagi siyang nananatili sa kwartong inuukopahan ni Shimamura. Samantala, interesado rin si Shimamura kay Yoko. Si Yoko ay isang babaeng nasa ilalim ng pangangalaga ng isang nagtuturo sa musika. Sa gitna ng kwento ay tila may agawan sina Yoko at Komako para kay Shimamura.

Ang pamagat ng kwento ay ibinase sa tagpuan ng kwento, sa isang lalawigan sa Japan na nakakaranas ng matinding taglamig tuwing Disyembre. Ang tagpuan ng kwento ay sa maniyebe na kabundukan sa Kanluran ng Japan.

Si Shimamura ay bumalik sa lupain ng taglamig, dahil sa kagandahan ng kapaligiran at tradisyonal na pamumuhay ng mga tao rito. Isa rin sa mga dahilan kung bakit siya bumalik ay si Komako, isang bata at baguhang geisha na nakilala niya noong nakaraang byahe niya rito. Siya ay isang mayamang mamamayan na nais kumawala sa buhay niya sa Tokyo at sa kanyang asawa. Noong tagsibol ay pumunta siya sa kabundukan upang makapag-isa at doon siya nagkaroon ng interes sa mga geisha. Kasunod nito ay nagkaroon sila ng relasyon, isang pag-iibigang tila ayaw matupad. Ngunit sa huli, tila wala siyang kakayahan upang umibig. Si Komako naman, ay naninirahan sa gitna ng pag-ibig at buhay, madaling naaapektuhan sa kanyang mga emosyon at mga pagsubok sa buhay na maaaring ikahantong niya sa pagkasawi at pagkabigo. Siya ang sentro ng kwento, dahil siya, mula sa isang baguhan at walang kaalam-alam na bata ay naging isang madamdaming babae at tanggap na niya na talagang may pagbabago sa bawat yugto ng buhay.




(Hinango mula sa http://tl.answers.com/Q/Ano_ang_nobelang_Lupain_ng_taglamig)

Iniibig ko ang Inang Daigdig

Iniibig ko ang Inang Daigdig

 

INIIBIG KO...
Ang punong may dulot sa atin ng sariwang bunga at lilim,
Ang nangaggandahang bulaklak na ang bango'y tangay ng hangin
Ang mga ibon at kulisap na may tuwang nag-aawitan,
At lahat ng hayop sa mundo, maging alaga't kawala man...
Ang mga ilog at batisan na gumiginday sa pag-agos,
Ang mga lawa't karagatang maraming isdang kinukupkop
Sa makukulay na korales at malaharding kalaliman,
Ang sariwang simoy ng hanging may bangong samyo ng palay
Na buhat sa mga bukiring nangagyuko ang gintong uhay,
Ang maningning na umaga't maluwalhating dapithapon,
Ang mabituing langit-gabing alaga ng sultang buwan
Kung minsa'y nagbibigay - daan sa mabiyayang tag-ulan.
Ang pagbangon pagkaumaga ng magilas na sultang araw upang sa ati'y ipakita
Ang mga ulap na busilak sa panganoring aliwalas na ang bihis ay murang bughaw,
Ang sandali ng mapayapang sa dapit - gabing pakikinig sa bawat bagting ng gitara
Na sumasaliw sa pag-awit ng puso nati't kaluluwa ng bagong diwa at pag-asa.

KAYA'T...
Ang lahat ng iniibig kong bahagi't sangkap ng daigdig
Ay aking pangangalagaa't ipagtatanggol hanggang langit
Dahil iisa ang planeta na ating mapananahanan...
At ang panggagahasa rito ng ila'y aking sasagkaan
Bilang tagasagip-daigdig, ako'y handang makipaglaban.

Ang Bungo

Ang Bungo



Ikaw! Sino ka ba? Malamig na bungo, matigas na mukha. Dati kang maganda, ano’t ang mata mo’y nagkauka-uka? Dati kang marunong, ano’t ang noo mo’y nagkasira-sira? Kinakausap ka’y ayaw mong sumagot, ayaw magsalita, at ang katawan mo’y nasugpong na butong sinlamig ng tingga. Ikaw ba ang wakas ng lahat ng taong sa mundo’y nilikha?

Iyan ba ang matang nang lumiligaw ka, balana’y tiningnan? Iyan ba ang labing katugon ng ilong, balana’y hinagkan? Iyan ba abg tengang kung makikimatyag, lahat, pinakikinggan? Ano ka na ngayon? Nahan ang puso mo, diwa’t pakiramdam? Kahit na laitin, kahit na purihin, ayaw nang gumalaw. Parang sinasabing ang lahat sa mundo ay may katapusan!

Kay sarap ng buhay kung may kabuhayan at taglay ang lahat! Ibo’y lumilipad hanggang kalangitan kung buo ang pakpak! Tao’y sumasagwan hanggang karagatan kung buo ang lakas! Mundo’y umiinog at kumakalansing sa tugtog ng galak, ngunit ang tadhanam kapag ang sinulid ng buhay binaltak, lahat, tao’t ibon kakita-kita mo’y butong nakatambak.

Ikaw nga, ikaw nga ang nang isang araw, itong buong mundo, ay kinakaladkad mo’t iyong inilipad hanggang maging iyo! Ngunit nang matapos, papuri’t tagumpaym, ang natira’y abo. Katawang mabulas, makinis na balat, ang natira’y buto. Hinagkang bulaklak, sa hinalik-halik, nawalan ng bango. Bulwagang sayawan, sa sinayaw-sayaw, naging libingin mo!

Ngayon bangkay ka na, nahan ba ang iyong mga minamahal? Mga kaibigan na kasalu-salo, ano’t di-minasdan, at sa pagkasawi’y sila pa ang unang parang nagtagumpay! Matamis na ngiti, masayang papuri’t mahigpit na kamay, ay naging halakhak at naging paglibak, sa sawi mong bangkay! Kaydali nga namang magbago ng takbo ng sangkatauhan!

Kaya ba’t kung ikaw ay may nakagalit, huwag palubusin, ang gunitain mong lahat naman tayo ay namamatay din! Taong nakairap at uod sa lupa na ayaw pansinin, buti pa ang uod sa himpilang hukay, una pang darating! Ang taas ng hari’t lungkot ng pulubing hahali-haliling, kakita-kita mo, magkapitbahay lang, kapag nakalibing!

Si Pinkaw

Si Pinkaw
(Maikling kwentong Hiligaynon)
Isabelo S. Sobrevega

            Naalimpungatan ako sa pag-idlip nang hapong iyon dahil sa napakaingay na sigawan at tawanan ng mga bata sa lansangan. Napilitan akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si pinkaw pala na sinusundan ng mga bata. May karga-kargang kung ano at pasayaw-sayaw na naglalakad. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian, at ang isang paa’y may medyas na marahil ay asul o berde. Hindi ko matiyak dahil malayu-layo na rin ang kanyang kinaroroonan. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel na may nakakabit na lata ng gatas sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palarang kumikinang tuwing tinatamaan ng araw.
            “Hoy, Pinkaw,” sigaw ng isang batang nakasandong abot tuhod at may itinatawing-tawing na daga, “kumanta ka nag ng blak is blak.”
            “Sige na, Pinkaw,” udyok ng iba pang mga bata.
            “Ayoko nga, nahihiya ako,” pakiyemeng sagot ng babae sabay subo sa daliri.
            “Kung ayaw mo, aagawin naming ang anak mo!” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat. Mahaba ang buhok at nakakorto llamang. At umambang aagawin an gang karga ni Pinkaw. Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga.
            Nagsigawan ang mga bata habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pinkaw.
            “Sige, agawin natin ang kanyang anak,” sabi nila sabay halakhak.
            Maya-maya’y nakita kong sumalampak si Pinkaw at nag-iiyak na tumadyak-tadyak sa lupa.
            “Huwag ni’yo namang kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa mayor.” Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata sa babae. Lalong lumakas ang hagulgol ni Pinkaw. bata!
            Naawa ako sa babae at nainis sa mga bata. Kaya’t sinigawan ko sila upang takutin. “Hoy, mga bata! Mga salbahe kayo. Tigilan n’yo iyang panunukso sa kanya.”
Marahil natakot sa lakas ng pagsigaw ko ang mga bata kaya’t isa-isang nag-alisan. Nang wala na ang mga bata, tumingala sa akin si Pinkaw at nagsabing:
“Meyor, kukunin nila ang aking anak.”
Hindi ko napigilan ang pagngiti. May korone
L, may sardyen, may senador siyang tawag sa akin at ngayon nama’y mayor. “O sige, hindi na nila kukunin iyan. Huwag ka nang umiyak.”
            Nginitian niya ako. Inihele ang karga. Nahulog ang basahang nakabalot doon at nakita kong lata pala iyon ng biskwit. Dali-dali niyang pinulot iyon at muling ibinalot sa lata.
            “Hele-hele, tulog muna, wla rito ang iyong nanay...” ang kanyang kanta habang ipinaghehehebat siya’y patiyad na sumasayaw-sayaw.
            Natigilan ako. Lumala na ang pagkaloka ni Pinkaw. Nakakaawa naman.
            At naalala ko ang Pinkaw na dating kapitbahay naming sa tambakan, nang hindi pa iyon nababaliw.
            Paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (narito sa amin ang tambakan ng basura ng siyudad); ditto siya nakakuha ng makakain, magagamit o maipagbibili. Dati-rati, madalas siyang kumakanta. Hindi kagandahan ang kanyang patagulaylay na pagkanta. Habang tumutulak sa karitong may tatlong gulong, pababa sa lubak-lubak at maputik na lansangan, sinusundan siya ng mga asong kumakahol. Isang bagay lamang ang mapupuna mo sa kanya—lagi siyang kumakanta. Hindi naman maganda ang kanyang boses—Basag nga at boses lalaki. Subalit may kung anong kapangyarihang bumabalani sa pandinig. Marahil dahil ito sa malungkot na tono ng kanyang awit o marahil sa iyong pagtataka kung bakit ganoon siya kasaya gayong naghahalukay lamang siya ng basura.
            Kadalasan, oras na ng pananghalian kung siya’y umuwi mula sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng mga karton, papel, bote , basahan, sirang sapatos; at sa bag na buri na nakasukbit sa gilid ng kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Mga tira-tirang sardinas, karne norte o kaya’y pork-en-bins, pan de sal na kadalasa’y nakagatan na, at kung minsang sinuwerte, may buto ng prayd tsiken na may lamang nakadikit. Sa kanyang payat na katawan, masasabing tunay na mabigat ang kanyang itinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at madalas pang kumakanta ng kundimang bisaya.
            Pagdating niya sa harap ng kanyang barungbarong, agad niyang tatawagin ang mga anak: “Poray, Basing, Takoy, nanadito na ako.” At ang mga ito’y kaagad magtatakbuhang magkasalubong sa kanya habang hindi magkaringgan sa pagtatanong kung may uwi siyang jeans na istretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili raw ba siya ng bitsukoy?
            Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lang nabatid ang tunay niyang pangalan. “Pinkaw” ang tawag ng lahat sa kanya. Ayon sa kanya, balo na raw siya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit na epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Subalit sinusumpa ni Pisyang sugarol sa kanyang paborit ong santo na hindi raw kailanman nakasal si Pinkaw. Iba-iba raw ang mga ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay na si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at napakapayat. Tuwing makikita mo itong nakasuot ng istretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, agad mong maaalala ang mga panakot-uwak sa maisan. Si Basing ang pangalawa, sungi na ngunit napakahilig pumangos ng tubo gayong umaagos lamang ang katas nito sa biyak ng kanyang labi. Ang bunso na marahil ay mga tatlong taon pa lamang ay maputi at gwapong-gwapo. Ibang-iba siya sa kanyang mga kapatid kaya minsa’y maiisip mo na totoo nga ang sinasabi ni Pisyang sugarol.
            Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pinkaw ang laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata, ang mga bote, ang mga karton, at iba pang bagay na napupulot sa tambakan katulong ang kanyang mga anak, at ang suungi ang siyang pinakamalakas na tinig. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Intsik na tagabili.
            Mahal na mahal ni Pinkaw ang kanyang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lang makikita si Pinkaw na inaambaan ang kanyang mga anak.
            “Ang mga bata,” nasabi niya minsang bumibili ng tuyo sa tindahan at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na nahuling tumitingin sa malalaswang larawan. “Hindi kailangang paluin; sapat nang sabihan sila nang malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang bata kung saktan, susunod siya sa iyo subalit magrerebelde at magkikimkim ng sama ng loob.”
            Sa tunggalian ng kabuhayan sa tambakan, kung saan ang tao ay handang tumapak sa ilong ng kapwa-tao upang mabuhay, nakapagtataka ang katangian ni Pinkaw. lubha siyang matulungin, lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba, lalo na ng matatanda at bata. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing linggo’y hindi kukulangin sa beinte sentimos ang ipinamamahagi niya sa pulubi.
            Batid  ng lahat sa tambakan ang mga ito. Minsan, nagkasakit ng El Tor ang sunging anak ni Pinkaw. nagtungo siya sa suking Intsik. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Intsik ngunit sa isang kundisyon. Bukambibig na ang pagkahayok sa babae ng Intsik na ito, kaya pinagdugtong-dugtong ng mga taga-tambakan kung ano ang kundisyong iyon, sapagkat wala naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Batid na ng lahat ang sumunod na nangyari. Ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pinkaw sa ulo ng Intsik.
            Hindi rin nadala ni Pinkaw sa doctor ang kanyang anak. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at ipinainom sa anak. Iyon lamang ang nagpagaling sa bata.
            “Nagpapatunay pa rin na may awa ang Diyos. Kung ninais niyang mamatay ang aking anak, sanay namatay na. Ngunit dahil nais pa niyang mabuhay ito, nabuhay na kahit hindi naipaduktor,” sabi ni Pinkaw nang magpunta siya sa tindahan bago pa man gumaling ang kanyang anak.
            Minsan, napag-usapan ng mga nagtitipon sa tindahan ang tungkol sa bigas, relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa mahirap. Subalit si Pinkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko sa pamahalaan ang aking pamumuhay? Malakas at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang maging palamunin. Marami pang iba riyan na nararapat bigyan ng tulong. Ang hirap lang sa ating gobyerno, kung sino ang higit na nangangailangan ay siyang hindi tinutulungan. Ngunit ang ibang tao riyan na mabuti naman ang kalagayan sa buhay ang siyang nagkakamal ng tulong. Kalokohan...”
            Iyan si Pinkaw. kontento na siya sa kanyang maaabot sa buhay.
            Naganap ang susunod na pangyayari ng wala ako sa amin sapagkat nasa bahay ako ng kapatid kong maysakit. Isinalaysay na lamang ito ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama sa kanila.
            Isang araw pala, matapos mananghalian ang mag-anak, bigla na lamang namilipit sa sakit ngtiyan ang mga bata. Marahil, sardinas o anumang panis na pagkain ang naging sanhi nito.
            Natuliro si Pinkaw. Nagsisigaw. Tumakbo sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang maitulong maliban sa pagsasabihan siyang dalhin ang anak sa ospital.
            Walang nagdaraang sasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pinkaw ang mga anak. Nagtungo siya sa bahay ng doctor na malapit lamang, ngunit wala ang duktor sapagkat naglalaro raw ito ng golf, ayon sa katulong.
            Kaya natatarantang itinulak ni Pinkaw ang kanyang kariton sa isa ppang duktor. Matagal siyang tumimbre sa trangkahan ngunit walang nagbukas gayong nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana.
            Litong-lito, itinulak na naman ni Pinkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. Halos din a makakilos sa pangangapos ng hininga, bukod pa sa lubhang kalungkutan sa pagiging maramot ng kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
            Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan siyang pinapahinto upang isakay ang maysakit na mga anak, ngunit wala ni isa man lang ang tumigil. Maya-maya’y napansing hindi na kumikilos ang kanyang panganay. Sinalat niya ito at parang sinakluban siya ng langit nang mabatid niyang ito’y hindi na humihinga. Humahagulgol niyang ipinagpatuloy ang pagtulak ng kariton upang sikaping mailigtas ang buhay ng dalawa pa niyang anak. Maraming tao ang nagmamasid lamang sa kanya ngunit nakapagtataka kung bakit wala man lang kahit isa ang lumapit sa kanya upang tumulong. Tumatalbog-talbog ang katawan ng kanyang mga anak sa kariton tuwing dumaraan ito sa lubak-lubak na kalsada.
            Pakiramdam niya’y isang daang taon na lumipas bago niya narating ang ospital ng pamahalaan. Matapos ang pagtuturuan ng mga duktor at nars, na ang binibigyang pansin lamang ay ang mga pasyenteng mukhang mayaman, nalapatan din ng gamut ang dalawang anak ni Pinkaw.
            Kinagabiha’y namatay si Basing, ang sungi. Dalawang araw pa ang lumipas at sumusunod namang namatay ang bunso.
            Nakarinig na naman ako ng mga ingay. Muli akong dumungaw. Bumalik si Pinkaw, sinusundan na naman ng mga pilyong bata.
            “Hele-hele, tulog muna. Wala rito ang iyong nanay...” ang kanta niya habang ipinaghehele sa kanyang mga bisig ang binihisang lata. 

Miyerkules, Enero 16, 2013

Ang mga sangkap ng balita

Ang mga sangkap ng balita

 

1. Kapanahunan/Napapanahon (Immediacy or Timeliness)--Kailangan ang pagyayari'y kagaganap o katutuklas lamang. Napapanahon pa rin ang balita kung ang pangyayari ay matagal nang naganap ngunit ngayon lamang nabunyag o natuklasan.

2. Kalapitan (Nearness or Proximity)--Higit na kinagigiliwan ng mga mambabasa ang mga pangyayari sa kanilang paligid kaysa sa mga pangyayaring nagaganap sa malalayong pook . Ang kalapitan ay maaring tumukoy rin sa kalagayang heograpiya (geographical nearness), kaangkan (kinship), kapakanan (interest), atbp.

3. Katanyagan (Prominence)--Kung ang paksa ng balita ay bantog o tanyag, ito ay nakaaakit at nakatatawag-pansin. Maaaring ito'y ukol sa isang pinuno ng pamahalaan, lider ng purok, mgataong kilala o dakila o tanyag sa lipunan. Maaari ring paksain ang isang matulaing pook.

4. Tunggalian (Conflict or Struggle)--Ano mang pangyayaring naglalarawan ng paglalaban, pagpapaligsahan at pagsasapalaran ay balitang interesante. Ito'y maaaring pagtutunggali ng katawng pisikal at mental; tao laban sa kapwa tao; tao laban sa hayop; tao laban sa kalikasan; tao laban sa kanyang sarili.

5. Kahulugan o Kalabasan (Significance or Consequence)--Kung ang isang pangyayari o bagay ay may ibubungang kabutihan o kasamaan ay nakatatawag-pansin, ano ang kahulugan o kalalabasan kung ang Komunismo ay ating tatangkilikin?

6. Di-karaniwan, Pambihira (Oddity, Unusualness)--Mga bagay na pambihirang mangyari gaya ng isang tao na napabalitang nagdadalantao, o ng isang taong patay na nabuhay at nang nakita niyang nasa loob siya ng ataol, siya'y namatay uli dahil sa takot.

7. Pagbabago (Change)--Ano mag pagbabago, maging sa pag-unlad o sa pagsama ay nakatatawag-pansin.

8. Pamukaw-Damdamin o Kawilihan (Human Interest)--Ito'y umaantig ng damdamin at kaukulang reaksyon ng mambabasa upang siya ay paiyakin, patawanin, pagalitan, pahangain, atbp.

9. Romansa at Pakikipagsapalaran (Romance and Adventure)--Ang romansa ay hindi nauukol sa pag-iibigan lamang. Isang halimbawa nito ay ang romansa ni Hemingway at ng karagatan; mga astronauts at ng kalawakan.

10. Hayop (Animals)--Magandang paksa sa balita ang mga hayop na may katalinuhan.

11. Pangalan (Names)--Kung marami ang mga pangalang nakalathala na nasasangkot sa balita, dumarami rin ang mga mambabasa.

12. Drama (Drama)--Ang daigdig ay isang dulaan at ang mga tao ay nagsisiganap ng dula ng tunay na buhay. Ang misteryo, pag-aalinlangan (suspense) o komedya ay nagbibigay ng kulay sa isang kuwento.

13. Kasarian (Sex)--Ito'y nagbibigay ng kawilihan na karaniwang natutunghayan sa romansa, pag-aasawa, paghihiwalay at pagdidiborsiyo. Nailalarawann rin ang mga kasarian, halimbawa kung ang isang babae ang pinuno ng mga bandido o kung ang naihalal na pangulo ng isang bansa ay babae gaya ni Gloria M. Arroyo.

14. Pag-unlad o Pagsulong (Progress or Advancement)--Magandang paksa ng mga ito sa balita.

15. Mga Bilang (Numbers)--Marami ang mahilig magbasa ng mga estatistiks tulad ng ulat sa pananalapi, kinalabasan ng eleksyon, panalong numero sa sweepstakes, vital statistics ng dalaga, atbp.

Uri ng Balita

Uri ng Balita

1. Paunang paglalahad - Itinuturing na hilaw pa ang ganitong uri ng balita, subalit inilathala na rin bunga ng pangangailangang maipaabot agad sa madla.

2. Tuwirang paglalahad - Sa ganitong uri ng paglalahad, tinatalakay ang pinakamahalagang impormasyon tungo sa maliliit na detalye.

3. Balitang bunga ng pakikipanayam - Karamihan sa balitang nabasa, naririnig at napapanood ay bunga ng pakikipanayam. Sa ganitong uri, ang pinakamahalaga lamang ang dapat isulat.

4. Kinipil na Balita - Ang ganitong uri ng balita ay dulot ng kakulangan sa espasyo sa pahayagan kung kaya ang buod ng maliliit na balita ay pinagsasama-sama.

5. Madaliang Balita o Flash - Ikinukulong sa kahon upang makatawag agad ng pansin.

6. Depth news o balitang may lalim - Kinakailangan ang masusing pananaliksik, upang higit na matalakay ang mga ulat na nakapaloob dito.

7. Balitang Pangsensya - Tungkol sa mga makabagong imbensyon o pagtuklas sa mga bagay na makakatulong sa pagpapadali ng mga gawain.

Iba pang uri ng balita

1. Balitang Panlokal - Mga balita tungkol sa isang lokal na yunit ng pamahalaan tulad ng barangay.

2. Balitang Pambansa - Mga balitang mahalaga at nagaganap sa buong bansa

3. Balitang Pandaigdig - Mga balitang nagaganap na mahalaga sa buong daigdig. halimbawa: Digmaan sa iraq

4. Balitang Pampulitikal - Tungkol sa mga pangyayaring may kinalaman sa pulitika.

5. Balitang Pampalakasan - Tungkol sa mga pangyayaring may kinalaman sa mga palaro at kompetisyong pangkalakasan

6. Balitang Pang-edukasyon - Tungkol sa mga pangyayaring may kinalaman sa edukasyon.

7. Balitang Pantahanan - Tungkol sa mga mahalagang pangyayaring may kinalaman sa pamamahala ng tahanan.

8. Balitang Pangkabuhayan - Tungkol sa mga mahalagang pangyayaring may kinalaman sa negosyo at takbo ng kabuhayan ng bansa.

9. Balitang Panlibangan - May kinalaman sa larangan ng telibisyon, radyo, pelikula, tanghalan at iba pa.

10. Balitang buhat sa talumpati – ito’y buhat sa pinaghandaang okasyon tulad ng palatuntunan, seminar, panayam o pulong.

Ang isang balita ay maaaring sumagot sa anim na pahiwatig

1. Ano – itinatampok ang pinakamahalagang pangyayari.
2. Sino – tinutukoy ang isang tanyag o kilalang tao.
3. Bakit – tinatalakay ang sanhi o dahilan ng pangyayari.
4. Paano – itinatampok ang paraan ng pagkakaganap ng pangyayari.
5. Kailan – binabanggit ang petsa.
6. Saan – itinatampok ang pook o lugar na pinangyarihan.

Mga Mungkahi sa Mahusay na Pagsulat

• Isang Ideya bawat pangungusap.
• Limitahan ang bilang ng mga salita sa pangungusap. 23-25 na salita lamang.
• Tiyakang maayos at lohikal ang pagkakahanay ng kaisipan.
• Gumamit ng pandiwang nasa aktibong tinig.
• Gumamit ng simpleng salita.
• Iwasan ang paggamit ng parehong salita sa pangungusap.

Kahalagahan ng Balita

Kahalagahan ng Balita

1. Nagpapayaman ito ng talasalitaan.
2. Nagbibigay ito ng dagdag na karunungan.
3. Nagpapalawak ito ng kaalaman tungkol sa paligid.
4. Nagpapabatid ito sa takbo ng panahon at kalagayan.
5. Nagpapatalas ito ng kakayahang mangatwiran batay sa mga tiyak na kaalaman.



Mga salik na mahalaga sa Balita

1. mga pangyayari o detalye nito
2. kawilihan

3. mambabasa

Ibat Ibang Uri ng Teksto

Mga Ibat Ibang Uri ng Teksto


1. Informativ- ang isang teksto kung ito ay naglalahad ng mga bagong kaalaman, bagong pangyayari, bagong paniniwala at mga bagong informasyon. Ang mga kaalaman ay nakaayos ng sekwensyal at inilalahad nang buong linaw at kaisahan
Halimbawa: mga kasaysayan, mga balita

2. Argumentativ-
ang isang teksto kung ito ay naglalahad ng mga posisyong umiiral na kaugnayan ng mga proposisyon na nangangailangan ng pagtalunan o pagpapaliwanagan.Ang ganitong uri ng teksto ay tumutugon sa tanong na bakit.
Halimbawa: mga editoryal

3. Persweysiv- Tekstong nangungumbinse o nanghihikayat.
Halimbawa: mga nakasulat na propaganda sa eleksyon, mga advertisment

4. Narativ- Naglalahad ng magkakasunod-sunod na pangyayari, o simpleng nagsasalayasay
Halimbawa: mga akdang pampanitikan

5. Deskriptiv- ang isang teksto kung ito ay nagtataglay ng informasyong may kinalaman sa pisikal na katangian ng isang tao, lugar, bagay. Madali itong makilala sapagkat ito ay tumutugon sa tanong na ano.
Halimbawa: mga lathalain, mga akdang pangpanitikan

6. Prosijural- ang isang teksto kung ito ay nagpapakita at naglalahad ng wastong pagkakasunod-sunod ng hakbang ng malinaw na hakbang sa pagsasakatuparan ng anumang gawain. Naglalahad ng wastong pagkakasuno-sunod ng hakbang sa paggawa ng isang bagay.

7. Nareysyon-ang isang teksto kung ito ay naglalahad ng mga informasyon tumutugon sa mga tanong na paano at kailan.

8. Exposisyon- ang isang teksto kung ito ay naglalahad ng mga informasyon tungkol sa pag-aanalays ng mga tiyak na konsepto. Tinutugon nito ang tanong na paano.

9. Referensyal- ang isang teksto kung ito ay naglalahad ng mga tiyak na pinaghanguan ng mga inilalahad na kaalaman. Ang mga kaalamang hinango mula sa iba ay malinaw na tinitiyak at inilalahad.

Bakit Dapat Pag-aralan ang Panitikang Pilipino

Mga Dahilan Kung Bakit Dapat Pag-aralan ang Panitikang Pilipino

1.Upang makilala ang kalinangang Pilipino, malaman ang ating minanang yaman ng  kaisipan at taglay na katalinuhan ng lahing ating pinagmulan.

2.Upang  matalos natin na tayo ay may marangal at dakilang tradisyon na nagsilbing patnubay sa mga impluwensya ng ibang mga kabihasnang nanggagaling sa ibang mga bansa.

3.Upang mabatid natin ang mga kapintasan sa ating panitikan at makapagsanay upang maiwasto ang mga ito.

4.Upang malaman ang ating mga kagalingan sa pagsulat at mapagsikapang ito ay mapagbuti at mapaunlad.

5.Bilang mga Pilipinong mapagmahal at mapagmalasakit sa ating sariling kultura ay dapat nating pag-aralan ang ating panitikan sapagkat tayo higit kanino man ang dapat magpahalaga sa sariling atin.


Mga sanggunian:

Jose Villa Panganiban, Panitikan ng Pilipinas
Pluma Baitang 8, pahina 8-9

Linggo, Enero 13, 2013

Pangangatwiran

PANGANGATWIRAN

Pangangatwiran - Ito ay isang pahpapahayag na nagbibigay ng sapat na katibayan o patunay upang ang isang panukala ay maging katanggap - tanggap o kapani-paniwala. Layunin nito na hikayatin ang mga tagapakinig na tanggapin ang kawastuhan ang kanilang pananalig o paniniwala sa pamamagitan ng makatwirang pagpapahayag.
(- Badayos)

- Sa pangangatwiran, ang katotohaanan ay pinagtitibay o pinatutunayan sa pamamagitan ng mga katwiran o rason.
(- Arogante)

- Ang pangangatwiran ay isang sining sapagkat ang paggamit ng wasto, angkop at magandang pananalita ay makatutulong upang mahikayat na pankinggan, tanggapin at paniniwalaan ng nakikinig ang nangangatwiran.

- Ang pangangatwiran ay maituturing ding agham sapagkat ito ay may prosesong dapatisaalang-alang o sundin upang ito ay maging mahusay at matagumpay, lalo na sa formal na pangangatwiran gaya ng debate.

- Ang pangangatwiran ay isa ring kasanayan dahil ang kahusayan ay maaaring matamo n imo man subalit hindi sa paraang madali at sa maikling panahon lamang.

Dahilan ng pangangatwiran:

1. Upang mabigyang - linaw ang isang mahalagang usapin o isyu.
2. Maipagtanggaol ang sarili sa mali o masamang propaganda laban sa kanya.
3. Makapagbahagi ng kanyang kaalaman sa ibang tao;
4. Makapagpahayag ng kanyang saloobin
5. Mapanatili ang magandang relasyon sa kanayng kapwa

Kasanayang Nalilinang sa Pangangatwiran

1. Wasto at mabilis na pag-iisip
2. Lohikong paghahanay ng mga kaisipan
3. Maayos at mabisang pagsasalita
4. Maingat na pagkilala at pagsusuri ng tama at maling katwiran
5. Pagpapahalaga sa kagandahang asal gaya ng pagtitimpi o pagpipigil ng sarili at pag-
    unawa sa mga karaniwang inilahad ng iba o pagtanggap sa nararapat na kapasyalan.

Uri ng pangangatwiran

1. Pangangatwirang Pabuod o Induktivo - nagsisimula sa mga halimbawa o partikular
    na kaisipan o katotohanan at nagtatapos sa pangkalahatang simulain o katotohanan.
2. Pangangatwirang Pasaklaw o Pedaktivo - sinisimulan ang pangangatwiran sa
    pamamagitan ng paglalahad ng pangkalahatan o masaklaw na pangyayari o
    katotohanan at mula rito ay iisa-isahing ilalahad ang maliliit o mga tiyak na pangyayari
    o katotohanan.

Paglalahad

PAGLALAHAD

Paglalahad - isang anyo ng pagpapahayag na naglalayong mabigyang-linaw ang isang konsepto o kaisipan, bagay o paninindigan upang lubos na maunawaan ng nakikinig o bumabasa. Sa Pamamagitan ng paglalahad ay nagiging ganap ang pagkatuto ng isang tao dahil nabibigyan siya ng pagkakataong makatuklas ng isang ideya o kaisipan na makapaghahatid sa kanya ng kasiyahan at kalinawan sa paksang pinag-uusapan.
Itinuturing din ang paglalahad bilang isang uri ng pagpapaliwanag ng tao ukol sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kanyang mga gawaing pangkomunikasyon. Iba't ibang pamamaraan ang gamit ng tao sa paglalahad lalo't sa parang pasalita o pabigkas.

Ngunit kapag ito ay sa paraang pasulat, mahalagang makita ang mga sumusunod upang maging epektibo sa bumabasa.

1. Gawing malinaw ang paksa at sikaping malinaw din ang pagkasulat nito.
2. Gumagamit lamang ng mga salitan at pangungusap na madaling maunawaan.
3. Sikaping maging maayos ang organisasyon.
4. Panatilihin ang makatawag pansin na simula, ang mayamang bahagi ng katawan at
    kapana-panabik na wakas.
5. Basahing muli ang isinulat at iwasto kung kinakailangan.
6. Pumili ng angkop na pamagat at isulat sa gitnang bahagi ng papel.

Mga katangian ng mahusay na paglalahad

1. Kalinawan - Malinaw ang paliwanag at angkop o tama ang mga salitang ginagamit.
2. Katiyakan - Nakafokus lamang sa paksang tinatalakay at tiyak ang layunin ng
    pagpapaliwanaga. Iwasan ang mga bagay na di kaugnay sa tinatalakay.
3. Kaugnayan- magkaugnay ang mga pangungusap o talata.
4. Diin - binibigyang diin ang mga mahahalagang kaisipang nais talakayin.

Mga bahagi ng paglalahad

1. Simula - nakatatawag-pansin; nakakaakit; nakapupukaw;nakagaganyak at nakahahatak
    ng kuryosidad.

          Ilan sa mga halimbawa ng maaring simula:

           a. Pagtatanong
           b. Pagkukwento o Pagsasalaysay
           c. Pagsipi o paghalaw ng isang saknong
           d. Paggamit ng siniping pahayag
           e. Dayalogo o usapan
           f. Makatawag pansing pangungusap

2. Katawan o Gitna - binubuo ng talatang kinapalooban ng mga pangunahin at  
    pantulong na kaisipan upang maibigay ang detalye sa isang paksa. Dapat magkaroon
    ng kaisahan, kaugnayan at diin ang mga kaisipan para hindi malito ang bumabasa.

3. Wakas - nag-iiwan ng isang impresyong titimo sa damdamin at kikintal sa isipan ng
    mamababasa. gaya ng panimula, ang paglalahad ay maaaring wakasan sa iba't ibang
    paraan. Balikan ang talakay tungkol dito na naisa-isa na sa mga naunang aralin.

Mga uri ng paglalahad
1. Pagbibigay Katuturan - napalilinaw nito ang pag-uunawa sa kahalagahan ng isang
    bagay, tao, pangyayari, dinarama o konsepto.
2. Pagsunod sa Panuto/pamamaraan - Halimbawa nito ang pagsunod sa isang recepi o 
    paraan ng paglaro ng isang uri ng laro.
3. Pangulong Tudling/Editoryal - nagpapahayag ng opinyon o palagay ng editor ng
    isang pahayagan o magasin tungkol sa napapanahong isyu.
4. Sanaysay - anyong panitikan na naglalahad ng kuru-kuro, pananaw, paniniwala at
   damdamin ng manunulat, hango sa kanyangkaranasan at sa inaakalang palagay niya sa
    katotohanan.
5. Balita - naglalaman ng mga pang-araw-araw na pangyayari sa loob at labas ng bansa.
6. Pitak - karaniwang makikita sa mga pahayagan o magazin. Naglalaman ng reaksyon,
    kuru-kuro at pansariling pananaw hinggil sa isang napapanahong isyu o pangyayaring
    nagaganap sa kanyang paligid o sa iba pang pook. Tinatawag din itong kolum.
7. Tala - paglilista ng mga bagay-bagay na dapat gawin o tandaan.
8. Ulat - paglalahad ng mga kaisipan o kaalamang nakuha, natutunan o nasaliksik mula
    sa binasa, narinig, nakita o naranasan.

Paglalarawan

PAGLALARAWAN

Paglalarawan - Ito'y isang anyo ng pagpapahayag na naglalayong bumuo ng isang malinaw na larawan sa isip ng mga mambabasa o nakikinig. sa pamamagitan ng paggamit ng tiyak na salitang naglalarwan, gaya ng pang-uri at pang-abay, malinaw na naipakikita ang katangian ng tao, bagay, lugar o pangyayari na ating nakikita, naririnig o nadarama. Napapagalaw at napakikislot din ng paglalarawan ang ating mga guni-guni, imahinasyon at nakatatawag ng paningin at pansin ng mga mambabasa.

Mga katangian ng isang mahusay na paglalarawan

1. May tiyak at kawili-wiling paksa
2. Gumagamit ng wasto at angkop na pananalita.
3. Malinaw na pagbuo sa mga larawang nais ipakita.
4. Isinasaalang-alang ang pagpili ng sariling pananaw sa paglalarawan.

            Iba't Ibang pananaw na magagamit:

a. distansya sa bagay na inilalarawan gaya ng agwat o layo nito
b. kung nasa loob o labas
c. ayon sa sariling palagay o damdamin ng naglalarawan bunga ng kanyang 
    karanasan o ng karanasan ng ibang tao.
d. ayon sa sariling palagay batay sa kanyang narinig o nabasa.

5. Pumupukaw ng higit sa isang pandamdam: Paningin; pandinig; pang-amoy; panlasa at  
    panalat.
6. May kaisahan sa paglalahad ng mga kaisipang inilalarawan
7. May tiyak na layunin sa paglalarawan.

Mga Uri ng Paglalarawan

1. Karaniwan o konkretong Paglalarawan - layunin nito ang magbigay ng kaalaman
    hinggil sa isang bagay ayon sa pangkalahatang pangmalas ng manunulat. Sa 
    pamamagitan ng tiyak na salitang naglalarawan, naipakikita ang fisikal o konkretong
    katangian. Higit na bib\nibigyang - diin sa paglalarawang ito kung ano ang nakikita at
    hindi and nilalaman ng damdamin o kuru-kuro ng manunulat.

2. Masining/abstraktong Paglalarawan - naglalayung pukawin ang guni-guni at
    damdamin ng mambabasa. Higit na nabibigyang diin dito hindi ang tiyak na larawang
    nakikita kundi ang makulay na larawang nililikha ng imahinasyon. Gumagamit ito ng
    mga salitang nagpapaganda rito gaya ng mga tayutay at iba pang mga salitang
    patalinhaga.

Mga Halimbawa ng Masining o Obstratikong Paglalarawan:

1. Paglalarawan sa Tao
Halimbawa:
Sapagkat si Susana'y mukhang angel ng kagandahan sa kanya.
(Talulot sa pagas na Lupa - Landicho)

2. Paglalarawan sa Damdamin
Halimbawa:
Punung-puno ng nakatatakot na larawan ang kanyang ulo.
(O Pangsintang labis -Tumangan)

3. Paglalarawan sa Bagay
Halimbawa:
Ang dambuhalang makinang iyon ay waring isang kapangyarihang nalalamon.
(Makina - Marisa)

4. Paglalarawan ng tanawin o Lugar
Halimbawa:
Sa sinag ng bukang - liwayway ay tila nga naman nag-aanyayang kung paano ang bahay na malaki. Tisang balot ng lumot sa bubong ay tila nagliliwanag. pati ang kurtinang gagalaw-galaw sa marahang simoy ng hangin ay tila kumakaway.
(Kasalan sa Malaking bayan - Pineda)

Pagsasalaysay

SINING NG PAGSASALAYSAY
Pagsasalaysay - Ito ay nagsasaad ng mga pangyayari o karanasang magkaugnay. katulad ito ng pagkukwento ng mga kawil-kawil na pangyayari, pasulat man o pasalita.Itinuturing ito na pinakamasining, pinakatanyag at tampok na paraan ng pagpapahayag. Ito rin ang sinasabing pinakamatandang uri ng pagpapahayag sapagkat dito nagsimula ang alamat; epiko at mga kwentong bayan.

Pagpili ng Paksa - Ito ang unang mahalagang hakbang sa pagsulat ng salaysay.        
                                Kailangan ito ay maganda at kawili-wili. Bukod dito, mahalaga rin
                                ito ay napapanahon at may dalang pakinabang o kabutihan sa mga
                                babasa.

Ilan sa mga dapat isaalang-alang sa pagpili ng paksa ay ang mga sumusunod:

1. Kawilihan ng Paksa - Dapat ay likas na napapanahon; may mayamang
    damdaming pantao, may kapanapanabik na kasukdulan, naiibang tunggalian, at
    may malinaw at maayos na paglalarawan sa mga tauhan at tagpuan.

2. Sapat na Kagamitan - mga datos na pagkukunan ng impormasyon.

3. Kakayahang Pansarili - ang pagpili ng paksa ay naaayon din sa kahusayan at
    hilig ng manunulat.

4. Tiyak na Panahon o Pook - ang kagandahan ng isang kwento ay nakasalalay
    sa malinaw at masining na paglalarawan ng panahon at pook na pinangyarihan
    nito. kaya, mahalagang iwasan ang labis na paghaba sa panahong sakop ng
    salaysay at pagbangggit ng napakaraming pook na pinangyarihan ng salaysay.

5. Kilalanin ang mambabasa - sumusulat ang tao hindi para lamang sa kanya
    pansariling kasiyahan at kapakinabangan kundi para sa kanyang mga
    mambabasa.

ANG MGA MAPAGKUKUNAN NG PAKSA

1. Sariling karanasan - pinakamadali at pinakadetalyadong praan pagsasalaysay ng
                                       isang tao sapagkat ito ay hango sa pangyayaring naranasan ng
                                       mismong nagsasalaysay o  magasasalaysay.
 2. Narinig o napakinggan sa iba - maaring usapan ng mga tao tungkol sa isang
                                                          pinagtatalunang isyu, mga balita sa radyo at
                                                          telibisyon at iba pa. Subalit, tandaan na hindi lahat ng
                                                          narinig sa iba ay totoo at dapat paniwalaan.
                                                          mahalagnag tiyakin muna ang  katotohanan bago
                                                          isulat.
 3. Nabasa o Napanood - mga palabas sa sine, televisyon, dualng panteatro at iba pa.
 4. Likhang - isip - mula sa imahinasyon, katotohanan man o ilusyon ay makalikha ng
                               isang salaysay.
 5. Panaginip o Pangarap - Ang mga panaginip at hangarin ng tao ay maari ring 
                                             maging batayan ng pagbuo ng salaysay.


Katangiang Dapat Taglayin ng Salaysay

1. Ang pamagat ay maikli, orihinal, kapana-panabik at napapanahon
2. Mahalaga ang paksa o diwa
3. Maayos at di - maligoy ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari
4. Kaakit-akit na simula. Kasiya-siyang wakas

Mga Bahagi ng Salaysay o Kwento

1. Simula
2. Tunggalian
    a. Tauhan laban sa ibang tauhan sa kwento
    b. Tauhan laban sa sarili
    c. Tauhan laban sa kapaligiran o kalikasan
3. Kasukdulan - ito ang kapanapanabik ng bahagi ng isang kwento.
4. kakalasan - ito ang nagbibigay linayw sa mga tanong na nagpanabik sa mambabasa sa
                       bahaging kasukdulan. dahan - dahang bumababa ang pananabik ng  
                       mambabasa.
5. Wakas - kahihinatnan ng mga tunggalian sa kwento. Dito rin ipinapahayag ang
                  mahalagang kaisipan o mensahe sa kwento.

MGA URI NG SALAYSAY

1. Kwento ng Tauhan - Binibigyang - halaga sa kwento ang kilos, galaw, pananalita at
    kaisipan ng isang tauhan.
2. Kwento ng Tagpuan - Binibigyang - diin ang lugar na pinangyarihan sa kwento.
3. Kwento ng Banghay - Higit na pinahahalagahan sa kwento ang makabuluhang
    pangyayari at kalagayang ginagalawan ng mga tauhan.

MGA ANYO NG SALAYSAY

1. Maikling Kwento - nagdudlot ng isang kakintal sa isip ng mga mambabasa sa
    pamamagitan ng paglalahad ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng tauhan.
2. Tulang Pasalaysay - patulong pasalaysay ng mga pangyayari na gumagamit ng
    pananalitang matalinhaga.
3. Dulang Pandulaan - binibigyang diin dito ang bawat kilos ng mga tauhan, ang 
    kanilang panlabas na kaanyuan kasama na rito ang kanilang pananamit, ayos ng buhok
    at mga gagamiting mga kagamitan sa bawat tagpuan. Ang kwentong ito ay isulat upang
    itanghal.
4. Nobela - nahahati sa mga kabanata; punung - puno ng mga masalimuot na pangyayari.
5. Anekdota - pagsasalaysay batay sa tunay na pangyayari
6. Alamat - tungkol sa pinagmulan ng isang bagay o anuman sa paligid.
7. Talambuhay "Talaan ng Buhay" - pangyayaring naganap sa buhay ng isang tao
    mula simula hanggang kamatayan.
8. Kasaysayan - pagsasalaysay ng mahalagang pangyayaring naganap sa isang tao, pook
    o bansa.
9. Tala ng Paglalakbay (Travelogue) - pagsasalaysay ng isang pakikipagsapalaran,
    pagbibiyahe o paglalakbay sa ibang lugar.